Kabanata 24. Ang In Denial


Hindi ako sanay na nagbabakasyon nang matagal at malayo. Kung matagal man, kina Tita Mayla lagi ang punta ko. Ngayon lang ako hindi nasanay sa malayo na hinahanap ko na ang gaming chair ko sa bahay.

Alas-diyes y medya, pabalik na kami sa casa pero nag-shortcut kami sa isang one-way pathwalk. Madamo ang ibabang gilid na may mga bato-bato sa gitna ng daan. Maraming halaman sa mga gilid na lumalampas minsan sa ibang bakod.

Saglit kaming huminto sa tapat ng hilera ng mga bougainvillea na kulay orange saka pink.

"Akala ko, rose," sabi ko pa kay Yayo.

"Babi, gusto ko palawer!" Nagturo agad si Chamee ng pink na bulaklak.

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanila ni Yayo. Kung rose, maiintindihan ko pa e. Si Chamee, basta flower, masaya na sa buhay. E si Alyna?

"Magugustuhan 'to ng asawa mo, promise." Nginitian pa 'ko ni Yayo saka siya pumitas agad ng mga bulaklak.

"Mimi, hihiram muna si Babi ng hat, ha? Dito natin ilalagay yung flowers mo." Kinuha ko ang sombrero ni Chamee para doon namin ipunin ang lahat ng mapipitas namin.

Kinakabahan na nga ako, baka nagnanakaw kami ng tanim ng may tanim.

"O, ito flower ni Mimi." Saglit kong inabutan si Chamee ng isang maliit na tangkay ng pink na bulaklak kasi paborito niyang kulay at tumili agad siya habang inaamoy-amoy iyon. "Babi, bibigay ko 'to palawer kay Mima!"

Napasulyap ako kay Yayo na biglang natawa. "Kahit anak mo, alam na magugustuhan ni Ma'am Alyna yung bulaklak."

"Lahat naman ng ibinibigay ko kay Chamee, kay Alyna napupunta e."

Pagkatapos naming makaipon ng bulaklak, bumalik na agad kami sa casa. Tirik na tirik ang araw at panay ang pansin ng matatandang nadaraanan namin sa anak ko. Naka-shades kasi at laging nakataas ang mukha na parang nangmamata ng makakasalubong.

Kahit din naman siguro ako, mapapatingin kay Chamee habang bumubulong ng kung ano kung hindi ko lang 'to anak.

"'Tay, nandiyan na ba si Ma'am Alyna?" malakas na tanong agad ni Yayo pagbalik namin sa casa.

"Wala pa. Bakit?"

"Dito raw po manananghalian."

"Sige. Nagpahain na 'ko kay nanay mo ng ulam."

May ilang mga bata roon sa pinaka-parking lot ng casa, naglalaro ng bola.

"Paglaruin mo muna si Chamee sa mga pinsan niya," alok ni Yayo.

Nag-alangan pa 'ko kasi walang ibang kalaro 'to si Chamee sa Munting Nayon. Baka biglang manapak kapag inaway, ako pa pagalitan.

"Babantayan naman ni Maring." Itinuro ni Yayo yung hipag niyang nagsasampay ng mga kumot sa dulo malapit sa kung saan naglalaro yung mga bata.

Napabuntonghininga na lang ako saka yumuko para bulungan si Chamee. "Anak, lalaro ka sa mga pinsan mo, ha? Huwag kang mang-aaway."

"Babi, bibigay ko palawer kay Mima," sabi niya, ipinakita sa akin yung bulaklak na ikot-ikot niya sa daliri.

Hinalikan ko siya sa sentido saka ako ngumiti. "Mamaya, ibibigay natin yung flower kay Mima. Laro muna ikaw, ha?"

"Opo!" Tinapik ko siya sa likod saka pinalapit sa mga pinsan niyang maliliit. Mukha tuloy siyang higante kapag katabi yung iba.

Nasa three feet two na ang taas ni Chamee, matangkad para sa tatlong taong gulang kung tutuusin saka malusog pa. Alaga sa vitamins saka sa gatas. Kung kumain, oras-oras din. Kinakabahan ako, kapag nanapak 'to, tulog ang masasapak nito e.

Pagpasok namin sa bahay, dumoon muna kami sa pinaka-indoor garden nila kung saan ko nakita kagabi si Yayo. Doon niya inilapag yung mga bulaklak na nakalagay sa sombrero ni Chamee.

"Saglit, kukuha lang ako ng diyaryo."

Matipid akong ngumiti sa kanya saka tumango.

Nakangiwi lang ako habang nakatingin sa mga bulaklak. Napapabuntonghininga ako habang nakakrus ang mga braso.

May tanim kasing ganito sina Manay Pasing. Lagi ngang winawalis ni Manay tuwing umaga. Si Chamee, sanay nang makakita nito. Si Alyna, malamang hindi niya magugustuhan 'to kasi talagang bumibili 'yon ng roses, tulips, o kaya yung bouquet ng assorted flowers na tig-iisang libo mahigit.

"Andoy, ito pala yung diyaryo." Napalingon ako kay Yayo saka siya sinundan ng tingin habang may dala-dala nang isang page ng diyaryo. Napapatingin ako sa palda niya. Ako ang nahihirapan sa kanya, panay ang angat niya ng laylayan sa sobrang haba, abot na sa paa.

"Share ko lang, Yayo, ha. Si Alyna kasi, mayaman 'yon," paalala ko pagtapat niya sa akin sa may mesa. "Kayang bumili ng flower shop n'on kapag sinaltik-saltik 'yon. Hindi ko alam kung papatulan niya 'to." Itinuro ko agad ang nakalatag sa mesang bulaklak.

"Alam mo, Andoy, simple lang si Ma'am Alyna. Malamang na magugustuhan niya ang kahit anong ibibigay mo."

"E mamaya baka humiling ng rose 'yon, wala akong mabigay. Laitin pa 'tong pinitas natin," sabi ko habang dinadampot-dampot ang maliliit na tangkay sa may sombrero.

"Kulang ka sa pananalig, Andoy. Mag-pray ka kaya kay Lord palagi."

Bakit naman nadamay si Lord dito?

Hinati niya sa apat yung diyaryo tapos ginawa niyang cone yung isang hati. Inilagay niya lahat doon yung bulaklak para maging maliit na bouquet. Binilot na lang niya yung dulo para hindi bumuka ang page kapag hinawakan.

"Ayan, okay na." Ibinigay niya sa 'kin yung gawa niya saka ako nginitian nang matamis. "Bigay mo 'to kay Ma'am Alyna. Matutuwa 'yon, sigurado ako."

"Lakas mong maniwala, 'no?" sarkastikong sabi ko saka nagbuntonghininga pagtingin sa hawak ko.

Puwede naman akong mag-withdraw at bumili na lang ng plastic rose sa 7-Eleven e. Kung bakit naman kasi . . .

"Mima!"

Sabay pa kaming napalingon ni Yayo sa may gate ng casa.

Pota, para akong kinaldagan sa dibdib pagkarinig ko ng sigaw ni Chamee.

"Mima, ipupunta kami kanina ni Babi sa sea! Ta's ipe-play ako sa water!"

"Wow, nag-play si Mimi sa water? Ang galing-galing naman ng baby ko. Mamaya, su-swimming tayo kasama si Babi."

Napapalunok na lang ako habang sinusundan ko sila ng tingin palakad sa hallway papasok sa indoor garden.

"Yehey! Mima, heheram ni Babi sombrero ko!"

"Oh, bakit hiniram ni Babi ang sombrero ni Mimi?"

"Kasi ikukuha kami palawer na maraming-marami!"

"Wow, kumuha kayo ng flower? Very good naman. Saan na yung flower?"

"Babi!" sigaw agad sa 'kin ni Chamee habang turo-turo pa 'ko. Itong batang 'to, ang daldal talaga e. Kapag may ginawa akong kasalanan, makukulong agad ako nito. "Babi, bibigay ko kay Mima palawer ko na maraming-marami!"

Pagsalubong namin ng tingin ni Alyna, biglang nawala ang ngiti niya sa 'kin. Hindi naman sumimangot pero parang hindi siya masaya.

Pota talaga. Parang ako pa'ng may kasalanan dito, a.

Bakit kapag masaya 'to si Alyna, nabubuwisit ako? Pero ngayong mukhang hindi 'to masaya, parang gusto ko nang mag-usisa kung bakit malungkot 'to.

Ano ba? Hindi ba siya pinayagang mamangka doon sa lugar na may buwaya? Aba, dapat lang!

"Mima, marami kami nikuhang palawer kanina ni Babi!" Hatak-hatak ni Chamee si Alyna palapit sa 'kin.

Yung kaba ko, nakakahingal na e. Hindi naman dapat ako kakabahan kaso taragis na, parang may krimen akong ginagawa na ayokong makita niya.

"Ano yung sinasabi ni Chamee?" tanong niya, pero yung boses niya, hindi masaya. Pota, ano ba? Gutom ba 'to? Pinagalitan ba 'to sa munisipyo? Inaway ba 'to roon? Nanginginig tuloy ako, 'king ina.

"Ano . . ."

"Andoy, bigay mo na," bulong agad ni Yayo.

"Ha? A—ano, saglit." Napalunok ako saka ko iniabot kay Alyna yung kunwaring bouquet ng bougainvillea.

'King ina, parang mag-aabot ako ng bulaklak sa multo, ang lakas ng pag-uga ng kamay ko.

Sumulyap doon si Alyna saka ibinalik sa mukha ko ang tingin. "Akin? Para sa akin?"

"O-oo. Ano . . . galing kaming ano . . . sa dagat."

"Sa dagat n'yo kinuha?"

"Oo."

"Psst, Andoy." Napalingon tuloy ako kay Yayo na napatampal sa noo saka ako pinandilatan ng mata bago itinuro ng tingin yung bulaklak.

"Ha? Bakit?" Paglipat ko ng tingin kay Alyna, kinukunutan lang niya 'ko ng noo. "Ayaw mo ba? Gusto mo ng rose? Gusto mong maghanap ako ng rose ngayon? Ihahanap kita, ano bang gusto mo?"

Mula sa malungkot, parang biglang umaliwalas ang mukha niya saka kinagat ang labi bago itakip sa mukha niya yung bouquet kuno.

"Put—" Hindi ko na itinuloy kasi nakatingin sa amin si Chamee.

Putaragis talaga, tatawanan pa 'ko e. Tadyakan ko kaya 'tong babaeng 'to?

Ibinaba na rin ni Alyna sa mukha niya yung bulaklak saka inamoy-amoy 'yon habang nakangiti.

Wala namang amoy 'yon, buang talaga 'to. Paano kung may maliliit na langgam na nakatago roon sa petals, e di nasinghot niya. Timang talaga kahit kailan.

"Thank you," sabi niya saka hinagod ang buhok ni Chamee na nakayakap sa baywang niya. "Mimi, bigay ni Babi kay Mima yung flower, o."

"Mima, sasabi ko kay Babi isi-simming tayo."

"Oo, magsu-swimming tayo mamaya. Doon tayo sa loob, may gift sa 'yo si Mima."

"Yeheeey! Mima, di ako bad! Ilalaro ako kanina sa water, di ako bad!"

Nauna na sila pabalik sa may kuwarto namin pero bago pa sila makaliko sa hallway kung nasaan ang pinto ng tinutuluyan namin, nilingon pa 'ko ni Alyna saka ipinakita yung pinitas naming bulaklak habang nakangiti.

"'Tamis naman ng ngiti natin, Andoy."

Nanlaki ang mga mata ko nang mapansing nakangiti na rin pala ako. Bigla tuloy akong sumimangot kay Yayo. "'Pinagsasasabi mo?"

"Sabi sa 'yo, magugustuhan ni Ma'am Alyna 'yon e." Nagtaas pa siya ng mukha para magyabang.

"Malay ko ba e mayaman 'yon."

"Kapag mahal ka naman, kahit damo ang ibigay mo d'on, matutuwa pa rin 'yon."

"Bakit ko naman bibigyan 'yon ng damo?"

Biglang nawala ang kunot ng noo ko nang maalala ko na inuwian pala ako minsan ni Alyna ng damo galing Batanes. Nakalagay pa 'yon sa maliit na bote na may cork na takip. Three years ago pa 'yon pero nasa bahay pa rin at naka-display sa may computer ko. Yung laging pinag-iinitan ni Chamee. Hindi rin nabulok kasi sealed masyado yung bote.

"Puntahan mo na yung pamilya mo. Dadaan ako sa kusina, baka kailangan ng tulong nina Kuya." Tinapik niya agad ako sa balikat saka ako nginitian nang matamis.

Napabuntonghininga na lang ako habang pinanonood siyang maglakad.

"Yayo."

Saglit siyang lumingon sa 'kin. "Bakit?"

"Salamat pala."

Natawa naman siya nang mahina. "Maliit na bagay." Itinuro niya ang daan. "Una na 'ko, ha? Tawagin ko na lang kayo kapag tanghalian na."

"Sige, salamat ulit."

Para akong nawalan ng nakadagang mabigat na bagay sa dibdib. Bakit ba minsan, ang babaw ng kaligayahan ng mga babae; minsan, sobrang demanding naman? Mga mood ng mga 'to, hindi mawari e.

Bumalik na lang ako sa kuwarto namin at naabutan ko roon na naglalatag ng mga laman ng backpack niya si Alyna sa sahig. Si Chamee, may kagat-kagat nang jelly worm.

May mga pasalubong siya agad samantalang may tatlong araw pa kami rito. Si Chamee, may suot-suot nang puting T-shirt na may print na I♥Aklan. Kahit din siya, ganoon na rin ang suot. May isa pang nakalatag sa kama na mas malaking size.

"Kumusta lakad mo?" tanong ko at naupo sa may kama habang kinukuha si Chamee.

"Ayun, okay naman," sagot niya habang inilalabas yung naglalakihan niyang DSLR saka laptop sa bag. "Magpapa-guide na lang ako bukas."

"Ayos ka lang?"

Napasulyap siya sa 'kin saka alanganing ngumiti. "Oo naman. Bakit mo natanong?"

"Mukha kasing hindi."

Hindi siya sumagot. Pilit na pilit pa kung ngumiti. Mukha ngang hindi pa rin okay, ako pa'ng pagsisinungalingan.

"Babi, si Mima, bibili niya 'ko ito na bagong chi-shirt!" Ipinakita ni Chamee sa 'kin yung design ng bagong damit niya.

"Bagong T-shirt ni Mimi, a. Ang ganda-ganda naman ng anak ko. Kiss mo nga si Babi." Yumuko ako nang kaunti para maabot niya ang pisngi ko.

"Babi, isi-simming na tayo?"

"Mamaya, 'nak. Su-swimming tayo."

Langoy na langoy na 'to, kanina pa yung swimming niya. Sa pool lang kasi 'to nakakalangoy e. Kanina, nagpapahabol lang sa alon. E bawal nga lumusong kasi naka-dress pang mahaba.

"Ma'am Alyna, Sandro?" May kumatok agad sa pinto habang tinatawag kami. Si Yayo malamang. "Pumunta na lang kayo sa kusina, ha?"

"Sige, susunod na lang kami," malakas na sabi ko. "Ay, Yayo, saglit." Mabilis akong pumunta sa pinto at naabutan ko siyang nag-aabang ng sasabihin sa akin.

"Bakit?"

Mahina akong nagsalita. "Ano, pasabay naman si Chamee muna. Mag-uusap lang kami ni Alyna."

"Ay, sige. Walang problema."

"Salamat." Kinuha ko agad si Chamee saka binulungan. "Mimi, sama ka muna kay Tita Yayo, ha? Susunod si Babi saka si Mima."

"Opo." Tumango naman siya kaya inakay ko na palabas. Nahihiya pa siyang sumama kay Yayo kaya panay ang lingon sa akin kahit hawak na siya sa kamay ng tita niya.

"Babi, susunod ikaw, ha!"

"Oo, 'nak. Susunod si Babi."

Bumuga ako ng hangin at isinara ang pinto ng kuwarto. Naabutan ko pa si Alyna habang inaayos ang mga gamit niya sa sidetable ng kama.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko agad at nagpamaywang nang lapitan siya.

"Hmm?"

Pasulyap-sulyap lang siya sa 'kin saka sa mga gamit niya. Nang matapos doon, bigla niya 'kong tinalikuran.

"Tinatanong ko kung ano'ng nangyari."

"What do you mean by ano'ng nangyari?" tanong pa niya at akmang lalabas na pero hinarangan ko agad ang pinto.

"May nangyari. Ano?"

"Na ano ba?"

"Malungkot ka. Ano'ng nangyari?"

Naiwan lang nakaawang ang bibig niya habang nakatingala sa akin. Ilang saglit pa, yumuko na lang siya saka umiling. "Wala, ano ka ba?"

Aabutin sana niya yung doorknob sa likod ko pero hinarang ko agad. "Magsabi ka nga, ano'ng nangyari? Bakit parang binagsakan ng langit 'yang mukha mo?"

"Wala nga."

"Isa."

"Wala nga kasi." Aabutin na naman sana ulit niya yung doorknob pero hinawakan ko agad ang kamay niya para pigilan.

"Bakit malungkot ka?" seryosong tanong ko.

"Hindi ako malungkot." Pilit niyang binabawi ang kamay niya sa 'kin kaya lalong ayokong bitiwan.

"E bakit ganyan ka?"

"Wala nga. Sandro, si Chamee walang bantay doon."

"Buong angkan niya, nandito. Tumigil ka."

Ang bigat ng buntonghininga niya saka siya lalong yumuko.

"May nangyari ba?" tanong ko agad kasi baka nga may problema. Halata naman. Hyper na hyper 'to, biglang magkakaganito.

"Wala."

"Wala e bakit nga malungkot ka? Ilang beses ba 'kong dapat magtanong?"

"Wala. I felt bad lang kasi hindi ko inamin agad yung sa November issue."

"Di ba, sinabi ko na ngang hindi na 'ko galit."

"Oo nga, kaso . . ." Mabigat na naman ang buntonghininga niya.

Akala ko, naka-move on na 'to. Mali naman talaga yung ginawa niya saka dapat lang na makonsiyensiya siya. Kaso kapag ganito ang ayos niya, ako ang hindi mapakali e.

"Okay na 'yon, huwag mo na isipin," sabi ko na lang. Kaso kasasabi ko pa lang, parang wala naman siyang narinig. Hindi man lang umimik. Nanatili lang nakayuko.

Ay, buhay talaga. Tsk, bakit ba ang hirap namang pakiusapan nito?

Hinawakan ko na lang siya sa magkabilang pisngi saka inangat ang mukha paharap sa 'kin. "Ngumiti ka na, hindi bagay sa 'yong malungkot. Kapag nakita ka ni Chamee, magtatanong 'yon."

Ngumiti naman siya kaso pilit na pilit.

Bakit ba kapag ganito 'tong si Alyna, ang obvious na malungkot? Ano ba naman 'to? Hindi marunong magtago ng emosyon.

"Ang hirap mo namang pangitiin," reklamo ko agad. Saglit pa akong yumuko palapit sa kanya at dinampian ko agad ng magaang halik sa labi. "Bati na tayo, ha? Baka mamaya, iiyakan mo na naman ako."

Biglang bago ng kulay ng mukha niya habang nakatitig sa mga mata ko. Pigil na pigil naman siya ngayon sa ngiti niya sa 'kin. Pero kumpara kanina, mas gusto ko na ang kinang sa mata niya habang nagpipigil ng tuwa.

"Ang babaw talaga ng kaligayahan mo," sabi ko na lang saka binuksan ang pinto sa likod ko. "Tara na. Baka sabihin pa ng mga 'yon, kung ano pang ginagawa natin dito."

Kinuha ko na lang ang kamay niya saka ko hinatak papasok sa bahay nina Yayo.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top