Kabanata 31. Ang Dalawang Ama
Hindi ko alam kung anong oras na pero naalimpungatan ako kasi may biglang sumampal sa 'kin habang natutulog ako. Pagdilat ko, si Chamee pala, at hindi ako sinampal. Sinipa ako sa mukha. Nakabalagbag na naman ng tulog niya. Kaya hirap akong katabi 'tong bata 'to. Nagiging Kung-Fu master kapag tulog.
Bumangon agad ako para sana maghanap ng tubig kaso pagdilat ko, akala ko, ref ang bubuksan ko, bintana pala.
"Oo nga pala . . ." Napabuga na lang ako ng hangin kasi wala nga pala kami sa bahay. Pagpaling ko sa kaliwa, nakita ko agad si Alyna na busy sa laptop niya habang may iniinom na kung ano. Strawberry yogurt drink.
Dumeretso na lang ako sa banyo.
Araw na ng pagbalik namin sa Maynila. Hindi naging maganda ang pag-alis ko sa pamilya ni Geneva pero, tingin ko, mas okay na 'yon. Ang mahalaga, nakita ko ulit si Yayo.
Habang nasa banyo, na-realize ko na dati, ang plano ko talaga bago ako mamatay e yung makita ulit si Yayo kasi siya ang dahilan kaya ako nakaalis sa ampunan. Kung hindi dahil sa kanya, malamang na hindi ko alam kung nasaan na ako ngayon.
Naisip ko noon na baka mas naging maganda ang buhay ko kung kasama akong kinuha ng mama niya para tumira sa kanila. Paulit-ulit kong iniisip na sana kinuha na lang nila ako kaysa iniwan sa ampunan.
Pangarap kong makita siya ulit pagkatapos ng mga nangyari kasi siya ang dahilan kung bakit ako napunta kina Pol.
Pero pagkatapos ng lahat ng nangyari, naisip ko na . . . hindi pala lahat ng hinahabol, worth it habulin. Na kung nahabol ko man siya noon, malamang na wala ako sa kung nasaan ako ngayon. Walang Chamee, wala yung trabaho ko, wala si Alyna.
Yung goal ko noon na makita siya, hindi siya satisfying na ma-reach. Naghanap ako ng bagong pamilya sa pamilya niya na hindi ko naman nakita. At . . . kung bibigyan siguro ako ng chance na habulin ulit si Yayo kasama ang pamilya niya . . .
Malamang na hindi ko na uulitin ang ginawa ko.
O siguro, hindi ko naman na kailangang maghabol sa pamilya ng iba. Kasi bakit nga ba ako maghahabol kung meron namang tumatanggap sa akin kahit hindi ako magmakaawang tanggapin nila?
Paglabas ko ng banyo, naabutan ko si Alyna na nakatayo sa harapan ng mesa at parang nag-iisip sa mga nakalatag na papel doon. Hindi ko alam kung anong oras na pero bakit gising pa 'to?
"Madaling-araw na ba?" tanong ko paghinto ko sa tabi niya. Itinukod ko agad ang kaliwang palad ko sa mesa saka nakitingin sa tinitingnan niya.
Sumilip siya sa relo niyang panlalaki. "12:19 pa lang pero, yeah."
"Bakit gising ka pa?" tanong ko saka siya tiningnan.
"They gave me a copy ng foundations and orgs na nagpa-participate sa improvements ng tourism dito sa Aklan. Pinipili ko kung alin ang mas okay i-forward kay Mami para ilagay sa magazine. I'm thinking about FEED. Tingin mo?" Nag-angat siya ng tingin sa 'kin saka ako nginitian.
"Tingin ko? Dapat matulog ka na."
"Later, tatapusin ko lang 'to para pag-uwi natin, matutulog na lang ako whole day."
Tumango na lang ako nang marahan saka ako umupo sa tapat ng laptop niya. Pagsilip ko roon, lahat ng shot niya na mukhang sa pinuntahan niya kaninang umaga ang nakahilera na sa drive.
"Tara dito." Hinatak ko ang braso niya palapit sa 'kin.
"Uy, wait—" Alanganin ang ngiti niya sa 'kin nang ipaupo ko siya sa kandungan ko. "What's wrong? Okay ka lang?"
Mula sa liwanag ng malapit na poste ng ilaw, inaninag ko ang mukha niyang natatawa sa 'kin.
Sa totoo lang, hindi ko na nga inaasahang kakausapin pa niya 'ko pagkatapos ng sigawan sa bahay nina Yayo. Inasahan ko nang tapos na e.
"Sorry pala sa nangyari doon sa casa. Ayoko lang na kunin nila sa 'kin si Chamee. Akala ko . . . galit-galit na talaga tayo."
Biglang tumipid ang ngiti niya sa 'kin saka hinawi-hawi ang buhok ko sa bandang noo.
"I understand where you're coming from, Sandro. Naintindihan ko naman kung nadala ka ng emosyon. Alam ko namang natatakot ka lang na mawala ang baby mo sa 'yo."
"Galit ka ba sa 'kin?"
Nagpakita na naman ang ngiti niyang nang-aasar sa 'kin. "I was thinking about getting mad at you. Disappointed ako pero I think, reasonable naman yung side mo. Saka you're not the type naman na sumisigaw every now and then. And . . ." Bigla siyang kumibit na parang kinikiliti siya sa tagiliran, parang timang. ". . . you're scary."
"Scary pero kung makapilipit ka diyan, para kang bulateng inasinan."
Mahina siyang natawa saka inangkla ang kaliwang braso niya sa balikat ko. "Pero okay ka na ba? Hindi na mainit ang ulo mo?"
Saglit akong sumimangot. Hindi na nga ang mainit ulo ko, ibinabalik pa nito ang usapan e.
"Mabuti nahanap mo kami dito ni Chamee," sabi ko na lang para maiba ang topic.
"Bruh, mainit nga talaga ang ulo mo kanina. Di ba, may tracker yung phone nating dalawa. Natural, kahit saan ka pumunta, mahahanap ko kayo."
Napapikit tuloy ako at napatapik ng noo. Oo nga pala, nakalimutan ko. Nasanay na rin naman kasi ako. Nagkasundo kasi kami dati noong bago pa mag-isang taon si Chamee, kung nasaan siya, dapat alam ko kasi nga hinahanap siya ni Chamee palagi. Same din sa akin. Yung phone ko, may locator kaya kahit pa nasaan siya bumabiyahe, alam ko kung saan ko siya makikita.
Bakit hindi ko nga ba naisip 'yon?
"Hindi mo naisip, 'no?" Tinusok pa niya ang pisngi ko saka ako tinawanan.
"Tigilan mo nga 'yan." Inawat ko agad ang ginagawa niya. "Akala ko talaga, mauuna na kami ni Chamee sa Manila. Pero hindi ka nagalit sa 'kin, iniwan kita kina Yayo?"
"Uhm . . ." Nag-isip pa siya. "Tingin ko naman, maganda na ring umalis muna kayo and naiwan ako doon. At least I got I chance to talk to the family nang hindi nagkakasigawan. And besides, no hard feelings naman kung nagalit ka and you left me kasi defense mechanism mo 'yon to escape the possible threat. Some animals do that naman."
"Animals?! Tingin mo naman sa 'kin?"
Tinawanan na naman niya 'ko. Ito, namemersonal na talaga 'to e. Ito ibabato ko sa dingding, kaunti na lang.
"Simple misunderstanding lang naman 'to, Sandro. Hindi ko naman kayo pababayaan ni Chamee dahil lang sa ganito kababaw na dahilan. Saka responsibility ko rin naman na i-defend kayo kasi you're here sa Aklan because of me."
"Pero hindi ka talaga galit sa 'kin?"
Ginaya niya yung boses ni Chamee kapag nagpapa-cute. "Hindi po galit si Mima!"
Tinawanan ko tuloy. Pinisil ko nang marahan ang ilong niya saka ko nginitian. "'Ganda mo."
"Hindi ka lasing niyan, ha."
"Hindi nga ako lasing. Lahat na lang?"
"Pero love mo 'ko, Sandro?" Biglang lapad na naman ng ngiti niya.
"Hindi, kasi ang daldal mo."
"Ay." Biglang laho ng ngiti niya kaya natawa ako. "Hindi mo 'ko love? Grabe siya, nakakasama ng loob."
Ang arte talaga nito.
"Siyempre, love ni Babi si Mima," sagot ko agad. "Pero ang daldal mo pa rin."
"Yiiieee!" Bumalik na naman ang ngiti niya sa 'kin. "Papakasalan mo 'ko?"
"Kapag may pera na 'ko. Pag-iipunan ko muna yung pang-college ni Chamee."
"Pero papakasalan mo 'ko?"
"Mmm . . ." Saglit akong nag-isip.
Interesado ako, pero sa ngayon kasi, kahit may ipon naman ako kasama ng mga investment saka trust fund ko noong nakaraang tatlong taon, gusto ko talagang kay Chamee muna lahat ng 'yon. Ayokong ubos-ubos ang biyaya ko ngayon, 'tapos pagdating ng araw, nakanganga kaming pare-pareho.
"Kung payag ka siguro na hindi enggrande, baka puwedeng sa mayor's office na lang," sabi ko. "Hindi ba ako kakatayin ng tatay mo n'on?"
Biglang lapad ng ngisi niya sa 'kin kaya lalo akong kinabahan.
"Huwag mo 'kong ngitian nang ganyan, kinikilabutan ako, Alyna."
"Pagbalik ng Manila, okay lang na isama ko kayo ni Chamee sa Tagaytay bago bumalik sa Caloocan?"
"Sa . . . an?"
♥♥♥
Akala ko, yung pamilya na ni Geneva ang nakakatakot takasan mula sa Aklan.
Kahit anong pilit kong matulog, hindi na 'ko nakabalik sa tulog kasi yung kaba ko, hindi na nawala.
Pupunta raw kami ni Chamee sa Tagaytay. Pota.
Ako naman 'tong si gago, pumayag naman. 'Tang ina, ayoko nang umiwas dito. Sabi ko nga, it's now or never kasi pakshet dapat ngayon pa lang, alam ko na dapat kung saan ako lulugar.
Pagsakay sa eroplano, hindi ko na mabilang kung ilang Ama Namin at ilang Ave Maria ang dinasal ko sa loob ng isang oras. Lahat na ng kilala kong santo, tinawag ko na rin. Paulit-ulit kong ibinubulong kay Chamee na mahal na mahal ko siya habang naglilikot sa eroplano kasi ang dami raw clouds.
'Tang ina, kahit nga sa airport na pagkalakas-lakas ng air con, pinagpapawisan ako.
"Bruh, ano ba? Gusto mo ng Diatabs? Gusto mong magbanyo? Pahinto tayo sa gas station?"
Ang sama tuloy ng tingin ko kay Alyna habang nasa Uber kami papunta nga sa kanila.
"Yung anak ko, Alyna, bata pa 'to. Wala nang ibang magulang 'to kundi ako lang."
Napatakip agad siya ng bibig habang nagpipigil ng tawa.
"Sumama ako sa 'yo rito papuntang Tagaytay kasi gusto kong malaman kung mabubuhay pa ba 'ko sa mga susunod na araw. At kung oo, gusto ko ring malaman kung dapat na ba kitang alisin sa contact list ko."
"HAHAHAHA! WHAT THE F—"
"Hindi ka nakakatawa. Ibato kaya kita rito sa may bintana, makita mo."
Kinuha ko agad si Chamee na nakaupo sa pagitan namin saka siya niyakap nang mahigpit. "'Nak, love na love ka ni Babi, ha? Love mo 'ko?"
Bigla niya 'kong hinalikan sa pisngi saka ako binulungan na malakas naman. "Halabyu, Babi. Bili mo 'ko gummy worms na marami. Si Ninicorn gusto gummy worms."
"Kapag nakauwi nang buhay si Babi, bibili tayo ng maraming gummy worms sa SM para kay Ninicorn."
"Yeheeey!" At binalikan na niya si Ninicorn na kalaro niya.
Tiningnan ko agad nang masama si Alyna pagkatapos. "Kapag talaga na-salvage ako sa inyo, mumultuhin talaga kita."
Yawa, Valentine's Day na Valentine's Day, mukhang mapapadasal ako para sa buhay ko.
Maganda sa Tagaytay. Doon pa lang papunta habang nasa Pala-Pala pa lang kami, nakikita ko nang urbanisado ang lahat. Kitang-kita yung mga nagkalat na hearts sa kung saan-saang establishments. Sa may Silang, Cavite pa lang kami, kung ikukumpara sa New Washington, mas maraming talahib sa paligid. Marami ring mga taniman ng pinya na nakalaykay na. Mas marami nga lang tubig doon sa Aklan kasi isla nga.
"Saan ba kayo banda?" tanong ko agad kasi mas dama ko ang gubat dito sa kanila. Kung hindi maraming damo, maraming puno, maraming talahib. Putaragis, puwedeng itapon yung bangkay ko kahit saan dito at walang makakakita e.
"Ano ka ba, Sandro? Chill ka nga lang!"
"Paano ako makakapag-chill, baka hindi na 'ko sikatan ng araw bukas."
"Mabait si Daddy!"
"Sa 'yo. E sa 'kin?"
Lalo lang niya 'kong pinagtawanan, nakakagago talaga 'to.
"Saan nga kayo banda?"
"Malapit kami sa Casa Alegria."
"Saan 'yon?"
Napapailing na lang siya sa 'kin. "I-trace mo sa map para mahanap mo. Nakakaloka ka, bruh."
Yung kaba ko, hindi talaga nawala. Pumasok kami sa isang kalsada na puro lang puno sa magkabilaang gilid. Para kaming papasok sa gubat. Yung signal ko, pawala-wala kaya kinakabahan talaga ako. Baka kahit anong tawag ko sa pulisya nito, walang makakarinig sa 'kin.
Paghinto ng sasakyan namin sa tapat ng isang magandang bahay, kung puwede lang na hindi umalis sa backseat, hindi talaga ako aalis ng backseat.
"Babi, uuwi na tayo?"
"'Anak, gusto na ring umuwi ni Babi." Karga-karga ko si Chamee habang palingon-lingon ako sa paligid. Malay ko ba, baka bigla akong ipa-snipe dito.
Maganda kung maganda ang lugar. Yung overlooking ng Taal Volcano, hindi ko na mabilang kung ilang beses tinilian ni Chamee pagkakita niya. Papalubog ang araw kaya sobrang ganda. Pero sobrang natatakot na 'ko kasi palubog na ang araw.
'Tang ina, kung horror movie 'to, dapat ngayon pa lang, umalis na kami ng anak ko habang maaga pa.
"Sandro, tara!"
"Anong tara?" Lumayo agad ako. Pinapapasok niya kasi ako sa loob ng bahay na maganda ang exterior. Modern ang design, gray ang marble tiles ng mga dingding. Mayaman talaga ang nakatira, may pera para mag-hire ng assassin.
Nakatingin lang ako sa swimming pool sa ibaba. Wala namang tao roon. Pumasok kami sa loob ng malaking bahay at para akong sinampal ng lamig na amoy lemon sa loob. Centralized air con yung bahay nila, ang gastos sa koryente. Pero mula sa pinto, para akong nakapasok sa langit.
Yung chandelier nila, kumikinang sa itaas. Puting-puti yung sahig saka kisame. Yung mga puting luxury sofa sa gilid, parang sa mga mall ko lang nakikita. Ultimo yung glass table na may mga gold na vase saka bulaklak na fresh. Shet, hindi ko ma-gets kung bakit ba kailangan ng fresh na bulaklak sa bahay.
"Babi, nigiginaw ako."
"Malamig?" Niyakap ko nang mabuti si Chamee kasi manipis lang ang blouse nitong off shoulder pa. "Hihiram tayong jacket kay Mima."
Kahit ako, nilalamig na rin.
"Daddy! We're home!"
Ay, putaragis na—dapat talagang sumisigaw?
"Aly, nasa terrace si Vice," pagsalubong sa kanya ng isang matandang babae mula sa dulo. Nakasuot 'yon ng purple na damit na parang sa nurse pero hindi mukhang pang-nurse.
"May kausap?" tanong ni Alyna.
"Kanina pa raw niya kayo hinihintay, may meryenda na rin doon."
"Si Mami, nakauwi na?"
"Wala pa si Madame. Traffic daw sa Bacoor e. Hintayin na lang daw siya sa dinner."
"Yey! Thank you, Manang!" Tinakbo agad ako ni Alyna.
Palipat-lipat ang tingin ko sa kanya saka doon sa papalapit sa amin na matandang babae.
"Bigay mo na kay Manang yung bag. Siya na yung magdadala niyan sa room ko."
Isinuko ko sa kanya ang lahat ng gamit ko saka inabot doon sa matandang kasama niya.
"Lyn, sure bang mabubuhay pa 'ko pagkatapos nito?"
Tumawa na naman siya. "Ang OA mo! Of course naman! Tara na!"
Parang biglang nawalan ng laman ang utak ko habang nagpapahatak sa kanya.
Napapalunok ako habang papalabas kami sa malaking glass door. Ang lalim ng hugot ko ng hininga kasi tanaw ulit yung overlooking ng Taal, may punong namumulaklak sa kanang gilid, may pool sa kaliwa na nakita namin mula sa itaas kanina, bangin ang harapan, at naroon ang isang may-edad na lalaking nakasuot ng simpleng asul na T-shirt, khaki na shorts, saka tsinelas habang naka-de-kuwatro at nagkakape.
Ito na ba yung tatay ni Alyna?
"Daddy! Halu, halu!" Napahinto sa pagkakape yung lalaki saka napatingin sa amin. Tinakbo agad siya ni Alyna saka niyakap mula sa likuran. "Miss mo 'ko?"
"I thought mas maaga kayo."
"Traffic sa Dasma, grabe." Tumayo na siya nang deretso saka kami itinuro ni Chamee. "Anyway, Dads, this is Sandro and Chamee. Sandro, this is my dad."
"A-ano . . . magandang araw ho, sir." Ibinaba ko agad si Chamee saka ako nakipagkamay habang payuko-yuko.
Maamo ang mukha niya saka medyo mauban ang buhok. Mukha namang mabait saka mestizo. Hindi kamukha ni Alyna. Magaan din ang hawak sa kamay ko, hindi nagbabanta. Mukhang mayaman nga kahit mukhang tambay lang ang suot.
"At last, na-meet din kita, hijo."
"Aw—ho?"
Anong at last?
"Anak, bless ka." Pinalapit ko si Chamee doon saka inabot ng daddy ni Alyna ang kamay niya bago idinikit sa noo ng anak ko.
"Sit down. Let the kid sit here. May meryenda rito. Manang, pakikuha yung chocolate milk na ipinatimpla ko kanina kay Lita."
"Yes, Vice."
Nanginginig ang kamay ko habang naghahatak ng upuan para kay Chamee. "Mimi, behave tayo, ha? Para makauwi tayo nang safe."
"Opo, Babi."
Pilit na pilit ang ngiti ko habang pasulyap-sulyap sa daddy ni Alyna.
"May cookies. Bigyan mo yung bata ng cookies. Pina-bake ko 'yan kay Manang kanina kasi sabi ni Aly, mahilig sa cookies yung anak mo."
"Oh? O-oho, salamat ho, sir." Dumampot ako ng isa sa nasa platong nasa harapan namin saka ko ibinigay kay Chamee. "Anak, mag-thank you ka."
"Tenchu po, Lolo."
Ngumiti agad yung daddy ni Alyna kay Chamee saka kumuha ng isang bowl ng mga strawberry para iabot sa anak ko. "Kain ka pa, anak. Bigyan mo ng marshmallow. Ayun, may marshmallow doon."
"O-oho, salamat ho ulit, sir." Takang-taka naman ako habang sinusunod siya. Maraming nakahain sa mesa e. May fruit salad, may cookies, may marshmallow, may tunaw na chocolate na nasa mangko, may buko pie pa nga na isang buo.
"Babi, storberry, o!" sigaw agad ni Chamee pagkakuha niya sa inaalok ng daddy ni Alyna. "Dodorwing si Babi ng storberry saka ng maraming flowers saka ng maraming ants sa garden!"
Pilit na pilit akong tumawa habang payuko-yuko. "Sorry po, madaldal 'to. Nahawa sa Mim—" Hindi ko na natuloy pagkakita ko kay Alyna na nasa harapan ko nakaupo at naka-focus lang sa iPhone niya. "Pasensiya na ho ulit." Binulungan ko agad si Chamee. "'Anak, huwag kang maingay. Behave ka muna. Gusto pang makauwi ni Babi sa 'tin."
"Vice, ito na po yung chocolate."
Sinundan ko ng tingin si Manang dala-dala yung isang glass na pitsel na punong-puno ng chocolate ang laman.
Isang buong pitsel talaga? Akala ko, baso lang!
"Dads, parating na raw si Mami. 'Punta muna 'ko sa office, may ibibigay lang akong files."
"Lyn, huwag—" Hindi na ako nakaimik nang umalis na lang siya agad. Hinabol ko pa siya ng tingin papasok sa loob ng bahay. Pagbaba ko ng tingin, nakasalubong ko agad ang tingin ng tatay ni Alyna.
Gusto ko nang lamunin ng lupa. Bakit ba 'ko napunta rito?
"Bale, ikaw yung . . ."
"Hindi po."
". . . manliligaw ng anak ko—ha?"
"Ha?"
Aaarghhh! Alyna, bakit mo 'ko iniwan dito?!
"Hindi mo nililigawan ang anak ko?"
"A-ano ho." Napalunok agad ako. "Hi-hindi ho sa gano'n. A-ano, ipagpapaalam ko pa lang po kasi kung . . . kung puwede hong manligaw." At saka ako tumawa nang pilit na pilit.
"Ah, I see. That's good. Hindi naman na siguro kailangan 'yon. I knew you anyway."
"Ho?"
"Ikaw yung nasa magazine ni Ruth."
"Si Boss Ruth po?"
"Yes. Aly kept on bugging me about sa magazine issue nila last November. Isa ako sa contributor ng magazine kung saan ka na-feature."
"Oh. Oh! Uh, actually, sir . . ." Paano ko ba sasabihing wala akong kinalaman doon. "Hindi ho kasi sinabi ni Alyna yung tungkol sa November issue."
"Nakita ko nga. Wala ang pangalan mo sa editorial column."
Ha? Paano naman niya nalaman yung tungkol sa editorial column? Binabasa ba 'yon?
"Proud akong makilala ka in person. It's an honor to have you in the same table."
"H-ho?" Biglang lumaki ang mata ko sa sinabi niya.
Anong it's an honor? Paano?
"Na-decline kasi ang offer ni Aly doon sa interviewee niya last November kaya nagpa-assist siya sa 'kin to create an article for fathers na nag-a-adopt ng kids. Kinuha ko na ang opportunity since Aly is my adopted child, but I love her as my own gaya ng mga kuya niya. Puro kasi sila lalaki, walang babaeng anak si Ruth."
"Oh, wow." Hindi ko alam 'yon, a.
"Isa sa naging highlight ng November issue ang foundation ko kung saan ka na-feature, and Aly admitted na wala ngang permission mo 'yon kaya ako na ang nanghihingi ng patawad sa ginawa ng anak ko. Matigas ang ulo niyan, pero mabait naman 'yan. Willing naman kaming magbayad if you're going to ask for commissions."
Para akong mauubusan ng hangin, hindi ako makahinga nang maayos.
"Siguro hintayin na lang natin si Ruth, parating na raw si Mami niya. Dito na kayo mag-dinner. Pinahanda ko na rin yung kuwarto n'yo sa itaas. Mahirap bumiyahe rito nang gabi."
Pota. Parang gusto kong umiyak, a.
Nasa tamang lugar ba talaga ako? Bakit parang hindi ganito ang inaasahan ko?
Saglit lang nga. Parang kailangan ko munang huminga.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top