Kabanata 19: Ang Pag-alis
Ang bilis kong nakatulog. Baka napagod siguro ako, ewan.
Kapipikit ko pa lang, at ang sumunod na nangyari ay bumuhos sa 'kin na parang malamig na tubig na puro yelong tig-tres.
Basta nasa gitna ako ng panaginip nang may pumalo sa braso ko.
"Babi!"
Para akong nahulog sa mataas na lugar at napabangon agad ako. Nagulat pa 'ko kasi may bumagsak sa kaliwang balikat ko na biglang umungot.
"Ano ba . . . inaantok pa 'ko e."
Ang lakad ng kalabog ng dibdib ko habang pinandidilatan ko si Alyna na katabi ko pala.
"Babi, ba't ikaw nitutulog d'yaan?"
Pagtingin ko sa kanan, si Chamee, nakasimangot sa 'kin at nakapamaywang pa.
"Mima, sasabi ko, tutulog ikaw sa castle ko e!" Bigla niyang kinuha ang kanang braso ko saka hinatak. "Babi, alis ikaw d'yaan! Mima, lilipat ikaw sa Hello Kitty Castle ko!"
Napatingin ako sa balcony habang hinihingal. Maliwanag na pala.
Biglang sumampa sa kama si Chamee saka ako dinagan-daganan para makalapit sa Mima niyang natutulog pa.
Pinalo-palo niya agad si Alyna sa braso para gisingin.
"Mima, tutulog ikaw sa Hello Kitty Castle ko. Sasabi ko gagahapon tutulog ikaw doon e." Itinuro pa niya yung tent niya.
"Good morning, Mimi," malambing na bati ni Alyna habang kinukurot-kurot ang pisngi ni Chamee na umaga pa lang, sinesermunan na kaming dalawa—parang nanay niya talaga.
"Mima, lilipat na ikaw. Gusto ikaw matulog katabi ni Ninicorn."
"Sino si Ninicorn?" tanong ni Lyn.
Sumagot naman ako. "Yung unicorn niyang laruan."
"Oooh." Bigla naman siyang ngumisi. "Sige, lilipat ako pero kiss mo muna si Mima." Ngumuso naman siya. At dahil masunurin si Chamee, hinalikan nga siya sa labi.
"Mima, lilipat na ikaw, ha!"
"Kay Babi, wala akong kiss?"
Tiningnan ko agad siya nang masama. "Demonyo ka talaga," sabi ko nang walang boses pero sapat na para mabasa niya ang bibig ko.
Tinawanan na naman niya 'ko at saka pinalapit si Chamee sa kanya para bulungan.
Kapag talaga nagko-combo silang dalawa, nababaliw ako e.
Biglang pumaling sa akin si Chamee saka lumuhod sa tabi ko bago itinakip ang mga palad sa tainga ko.
"Babi, ki-kiss mo daw si Mima para lilipat na siya sa Hello Kitty Castle ko," bulong ni Chamee na puro na nga hangin, malakas pa.
Naka-peace sign pa sa 'kin si Alyna habang nakangisi.
Demonyo talaga 'to. Hilig bulungan yung bata ng kung ano-anong kalokohan.
"Babi, ki-kiss ko din ikaw." Hinalikan ako sa pisngi ni Chamee saka ipinaling ang mukha ko sa Mima niyang may masamang balak ke aga-aga.
'Sige na, iki-kiss ko na si Mima." Hinawi ko ang buhok ni Alyna sa mukha saka siya dinampian ng halik sa noo. "Ayan, may kiss na si Babi kay Mima."
"Ay." Sinimangutan na naman ako ni Lyn pagkatapos.
Umalis na rin ako sa kama saka nag-unat. "Bumangon na kayong dalawa diyan. Bibili lang ako ng almusal sa labas."
Kinuha ko yung wallet ko saka ako dumeretso sa bilihan ng pandesal kina Kuya Bundoy.
Tanghali na nga kung tutuusin. Pasado alas-siyete na ng umaga, nataasan na ako ng araw.
"O, hindi mo kasama si Chamee?" tanong na naman ni Kuya Bundoy habang kakamot-kamot ako ng ulo.
"Nasa bahay, Kuya."
"Mag-isa lang."
"Kasama niya yung Mima niya." Napabuntonghininga na lang ako nang mabanggit si Alyna.
Ayoko kasi talagang dalhin si Alyna sa bahay kasi alam ko na ang sasabihin ng mga nakakakilala sa akin dito.
"'Buti dinala mo sa inyo. Diyan na ba titira?"
Mabilis akong umiling habang nanunulis ang nguso at nakasimangot.
"May sariling mansiyon 'yon sa kanila," depensa ko agad.
"Ay, mayaman ba?"
Nanlaki lang ang ilong ko. Kapag ganitong mga tanungan, alam ko na 'to e.
"Pabili rin ng dalawang Milo, Kuya," sabi ko na lang para hindi na ako usisain pa nang usisain tungkol kay Alyna.
Pagbalik ko sa bahay, nakarinig ako ng nagtatawanan at may gumagalaw sa loob ng tent ni Chamee.
Nakaligpit na yung pinaghigaan namin ni Alyna kanina kaya malamang na naglalaro sila ni Chamee sa Hello Kitty Castle.
"Nandito na ang almusal," sabi ko na lang saka ko inilapag sa mesa ang mga binili ko. "Ay, oo nga pala."
Tumingin ako sa air pot dahil nakalimutan kong mag-init ng tubig. Pero pagtingin ko roon, bukas na at may laman na ring medyo kumukulo-kulo na.
Mukhang nakapag-init na rin si Alyna ng tubig habang wala ako.
"Babi!"
Tumili na naman si Chamee. Mabuti, hindi nababasagan ng vocal cords 'tong batang 'to.
"Babi, gagawan mo chocolate kami ni Mima!"
Ang sama agad ng tingin ko sa may tent. Nakasara 'yon, sumisigaw lang si Chamee sa loob.
Itong batang 'to, kanino ba nagmana 'to at kung makapag-utos, parang alila ako palagi?
Binuksan ko na sa mesa yung liver spread saka peanut butter. Hinanda ko na rin sa hiwalay na plato yung pandesal. Si Chamee, ginawan ko na rin ng instant champorado niya.
"Lumabas na kayo diyan, kumain kayo rito," utos ko habang nagsasalin ng tubig sa tatlong mug.
Si Chamee, gatas ang iniinom nito. Si Alyna, malamang na mangunguha na naman ng inumin kapag hindi ko tinimplahan.
"Hi, Babi!"
Dinamba agad ako ni Alyna mula sa likod at tamang yakap na naman habang nag-aasikaso ako ng iinumin namin.
"Tigilan mo nga 'yang kalilingkis mo sa 'kin," utos ko agad. "Ano'ng oras ka uuwi?"
"Maya-maya."
"Sinabi mo ba kina Boss na nandito ka?"
"Hindi pa!" masaya pa niyang sagot. Proud na proud pa 'to, sisipain ko na 'to e. Baka pagalitan pa 'ko ng tatay nito, kung saan-saan napapadpad.
"Maaga kang umuwi, ha?"
"Ay." Sinilip pa niya ako sa kanang gilid. "Ayaw mo na 'ko rito?"
"Hindi ka nagpaalam na aalis ka sa inyo. May trabaho ka pa, di ba?"
"Ang KJ." Tinapik-tapik lang niya ang dibdib ko saka ako binitiwan. "Chameeee!"
Ayokong patagalin dito sa bahay si Alyna. Malamang kasi makakasanayan ni Chamee, baka hanapin nang hanapin dito sa bahay, e di mapapadalas 'yan dito. Mabuti sana kung napakalapit lang ng Caloocan sa Tagaytay.
Hinanda ko na sa mesa ang mga tinimpla kong inumin namin. Si Chamee, maya-maya pa maliligo ito pagkatapos kain. Nagpaalam akong maliligo muna kaya hindi muna ako sasabay.
Sakto, paglabas ko ng banyo, kumakain sa sahig sina Chamee at Alyna habang nakalabas yung mga laruan niya sa play mat.
"Babi, dito na titira si Mima ko?" tanong ni Chamee kaya napangiwi agad ako.
"Si Mima, uuwi 'yan sa kanila."
"Dito na lang si Mima, Babi, para ilalaro kami lagi ni Ninicorn."
Ay, buhay.
Napakamot na lang ako ng ulo habang nagbubuntonghininga. Pagtingin ko kay Alyna, nakatutok lang siya sa phone niya habang seryoso roon.
"Mima, dito na lang ikaw palagi!"
Naagaw ni Chamee ang atensiyon ni Alyna kaya saglit niyang inilapag ang phone sa tabi saka kinurot sa ilong si Chamee gamit ang nakatuping mga daliri.
"Ang cute-cute ni Mimi! Love mo si Mima?"
Tumayo agad si Chamee saka niyakap si Alyna sa may balikat bago niya hinalikan sa pisngi. "Halabyu, Mima!"
Kapag sila lang dalawa ang magkasama, ang cute nilang panoorin. 'Yon nga lang, kapag magkasama rin silang dalawa, alam ko nang may mga pinag-uusapan silang dalawa na sila lang ang nagkakaintindihan 'tapos ako ang napapasubo sa sakit ng ulo.
Pag-upo ko sa may dining chair, napatitig na lang ako kay Alyna na nakikipaglaro kay Chamee. Napapabuntonghininga na lang ako kapag nakikita siya.
Pagkatapos ko kain, nagsabay sila ng ligo ni Chamee habang nagsasampay ako ng mga labahang pinatuyo ko na sa dryer.
May mga naiwang damit si Alyna na basa pa kaya baka ibigay ko na lang sa susunod o kaya ipaiwan ko na lang dito.
"Babi, tatapos na kami liligo ni Mima!"
Niyakap agad ako ni Chamee sa baywang. Kapag bagong ligo pa naman 'to, gusto laging pinaaamoy ang sarili niya para nga raw malaman ko kung amoy pawis ba siya o hindi. Madalas, iduduldol pa yung kilikili niya sa mukha ko kapag nakaupo ako sa double deck o kaya sa sahig.
"Tapos na maligo si Mimi? Very good naman ng Mimi namin." Madali kong tinapos ang pagsasampay ng damit. "Saglit lang, 'nak. Magsasampay muna si Babi, ha? Diyan ka muna kay Mima."
Wala naman sa schedule namin na dito si Alyna matutulog sa bahay kaya masaya 'tong si Chamee kasi kasama niya yung Mima niya. Nakakakilos ako nang hindi sumisilip kung may ginagawa na naman bang kalikutan 'to si Chamee sa mga gamit kong paniguradong masisira.
Pagkatapos kong magsampay, nakita ko agad si Alyna, nakasuot na ng itim na hapit na T-shirt saka denim jeans. Pati bag niya, nakasuot na rin. Nakatali pa ang buhok at nakatutok sa phone.
"Uuwi ka na?" tanong ko agad.
"Yeah! Hinahanap na 'ko ni Mami. Nagpa-book naman na ako kanina ng private service, nandiyan na raw sa labas."
Tumango lang ako habang sinusundan siya ng tingin.
"Mima, saan na ikaw pupunta?"
Ngumiti lang si Alyna saka bahagyang yumuko para hawakan sa pisngi si Chamee. "Uuwi na si Mima." Pinupog ulit niya ng halik sa magkabilang pisngi si Chamee.
"Dito na lang ikaw, Mima."
"Aww." Napasulyap agad si Alyna sa 'kin. Napalunok tuloy ako.
"Chamee, tara. Ihatid natin si Mima sa labas." Lumapit na ako sa kanila saka ko binuhat si Chamee para ilayo kay Alyna.
Tumayo na rin nang deretso si Alyna saka matipid akong nginitian. "Tara?"
Noon, madali pang ihiwalay si Chamee kay Alyna kasi wala pang isip. Ngayon, mahirap sumagot kung bakit hindi puwedeng magtagal si Mima niya sa bahay.
Wala namang malay si Chamee kung importante ba sa buhay magkaroon ng nanay o wala, pero sigurado naman akong alam niya kung sino ang gusto niyang kasama palagi.
Pagbaba namin, may nakaabang na roong puting Adventure. Ako na ang nagbukas ng pinto sa backseat para kay Alyna.
"Ba-bye, baby." Hinawakan niya sa pisngi si Chamee saka hinalikan nang matagal sa pisngi.
Si Chamee naman, gusot na ang labi saka nangingilid na ang luha, halatang paiyak na.
"Mima . . ."
"Kikita ulit tayo next month, ha?"
"Sama ako, Mima."
"Chamee." Tinakpan ko na ang mata niya saka ko itinapat sa likod ko para hindi na makita si Alyna sa pag-alis.
Pilit na pilit ang ngiti sa akin ni Alyna kasi malamang na hirap din siyang umalis na ganito si Chamee.
"Ingat ka pauwi." Nag-alok na ako ng yakap, tinanggap naman niya. Hinalikan ko siya sa tuktok ng ulo saka ko inginuso ang loob ng sasakyan. "Layas na. Baka lalo pang umiyak 'tong bata."
"Ang KJ." Tinapik niya ako sa dibdib saka siya pumasok sa loob. "Bye, Sandro."
"'Ge."
Pagsara niya ng sasakyan, hindi ko na hinayaan pang makita namin ni Chamee ang pag-alis niya. Umakyat na lang ako pagkatapos habang naririnig kong paiyak na rin si Chamee nang mas malakas na.
Ayokong panoorin ni Chamee na aalis si Alyna 'tapos hindi niya alam kung kailan siya babalikan.
Ayokong aasa yung anak ko saka maghihintay. Danas ko 'yon. At ayokong iparanas din 'yon kay Chamee na kahit gusto mong sumama, hindi puwede, kasi hindi mo naman 'yon pamilya.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top