Kabanata 28: Ang Stress


Ang lamig ng tubig. Ang lamig din ng inuupuan kong sahig. Nakatulala lang ako sa dingding na puro kulay green na tiles. Ang sarap tumulala buong magdamag.

"I don't want to blame anyone, Sandro, ha. Baka kasi gusto ka lang makasama sa bonding ng papa ni Yayo."

Ang bigat ng katawan ko. Inaantok ako pero nagigising ang diwa ko kada gapang ng tubig sa 'kin. Para akong binubuhusan ng tubig galing freezer.

"Gusto mo ng coffee? Magpapatimpla ako ng kape."

Ayoko nito . . . na mapapadalas na kasama ko si Alyna. Nilayo-layo ko na ang sarili ko para lang hindi ko siya hanap-hanapin pero walang kuwenta rin. Dito rin pala ako babagsak.

"Alam mo, Lyn . . . sabi ko sa sarili ko dati . . . crush lang kita. Kasi ang cute mo sa mga travel photo mo. Noong nakita kita sa personal . . . napatanong ako kung bakit single ka. Parang imposible kasi."

Huminto ang pag-agos ng tubig sa 'kin at natakpan agad ako ng mainit na tuwalya sa katawan. Paglipat ko ng tingin sa kanya, ang lungkot ng mga mata niya nang masalubong ng tingin ko.

"Ang hirap umiwas . . . kasi lapit ka rin nang lapit."

"Bruh . . ."

"Sa totoo lang, dati natatakot ako, baka ipa-salvage ako ng tatay mo kapag niligawan kita." Sinubukan kong hawiin ang buhok niya. "Ngayon, iba na'ng kinatatakutan ko."

"Sandro . . ."

"Natatakot ako . . . hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko kung isang araw, bigla mo lang sasabihin sa 'king may iba ka na . . . 'tapos iiwan mo na kami ni Chamee."

"Hey, don't talk like that."

"Hini ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na . . . na 'Hindi na tayo makakausap nang madalas ng Mima mo kasi . . . kasi hindi na tayo yung pamilya niya.' Hindi ko maipaglaban kasi wala naman akong karapatan."

"Sandro, no. That won't happen, ano ka ba?"

Parang gumaan ang mabigat na nakadagan sa 'kin nang yakapin niya 'ko. Kahit yung paghagod ng kamay niya sa likod ko, ang sarap sa pakiramdam.

"Family pa rin tayo, okay? You don't have to worry about anything else. Hindi naman ako aalis. Baby ko pa rin si Chamee no matter what happens."

"Ayoko lang pagdamutan ka ng mga bagay na deserve mo namang makuha. Hindi ko naman puwedeng bakuran yung hindi ko naman pagmamay-ari."

"You don't have to gatekeep me, hindi naman kailangan." Lumayo siya sa 'kin at nakita ko na naman ang ngiti niya.

Ayokong ngumingiti sa 'kin si Alyna. Kapag nakikita ko siyang nakangiti, nagiging makasarili ako. Ang hirap kasing mang-angkin ng hindi naman iyo.

"Come on, baka sipunin ka rito."

Inakay niya 'ko patayo kahit na bigat na bigat ako sa katawan ko.

"Ayos lang ba sa 'yo na . . . ako asawa mo?" tanong ko habang nakatitig sa kanya.

Bigla niya 'kong tinawanan kaya nangunot ang noo ko. "Ikaw ang Babi namin ni Mimi, di ba? Of course, okay lang."

"Kahit hindi ako mayaman?"

"As long as wala kang hit sa NBI, papasa ka sa parents ko. Saka kilala ka ni Mama."

"Yung mama mo naman, parang laging ignorante sa mundo. Nagugulat sa maliliit na bagay."

"Hahaha! Hindi ka maka-move on sa freebie sa chichirya?"

"Tuwang-tuwa sa palakang freebie. Pareho kayo, parang mga timang."

Inalalayan niya 'ko kahit na kaya ko naman nang maglakad nang maayos.

"Okay ka na, ha? Gusto mo ng kape?"

Masakit lang naman ang ulo ko. Masakit ang buong katawan ko, pero kaya ko namang idaan sa tulog. Saka ang kulit nito. Nakainom lang ako, hindi naman ako lasing. Pinagpipilitan pa yung gusto niya e. Kung lasing ako, e di natulog agad ako sa sahig. Ito talaga, marunong pa 'to sa 'kin, hindi naman 'to yung pinainom ng alak doon sa labas.

"Magbibihis lang ako, ha? Basa na rin kasi ako. Change your clothes. Tingin ko naman, kaya mong magbihis mag-isa."

Nagbuntonghininga na lang ako saka tumango. Kinuha ko na lang ang mga damit ko sa side table saka nagbihis ng mga inilabas niyang gamit doon. Pagkatapos, kumuha ako ng towel ni Chamee saka itinakip sa unan. Ibinagsak ko ang katawan ko sa higaan saka komportableng humilata.

Ang gaan ng pakiramdam ko. Para akong nakapahinga na matapos kong mapagod nang sobrang tagal. Nangangalay ang buong katawan ko, talo ko pa ang binuhat si Chamee maghapon.

"Kukuha ako ng coffee sa labas, dadalhin ko rito."

Saglit akong napamulat nang marinig ko siyang magsalita.

"Huwag na."

"Baka kasi kailangan mo."

"Patayin mo na 'yang ilaw, matulog na tayo."

"Sure?"

Inilahad ko na ang kanang braso ko para abutin siya. "Tara na dito."

"Okay?"

Biglang dumilim ang paligid at kaunting liwanag na lang mula sa terrace ang rumerehistro sa paningin ko.

"Are you sure, okay ka na talaga?" tanong na naman niya habang sumasampa sa higaan.

"Masakit yung ulo ko, Alyna. Kada tanong mo niyan, lalo lang sumasakit."

"Sorry na, Sandro, hahaha!"

Paghiga niya sa tabi ko, ngiti agad niya ang bumungad sa 'kin. Itinukod pa yung siko niya sa kama saka ako tinitigan.

"Ang saya mo, a."

"Love mo 'ko, Sandro?"

"Nahahawa si Chamee kagaganyan mo."

"Ay. Hindi ka na lasing, sayang naman."

"Nakainom lang ako pero hindi ako lasing. Assumera ka lang." Ang tigas talaga ng ulo nito, pinagpipilitan yung gusto niya.

"Sige na nga, hindi ka na lasing. Hmp!"

Parang hinihigop ng kama ang kaluluwa ko. Kahit yung mata ko, gusto nang pumikit.

Naramdaman ko na lang na may dumampi sa labi ko pero mabilis lang.

"I love you, Babi. Good night."

Napangiti na lang ako nang matipid saka tuluyang pumikit.


♥♥♥


Ang sarap ng tulog ko. Minsan lang ako magkaroon ng masarap na tulog mula pa noong tumira sa bahay si Geneva. Pero sa lahat ng masarap na tulog ko, ito yung tulog na talagang isinumpa ko kasi . . . BAKIT AKO NAGISING NANG ALAS-DIYES NG UMAGA!

Nasa bakasyon kami. Wala ngang problema kasi wala akong trabaho, pero meron si Alyna! At ang sabi ko, sasamahan ko siya sa may bakawan! Pisting yawa, pasarap-sarap ako ng tulog, yung pamilya ko, naroon na may kanya-kanyang buhay! Anak ng kamoteng buhay 'to, oo.

Tumanaw agad ako sa terrace kasi wala na 'kong makitang kahit sino sa kama paggising ko.

Si Chamee, kalaro yung mga pinsan niya sa indoor garden. Nagpapasahan ng bola. Naroon din si Yayo, nagbabantay sa kanila habang nananahi ng damit.

Kinuha ko agad yung phone ko at pagbukas na pagbukas ko pa lang ng data, puro na notification galing kay Alyna ang sunod-sunod na tumunog.

Puro chat, puro missed call, puro text.

Hindi ko na binasa, nag-video call agad ako. Tatlong ring lang at sinagot na agad niya.

"Good morning, sleepyhead!" sigaw niya habang naniningkit ang mata sa liwanag ng araw. "I asked Yayo pala na alagaan muna si Chamee habang tulog ka. How are you feeling?"

Tiningnan ko kung nasaan na siya. Naglalakad siya. Ibig sabihin, wala siya sa tubigan. Maraming puno sa likuran niya saka may ilang mga lalaki sa likod.

"Sino'ng mga kasama mo?" tanong ko agad.

"Here's Marvic! Marvic, say hi!" Nag-shift yung camera sa asawa ni Yayo na kumakaway sa camera. "And kasama ko yung mga guide from College of Fisheries and Marine Sciences saka mga taga-LGU. Katatapos lang ng tour namin sa mangrove, and super ganda talaga sa loob, as in! Lalo kaninang sunrise! I sent some photo sa GC, na-check mo na ba?"

Napailing ako. "Hindi pa. Check ko mamaya."

"I might upload the files later sa drive. Collate that. Gusto ko, isang nasa header saka isang full page. Ongoing pa rin daw ang reforestation aquasilviculture and eco-tourism project nila rito. I checked for the price ng image sa stock sites, 69.99 dollars ang isang photo for magazine, that's for 2,500 copies. Five years ang use, worldwide na rin ang distribution. I will probably upload some for online income din ng Traveler's Dawn."

Kapag ganito na magsalita si Alyna, nararamdaman ko talagang hindi ko siya makakausap tungkol sa personal na mga bagay. Maliban sa nagbabanggit na naman siya ng dolyar at taon, siya lang din ang nakakaintindi ng English terms niya.

Sa dami ng narinig ko, ang pumasok lang sa utak ko, yung 69.99 dollars ang isang photo for magazine. Ang iba? Hindi ko na natandaan.

"Anyway, we're gonna head daw sa kabilang part kung nasaan kami ngayon. Dati raw 'tong abandoned fishpond pero ang dami nang trees everywhere. Medyo dark yung water part dito, pero super daming aquatic animals. Sana ganito na lang din ang gawin nila sa Manila Bay or sa Pasig River. Ang ganda ng project nila, matutuwa si Mama rito."

Naupo ako sa kama at pinanood na lang siya kahit na para siyang nagdo-documentary imbes na kausapin ako sa kung paano ba kami usual na nag-uusap.

Mukhang maganda sa pinuntahan niya. Hindi na niya kailangang magpayong kasi puro lilim doon ng puno. May mga babae naman siyang kasama at hindi lang puro lalaki.

"Meron pala silang pinata-try sa 'kin na local sea food and delicacy!"

"Ano? Talangka? Tahong?" tanong ko.

"Ang tawag nila roon, tamiluk saka hale-hale. Yung tamiluk, wood worm siya. Safe naman daw kasi local food talaga nila rito."

"Yung isa?"

"Seashell daw 'yon and legendary aphrodisiac. Naku-curious tuloy ako!"

Biglang nawala ang tuwa ko sa sinabi niya. "Alyna, kumain ka na lang ng uod. 'Wag na 'yang isa."

"Why naman? Mukha namang masarap. Sabi naman nila, masarap daw siya."

"Isa."

"Titikim lang!"

"Dalawa."

"Ang KJ mo!"

"Alyna, kung kakain ka niyan, dito ka kumain niyan. Huwag sa kung saan-saan."

"Titikim lang, grabe naman."

Nakarinig ako ng tawanan sa paligid niya.

"Strict asawa mo, ma'am?" tanong ng isa niyang kasama.

"Kuya, ayaw niya 'kong pakainin n'ong hale-hale," nagtatampong sumbong niya roon sa nagsalita.

Dapat talaga sumama ako e! Mga kampon talaga yung mga kamag-anak ni Geneva.

"Uwian mo na lang, ma'am."

"Huwag kang kakainan niyan diyan, ha. Kukutusan kita kapag kumain ka niyan diyan," banta ko agad kasi matigas pa naman ang ulo nito.

"Titikim lang ako, Sandro, kurot lang."

"Gusto mong ikaw ang kurutin ko? Dito mo kainin 'yan. Kahit isang plato pa, ubusin mo mag-isa. Yung uod na lang ang kainin mo diyan."

Nagtawanan na naman yung mga kasama niya.

"Yung tamiluk na lang muna yung ipapatikim namin sa inyo, ma'am. Baka magalit sa inyo asawa n'yo e."

"Ma'am Alyna, nandito na ho tayo."

"Ay, yes po, sir. Saglit po. Later na lang, Bruh. Byeee!"

"Huwag kang kakain ng kung ano-ano diyan, ha!"

Hindi na siya sumagot. Nagpatay na lang agad ng call. Bastos talaga 'to.

Maghahanap pa lang sana ako ng inumin pero nakita ko na agad yung side table na may ilang bote ng mineral water doon saka Advil. Yung tubig na lang ang ininom ko. Masakit pa rin ang ulo ko pero hindi naman sobra para inuman ng gamot. Lumabas na lang ako at pumunta sa garden para doon tumambay.

Hindi pa rin nila inaalis yung speaker sa labas. May nagpapatugtog pa rin.

"Babi!" tili agad ni Chamee pagkakita sa 'kin. Hindi naman siya lumapit, kumaway lang saka nagpatuloy sa pagbato-bato ng bolang nilalaro nila ng mga pinsan niya.

Tirik ang araw ng tanghali, ang ganda ng bagsak sa mga halaman. Nakakasilaw nga lang. Pero kahit maaraw, malamig naman ang hangin. Naupo ako sa katabing upuan kung saan nakapuwesto si Yayo. Saglit siyang napahinto sa pananahi.

"Nag-almusal ka na?" tanong agad niya.

Umiling ako. "Mamaya na lang, isasabay ko sa tanghalian."

"Ayos ka na ba?"

Napabuga ako ng hangin habang naniningkit ang mga mata. Sumulyap ako sa kanya bago ko inilipat ang tingin kay Chamee na nawala na ang pamumula ng balat mula kahapon.

"Sorry pala sa kagabi," sabi ko na lang. "Yung mga nasabi ko . . . alam kong hindi ko na mababawi 'yon."

Walang preno ang salita ko e. Hindi ko nakokontrol ang iniisip ko sa lumalabas sa bibig ko kapag nakakainom ako. Pero hindi naman ibig sabihin n'on, nagka-amnesia na 'ko sa mga pinaggagagawa ko kagabi.

"Sorry din kasi iniwan kita noon. Hindi ko alam na hahabulin mo pala ako."

Nagbuntonghininga ako at tumanaw sa kung saan para mag-iwas ng tingin.

Wala na e. Tapos na. Nandito na kami. Kahit anong sorry niya, nangyari na ang nangyari. Hindi na maibabalik ang oras kahit gustuhin pa namin.

"Pero okay lang naman," sabi ko. "Masaya naman ako sa umampon sa 'kin. Kung hindi dahil sa kanila, baka wala si Chamee sa 'kin ngayon."

Saglit kaming natahimik. Umaangat ang kanta ng The Script sa paligid.

"Masama ba ang loob mo sa 'kin kasi iniwan kita sa ampunan?" tanong niya na hindi ko agad nasagot. Natahimik lang din ako.

Inisip ko kung dapat ko bang sagutin ang tanong na 'yon ni Yayo. Kung dapat pa bang sagutin 'yon.

"Hindi naman sa masama ang loob ko sa pag-iwan mo sa 'kin doon," sagot ko. "Disappointed lang ako kasi umasa ako na hindi mo 'ko iiwan. Ikaw lang ang meron ako noon, alam mo 'yon. Kung alam mo nga ba."

"Alam mo naman kung ilang taon pa lang ako noon, Andoy."

Pilit naman ang ngiti ko nang lingunin siya sa kaliwang gilid ko. "Huwag kang mag-alala, tapos na 'yon. May mga pamilya na nga tayo ngayon, hindi mo na maibabalik 'yon."

"Babi!"

Lumawak agad ang ngiti ko nang salubungin ng yakap si Chamee na patakbong lumapit sa 'kin.

"Babi, ipe-play kami ni Jepoy ng ball!"

"Nagpe-play kayo ng ball? Ang galing naman ni Mimi ko."

"Babi, ido-dorwing kami kanina ng maraming butterfly!"

"Nag-drawing kayo ng maraming butterfly? Patingin nga si Babi."

"Opo!" Bigla siyang kumalas sa yakap ko at tumakbo na naman sa kung saan.

"Chamee, madapa ka diyan, ha. Huwag tatakbo."

Pag-ayos ko ng upo, naramdaman ko ang tingin ni Yayo sa 'kin.

"Bakit?" tanong ko agad.

"Kayo ni Ma'am Alyna . . ."

Biglang tumikom ang bibig ko.

"Sabi niya, hindi talaga kayo kasal."

Ang lalim ng hugot ko ng hangin saka tumango. Napatingin sa direksyon kung saan tumakbo si Chamee.

"Totoo naman." Ibinalik ko agad ang tingin ko sa kanya para dumepensa. "Pero mahal ko 'yon kahit gano'n 'yon. Alam ko namang hindi kami kasal, pero hindi ko makita si Chamee na magkakaroon ng ibang nanay maliban kay Alyna. Kung hindi si Alyna, mas mabuting huwag na lang."

"Balak mo ba siyang pakasalan?"

Natawa ako nang mahina saka nagkibit-balikat bago tumanaw ulit sa malayo. "Ayoko sanang magkaroon ng balak kasi hindi ko alam kung okay ako sa pamilya niya."

"Bakit hindi mo subukan? Mahal ka naman din niya, sabi niya."

"Alam ko rin. Sinasabi niyang mahal niya 'ko, hindi naman sekreto 'yon sa 'ming dalawa." Ibinalik ko ang tingin sa kanya. "Pero kasi sa panahon ngayon, hindi sapat yung mahal mo lang kaya mo pakakasalan. Hindi lang naman sa inyo iikot ang mundo n'yong dalawa. Si Geneva saka si Pol—yung boyfriend niya—mahal nila ang isa't isa, oo. Alam ko 'yon, nakita ko 'yon. Pero noong nakikita ko silang naghihirap, hindi ko alam kung sapat bang pambayad ng bill saka pambili ng pagkain ang pagmamahal."

Sabay pa kaming napabuntonghininga pagtanaw namin sa malayo.

"Kung sa bagay, tama naman din," sabi niya.

"Si Alyna, mayaman naman. Kung pera lang, wala akong iisipin, marami siya n'on e. Pero siyempre, hindi ka puwedeng umasa nang umasa sa iba. Puwede naman yung kasal pero kapag medyo malaki-laki na si Chamee. Pinag-iipunan ko pa yung pang-college ng anak ko e."

"'Buti ka pa, may plano na para sa anak mo. Bukas, may pasok na si Jepoy. Yung tatay niya, nandoon kasama ni Ma'am Alyna para may pambaon 'yan."

Natawa ako nang mahina. Ayokong magyabang na settled na ang pang-high school ni Chamee ngayon pa lang kahit hanggang letter B pa lang ang kayang isulat ng anak ko. Pero bilang magulang, siyempre, proud ako na kahit may mangyari na gaya ng nangyari sa tatay ko at kay Pol, maiiwan ko yung anak ko na hindi naghihirap. Ayokong magaya sa 'kin yung bata. Ang hirap-hirap ng buhay ngayon, hindi ko maisip na magpapalaboy-laboy si Chamee sa kalsada.

"Sabi ni Marvic, hanggang alas-tres daw sila sa may bakawan. Sorry din pala kay Tatay, pinainom ka ng tuba kagabi."

Pasimple akong sumimangot sa gilid. Kasalanan talaga ng tatay niya kung bakit hindi ko kasama ngayon si Alyna doon e.

"Ligtas naman sila roon. Marami naman siyang kasama."

"May buwaya ba r'on?"

Akma pa siyang matatawa. "Buwaya?"

"Oo. Di ba, matubig doon?"

"Walang buwaya d'on. Palaisdaan doon."

"Bakit sabi niya, may buwaya raw doon?"

"Wala! Ligtas doon, ako na'ng nagsasabi."

Itong Alyna na 'to, ang lakas magpakaba ng babaeng 'to. May kutos talaga sa 'kin 'to pagbalik. Nakakarami na 'to, ha.

"Ay, maalala ko lang, Andoy."

"Ano?"

"Ang narinig-rinig ko kagabi kina Tatay, iiwan daw yata muna rito si Chamee sa 'min."

Nagsalubong agad ang kilay ko. "Para?"

"Hindi ako sigurado e. Balak na lang yatang pasustentuhan na lang sa 'yo."

"BALAK NA ANO?"

"Dito na lang yata patitirahin yung anak ni Ging-ging total magkasama naman na kayo ni Ma'am Alyna. Pero hindi ako sigurado. Narinig ko lang."

Pota. Ano'ng pinagsasasabi na naman ng pamilya nito ni Geneva?


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top