Kabanata 32. Ang Parents
Hindi ito ang inaasahan ko pagpunta ko rito sa Tagaytay, lalo pa, kasama ko ang anak ko. Kasi kung ako lang, hindi naman sa hindi ako proud kay Chamee, pero hindi kasi talaga ideal na dadalhin mo ang anak mo kung ipakikilala mo ang sarili mo sa tatay ng babaeng gusto mong pormahan. Kasi magtatanong agad 'yon e. Sasabihin, may anak ka na pala sa iba 'tapos yung anak ko naman ang kakanain mo. Hindi magandang tingnan kung ako ang tatay ni Alyna.
Pero kung tutuusin, wala naman talaga akong kasalanan. Single ako, wala akong naging girlfriend na legit. Marami akong napormahan pero yung naging kami na legal talaga, wala e.
Si Chamee, hindi rin naman akin talaga. Pero anak ko pa rin 'yon kahit hindi galing sa 'kin 'yon.
Kaya nga yung pagkasabog ko nang malaman kong kilala pala ako ng tatay ni Alyna, parang hindi kayang i-digest ng sikmura ko e.
Sabi niya, tawagin ko na raw siya ng kahit ano huwag lang sir. Ayoko namang tawaging tito o kaya papa, ang kapal naman ng apog ko n'on. Kaya nga ginaya ko na lang ang mga maid nila. Vice na rin ang tawag ko sa kanya.
Makuwento siya. Oo lang ako nang oo. Si Chamee, hinayaang asikasuhin ng maid nila na Jennifer ang pangalan.
Nasa may terrace pa rin kami pero malapit sa dulo, doon sa may bangin. Ayokong lumapit sa may railings, baka bigla akong itulak e. Palakad-lakad lang kami habang nagtatanong-tanong siya ng tungkol sa 'kin.
"Sa Bukang-Liwayway, minsan na kaming nakipag-partner sa kanila. Minsan, nakakasabayan namin sa donation drive. Nakapag-ribbon cutting na rin kami sa kanila dati. Galing ka pala roon."
Napatango-tango ako habang nakasunod sa kanya. "Inampon naman ho ako ng lolo ni Chamee noong eight years old ako. Sila ho ang nag-alaga sa 'kin. Magkasama kami ng tatay ni Chamee na lumaki."
"Si Aly, anak din 'yan ng kababata ko sa Batangas. Ang nanay niyan, dating mayor dito sa Tagaytay. Ang tatay niya ang kasama ko noon sa Bauan, sa may Batangas. Na-ambush ang van nila noong panahon pa ni Ramos, siya lang ang nakaligtas. E, 'ka ko, kawawa naman yung bata, walang kukuha, inampon ko na. Si Ruth pa naman, gusto ng anak na babae. Hindi pa 'ko nagtatanong, pumayag na agad na kunin siya."
Yung takot ko para sa sarili ko, parang lalong nadagdagan sa naririnig ko tungkol kay Alyna.
Ang saklap naman ng na-ambush. 'Tang ina, ang saklap na nga ng aksidente sa motor nina Pol at Gen, 'tapos malalaman ko na ganito? Hindi ko malunok yung na-ambush na parte sa magulang ni Alyna.
"Maliit pa 'yan siya. Kasing-edad lang yata ng anak mo noong nangyari. Pero alam naman niya kung sino ang mga magulang niya, kinukuwento naman namin. Saka ayoko ng nararamdaman niya na parang hindi siya anak o ano. Paborito 'yan ng lolo niyan, yung daddy ni Ruth. Madaldal kasi. E yung lolo niya, madaldal din. Mana-mana na sila."
Gusto ko rin sanang sabihin na yung anak ko, nahawa na rin, kaso baka sabihin ni Vice, sinisiraan ko si Alyna sa harapan niya.
"Gener, nasaan na ang anak mong magaling?"
Nanlaki agad ang mga mata ko nang marinig ang boses ni Boss Ruth. Yung kaba ko kanina na patong-patong na, trumiple pa! Putaragis, yung boss ko, nandito na.
"O, nandiyan na pala si Mami. Ma! Come here."
Ang bilis ng higop ko ng hangin saka ko pinigil nang pandilatan ako ng mata ni Boss Ruth mula roon sa glass door.
"Sandro! Oh my goodness, at last, nakarating ka rin ditong bata ka!" Ang bilis ng lakad niya palapit sa 'kin kaya napahakbang ako paatras.
"Ih!" Napatalon ako nang kaunti sa puwesto ko nang bigla niya 'kong hampasin sa braso. "Boss naman!"
"Sabi ko, dumaan ka dito noong Christmas, bakit hindi ka dumaan?"
"Boss, busy ako!"
"Busy ka, nakikita ko yung mga FB post mo, tumatambay ka lang sa bahay!" Sunod-sunod ang hampas niya sa 'kin kaya sinalag ko agad.
"Boss, busy ako, promise! Nagpapa-rush nga kasi si Lyn ng portfolio para sa New Year's Event, di ba?"
"May office siya rito. Kaya mo 'yong gawin dito sa bahay! Ikaw, magdadahilan ka pa. Nasaan ang baby ko?"
Biglang bumagsak ang ekspresyon ko kasi nandito na naman kami.
Ina-arbor niya kasi sa 'kin si Chamee.
E sabi ko nga, anak ko 'yon, bakit niya aarborin? Tingin niya naman kay Chamee, T-shirt?
"Yung bata, kasama ni Jennifer," sagot agad ni Vice.
Biglang dumeretso ng tayo si Boss Ruth saka ako nginitian nang hindi katiwa-tiwala. "Very well."
"Boss, saglit lang." Hinabol ko agad siya pero hindi natinag, naglakad agad pabalik sa loob.
"Carmiline, baby, come here kay Lola Mami!"
"Boss naman!"
Napalingon na lang ako kay Vice kasi natatawa na lang sa akin habang napapailing. "Hayaan mo na si Ruth. Nami-miss lang niyan magkaroon ng baby rito sa bahay."
"Sundan ko lang ho, a?" Hindi na ako naghintay ng sagot, hinabol ko na sila sa loob.
Ito kasi si Boss, parang Alyna rin. Kung makapandemonyo kay Chamee, doble sa Mima niya.
"Aw, ang baby ko! Come here, dali, dali!"
"Lola Mamiii!"
Ayan na nga ba'ng sinasabi ko.
Nakilala ni Boss Ruth si Chamee noong second birthday ng anak ko. Traveler's Dawn team kasi ang nagpa-post celebration ng party para sa bata. Tuwang-tuwa si Boss kasi bibo si Chamee kaya kung hingin sa 'kin, parang tuta lang ang anak ko.
Sinalubong agad siya ng yakap ni Chamee. Nahiya naman ako sa anak ko kasi naka-dress si Boss na puti at puro pa perlas ang alahas mula hikaw hanggang kuwintas. Baka lang marumihan ang damit.
"Lola Mami, mi-miss ko na ikaw!"
"Aw, I miss you too, baby. Kiss mo si Lola Mami."
Mas kinakabahan na tuloy ako na baka hindi na nga kami makaalis dito. Kung kaya ko pang makipagsagutan sa mga magulang ni Gen at ipaglaban ang karapatan ko, dito kina Alyna, parang kapag nag-walkout ako, may babaril sa 'kin sa kung saan e.
"Lola Mami, isasakay kami ni Babi sa erpleyn!"
"Sumakay ng airplane ang baby ko? Sabihin mo sa Babi mo, dito ka na lang sa 'kin para every day sasakay ka sa airplane."
Ay, pota. Ito na nga ang kinatatakutan ko e.
Diyos ko, Boss, maawa ka sa 'kin. Wala akong panapat sa deal mo, parang awa mo na.
Pisteng yawa, kahit isuko ko lahat ng pera ko sa bangko, hindi ko matatapatan ang alok nito sa anak ko e.
"Tingin ng teeth."
Inilabas naman ni Chamee lahat ng ngipin niya habang hawak siya sa baba ni Boss.
"Very good, buo pa ang mga ngipin. Nagto-toothbrush ba palagi si Baby Chamee?"
"Opo! Iba-brush kami ni Babi ng teeth palagi!"
"Very good naman. Tingin ng hands."
Lumipat naman siya sa mga kamay ni Chamee. Malinis naman 'yan, pinunasan ko agad ng wet wipes pagkatapos kain ng chocolate. Hindi rin mahaba ang kuko kasi ayokong nakakalmot ni Chamee ang mukha niya kapag tulog.
"Very good, clean din ang hands. Tingin ng ears."
Proud na proud pa si Chamee na ipinakita ang tainga niya habang nakangiting panalo.
"Ay, very good naman ang baby ko. Dahil clean si Baby Chamee, anong gustong gift mula kay Lola Mami?"
Napapabuntonghininga na lang ako habang nanlalaki ang ilong. Manunuhol na naman 'to si Boss para panigan siya ng anak ko.
"Lola Mami, gusto ko gummy worms."
"Gummy worms?" tanong pa ni Boss. "Para kang si Mima mo. Pero bibili tayo ng gummy worms bukas sa mall. 'Tapos pupunta tayong Skyranch. Sasakay tayo sa horses."
"Boss naman!"
"Ssshh!" pag-awat agad niya sa 'kin pagpaling niya sa puwesto ko. "This is my baby, okay?"
Aaarggh! Dapat talaga, hindi na 'ko sumama rito kasama si Chamee.
"Ma! Nasa office mo na yung papers, ha."
Napatingin agad ako sa may hagdan sa kanan at kabababa lang doon ni Alyna. Nakapagpalit na rin siya ng malaking puting T-shirt na halos hanggang hita ang haba saka maikling itim na shorts pati bunny slippers.
"Nagawa na ba yung Valentine's Day special?" tanong ni Boss na nagpalaki ng mga mata ko.
Shet, oo nga pala! Ako ang gagawa ng layout saka illustration doon.
"Sandro?" tanong niya agad sa 'kin.
"Naka-leave ako, boss."
Yung tingin niya, sinusukat na agad ang kaluluwa ko kung gaano kalayo ang aabutin kapag ibinato niya 'ko sa impyerno.
"Magpatulong ka kay Aly. Kailangan ko 'yon by tomorrow."
Napapikit agad ako at napabuga ng hangin. Naka-leave ako pero magtatrabaho pa rin ako?
"Tara, baby. Doon tayo sa dining, may gift sa 'yo si Lola Mami."
"Boss, saglit lang. Yung anak ko, huwag mo namang suhulan nang suhulan."
"Sandro, I'm just giving Carmiline my gifts kasi hindi mo siya dinala rito kahit noong birthday niya." Binalingan niya agad si Chamee. "Baby, sino'ng love mo sa 'min? Si daddy mo o si Lola Mami?"
Biglang lapad ng ngiti ni Chamee habang palipat-lipat ang tingin sa 'kin saka kay Boss Ruth.
"Anak." Pasimple kong itinuro ang sarili ko.
"Baby, may gummy worms ka sa 'kin."
"Lola Mami!" Niyakap niya agad si Boss Ruth habang tawa nang tawa.
"Yes, baby. Of course, kay Lola Mami ka." Naghawi pa si Boss ng buhok niyang kulay tanso ako tiningnan para magmalaki. "See?" sabi pa niya sa 'kin. "Tara sa dining. Manang, paki-ready ng cake para sa baby ko."
Ay, naku. Bakit ba ganito ang buhay ko?
"Bruh." Binangga agad ako ni Alyna sa braso. Nakasimangot lang ako sa kanya habang ang lapad ng ngiti niya sa 'kin.
"Choices pala, ha. Galing. Ang galing," sarkastikong sabi ko habang tumatango-tango.
"Hindi ko nasabi sa 'yo, magse-celebrate sina Daddy ng Valentine's Day today rito sa bahay."
"Alam kong Valentine's Day pero talagang binigyan mo 'ko ng stress ngayon."
Niyakap niya agad ako sa braso kaya lalo akong napasimangot. "Hayaan mo na si Mami. Love naman niya si Chamee e."
"Yung Mami mo, binubudol ang anak ko."
"It's okay! At least, welcome ka rito sa bahay."
"Sa sobrang welcome, parang gusto ko nang umuwi. Kasi yung anak ko, nanganganib na masanay rito."
Tinawanan lang niya ako. "E di, dito na lang kayo tumira ni Chamee."
Dinuro ko agad siya. "Alyna, alam ko na 'yang mga ganyan mo, binabalaan na kita. Kapag si Chamee, ayaw nang umalis dito, sinasabi ko na, ha."
Niyakap lang niya 'ko nang mahigpit saka ako inugoy-ugoy. "Don't worry, si Mami saka si Daddy ang bahala sa expenses ni Chamee kapag pumayag ka. Tara sa dining, baka hanapin na tayo ni Daddy for dinner. Kanina pa niya tayo hinihintay."
Parang hindi ako makakatulog nang maayos ngayong gabi rito, a. Baka paggising ko bukas, hindi na 'ko kilala ng anak ko kasi nabudol na ng Lola Mami niya.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top