Kabanata 3: Ang Buntis
Munting Nayon, Caloocan. September 9, 2014
"Andoy, pakuha nga ng tissue."
Nilingon ko agad nang may masamang tingin si Gen nang mag-utos na naman. Bulag ba 'to? Nakita nang may tinatrabaho ako, ako pa uutusan.
Binalewala ko na lang siya at ipinagpatuloy ang ginagawa ko. May ipinapa-rush pa naman sa 'king full-render illustration si Alyna, kailangan kong matapos ngayon kasi nga, deadline ko na.
"'Tamad mo talaga!"
Naramdaman ko na lang na may tumamang tela sa batok ko at naiwan sa balikat.
E di sinigawan ko rin si Gen. "Ako pa tamad e ayan lang sa mesa 'yang tissue! Ikaw batuhin ko diyan ng keyboard e."
Ito si Gen, five months na ang tiyan. Dalawang buwan na 'tong narito sa apartment. Dalawang buwan ko na ring pinagtitiisan.
Noong nililigawan ko 'to, tiniis-tiis ko pa'ng katarayan nito. Pero ngayon, kung puwede ko lang talian ng lubid 'to at busalan sa bibig, baka ginawa ko na.
Si Pol, nasa trabaho. Doble kayod si gago kasi nag-iipon pampanganak nitong syota niya. Ito namang syota niyang saksakan ng spoiled, pabili naman nang pabili. Kaya hayun, baon-baon sa utang si tanga. Yung mga suweldo, imbes na maipon, ipambabayad na lang sa utang.
Ako na naawa kay Pol e.
Ako, wala akong gastos. Nasa bangko ang lahat ng sahod ko. Babayaran ko ang renta sa bahay, babayaran ang tubig, koryente, Wi-Fi, ayos na. E hati pa kami ni Pol kaya hindi mabigat.
Ito lang naman si Gen ang pabigat dito sa 'min, ang sarap na ngang itapon sa Tullahan.
"Nasa'n na yung mga coupon bond dito sa kama?" tanong pa niya.
Tunog lang ng keyboard ang pinakikinggan ko habang nag-aayos ako ng lineart sa pen tab. Ise-send ko pa 'to sa email ni Lyn mamaya kasi ipapa-check pa niya sa client daw. Ang hirap pa namang mag-revise kapag tapos na.
"Hoy, Andoy, yung mga coupon bond ko!"
Nakaramdam na naman ako ng kung anong tumama sa batok ko kaya kinuha ko agad at ibinato rin sa direksyon niya—doon sa alam kong hindi ko naman siya matatamaan.
"'Tang ina, lahat na lang hahanapin mo sa 'kin? Hawak ko ba, ha? Hawak ko ba?"
"E nasaan nga kasi! Wala naman akong ibang kasama rito, ikaw lang naman!"
"Sige, sigaw ka pa, sinabihan ka ng doktor! Kapag naging tatlo mata ng anak mo, isisi mo rin sa 'kin, ha!"
"Buwisit ka talaga!" Binato na naman niya ako ng kung anong nadampot niya na naiwasan ko rin naman.
Pagbaba ko ng tingin, naroon sa ilalim ng kama ang putaragis na coupon bond. Tumayo na ako at lumapit sa kanya. Bigla siyang lumayo at nagtakip ng ulo. Akala yata, sasaktan ko.
Yumuko ako sa dulo ng kama saka ko hinatak sa ilalim ang bukas na ream ng coupon bond. Tingin ko, si Pol ang nagligpit nito kasi burara din 'tong babaeng 'to sa gamit.
"O! Mata kasi ang pinanghahanap, hindi bibig!" Ibinagsak ko sa kama ang hinahanap niya saka ako bumalik sa tapat ng computer. "Mag-ingay ka pa, palalayasin na talaga kita rito sa bahay."
Bihira ang araw na tahimik kami. Parang lahat na lang yata, pinag-aawayan namin ni Gen. Si Pol, aawat lang kapag nagkaka-personalan na talaga. Hindi ko naman sinasaktan si Gen pero sanay kaming magbatuhan ng kung ano-ano.
Hindi pa rin alam ni Pol kung ano ang meron kami ni Gen noon. At sa tingin ko, hindi rin siya maniniwala kung magkuwento man ako kasi kung magsigawan kami ni Gen, para kaming aso't pusa.
Muntik na ring makunan ito si Gen noong nakaraan kasi laging mainit ang ulo. Lahat na lang yata ng kinaiiritahan niya sa buhay, kasalanan ko.
Walang mainit na tubig, kasalanan ko. Patay ang electric fan, kasalanan ko. Maingay ang keyboard, kasalanan ko. Pinupulikat siya, kasalanan ko pa rin! Taragis na buhay 'to, oo. Kung naging kami siguro nito, matagal na kaming nag-break.
Natahimik din siya kaya hindi ko na namalayan ang oras. Natapos ko na ang lineart para sa graphic design na request ni Lyn. Kung hindi lang ako inabala nang inabala ni Gen, kanina ko pa sana natapos 'to.
Mabuti nga't tumahimik na siya. Kahit buntis kasi, nagtatrabaho pa rin siya. Sabi ko, total naman at naghahanap si Purok ng tutor sa anak niya, mag-tutor si Gen para may pakinabang sa mundo. Kahit paano, naawa naman si Purok kasi buntis nga at kailangan ng pera. Diyan lang naman sa tapat si Purok, hindi na lalayo si Gen kung aalis man.
Alas-otso ng gabi ang uwi ni Pol. Ayoko sanang pagtawanan kasi sobrang laki na ng eyebags niya kaso nakakatawa talaga e.
"Labs, may pasalubong ako," bungad na bungad ni Pol.
Nilingon ko agad siya at tiningnan kung ano ang uwi. Nanlalaki ang ilong ko kasi nag-uwi ng Chicken Joy saka Burger Yum. Umikot agad ang amoy sa bahay.
"Ayoko niyan," sabi ni Gen. "Gusto ko, tuyo saka itlog na maalat."
Pagtingin ko kay Gen, nagsusumiksik na sa may pader habang yakap yung hotdog pillow niyang Dora.
"Ako, gusto ko niyan, 'tol." Tumayo na ako at kinuha ang nakalapag na pasalubong sa upuang katabi ng kama. "May tuyo ako sa cabinet, bigay mo diyan kay buntis."
"May itlog na maalat ka?"
"Bigay mo itlog mo, maalat din naman 'yan."
"Pakyu ka talaga, Sandro."
Tinawanan ko na lang siya saka ako bumalik sa computer ko para kainin ang pasalubong niya. Itinira ko na lang sa kanya yung manok kasi malamang na hindi pa siya naghahapunan.
"'Tol, may sinaing na 'ko, magkalkal ka na lang ng kaldero diyan," sabi ko.
"'Ge, thank you, 'tol."
Saglit kong nilingon si Pol na halatang pagod na pagod. Kayod-kabayo siya ngayon. Isang beses na nga lang magpapaputok sa loob, nakabuo pa. Malas din talaga nito sa buhay.
Nagre-rename na lang ako ng file nang marinig na nagbukas ng kalan si Pol. Talagang lulutuan nga ng tuyo yung syota niyang demanding.
Hindi ko nga alam kung paano maglihi 'to si Geneva e. Bibilhan ni Pol ng mahal na pagkain, pero ang nais e kung hindi kropek, tuyo, pugo. Dumayo pa nga si Pol sa Commonwealth para lang sa danggit. Ito namang si gago, maiyak lang syota niya, kung puwedeng magpunta sa Jupiter para mabili yung gusto ni Gen, sasakay talaga 'to ng space shuttle, makabili lang.
Saka bakit ba 'ko nagrereklamo e hindi naman ako ang bumibili? Ako nga ang nakikinabang sa hindi nakakain ni Geneva.
A, oo nga pala. Kadalasan, ang pagkain ko ang tinitira nitong babaeng 'to. Lahat na lang yata ng binibili ko, siya ang nakikinabang. Yung binibili ng syota niya para sa kanya, hindi niya ginagalaw. Alangan namang kukunin niya yung pagkain ko at hindi papalitan. Ano siya, sinusuwerte?
Mabango na sana yung burger kaso nasapawan ng tuyo. Mabango rin naman yung tuyo kaya walang lugi.
"Labs, ito na yung tuyo mo. Bibili lang ako kay Ate Sen ng itlog na maalat."
Inilapag ni Pol yung platito sa mesa malapit sa akin bago siya lumabas.
Nilingon ko si Gen habang ngumunguya ako. Hayun at nakasiksik pa rin sa sulok ng kama.
"Puwede ba, 'wag ka nang maarte," sermon ko agad. "Kawawa best friend ko sa 'yo. Mukha nang singkuwenta 'yon kasusunod sa luho mo."
"Pake mo?"
Kinuha ko sa sahig ang mga nakakalat na labahang pinagbabato niya sa 'kin kanina saka ko ibinato rin sa kanya.
"Bumangon ka na diyan, Geneva, kumain ka na! Pagutom-gutom ka, akala mo, maganda 'yan sa baby mo."
"Pake mo?"
"'King ina, Gen, si Pol pagod na 'yon sa trabaho, 'wag ka nang dumagdag."
"Pake mo?"
'Tang ina, itaob ko na kaya yung kama? Sarap kausap nito a.
Tumayo na ako at kinuha yung platitong may tuyo sa mesa. Hinatak ko yung upuan sa gilid at ibinagsak doon ang hawak ko. Bumalik ako sa mesa at kinuha roon yung tumbler niya. Pag-angat ko, napansin kong magaan kaya sinalinan ko pa ng laman. Sabi ng doktor, uminom 'to ng maraming tubig, ayaw sumunod. Lunurin ko na kaya 'to sa drum? Ang tigas ng ulo.
"Hoy, Gen, 'wag kang mag-inarte diyan, baka gusto mong ikadena na kita sa banyo."
"Ang sama ng ugali mo." Tumalikod siya at tiningnan ako nang masama. "Puwede ba, kahit kaunti lang, maging kasimbait ka ni Pol, ha?"
"Bayaran mo muna ako ng isang milyon, gagawin ko 'yang gusto mo." Inurong ko palapit sa kama yung upuan. "Kumain ka na. Paarte ka pa, maganda ka ba, ha? Mukha ka nang butete."
"Pakyu ka! Layuan mo 'ko, baka hindi kita matantiya!"
Inilingan ko na lang siya at binalikan ko ang tinatapos kong file. Ise-send na lang naman 'to para makalipat na ako sa bagong project.
Sabi ni Alyna, may ihahabol daw siya, sana maaga kong ma-receive.
"Labs, ito na."
Nilingon ko si Pol, baka lang bumili ng Lemon Soda kaso wala. Kuripot talaga, hindi man lang bumili ng panulak.
Saglit na nag-load ang desktop ko kaya nakita ko ang reflection nilang dalawa sa monitor.
Kumakain na si Gen habang inaayos ni Pol ang buhok niyang magulo.
Napapaismid na lang ako sa kanilang dalawa. Sabi ko naman na kasi kay Gen na umuwi na lang sa kanila sa Aklan para doon maasikaso siya ng pamilya niya. Nag-alok na akong tatawagan ko. Alam ko ang number doon saka address. Minsan na niya akong nautusang magpadala ng pera saka package doon sa probinsiya. Sabi ko nga, kung gusto niyang umuwi, aabonohan ko na, makalayas lang siya rito sa bahay. Kaso natatakot nga raw kasi baka palayasin din sa kanila.
Alam naman na kasing mabubuntis, nagpatira pa rito sa kumag na kasama ko sa bahay, kung di ba naman saksakan ng tanga. Nagma-masteral ka, basic reproduction, hindi mo alam? Aaral-aral ka pa, sa ganito ka lang din pala babagsak.
Nakapag-load na ang ginagawa ko at nai-send ko na rin ang file. Nagpatay na ako ng PC para makatipid sa koryente. Ang lakas pa naman ng hatak ng computer ko.
"'Tol, yung manok, dito lang sa mesa, ha," sabi ko pagpunta sa maliit naming kusina. "Kainin mo na lang, baka langgamin."
"Sige, 'tol."
Tiningnan ko na lang nang masama si Gen na takaw na takaw sa tuyo at itlog na maalat. Mukhang kailangan ko na namang mamili ng pagkain bukas. Hindi ko na masabing pagkain ko kasi hindi ko naman nakakain talaga.
Ewan ko ba. Sana kapag nanganak na 'to, makalayas na 'to sa bahay. Buntis pa lang, sakit ko na sa ulo. Paano kapag nanganak na 'to? Ay, buhay talaga, oo.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top