Kabanata 33. Ang Malas Talaga

Hindi ko gaanong maramdaman ang Valentine's Day sa Aklan kasi halos buong umaga, tambay kami ng airport. Buong maghapon naman, naubos sa biyahe habang nag-aalala ako sa buhay ko kung makakauwi pa ba 'ko nang buo sa bahay namin.

Kaya nga pagtapat na pagtapak namin sa dining area, saka ko lang na-digest na Valentine's Day na nga kasi may mga cake na hugis heart, ang daming handa, may pa-bouquet of roses pa, may red balloons na nakalutang sa hangin na hinarangan na lang ng kisame ang paglipad.

Yung mesa nila, makapal na glass 'tapos cushioned ang dining chairs na kulay gray. May glass chandelier din sa itaas pero hindi ganoon kaenggrande gaya sa labas. Puti ang pintura sa paligid 'tapos may isang bintana sa dulo na gray din ang kurtina. May mga painting sa dingding, at kung hindi ako nagkakamali, minsan ko nang nagamit itong image ng dining area nila sa background ng lifestyle magazine.

"Baby, dito ka sa tabi ni Lola Mami."

"Lola Mami, may balloons!" pagturo ni Chamee pagsampa niya sa upuan katabi ni Boss Ruth.

"Gusto ng baby ko ng balloons?"

"Si Babi, bibili niya kami balloons ni Ninicorn ta's idadala kami sa Hello Kitty Castle ko. 'Tsaka idodorwing siya malaki na balloons sa computer ta's iko-color ko po."

"Ang daldal talaga," bulong ko sa gilid kasi ito na naman kami, mag-iingay na naman si Chamee.

"Lola Mami, dadami palawers, o!"

Nagturo na naman, Diyos ko, nakakahiya na talaga.

"Gusto mong flowers, anak?" Si Vice na ang kumuha ng isang stem ng rose para ibigay kay Chamee. "Ito, may flower si Lolo for you."

"Tenchu po, Lolo!" masayang sagot agad ni Chamee saka sabay-sabay naming hinabol ng tingin kasi biglang tumakbo.

"O, saan pupunta?" tanong pa nila sa anak ko.

Biglang lumapit si Chamee kay Alyna saka ibinigay sa katabi ko yung rose. "Mima, meron ako palawer para sa 'yo!"

"Aw . . . thank you, Mimi."

Sinimangutan ko na lang si Chamee na patakbo pabalik kay Boss Ruth. At doon talaga niya gustong maupo, ha.

Taksil talaga 'tong batang 'to.

Naupo na kami sa mesa pero hinayaan ko nang katabi ni Alyna ang daddy niya at ako sa katapat na upuan ni Chamee.

"All right, this is a good day," sabi ni Vice. "Sandro, lead the prayer."

"Ho?" Biglang nanlaki ang mga mata ko sa inutos sa 'kin.

Ako? Magli-lead ng prayer?

Tiningnan ko pa si Alyna na nakangiti sa akin. Yung tingin niya, parang sumisigaw ng, "Go na. Pray ka na."

Paglipat ko ng tingin kay Boss Ruth, ganoon din siya. Parang tsini-cheer ako gamit ang mata.

Hindi kaya magliyab ako nito rito?

"Ehem." Ilang na ilang pa 'kong nagsalikop ng mga kamay saka bahagyang yumuko. Sinilip ko silang lahat na kalmado lang na nagsalikop ng mga kamay saka nakapikit—mabuti nakapikit! "Uhm . . ." Potek, ano ba'ng sasabihin ko? Angel of God? Kinakabahan ako, anak ng kamote. Hindi pa naman ako paladasal. "Uhm . . . Dear Lord."

Natigilan ako nang may sumipa sa paa ko. Si Alyna, nakadilat 'tapos pinagbabantaan ako ng tingin.

Ano ba kasing sasabihin ko? Our Father?

"Uhm, nagpapasalamat po ako sa araw na ito . . . na nakarating po kami nang ligtas dito at buhay pa kaming pare-pareho—"

Pagtingin ko kay Alyna, napatampal agad siya ng noo.

Ano ba kasi? Tama naman, a!

". . . at ano po. Salamat po sa masarap na pagkain, saka sa cake . . . saka sa roses . . . saka sa ano—"

"Thank you po sa lahat ng blessings, Lord. AMEN," putol agad ni Alyna saka siya umupo nang maayos habang masama ang tingin sa akin.

Tiningnan ko rin siya para magtanong kung anong problema niya. Pinandilatan lang ako saka parang sinasabi ng mukha niya na kung ano-ano ang sinasabi ko.

E ano ba kasing sasabihin ko? Tama naman yung prayer ko, a.

Paglipat ko ng tingin kina Boss Ruth, mukhang wala namang problema sa dasal ko. Itong si Alyna lang naman ang OA.

"Baby, eat mo itong lasagna. Yummy 'to. Manang, di ba, may sherbet sa ref?"

"Titingnan ko ho, ma'am. Baka ho kinain ni Sir Jared."

"Dumaan ba rito si Jared kanina?"

"Oho. Kasama ho si Ma'am Racquel."

"Bakit hindi ako hinintay?"

Sumagot si Vice. "May date daw sila, alam mo namang Valentine's ngayon."

"Si Resty, dumaan?"

"Bukas daw ho dadaan, ma'am. Nasa Siargao pa sila pero tumawag kanina, pinahahanda yung kuwarto sa taas."

Napasulyap ako kay Boss Ruth habang sumisimple ako ng sandok sa carbonara. Ang bigat ng buntonghininga niya pero nakahinga ako nang maluwag kasi wala ang mga kuya ni Alyna rito. Hindi na magagatungan ang kaba ko.

Gusto kong kumain nang kaunti kasi hindi talaga ako nakakain nang maayos mula pa kaninang umaga. Para kasing namimilipit ang sikmura ko sa nerbyos. Hindi na rin naman ako makatanggi.

"Sandro, may kalderetang kambing dito. Specialty 'to ni Manang. Masarap ang kambing namin dito sa Tagaytay."

"O-oho, salamat ho, Vice."

Lunok na lunok na lahat ng pride ko rito. Busog na busog na nga ako kalulunok ng takot ko e.

"Daddy, doon si Chamee matutulog sa kuwarto, ha?"

Napahinto ako sa pagnguya dahil sa sinabi ni Boss Ruth.

"Sure, no problem."

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.

Ako, hindi ako tatanungin kung pumapayag ako?

Naghintay akong tanungin ni Boss Ruth kung papayag ba 'ko. Pinanood ko siyang punasan ang pisngi ni Chamee na puro sauce ng lasagna. "Baby, tabi tayo matutulog mamaya, ha? Doon ka kay Lola Mami."

"Opo!"

Aba, magaling! Pati itong anak ko, hindi man lang nagdadalawang-isip?

"Malikot ho matulog 'yan, Boss," sabi ko agad.

Biglang natawa si Vice. "Si Aly, noong bata, ay, Jesus Ginoo. Pagmulat ko na lang, yung paa niya ang nasa mukha ko na."

"Dad! Hindi kaya!" depensa agad ni Alyna.

"Hindi 'yan makakatulog nang maayos kapag hindi nayayakap. Ang hilig-hilig mangyakap kundi iiyak agad kapag hindi nasunod."

"Ay, grabe ka talaga sa 'kin, Daddy."

"Hayaan mo na, Daddy, katabi naman niya ngayon si Sandro."

Bigla akong naubo sa sinabi ni Boss. Napainom agad ako ng tubig doon. Nabulunan ako, pota.

"Sabi niya kanina, manliligaw pa lang daw siya."

"Manliligaw ka pa lang, Sandro?" tanong bigla ni Boss Ruth sa 'kin na parang nakakagulat ang sinabi ni Vice. "Akala ko ba, matagal nang kayo?"

"Boss, saan galing 'yan?" tanong ko rin.

"Alam ng buong team!"

"'Tapos hindi ko alam?" Napasapo agad ako ng noo. Ano bang mga tsismis ang kumakalat sa trabaho namin at ganito na ang pinag-uusapan namin dito?

"Sabi ko nga kay Aly, you're a good man naman, bakit hindi na kayo magpakasal. 28 naman na si Aly, pawala na 'yan sa kalendaryo, ano ba'ng problema?"

"Mami!" sagot ni Alyna. "Nag-iipon pa kasi si Sandro ng pang-college ni Chamee. Saka hindi naman 'to rush."

"Pero may balak ka ba, hijo?" tanong ni Vice na nagpahinto ng paghinga ko.

Yung tingin niya, seryoso na, mukhang nagbabanta.

Pota. Baka kapag sinabi kong wala, tagain ako bigla nito sa leeg.

"Oho. Me-meron ho."

"Meron naman pala e."

Biglang gumaan ang hangin sa mesa at napahawak si Alyna sa kamay ko habang nakangiti.

"May sarili ka na bang bahay?" tanong ni Vice.

"Yung ano ho . . . yung apartment kung saan kami nakatira, fully-owned na ho yung unit. Akin na ho iyon."

"Wala kang balak kumuha ng house and lot?"

Napahugot ako ng hininga pero confident naman akong sumagot. "Bago ho ipanganak si Chamee, may balak na ho talaga akong kumuha ng bahay at lupa sa Bulacan. Kaso nga lang, hindi ko na itinuloy kasi yung apartment ho . . . may sentimental value ho kasi. Inayos ho kasi ng best friend ko 'yon para sa anak niya bago siya mawala. Yung pambili ko ng bahay, sa pag-aaral na lang ho ni Chamee napunta saka sa ilang investment. Pero may balak ho ako ngayong bumili. Nabanggit ko naman kay Alyna 'yon na para hindi na siya bumabiyahe palagi, dito na lang kami sa malapit sa kanya."

"I see." Tumango-tango naman si Vice.

"Si Carmiline, Daddy, sabi niya, gusto niya rito sa bahay."

Pasimple akong umirap sa gilid. Ito si Boss, paladesisyon din e. Wala namang sinasabi yung anak ko, siya lang ang nagsasalita.

"Daddy, let them stay here. Gusto ko talagang dito na lang si Chamee. Di ba, baby, gusto mo kay Lola Mami? Dito ka na lang sa 'kin. You want teddy bears saka maraming dress? Ibibili ka ni Lola Mami ng maraming toys."

"Opo!"

Gusto ko lang namang kumain nang matiwasay, bakit naman ganito? Yung stress ko sa Aklan, triple rito sa Tagaytay!

"Wala namang problema sa akin," sabi pa ni Vice sabay tingin sa akin. "Mahal mo naman ang anak ko, hindi ba?"

"Ho?" Nanlaki ang mga mata ko nang tiningnan ang daddy ni Alyna. Sunod ang katabi kong nag-aabang ng sagot ko. "Ano ho . . ."

"Mimi, love ba ni Babi si Mima mo?" tanong ni Boss sa anak ko.

Tumango agad nang malaki si Chamee. "Love ni Babi si Mima! Lagi sila yayakap nang ganto. Ta's iki-kiss ni Babi si Mima sa dito. Saka sa dito. Tais bibigay siya marami na palawer kay Mima. Sasabi ko kay Mima tutulog siya sa Hello Kitty Castle ko pero tatabi sila tutulog ni Babi. Si Ninicorn na lang itatabi ko palagi."

"Ah! Hahaha! Oh my goodness."

"Diyos ko, Lord." Napatakip na lang ako ng mukha habang nahihiya sa pinagsasasabi ng anak kong madaldal.

Wala na! Sirang-sira na ang imahen ko sa pamilya ni Alyna! Lupa, pota, lamunin mo na 'ko ngayon na mismo. Gusto ko na lang magkusang tumalon sa bangin diyan sa terrace.



Alam ng mundo kung anong kapal ng mukha ang kinailangan kong ilabas para lang makatagal sa mesa kung nasaan ang magulang ni Alyna habang inilalaglag ako ng anak kong nagmana sa Mima niya ang bibig.

Pagkatapos kain, sabi ni Alyna, doon muna ako sa kuwarto niya saka puwede akong gumamit ng banyo kung kailangan ko. Hindi ko naman tinatanong kung kailangan ko bang magbanyo, basta sinabi lang niya. Nagtago agad ako sa kuwarto kasi kapag nakita ako ni Vice nang ako lang, baka mag-harakiri ako sa harapan niya.

Si Chamee kasi ang kinakausap nila. E yung anak kong madaldal, kung nakapatay ako ng tao, malamang pati 'yon, ikinuwento na rin.

Close lang naman kami ni Alyna! Ako, 'yon ang alam ko at nakikita ko. Nataon lang na wala akong ibang ka-close kundi si Alyna lang. Pero kung makapagkuwento naman si Chamee, para namang pinakatago-tagong kabit ako ng Mima niya. Itong batang 'to, dapat talaga rito, pinatatahimik e.

Pagpasok ko sa kuwarto ni Alyna, parang nahiya ako sa apartment namin kasi yung buong apartment namin, kalahati lang ng kuwarto niya.

Pagbukas ng pinto, patay ang ilaw pero may liwanag sa loob. Yung buong kaliwang side, doon ang kama niya—dalawang double deck na namin na pinagtabi ang laki. May wall lamp na yellow light sa gilid. May malaking painting ng Taal sa itaas ng headboard, may mababang mesa sa magkabilang gilid. 'Tapos floor to ceiling na bintana sa kaliwa na tanaw ang Batangas sa ibaba.

Itong kanan naman ang nagpangiti sa akin. Office niya na ito, malamang. May dalawang malalaking computer monitor sa harapan. May violet na gaming chair. Sa left side, may Wacom Cintiq na 21 inches ang laki. Yung akin nga, 15 inches lang. Ang mahal kasi, nasa 60 thousand ang isa. Hile-hilera ang file cabinet niya sa kanan 'tapos tatlo-tatlo ang printer sa dulo.

Gusto kong maiyak. Dream office ko 'tong ganito, p're!

Kaso habang nagtatagal ako sa puwesto ko na hindi ganoon kalamig, napansin kong parang iba ang amoy. Akala ko, sa upuan, pero hindi. Amoy Alyna. Pagtayo ko, inamoy ko agad ang T-shirt ko.

"Ay, potek." Napangiwi agad ako kasi amoy pawis ako.

Putaragis, bakit amoy pawis ako?!

Wala man lang nagsabi sa 'king ang asim ko na?

Talaga bang mag-iipon ako ng kahihiyan sa bahay na 'to?

Sabi ni Alyna, puwede naman akong makigamit ng banyo kanina pagpasok ko—ah. Kaya pala ako sinabihan. Hindi na lang idinerekta sa 'kin na, "Hoy, Sandro, amoy putok ka na, maligo ka na nga."

Iba rin e.

Dito raw sa kuwarto niya inilagay ang mga gamit ko kaya pagpunta ko sa banyo. Sobrang ginhawa ng naramdaman ko kasi ang lamig sa labas pero mainit sa loob.

Ang ganda ng banyo. Black and white ang interior. Black sa right side kung nasaan ang shower na may glass door na harang. White naman kung nasaan ang toilet bowl at kaharap ng shower ang toilet sink saka bilog na salamin.

Parang gusto ko nang tumira dito.

May naka-ready nang itim na towel doon kaya nagmadali agad akong maligo bago pa ako maabutan ni Alyna.

Si Chamee, na-arbor na nang tuluyan ni Boss Ruth para doon matulog. Hindi na nga ako kilala ng anak ko. Basta inalok ng Lola Mami niya, opo lang nang opo. Nagpapabudol naman. Tinuruan ko na 'yong huwag magpapabudol sa ibang tao pero ang bilis talagang utuin. Mapagalitan nga pag-uwi.

Sina Vice, magse-celebrate pa rin daw ng Valentine's Day kahit na umeepal ang anak ko sa kanila. Si Boss Ruth, ayaw papigil e.

Bahala na sila diyan. Basta buo pa ang katawan ko, nakakahinga pa 'ko, ayos na rin.

Paglabas ko ng kuwarto, hinanap ko agad ang mga gamit ko.

"Saan na naman kaya inilagay ni Alyna yung bag ko?"

Masyadong malawak ang kuwarto para hindi ko agad makita. Wala nga siyang cabinet, nagtataka ako kung bakit. Kinapa-kapa ko ang dingding kasi baka may hidden door, malay ko ba.

"Sandro."

"Anak ka ng—ano ba?" Napasimangot agad ako nang magulat ako roon sa nagsalita.

Hindi siya sumagot, tinaasan lang ako ng kilay saka ako hinagod ng tingin mula ulo hanggang paa.

Pati ako, nakihagod din ng tingin sa sarili ko.

Naka-towel lang ako. O, 'tapos? May angal siya?

"Nasaan ang mga gamit ko?" tanong ko agad.

"Uhm . . ." Ayaw talagang alisin sa katawan ko ang tingin.

"Alyna, isa."

"Hmm . . ." Ipinatong pa niya ang siko sa isang palad saka tinapik-tapik ng daliri ang bibig.

"Dalawa."

"Nasa akin."

"Alam ko, akin na. Nilalamig na 'ko rito."

Kinagat niya agad ang labi saka isinara ang pinto.

Ay, pota. Ito na naman kami.

"Lyn, nasa bahay tayo ng tatay mo, gusto mo 'kong mamatay?" Umatras agad ako habang naglalakad siya papalapit sa 'kin.

"Nasa taas naman sina Daddy."

"Alyna," banta ko agad kasi bigla siyang naghubad ng T-shirt.

Umatras pa 'ko nang umatras habang dinuduro siya. "Alam ba ng mga magulang mo na ginagapang mo 'ko tuwing gabi? Gusto mong isumbong kita?"

"Isa lang."

"Walang isa-isa lang dito, hindi ko bahay 'to. Ay, put—" Lalong nanlaki ang mga mata ko nang maghubad na rin siya ng shorts. 'Tang ina, please naman, huwag dito!

"Isa lang, promise."

"Alyna, isa—ay, potek." Bumagsak agad ako sa malambot na bagay pag-atras ko. Yung kaba ko, mas lalong lumakas habang lalo siyang lumalapit.

"Nasa taas naman sina Daddy."

"Alyna, puwede ba? Kung gusto mo, doon na lang sa bahay, kahit buong araw pa! Huwag dito, pota, kapag binato ako ng tatay mo sa bangin, ewan ko na lang."

Lalo pa 'kong umatras hanggang bumangga ako sa may headboard. Ginapang na naman niya 'ko hanggang sa magtapat na naman ang mukha namin habang nakaupo ako nang alanganin.

Bigla niya akong tinawanan paghinto naming pareho.

"Ang KJ mo!" sabi pa niya.

At ako pa, ha?

"Love mo 'ko?"

Mula sa dim light ng wall lamp na nasa itaas namin, parang mas lalo lang nagliwanag ang mukha niya pagkangiti niya sa 'kin.

Kung bakit naman kasi dito pa sa bahay nila e. Sana doon naman kami sa lugar na hindi ako nenerbyusin kung sakaling may gawin man kaming kung ano.

"Lyn, gusto ko pang mabuhay."

Ngumuso siya. "Bakit ayaw mo 'kong sagutin?"

"Alyna, mahal kita pero puwede, doon na lang tayo sa hindi tayo pagagalitan, hmm? Saka kung puwede lang, akin na yung mga damit ko kasi giniginaw na talaga 'ko rito sa inyo."

"Kiss mo muna 'ko."

Bigla akong sumimangot. "Ayoko."

"Ay." Ngumuso na naman. "Isa lang."

"'Yang isa na 'yan, alam ko na 'yan e. Mamaya, uungol-ungol ka na diyan."

Bigla niya 'kong tinawanan nang malakas. Baliw talaga 'to, ibalibag ko na kaya 'to sa labas?

"Ang cute mo, Sandro."

"Alam ko kaya akin na yung mga damit ko."

"Kiss muna bago ko ibigay."

"Isa."

"Kiss."

"Dalawa."

Ngumuso ulit siya habang nakapikit. "Hindi ko ibibigay yung damit mo, bahala ka diyan."

Nakakabuwisit talaga 'to. Lahat na lang!

"Isa lang, ha."

Isinilid ko agad ang kanang kamay ko sa leeg niya at saka ako lumapit. Marahan kong idinampi ang labi ko sa kanya saka ako bahagyang lumayo.

"Akin na ang damit ko."

Nakapikit pa siyang ngumiti. "Isa pa."

"Ang tigas ng ulo."

"Isa na lang, promise. Gusto ko matagal."

"Kutusan kita nang matagal, gusto mo rin?"

"Isa na lang, sige naaa."

Ang tigas talaga, ang kulit kausap. Pupulmonyahin na 'ko rito.

Hinawakan ko na siya sa magkabilang pisngi saka ko siya ulit hinalikan. Nararamdaman ko pang napapangiti siya at pabuka pa lang ang bibig ko nang biglang may sumigaw.

"Sandro!"

Bigla ko siyang naibagsak sa gilid ko saka ko tinambakan ng kumot at nagtakip agad ako ng isang unan sa kandungan ko.

"Yes, Boss!"

Ang bigat ng paghinga ko pagbukas ng pabilog na flourescent light sa gitna ng kisame.

"Oh." Bigla akong nahagod ng tingin ni Boss Ruth habang nakaawang ang bibig niya. "Are you naked?"

"Uhm . . . wala akong damit . . . Boss." Yung ngiti ko, para 'kong dina-diarrhea na.

"Is Aly here?"

"Yes, Mami," sagot ni Alyna sa loob ng kulumpon ng kumot.

"Oh." Pagbaba niya ng tingin sa sahig, kahit ako, nanlaki rin ang mga mata kasi naroon ang mga bihisan ni Alyna. "Oh! Okay. I see." Ibinalik sa akin ni Boss Ruth ang tingin niya. "Tomorrow, 8 a.m. sharp, files sa email ko. I'll be expecting that."

"Noted, Boss!"

"And . . ." Naniningkit pa ang mga mata niya habang tumatango-tango. ". . . I want a baby girl, okay?" Pumunta na agad siya sa pinto saka pinindot ang lock doon. "Next time, lock the door, ha? All right, sex well."

Pota.

Lupa, lamunin mo na 'ko ora mismo.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top