Kabanata 27. Ang Lasing

Hanggang 5 lang ng hapon ang renta namin sa cottage at hindi kami puwedeng magpagabi roon kasi nga maaga kaming aalis nina Alyna kinabukasan.

Sinubukan ko namang umakto na parang wala akong narinig kina Yayo pero alam kong nag-iba ang tingin ni Yayo sa 'kin.

Para siyang may gusto pang sabihin pero hindi niya masabi-sabi kasi lagi kong katabi si Alyna saka si Chamee.

Siguro nga, kasalanan kong nagsinungaling ako noong sinabi kong asawa ko si Alyna. Pero hindi ako nakokonsiyensiya sa ginawa ko.

Sinabi ko na e. Alangang bawiin ko pa.

Paglabas namin ng resort, nagtangka pa ring lumapit si Yayo sa 'kin.

"Andoy, doon pala sa kanina . . ."

"Hmm?" Patay-malisya lang ako.

"Babi, uuwi na tayo?" Napatingin agad ako kay Chamee na hawak-hawak ni Alyna ang kamay.

"'Lapit na, 'nak," sagot ko na lang at pinauna na silang sumakay sa service. Pagbalik ko ng tingin kay Yayo, nakatingin lang siya kina Chamee at Alyna na paakyat sa sasakyan.

"Ano 'yon?" tanong ko agad.

"Ha?" Aligaga pa siya nang lingunin ako. "Ano . . . una ka na."

"Ikaw na. Doon ulit ako sa dulo."

"A, s-sige." Nauna na siyang umakyat sunod ako.

Pag-upo ko, tiningnan ko agad si Chamee na nakayakap sa Mima niya. Malamang napagod 'to kaya inaantok na.

"Lyn," tawag ko at inalok ang kamay ko para kunin si Chamee at ako ang kakarga kasi hindi niya kaya 'tong bata. "Chamee, tara dito."

"Gusto ko kay Mima." Lalo pa niyang niyakap si Alyna.

Nagbuntonghininga na lang ako saka napatitig kay Chamee na namumula ang balat. Sana hindi magkabungang-araw 'to pag-uwi. Tinapik ko na lang ang hita ni Alyna saka ko itinuro yung kandong niyang bag. "Akin na gamit mo."

"Okay lang."

"Akin na, ako na magdadala." Kinuha ko na ang bag sa kanya kahit na hindi pa siya nakakatanggi.

Pinipigil kong magsalita kasi si Alyna, gaya ng nakasanayan, kung kumilos, parang walang nangyayari. Itong katabi ko lang ang parang naglalabas ng awkward na aura. Hindi tuloy ako mapakali.

Kapag nakikita ko talagang magkatabi sina Alyna at Chamee, walang makakapagsabing hindi sila mag-ina.

Nakuha ni Chamee yung mata saka ngiti ni Gen. Pero yung ilong saka hugis ng mukha saka tangkad, kay Pol talaga. Ang gandang bata, malusog pa. Mabuti't hindi ko 'to ibinigay sa tita ni Gen n'ong baby 'to. Baka hindi ganyan ang makita ko kung sakali mang dalawin ko 'to sa pamilya ng mama niya.

Paghinto ng sasakyan sa tapat ng casa, saktong papalubog na ang araw. Wala pang alas-sais ng gabi, kulay orange na ang langit at nagliliparan na ang mga ibon pauwi.

Pinauna na namin yung mga pinsan ni Chamee bago kami huling bumaba. Umalalay na 'ko sa may pinto saka ko inalok ang kamay ko kay Alyna.

"Lyn, akin si Chamee."

Tulog na yung bata. Walang ibang makakabuhat nito, ako lang. Inilapag ko sa puwesto ko yung mga gamit namin para makuha ko yung anak ko.

"Mimi, uuwi na tayo . . ."

Saglit niyang ginising si Chamee at bahagyang pinalakad palapit sa 'kin. Kusot-kusot pa ang mata habang nakasimangot.

"Anak, tara kay Babi."

"Babi, aantok pa 'ko."

"Aw, antok pa baby ko? Tara, tutulog na tayo, 'nak." Kinarga ko na siya at idinantay sa balikat ko ang pisngi niya.

Inabangan ko agad si Alyna na ipon-ipon ang mga gamit na dala ko.

"Akin na yung iba," alok ko.

"Ako na, kaya ko."

"Tulungan na kita, Ma'am Alyna." Si Yayo na ang nag-alok at nahihiya pang inabot ni Alyna ang isang bag ng mga basang damit namin.

"Thanks, Yayo."

Nagpauna na sila kaya naiwan kami ni Alyna sa likuran.

"Napagod ka?" tanong ko agad. Parang pinupulikat na yung kaliwang braso saka mga binti ko sa sobrang ngalay e.

Ang lawak ng ngiti niya nang umiling sa tanong ko. "Bruh, sanay ako sa galaan. Kung nag-hiking tayo, saka mo 'ko tanungin kung napagod ako."

Oo nga naman. Bakit ko pa tinanong?

Nagpalukso-lukso lang siya papasok. Tatawagin ko sana para sabay na kami kaso magigising si Chamee kung sisigaw ako.

Ang alam lang ni Yayo, hindi kami kasal ni Alyna. Iyon lang naman ang iisipin niya. Kung tutuusin, hindi nga rin niya kailangang isipin kasi kahit asawa ko o hindi si Alyna, wala naman silang pakialam. Si Chamee at trabaho naman ang dahilan kaya kami narito ngayon sa kanila. Hindi ko naman niloloko si Gen kahit pa nanay 'yon ni Chamee. Hindi naman ako nambababae o kung ano man.

Paglapag ko kay Chamee sa kuwarto namin, inasahan kong nasa loob din si Alyna, kaso wala akong naabutan doon. At dahil tulog naman ang anak ko, hinarangan ko na lang ng unan sa isang gilid at inilatag yung hinihigaan ko kung sakaling gumulong man sa kabila, bago ako lumabas.

Magtatanong pa lang sana ako kung nakita nina Tatay Joel si Alyna pero hinarang na agad ako sa may garden.

"Sandro, anak, tara dito."

"Po?"

Linggo ngayon e. Sanay na sanay ako sa schedule ng mga nagbi-videoke sa Munting Nayon na tuwing Linggo, 'matic na may inuman 'yan. Hindi ko naman inaasahan na pati rito sa Aklan, ganoon din ang schedule nila.

May grupo ng matatandang lalaki sa may parking lot ng casa, malapit sa gate. Nasa anim silang nakaupo sa monobloc na upuan. Halatang matitikas, ang laki ng mga braso. Halata ring mahilig uminom, pati tiyan malaki rin e.

Nasa mababang mesa nakalatag yung mga boteng malalaki na may ilang ubos na ang laman. Maraming mani, maraming dilis, maraming chicharon, may ilang mga baso, umiikot ang usok ng yosi sa paligid.

Nagyoyosi ako dati pero nag-quit na 'ko noong napadpad sa apartment si Gen kasi may kasama na 'kong buntis sa bahay. Hindi na 'ko nakabalik kasi si Chamee, makikitang naninigarilyo ako e inggitera din yung bata. Huling tagay ko pa, noong naipanganak si Chamee, buhay pa si Pol. Hindi ako puwedeng uminom ngayon kasi walang mag-aalaga sa anak ko kapag tumumba ako sa alak.

Kaso mukhang mapapasubo ako ngayon.

"Tagay ka muna."

"Tatay ra it unga ni Geneva. Artista ra sa Maynila." (Tatay ito ng anak ni Geneva. Artista 'to sa Maynila.)

"Ay, manggaranon gali kung artista!" (Ay, mayaman kung artista!)

"Guwapo, 'no? Taas pa." (Magandang lalaki, di ba? Matangkad pa.)

"Paimna, may tatlo pa ka bote iya." (Painumin mo, may tatlong bote pa rito.)

Inalok sa 'kin yung isang baso na pinanlakihan ko ng mata kasi ang taas ng tagay!

Putaragis, maaga akong gigising bukas, sasamahan ko pa si Alyna, 'tapos patatagayin ako ng punong baso?

Pilit na pilit ang tawa ko sa kanila saka umiling. "Hindi ho puwede, sasamahan ko ho si Alyna bukas e."

"Isa lang, 'toy!"

Pinandilatan ko yung mesa nang hawakan na 'ko sa braso n'ong dalawang manong na malalaking tao rin. Pinilit nila akong paupuin kahit ayoko nga.

"Saglit lang, mga boss. Hinahanap na ho yata ako ng asawa ko sa loob," katwiran ko agad habang nilalabanan ang lakas nila habang inuupo ako sa upuan ng isang tumayo para doon ako makapuwesto.

"Isa lang."

Pota.

Tama si Yayo, sana nagdasal muna talaga 'ko kay Lord bago dumaan dito.


♥♥♥


"'Tay, yung hipon daw—ay, hala, siya!"

Napalingon agad ako sa may pinto ng bahay. Eto, kilala ko 'tong palapit, a!

Tumayo agad ako saka lumapit sa kanya. "Yayo! Ang laki mo na, a! Parang kailan lang, hinahabol pa kita sa labas ng ampunan."

"Andoy, ano ba 'yan? Ang baho mo. 'Tay! Pinainom n'yo?"

Tinapik ko siya nang marahan sa ulo. "Kaunti lang yung ininom ko, pramis. Kapag nakita ako ni Chamee na lasing, babatuhin ako n'on ng bote ng gatas niya. Hik!"

"'Tay naman!"

"Hindi yata umiinom 'yan e. Nakakaisang bote pa lang."

"'Tay!" Bigla akong napaurong sa kanan. Parang umuuga ang lupa, a. May lindol ba?

Naka-sepia yellow yung paligid. Dilaw lahat.

Nasaan na ba si Alyna? Kanina ko pa hinahanap 'yon, hindi nagpapakita.

"Lyn! Sabi ko, mag-uusap tayo, tinataguan mo 'ko, ha."

"Andoy, bakit ka naman naglasing?"

Saglit akong napahinto sa paglakad saka napatingin sa inaakbayan ko. Nagulat ako. "Uy, si Yayo pala 'to!" Kinurot ko siya sa pisngi. "Alam mo, hinabol kita sa tricycle, sabi mo titira 'ko sa inyo ta's hindi mo naman ako isinama. Paasa ka, ang sama ng ugali mo."

"Andoy, ano ba?" Pinalo pa niya yung kamay ko, ang sama talaga nito. "Tigilan mo nga 'yan. Lasing ka lang."

"Hindi ako lasing. Tingnan mo, deretso pa 'ko maglakad."

Inalis ko ang braso ko sa kanya saka ako naglakad kahit na parang naglalakad ako sa hanging bridge. 'Tang ina, parang nagje-Jelly Ace yung binti ko. Kasalanan 'to n'ong buhangin sa beach kanina e. Para kasing gago yung tubig, hampas nang hampas sa katawan ko, hindi ko naman inaano.

"Andoy! Ano ba naman kasi 'to si Tatay, pinainom pa e."

Saan na ba yung Alyna na 'yon? Kanina ko pa tinatawag, ayaw lumapit!

"Alyna!"

"Andoy, huwag kang sumigaw, magagalit si Mama!"

Huminto ako sa paglakad saka saglit na tiningnan 'to si Yayo. Ang dilim naman dito sa puwesto namin, wala na 'kong makita nang maayos. Bakit ba hindi kasi nila buksan yung ilaw para maliwanag dito, nagbabayad naman kami ng renta?

"Ang kailangan ko . . . si Alyna, okay?" Tumango-tango ako para maintindihan niya 'ko. Matalino naman 'to si Yayo. Nakaalis nga ng ampunan 'to nang hindi ako sinasama e.

"Andoy, pagagalitan ka talaga ni Mama."

"Yung mama mo, hindi ako isinama pag-alis n'yo! Sabi mo, isasama mo 'ko, pero iniwan mo 'ko sa ampunan! Hinabol kita! Hinanap kita kasi nangako ka!"

"Ano ba 'yang maingay? Yayo?"

"Hindi, Kuya, wala."

May naaninag akong kung anong anino sa malapit. Sino ba 'to?

"Sandro, what's happening? Yayo, why?"

Nagulat ako nang may maamoy akong mabango. Isa lang ang kilala kong mabango rito maliban sa anak kong cute.

"Whoah, bruh! Wow, you smell . . . bad."

"Ayan, sa wakas, nagpakita ka rin!" Niyakap ko agad siya nang mahigpit. 'Tang ina, kanina ko pa hinahanap 'to, ngayon lang lumabas sa pinagtataguan niya.

"Sandro, wait nga. Lasing ka ba?" Itinulak niya 'ko kaya napaatras ako nang kaunti.

"Hindi . . . ako . . . lasing, oke?"

"Amoy gin ka. Okay ka lang?"

Nginitian ko na lang siya saka hinawakan sa pisngi. "'Tang ina, ang ganda mo talaga."

"What the fudge?"

Inakbayan ko siya saka ko nginitian si Yayo. "Ito pala si Alyna, Yayo. Anak 'to ng vice governor saka ng boss chief namin. Mayaman 'to, magastos, madaldal, mahirap ligawan pero tumatanggap 'to ng pisbol saka kikiam para sa meryenda."

"Hoy, excuse me!"

"Saka alam mo, Yayo, ito lagi umuubos ng data ko. Hindi pa gising ang diwa ko sa umaga, kausap ko na 'to. Pati bago matulog, naggu-good night pa 'ko sa babaeng 'to. Hindi nga 'ko nagsyota dahil dito e."

"Sorry, babalik na kami sa kuwarto—"

Itinulak niya 'ko pero inawat ko siya. "'De, hindi pa 'ko tapos. Nagsasalita pa 'ko, ikaw bastos ka talaga kahit kailan."

"Sandro, lasing ka lang."

"Hindi nga ako lasing! Ikaw yata yung lasing, paulit-ulit ka e! Di ako lasing, di ako lasing, hindi . . . ako . . . lasing!"

"Bakit mo 'ko sinisigawan?"

Sinisigawan ko ba siya?

Aw.

Hinawakan ko na lang siya sa pisngi saka siya hinalikan sa noo. Kawawa naman 'to, nagtatampo na naman. "Sorry na, Mima. Hindi ka na sisigawan ni Babi. Sorry na."

"Bumalik na tayo sa kuwarto. Please?"

Tumango na lang ako saka nagpaakay sa kanya.

"Kanina pa kita hinahanap," sabi ko habang pagewang-gewang kami. Siya talaga yung lasing e. Pati ako, nagegewang-gewang na rin.

"Bakit ka uminom?"

"Yung tatay kasi ni Gen, may balak yatang i-hazing ako ng barkada niya kapag hindi ako uminom."

"Sana tinawag mo 'ko sa kusina. Nandoon lang naman ako."

"Tinawag kita, kaso 'tang ina naman. Pati ba 'to kasalanan ko na naman?"

Pagtingin ko sa harapan namin, ibinagsak ko agad ang katawan ko pagkakita ko sa kama.

Umupo ako roon sa kanto saka ako tumingala habang nakapikit.

Ang bango. Nami-miss ko ang amoy ni Alyna.

"Grabe, bruh, ang wasted mo talaga. Look at you, ang pula mo."

Pagdilat ko, nakita ko na naman siya sa harapan ko. Napangiti tuloy ako.

"Lyn . . . mahal mo 'ko, di ba?"

"Ha?"

Tinawanan ko siya nang mahina. Magde-deny pa 'to, parang hindi ko siya narinig kanina sa CR e.

"Bakit kasi andaming bodyguard ng tatay mo e . . . kung buhay lang si Pol at wala 'tong anak niya, tinangka ko nang dumayo sa Tagaytay para lang sa 'yo kaso 'tang ina talaga . . ."

Hinatak ko siya palapit sa 'kin saka ko siya niyakap nang mahigpit. Idinantay ko ang mukha ko sa ibabaw ng dibdib niya.

Ang lambot ni Alyna. Ang bango niya talaga.

"Sandro, gusto mong magbihis muna?"

Tumango lang ako habang nakapikit.

"Kukuha lang ako ng damit mo. Bitiw ka muna."

"Ayoko."

"Sandro . . ."

"Dito ka lang."

"Magbibihis ka nga, di ba?"

"Iiwan mo 'ko e."

"Hindi, kukuha lang ako ng damit mo. Ang layo ko sa bag."

"Sasama 'ko."

"Nasa likod ko lang yung bag."

"Sasama 'ko."

"Fine. Hold my hand, kukunin ko lang yung bag."

Tumango na lang ulit ako saka niya 'ko hinawakan sa kamay. Kapag binitiwan ko siya, baka magaya lang siya kay Yayo na biglang umalis nang hindi ako kasama. Pinanood ko siya kahit na inaantok na 'ko. Kinukuha niya yung bag ko gamit ang paa niya.

Puwede naman kasing lumapit doon, ang tamad-tamad talaga nito.

Tumayo na 'ko at naglakad palapit doon sa bag habang hawak ang kamay niya. Ako na rin ang dumampot kasi tumunganga pa.

Sabi na, ito talaga yung nakainom sa 'ming dalawa e. Bag na lang, pinahihirapan pa yung sarili, timang talaga kahit kailan.

Inilapag ko yung bag sa side table na nasa likod niya.

"Ang weird mo, Sandro." Binuksan na niya yung bag ko at nagkalkal doon ng damit. Pinanood ko lang siyang kumilos.

"Ang ganda-ganda mo talaga." Hinawi ko yung buhok niya kasi hindi ko siya nakikita nang mabuti. "Ang ganda mo pa rin kahit minsan, gusto na kitang sapakin sa kadaldalan mo."

"Hahaha! OMG, what?!"

"'Wag mo 'kong tawanan, sinisira mo palagi diskarte ko."

Humarap na siya sa 'kin at ipinakita ang mga damit ko. "Alam mo, lasing ka lang. Gusto mong maligo? Ang baho mo talaga e."

Napailing na lang ako habang umiirap. Hinubad ko agad yung T-shirt ko.

"Huy, Sandro, wait!"

Sunod yung mga pang-ibaba ko.

"Oh my goodness gracious. Ang sabi ko, maligo ka!"

Saglit akong yumuko para itapat ang mukha ko sa kanya. "Ikaw ang nag-alok, e di ikaw ang gumawa."

"What the fuck?"


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top