Kabanata 23. Ang Anghel
Kung away lang ang pag-uusapan, sobrang dalas naming magtalo ni Alyna. Ang tigas kasi ng ulo. Doon sa spoiled siya, matagal ko nang tinanggap 'yon. Umpisa pa lang, tanggap na tanggap ko na. Kung ano ang gusto niya, 'yon ang masusunod. Pero hindi na siya bata para gumawa ng mga bagay na hindi naman niya dapat ginagawa.
Nakaupo siya sa kama at ako sa round chair. Naka-Indian sit siya sa tabi ni Chamee habang nakakrus ang mga braso ko at naka-de-kuwatro. Pinipilit kong hinaan ang boses ko kasi baka magising si Chamee at marinig kami sa labas na nagtatalo.
"Sorry doon sa November issue," sabi niya habang hinihintay ko siyang magpaliwanag sa kasalanan niya. "I was supposed to interview someone for that kaso nag-cancel kasi hindi siya nakabalik agad sa Philippines for the talk."
"At hindi mo sinabi sa 'kin."
"Ire-reject mo kasi." Panay ang kutkot niya ng kumot, hindi na naman makali.
"Ire-reject ko talaga. Paano kung hindi ko 'yon nakita ngayon, aaminin mo bang inilagay mo yung mukha namin ni Chamee sa magazine mo?"
"Sasabihin ko naman talaga sana kaso . . ."
"Kaso ano? Kaso naunahan ka. November pa 'yon, Lyn. 2017 pa. December, nailabas na 'yong issue. Anong buwan na ngayon? Ano'ng taon na ngayon? Ngayon mo pa lang sasabihin?"
"Hindi naman. Alam ko namang mali—"
"Alam mo palang mali, ginawa mo pa rin."
"Sorry."
Napapabuntonghininga na lang ako habang nakatingin sa kanya. Alam ko, boss ko siya. Pero kahit boss ko siya, lahat ng ilalagay na object sa magazine, dapat may consent at permission. Alam niya dapat 'yon. Ipinaliliwanag ng abogado 'yon sa amin. Hindi naman kami mga paparazzi na basta na lang may mai-cover kahit hindi payag ang subject.
"But in my defense, napunta naman sa trust fund ni Chamee ang lahat ng royalties sa kopya," katwiran na naman niya.
"Pero hindi 'yon ang punto rito, Alyna. 'Yan tayo e." Napakamot tuloy ako ng ulo. "Hindi ka nanghingi ng permiso. Ano? Masasanay kang ganyan? Magso-sorry ka kapag tapos na? Paano kung makita ni Chamee 'yang ganyan? Masasanay gumawa ng mali kasi puwede naman palang mag-sorry pagkatapos. Yung anak ko, iniimpluwensyahan mo ng mali, ano? Igagaya mo 'yan sa 'yo? Ikaw, sinasabihan ka, hindi ka nakikinig."
"Sorry na nga, hindi ko na uulitin. Ilang sorry ba ang dapat sasabihin ko para tanggapin mo?"
"Ngayon, ikaw pa'ng galit?"
"E nagso-sorry na nga—"
Sabay kaming natigilan nang umungot si Chamee at pumaling-paling sa higaan.
Bumuga na lang ulit ako ng hangin saka umiling. "Ayoko nang makipagtalo sa 'yo. Kung ayaw mong baguhin 'yang ugali mo, huwag mong idamay 'yang bata sa mga kalokohan mo."
Tumayo na 'ko at inurong ang upuan sa gilid. May hinahatak pang extension sa ilalim ng kama at doon ako matutulog. Kumuha na lang ako ng baong kumot para sana kay Chamee at iyon ang ipinangkumot ko sa 'kin.
"Sorry na, Sandro."
Hindi ko na siya inimik. Hindisiya mapagsabihan, e di, huwag.
♦♦♦
Kapag pagod ako sa biyahe, isang pikit ko pa lang, ang susunod kong dilat, kadalasan tanghali na. Alas-dos pasado ng madaling-araw nang magising ako kasi ang lamig. Wala pa kaming air con sa lagay na 'to. Una kong hinanap si Chamee na pabalagbag nang nakahiga sa kama. Saglit kong inayos ang kumot niya kahit na hindi mawari ang puwesto niya roon.
Napatingin tuloy ako sa buong kuwarto. May katabi dapat 'to, nasaan na 'yon?
Bumangon agad ako at pagsilip ko sa terrace, naka-indian sit doon sa lapag si Alyna habang hawak ang phone. Lumapit agad ako roon para manermon na naman. Saglit siyang napasulyap sa 'kin pero binalikan din ang hawak niya.
"Di ba, may trabaho ka pa mamaya? Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ko.
"Hindi ako inaantok."
"Kailan ka aantukin? Kapag nagtatrabaho ka na?"
"Matulog ka na lang ulit. Hayaan mo na 'ko. Ako naman ang mapupuyat."
"Alyna, isa."
"Nag-sorry na nga ako."
"Aanhin ko ang sorry mo, pinatutulog ka nga."
Hindi siya sumagot. Bigla siyang yumuko saka nagpunas ng mata. "Nag-sorry na nga ako e . . ."
Putaragis talaga. Iiyakan pa 'ko nito, ang aga-aga.
"Hindi ko naman na mababawi 'yon . . . wala na 'kong mapu-pull out . . ."
Tsk. Buhay talaga, oo. Napapakamot na lang ako ng ulo.
"Tumayo ka na diyan, doon ka na sa kama, dali na," mahinahon ko nang sinabi saka siya inakay patayo.
"Sasabihin ko naman talaga e . . ." Punas lang siya nang punas ng mata niya habang mahinang umiiyak.
Hindi ko alam kung maaawa ako o ano, parang tutang umiiyak kasi. Siya naman yung may kasalanan pero bakit parang ako yung kontrabida rito?
Yumuko ako nang kaunti para makita ang mukha niya.
"Tama nang iyak 'yan. Pinapaiyak ka ba?" Ako na ang nagpunas ng basang pisngi niya.
"Galit ka kasi sa 'kin e . . ."
"Pinagsasabihan ka lang, hindi naman nagagalit sa 'yo." Hinawi-hawi ko yung buhok niyang bagsak nang bagsak sa mukha niya. "Tingnan mo itsura mo. Mukha ka nang kamatis." Ang pula na ng ilong saka mata. Kahit hindi gaanong maliwanag, nakikita pa rin ang itsura niya.
Hindi ko pa nakikitang umiyak 'to si Alyna, pero mukha pala 'tong batang naagawan ng candy kapag ganito. Ang cute, parang ang sarap paiyakin minu-minuto.
Tinapik ko siya sa balikat saka ko itinuro yung kama. "Matulog ka na, may trabaho ka pa mamaya."
Tumango lang siya saka pumunta sa kama. 'Yon lang, napahinto siya sa paanan kasi ang alanganin ng higa ni Chamee. Sakop na sakop buong kama.
"Dito ka na matulog sa higaan ko," sabi ko na lang saka ko kinuha yung isang unan saka ibinaba sa tabi ng akin.
Tumango ulit siya saka humiga na roon pasiksik sa kanto ng mas malaking kama. "Ikaw, saan ka matutulog?" tanong niya habang nagkukumot.
Tinatanong pa ba 'yan? Malamang sa higaan.
Inangat ko yung kumot ko na ipinangkumot din niya at humiga na ulit ako sa puwesto ko nang patihaya saka nagkrus ng braso.
"Hindi ka na galit sa 'kin, Sandro . . .?" mahina niyang tanong kahit tunog maiiyak pa rin.
"Kapag natulog ka na, hindi na 'ko maiinis sa katatanong mo niyan."
Hindi na lang din siya nagsalita ulit. Napasulyap ako sa kanya nang pumaling siya paharap sa 'kin. Akala ko, mangyayakap na naman pero idinampi lang niya yung noo niya sa balikat ko.
Naiinis dapat ako e, pero naaawa rin ako, nakaka-bad trip.
Ang lalim ng buntonghininga ko nang inunat ang kaliwang braso at inangat ang ulo niya para isilid doon sa ilalim. Kinuha ko ang kabilang kamay niya para ipayakap sa 'kin. Ilang saglit lang, naririnig ko na naman siyang humihikbi habang nakabaon ang mukha sa may leeg ko.
"Sshh, tahan na." Tinapik-tapik ko ang likod niya para patahanin.
"Sorry . . ."
"Hayaan mo na 'yon."
Kahit gusto ko na siyang patigilin sa pag-iyak kasi ang ingay, hinayaan ko na lang din. Baka nakokonsiyensiya na sa ginawa niya e, malay ko.
Basta ba alam na niya ang mali niya at hindi na niya uulitin, ayos na 'ko roon.
♥♥♥
Ang aga magising ng mga tao sa bahay nina Yayo. Nauna pa sila sa tilaok ng mga manok. Si Alyna, maagang umalis at ang sabi ay doon na lang daw sa may munisipyo mag-aalmusal kaysa ma-late pa. Pumayag na 'ko. Trabaho niya 'yon e. Kami ni Chamee ang kasabay ng pamilya ni Gen sa pagkain. Alas-sais y medya pa lang, gising na gising na ang diwa ko.
Paanong hindi magigising e kahit sino namang sasalang sa pa-interview ng magulang, magigising talaga sa nerbyos.
Nasa pabilog na mesa kami. Magkakatabi sila pero may dalawang lalaking nakatayo—yung kuya nina Yayo saka si Marvic. Sa amin yata ibinigay pansamantala ang puwesto nilang dalawa. Malaki yung mesa saka maraming nakahaing pagkain na nahihiya akong galawin kasi baka sabihin, patay-gutom ako. Kung ano ang ituro sa amin at kung ano ang nakatapat sa amin, iyon lang ang ginagalaw ko.
Ang ganang kumain ni Chamee kasi pinaghain ng chopseuy saka nilagang itlog. Binigyan pa ng goto ni Tatay Joel kasi baka raw kulangin. Hindi ganito ang almusal ni Chamee sa Maynila. Minsan bacon, ham, bibili ako ng spaghetti kina Ate Seny, piprituhan ko ng sunny side up. Ang paborito nito, pancake na may chocolate syrup. Nademonyo ni Alyna kaya kahit mahal yung Hersheys, hinahainan ko talaga. O kaya instant champorado na nasa cup.
"Maaga palang umalis si Ma'am Alyna, ano?" sabi ni Nanay Nita, yung nanay nina Gen. "Ayos lang ba 'yon? Parang malungkot kanina n'ong lumabas."
Matipid na lang akong ngumiti sa kanila. Alangan namang sabihin kong pinaiyak ko e sa akin nga may atraso 'yon.
"Babi, kakain ikaw ng gan'to." Sinubukan akong subuan ni Chamee ng nilagang itlog. Ngayon pa lang siya makakakain ng buong nilagang itlog kasi madalas, kapag nasa ramen na gustong kainin ni Alyna, sliced ang nakikita niya.
"Oo, kakain si Babi ng ganyan."
Kapag may tinatanong silang hindi ko kayang sagutin, si Chamee ang ginagawa kong pantakas sa topic e. Kunwari, aasikasuhin ko 'tapos kakausapin para makaiwas sa kanila.
"Paano kayo nagkakilala ni Geneva?" tanong ng kuya ni Gen, parang Crisanto yata ang pangalan. Narinig ko lang kapag tinatawag sa kusina ng asawa niya.
"Nagkakilala talaga kami sa school," sagot ko. "Nag-IT specialist kasi ako minsan sa university kung saan siya nagma-masteral."
"'Tapos nabuntis mo."
Saglit kong pinandilatan ang mesa kasi ito na naman sa mga nakakalintik na tanong na dapat si Pol ang sumasagot.
"Ano ho kasi. . . ." Pota. Ano ba'ng isasagot ko sa mga 'to?
"Yung boyfriend ni Ging-ging, kilala mo ba? Yung kasama niya sa aksidente?"
Kilala ko? Aaminin ko ba?
"Si ano ho . . . si Paul John po ba?" naiilang na tanong ko.
"Hindi namin alam ang pangalan e. Sabi, itinanan lang, hindi kilala ni tita niya Haley."
"Kilala ko naman ho," sagot ko habang nakayuko. "Mabait naman ho 'yon kaso nga lang, ayun nga."
"'Buti nakuha mo yung anak n'yo ni Geneva. Saan mo nakuha?"
Ang daming tanong, nakakaumay na.
"Anim na buwan pa lang po kasi si Chamee noong maaksidente sina Gen sa motor. Nataon lang po na ako yung nag-aalaga noong araw na nangyari 'yon."
"Ikaw ang nag-aalaga? Ano'ng ginagawa ni Geneva?"
"Nag . . . nagtatrabaho po."
"Bakit nagtatrabaho si Ging-ging, hindi mo sinusustentuhan yung anak n'yo?"
Teka nga lang, ha. Bakit parang kasalanan ko pang umako ako ng hindi ko naman dapat responsabilidad, aber?
"Hindi naman po sa hindi ko sinusustentuhan—"
"Ma, imaw guid man ro nag-alaga, di ba? Anong klaseng sustento pa abi ro ubrahon, idto man kana ro unga kat namatay si Ging-ging," pagsalo agad sa akin ni Yayo. (Ma, siya nga ang nag-aalaga, di ba? Paanong sustento pa ba ang gagawin, nasa kanya naman ang bata noong namatay si Ging-ging.)
Mabuti na lang, Diyos ko! Kung hindi siya nagsalita, talagang pagdadabugan ko 'tong mesa nila, paki ko kung magalit 'tong mga 'to.
"E bakit ang sabi ni tita niya Haley, patay na yung bata?" tanong ni Tatay Joel sa akin.
Napasimangot agad ako nang maalala yung tita ni Gen na hindi mapagkatiwalaan. "Dumaan po ako noong lamay ni Gen sa kanila. Kahit po yung mga tao sa bahay nila, alam 'yon. Hindi ko lang alam kung ano ang sinabing kuwento sa inyo."
"Babi, busog na si tummy ko."
"Busog na si tummy?" tanong ko pa habang hinahawakan din ang tiyan ni Chamee na tinatapik-tapik niya. "Good job naman si Mimi, naubos ang food niya."
"Tapos na kayong kumain?" tanong ni Tatay Joel. "Yayo, mamaya ipasyal mo 'tong pamangkin mo sa may dalampasigan."
"Opo, 'Tay."
"Ano'ng oras daw babalik si Ma'am Alyna?" tanong naman ni Tatay Joel sa akin.
"Ang alam ko po, tanghali pa. Kakausapin daw yung sa munisipyo para bukas. Tatawagan ko na lang po para sigurado sa oras."
"Dito ba 'yon manananghalian? Para magpadagdag ng lulutuin kung sakali."
"Itatanong ko po. Sasabihin ko na lang kay Yayo kung dito kakain."
Naiilang ako sa pamilya ni Geneva. Hindi ko alam kung bakit. O baka kasi iniisip nila, nabuntis ko si Gen 'tapos hindi ako ang kasama noong naaksidente.
Ewan ko ba, parang hindi ako komportableng kausap sila.
Pagkatapos namin sa almusal, ni sa panaginip ko, hindi ko ma-imagine na mamamasyal ako sa Boracay. Pero malayo-layo pa raw ang Boracay rito, kabila pa. Hindi kami napadpad sa white sand beach. Mukha lang buhangin sa construction site na mas pino nga lang na medyo light ang kulay saka may mga batong maganda ilagay sa garden.
Si Chamee, sanay 'tong makakita ng dagat kasi sa may seaside kami tumatambay kapag namamasyal kami sa MOA.
Kakaiba talaga ang daan ng hangin sa tabing-dagat. Parang malansa na maalat na malamig. Sanay lang talaga siguro ang ilong ko sa kemikal. Kasalanan 'to ng kaka-Lysol ko sa apartment e.
Tirik ang araw kaya takip-takip ko ng payong si Chamee kahit naka-sun hat siya at naka-shades na hugis heart—paborito niyang shades. Nakasuot din siya ng pink summer dress na regalo sa kanya ng Mima niya. Siya rin naman ang pumili nito kahit na pinili ko yung short saka T-shirt lang para terno sana kami. 'Tapos naka-slippers siya na pink din. Mukhang anak ng mayaman kahit naiiyak na lang ako kada sunod ko ng luho ng prinsesitang 'to.
"Babi, sasabi ni Mima, isi-simming kami. Saan na si Mima ko?"
"Si Mima, may trabaho. Mamaya, tatawagan natin, magsu-swimming kayo, ha?"
"Babi, tatawag ko si Mima. Mi-miss ko na siya e."
"Mamaya, 'nak. Hindi dala ni Babi ang phone. Pasyal ka muna para pagdating ni Mima, siya naman ipapasyal mo."
"Opo! Ta's isasabi ko kay Mima, isi-simming kami!"
"Ang cute ng anak mo, 'no?" bati ni Yayo habang sinasabayan kami sa paglalakad sa buhanginan. Gusto ko rin sana siyang payungan kaso si Chamee kasi.
"Cute nga, sakit naman sa ulo." Kinurot-kurot ko saglit ang pisngi ni Chamee saka ko siya hinayaan na tumakbo sa buhanginan. Kahit naman madapa siya, hindi naman siya magkakasugat. "Play ka muna, Chamee. Huwag lalayo, ha?"
Pagkabitiw ko sa kanya, tumili na agad nang tumili saka nagtatatakbo.
Saglit kaming huminto ni Yayo sa ilalim ng punong niyog habang nakasunod ng tingin kay Chamee na may dinadampot na kung ano sa buhangin. Nilapitan siya ng isa pang bata na mas matanda nang kaunti sa kanya 'tapos may ipinakita sa kanyang shell.
"Okay lang ba kayo ni Ma'am Alyna?" tanong agad ni Yayo nang tumahimik sa puwesto namin.
Sinulyapan ko siya bago ko ibalik kay Chamee ang tingin. "Okay lang naman. Bakit?"
"Narinig ko kasi kayong nagtatalo kagabi. Hindi ko naman narinig nang buo, napadaan lang ako noong kumuha ako ng sinampay."
"A, 'yon ba." Saglit akong napatingin sa ibaba saka naniningkit ang matang tumanaw sa asul na dagat. "Okay lang naman kami. May ginawa lang kasi siyang hindi niya kinonsulta sa 'kin."
Ang ganda rito. Nakakapayapa ng utak. Kumikinang sa araw yung tubig. Nakakawala ng init ng ulo.
"Mukha namang mabait si Ma'am Alyna. Baka hindi naman niya sinasadya."
Natawa ako nang mahina at napailing agad.
Talaga ba? Duda ako sa hindi sinasadya. Ang tagal ng planning ng magazine, ano 'yon? Isang buwan, hindi alam ni Alyna na hindi niya sinasadya?
"Ayos naman na 'yon. Nasabihan ko naman siya," sabi ko na lang.
"Pero mukhang malungkot siya kanina pag-alis. Mugto rin yung mata."
Paanong hindi mamumugto, iyak nang iyak kahit wala namang nakakaiyak.
"Okay lang 'yon, mabilis 'yong makaka-recover," sagot ko habang sinisipa-sipa ang maliliit na batong makinis na nasa paanan namin.
"Bakit parang hindi ka naman concerned sa asawa mo?" tanong niya na dahilan kaya ko siya natingnan.
"Paanong hindi concerned?"
"Okay lang sa 'yong umiiyak 'yon? Ang sama mo naman."
"Ay, ako pa ang masama?" depensa ko agad. "Siya yung may kasalanan. Pinagsabihan ko lang. Iniyakan ako n'on kasi guilty 'yon. Saka nag-usap na kami. Hindi naman ako nagagalit sa kanya, pinagsasabihan ko lang na hindi tama ang ginawa niya."
"Bakit? Ano ba yung ginawa niya?"
Ang rahas ng buntonghininga ko saka ko binalikan ng tingin si Chamee na ginagaya na yung mga batang kalaro niya roon sa buhanginan. Nagtatayo na sila ng inipong buhangin sa puwesto nila.
"Sa trabaho kasi 'yon," paliwanag ko na lang. Ayokong banggitin yung tungkol sa magazine, baka lumayo pa ang topic namin sa kung saan.
"Ayaw mo ng trabaho niya?"
"Hindi naman. Saka ayos naman na kami. Gusto lang niyang umiyak siguro. Saka ayoko lang na may ginagawa siyang hindi niya ipinagpapaalam sa ibang tao. Hindi lang siya nanghingi ng permiso sa isang trabaho niya kaya ko napagsabihan. Hindi naman puwedeng hahayaan lang na ganoon palagi ang gagawin niya." Nilingon ko agad si Yayo. "Siguro naman, kung yung asawa mo ang may gagawin na hindi mo gusto at hindi ipinagpaalam sa 'yo, hindi mo naman siguro palalampasin lang basta."
"Sa bagay."
Saglit na naman kaming natahimik.
Pinanood lang namin si Chamee na mag-ipon ng mga kalaro niya. Yung sun hat niya, naiwan na sa buhanginan. Yung shades niya, ipinahihiram na niya sa ibang batang naka-swimsuit at naliligo kasama ng ibang pamilya roon.
Dati, pangarap ko lang makapunta sa dagat. Ngayon, ito na kami. Parang sa MOA lang din, ang kaibahan lang, mas malapit sa amin ang alon. Saka hindi polluted ng basura ang baywalk.
"Mabuti may umampon sa 'yo pag-alis ko," pagbasag ni Yayo sa katahimikan namin.
Sumulyap ako sa kanya saka tumawa nang mahina.
"Mabuti na lang talaga."
"Kinuha ka sa ampunan?"
Hindi ako agad nakasagot. Ang lalim ng hugot ko ng maalat na hangin saka ko dahan-dahang ibinuga. "Alam mo, sinundan kita pag-alis mo sa Bukang-Liwayway. Kaso hindi kita nahabol. Akala ko nga, sa inyo na 'ko titira 'tapos magkasama na ulit tayo kaso . . ." Natawa na naman ako nang mahina, pero mas mapait nga lang. ". . . wala e. Hindi kita nahabol."
"Sira ka, bakit mo 'ko hinabol?" reklamo pa niya. "Hindi ka papayagan ni Mama tumira sa 'min. Baka palayasin ka lang din!"
Sabay kaming natawa dahil doon.
Totoo rin naman. Na-realize ko lang 'yon noong lumaki na 'ko. Hindi ko naman kasi pamilya 'yon kaya bakit ko ipipilit ang sarili ko roon?
"Pero alam mo, Yayo, nagpapasalamat akong hinabol kita that time," sabi ko nang seryoso pero may kaunting ngiti. "Nagpapasalamat ako kasi dahil sa 'yo, nakaalis ako ng ampunan, nakilala ko yung best friend ko. Naampon ako ng mga nagpalaki sa 'kin. Alam mo 'yon? Yung hindi mo kailangang ipagsiksikan ang sarili mo sa kung sino-sino kasi tanggap ka nila agad."
At kung hindi ko nakilala si Pol, baka wala ngayon sa 'kin si Chamee.
"Gan'on naman siguro talaga minsan, Sandro. May hahabulin ka, pero habang hinahabol mo, may makikita ka pang mas okay. Gaya n'on. Kung sumama ka pala sa 'kin, e di, walang umampon sa 'yo."
Siguro nga, may makikita pa 'kong mas okay. Nakita ko naman na ulit si Yayo pagkalipas ng mahabang panahon. Parang pangarap na natupad, kaso ngayong nakuha ko na yung pangarap na 'yon, parang wala naman akong naramdamang natupad sa 'kin.
"Ay, baka makalimutan ko. Patanong pala si Ma'am Alyna kung sa bahay siya manananghalian. Pinatatanong ni Tatay."
"Ay, oo nga pala." Napadukot agad ako sa bulsa para kunin ang phone ko. "Saglit, text ko lang siya."
"Ang cute naman ng wallpaper mo."
Sinulyapan ko siya habang pasimple siyang sumisilip sa phone ko. Si Chamee na yakap ni Alyna kasi ang wallpaper ko. Si Alyna ang namili nito, hindi ko na rin binago kasi cute naman silang dalawa sa shot.
Mima♥
..Lyn sa casa ka ba maglalunch? Pinatatanong ng papa ni Gen
"Bigyan mo kaya ng bulaklak si Ma'am Alyna, baka matuwa siya pagbalik," alok ni Yayo na ikinakunot agad ng noo ko.
Bakit ko naman bibigyan ng bulaklak si Alyna, aber? Aanhin niya 'yon?
"Hindi siya mahilig sa bulaklak," sabi ko agad.
"Sure ka? Babae 'yon, matutuwa 'yon sa bulaklak."
"Wala akong makukuhaan ng bulaklak dito kahit mahilig siya."
"May alam akong puwede mong kuhaan. Libre lang!"
Sinukat ko agad ng titig si Yayo, tuwang-tuwa pa sa alok niya.
"Sige na, para may pasalubong ka pag-uwi niya." Pinalo-palo pa niya ako sa balikat para pilitin ako.
"Oo na, oo na, sige na."
Ito si Yayo, kaunti nalang, iisipin ko nang ito yung demonyo ko e.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top