Kabanata 16. Ang Birthday
December 17, 2017
Munting Nayon, Caloocan City
"Babi, nitatawag si Mima sa phone! Sasabi niya gagabi, itatawag siya, uusap kami sa phone e!"
"Puro ka phone kay Mima mo, may trabaho 'yan."
"Sasabi niya itatawag siya gagabi e!"
Lumapit pa siya sa 'kin sa may computer habang nagsi-sketch ako. Nanghampas pa ng hita! Aba, batas 'to a.
"Bakit pinapalo ni Mimi si Babi, ha?" sermon ko agad. "Ikaw, Chamee, bad ka na. Gusto mong wala ka nang laruan sa birthday mo?"
"Sasabi Mima, itatawag siya gagabi e!"
"May trabaho pa nga si Mima! Kayo, pag-untugin ko kaya kayong dalawa?"
"Babi, peram ako phone, plis pooo." Naglahad agad siya ng magkabilang palad habang nginingitian ako nang malapad.
Ay, buhay. Puro na lang phone 'tong bata 'to. Mas madalas pa niyang gamitin yung gamit ko kaysa sa 'kin.
Itong Alyna na 'to, demonyo talaga 'to ng buhay ko e.
Kinuha ko agad ang phone ko at nag-video call kay Alyna.
"Bruh! Ano'ng meron?" sagot niya at nakita ko agad ang malawak na view sa likod. Lipad nang lipad ang ilang hibla ng buhok niyang hindi kayang sakupin ng tali.
"Si Chamee, nagpapa-cute na naman. Nangako ka raw na mag-uusap kayo ngayon."
"Oh! Yeah, yeah! I'm supposed to call later pagbaba sa camp! Why?"
"Nangungulit nga kasi!"
"Ay, okay? Pabigay sa kanya ng phone. Thankies!"
Tamad na tamad kong ibinaba ang phone kay Chamee.
"Aaah!" Ang lakas agad ng tili niya paghawak sa gamit ko. "Mimaaaa! Sasabi ko kay Babi nitatawag ikaw sa akin ta's heheram ako phone ni Babi ta's kakausap ko ikaw ta's kikita ko ikaw!"
Ang daldal! Nahawa sa kadaldalan ng Mima niya!
Binuhat ko agad siya para ilipat doon sa double deck.
"Dito kayo mag-usap ng Mima mo at nang hindi ako maistorbo. 'Wag makulit, Chamee, ha?"
Paglapag ko sa kanya, bigla niya akong hinatak sa leeg kaya muntik na akong masubsob sa pader.
"Aray kong bata 'to." Bigla pa niyang hinatak ang tainga ko palapit sa kanya. Aba, namumuro na 'tong batang 'to, a.
"Halabyu, Babi," bulong niya sa 'kin na malakas pa rin para sa bulong kaso puro hangin naman. Pagkatapos n'on, hinalikan niya 'ko sa pisngi saka niya binalikan si Alyna sa video call. "Mimaaa!"
Napangiti na lang ako at nanggigigil na kinurot ang pisngi niya. "Ang cute mong bata ka!"
Kahit makulit 'tong si Chamee, siya na lang talaga ang nagpapaganda palagi ng araw ko. Malapit na ang third birthday nito, kailangan ko na sigurong mag-isip ng magandang panregalo.
Bumalik na lang ako sa harap ng computer at tinapos ang ginagawa kong sketch. Kaunti na lang naman at matatapos na rin 'to.
"Bye, baby! Bigay mo na kay Babi yung phone. Dali, dali!"
Lumingon agad ako sa likod kasi mukhang tapos na yata silang mag-usap na dalawa.
"Babi, gusto ko juice."
Kinuha ko sa kanya yung phone ko paglapit niya at hindi pa pala namamatay ang call doon.
"Saglit, tatapusin lang ni Babi 'tong work 'tapos gagawan ko si Mimi ng juice." Inilipat ko ang tingin kay Alyna na parang naglalakad pa yata.
"Hey, bruh!" hinihingal na bati ni Alyna. Para siyang nasa masukal na lugar, pero may mga kasama naman na nag-uusap. "Call ako later, ha? Drop ko muna 'tong call. Bye!"
Siya na ang hinayaan kong magpatay ng call bago ko ilapag ang gamit ko sa mesa.
"Anong gustong juice ni Chamee?"
"Chocolate!"
Juice ba 'yon?
"Wala tayong chocolate dito kaya bibili tayo sa labas."
"Aalis tayo, Babi?"
"Bibili tayong chocolate sa labas." Kinuha ko agad sa drawer katabi ng computer ang wallet saka ako nagsuklay nang kaunti sa harap ng salamin. Paglipat ko ng tingin kay Chamee, inaabot na naman yung bote ng damo na bigay noon ni Alyna.
"Mimi, 'wag 'yan! Mabasag 'yan!" Hinawakan ko agad si Chamee sa may kilikili para buhatin at ipinatong ko sa tabi ng printer sa itaas ng deck ng computer stand yung bote.
Pinag-iinitan talaga nito lahat ng display ko sa computer stand, hindi ko na alam kung saan ko pa idi-display ang mga gamit ko.
"Babi, gusto ko n'on," nakanguso pa niyang sinabi habang tinuturo yung bote.
"Hindi puwede, magagalit si Mima sa 'yo." Kinarga ko agad siya saka ko tinangay sa labas ng apartment.
Gusto raw niya ng juice, pero gusto niya, chocolate. Hindi ko na alam kung ano ba ang juice para sa batang 'to. Napaka-demanding ng imposibleng bilhin.
Ibinaba ko siya sa bandang dulo ng second floor ng building saka ko hinawakan sa kamay para alalayang bumaba. Ayokong laging binubuhat 'to, talo ko pa yung kargador sa palengke e. Mabuti sana kung napakagaan pa rin.
"Babi, bibili mo ako chish ring?"
"Hindi puwede ngayon si Mimi ng cheese ring. Sa Pasko na."
"Bukas?"
"Sa Pasko, sa next, next week."
"Matagal?"
"Kapag nag-behave si Mimi, malapit na."
"Yehey! Babi, gusto ko na marami na chish ring!"
"Kapag kumain ng vegetable si Mimi, dadamihan ko ng cheese ring."
"Yehey! Si Mima, kakain kami chish ring!"
Ayan na naman sa Mima niya. Malamang na binulungan na naman 'to ni Alyna kaya kung makapag-request, agad-agad na naman.
"Hi, Chamee!" bati agad ni Ate Seny pagkakita niya sa amin sa tapat ng tindahan niya. "Ano'ng bibilhin ng baby namin?"
"Chocolate!"
"Ate Sen, pabili ng Choc-O, dalawa. Saka dalawang brownies."
"Sige, saglit." Pumasok muna siya sa may tindahan bago ako naupo sa mahabang bangko na naroon. Hinapit ko agad sa baywang si Chamee saka ko hinawakan sa magkabilang kamay para ipalakpak.
"Anong gift ang gusto ni Mimi sa Pasko?" tanong ko agad habang hinihintay si Ate Sen.
"Mima!"
"Si Mima?" reklamo ko agad.
"Sasabi Mima kikita kami sa Pasko e."
"Sinabi ni Mima?"
Tumango agad siya. "Opo!"
Aba, ano na naman kayang sinabi rito ni Alyna at naghahanap 'to ng Mima niya sa Pasko?
"May trabaho si Mima. Kita na lang kayo sa birthday mo, ha?"
"Matagal?"
"Basta behave si Mimi, malapit na."
"Yehey! Ta's uusap sila ni Ninicorn!"
"Oo, uusap sila ni Ninicorn."
Ang hirap itago nito ni Chamee kay Alyna. Mukhang mapapasubo ako sa January, a.
January 9, 2018
Mall of Asia, Pasay
Kung may isang araw sa buong taon na paborito ko, malamang na birthday na ni Chamee 'yon. Kasi nakakapag-leave ako nang three days for prep pa lang kahit na wala naman talaga minsang preparation para sa bata.
Sabi nina Noemi, magpapa-party na lang daw sila sa Jollibee, kaso sabi ko, ayokong sanayin yung anak ko na laging may party-party kasi magastos. Saka wala namang gaanong friend si Chamee na dadalo. At sinabi ko ring sina Noemi lang talaga ang gustong mag-Jollibee, dinamay pa yung bata.
Noong first birthday ni Chamee, since wala pa naman siyang malay noon, walang celebration na naganap. Binilhan ko lang siya ng Hello Kitty na balloon saka tent na Hello Kitty Castle pag-uwi namin galing MOA. Dito siya natutulog na at hindi sa kama.
Noong second birthday niya, nadedemonyo na ni Alyna kaya nahiling na ng malaki-laki. Nagpabili ng Frozen dress ni Elsa saka magic wand. E di, binilhan ko naman. 'Tapos pumunta kami sa comic convention sa Pasay kasi nga may coverage sina Alyna doon. Itong bata, ginawang laruan nina Noemi. Kaya nga noong nalaman nilang birthday ulit ni Chamee, nag-isip na naman ng kung ano-anong pakulo.
Sa Sabado pa ang comic-con e Martes pa lang kaya nga ang saya ko kasi wala akong dahilan para dalhin sa coverage si Chamee. May trabaho ako dapat ngayon kasama ang team kaso naka-vacation leave nga ako kaya nakapag-MOA ulit kami.
May date kami ni Chamee ngayon. Binihisan ko siya ng favorite niyang pink hoodie ni Princess Bubblegum saka pink na jogging pants. Iipitan ko sana para hindi laging nakakain at nasa mukha ang buhok kaso gusto raw niya ng headband na pink.
Pitong headband pa ang pinagpilian naming dalawa. Sabi ko, gaya na lang ng Princess Bubblegum headband kaso ayaw daw niya. Ang ending, pinili niya yung cat ears na may sparkling fur. At gusto rin niya ng pink na shades kaya isinuot niya yung shades niyang hugis heart. Sabi ko, mag-slippers na lang pero hindi pa man ako nakakapili ng slippers niya, suot-suot na niya yung pink niyang slip-ons.
Madalas talaga kapag nagbibihis siya, ang role ko na lang ay maging taga-turo ng ayaw niyang damit. 'Matic na 'yon. Kapag itinuro ko, ang pipiliin niya e yung hindi ko pinili. Parang nanay niya rin e.
"Babi, sasabi Mima sasakay kami sa malaki na circle!"
"Saang malaking circle?" tanong ko habang nakatingin sa kanya sa ibaba. May tinuturo siya sa harap namin. Pagtingin ko roon, yung Ferris wheel pala ang tinutukoy niya.
"Doon sa malaki na circle, Babi!" Saglit kong binagalan ang paglakad kasi nagtatatalon pa siya habang naglalakad kami.
Kapag namamasyal kami, bihira ko na lang siyang kargahin. Lagi kong sinasanay maglakad. Bubuhatin ko lang siya kapag pauwi na kami kasi siguradong pagod na.
"Sinabi ba ni Mima na sasakay kayo sa malaking circle?"
"Opo! Ta's bibili siya ice cream ta's kakain kami ice cream!"
Kung ano-ano na naman ang ipinangako nito ni Alyna sa bata, ako naman ang gagastos sa lahat ng dinedemonyo niya rito kay Chamee.
Kinuha ko agad ang phone ko para tawagan si Lyn.
"Hey, bruh! Nasa rotonda na 'ko. Malapit nang bumaba."
Sa wakas, akala ko maghihintay pa kami nang matagal.
"Nasa tapat kami ng Hypermarket, dito sa may terminal. Nag-lunch ka na?"
"Not yet. Kayo ni Chamee?"
"Kararating lang din namin. Hindi ko nga alam kung sa Jollibee ko na lang 'to dadalhin. Marami kasing tao."
"Sa Kenny Rogers na lang tayo."
Ang mahal sa Kenny Rogers! Bibilhan ko pa ng teddy bear niya si Chamee, ano ba 'yan?
"Bibili na lang ako ng rice in a cup. Mag-chicken fillet ka na lang," sabi ko pa habang papaliko kami sa Hypermarket.
"Ang kuripot mo. Birthday naman ni Chamee e!"
Nanlaki na lang ang butas ng ilong ko habang naririnig si Chamee na nakikipag-hello sa lahat ng taong nakakasalubong namin.
"Pababa na 'ko ng UV. Kitakits diyan!" Binabaan na lang niya ako ng tawag at mukhang kakailanganin kong mag-withdraw ngayon nang malaki-laki.
Saglit kaming huminto sa tapat ng Hypermarket para bumili ng sundae. Favorite ni Chamee ang strawberry kasi nga pink. Basta pink at red, paborito niya.
Saglit kong pinahawak kay Chamee ang phone ko kasi sanay naman 'to na kapag tumawag si Mima niya, sinasagot niya agad. Ultimo password ko, alam din niya at hindi ko alam kung paano niya nalaman. Nakakailang palit na ako pero nakakabisado niya, kaya nga hindi na ako nag-abalang baguhin kasi alam kong mabubuksan din niya kalaunan.
"Babi, tingin ikaw!"
Pagtingin ko sa ibaba, nakarinig na lang ako ng click na nakapagpasimangot sa akin.
"Carmiline, ano na naman 'yan?" Puwersahan ko nang sinilip ang ginagawa niya kasi nagpi-picture na naman. Huling kita ko sa picture na siya ang salarin, shot ng ayos ko habang nagsasampay sa balcony.
Itong batang 'to, manang-mana sa Mima niya. Ang hilig-hilig kumuha ng picture!
Tawa lang siya nang tawa habang ipinakikita sa akin yung view ko na nagbabayad para sa meryenda naming dalawa.
Kinurot ko na lang siya nang mahina sa pisngi at saka ko binawi ang phone ko. "Ito na ang ice cream ni Chamee." Ibinigay ko sa kanya yung sundae niya na may pink na wafer stick na nakatusok. "Ano'ng sasabihin ni Mimi kay Babi?"
"Tenchu, Babi!" Saglit siyang lumapit sa akin at hinalikan ako sa pisngi. Mapapangiti sana ako kaso kinuha niya yung strawberry ice cream pati yung chocolate na sundae ko bago ako iniwan.
"Aba—" Nakaawang lang ang bibig ko habang pinanonood siyang maglakad doon sa katabi naming iron bench. "Chamee!" Sinundan ko agad siya hanggang makarating siya sa bench. Inilapag niya doon yung dalawang cup saka siya nagpakahirap sumampa sa upuan. Aalalayan ko na sana kaso hinampas lang yung kamay ko at siya na mag-isa ang nag-upo sa sarili niya.
Itong batang 'to, kaunti na lang, ido-donate ko na 'to sa ibang tao e.
"Bakit kinuha ni Mimi ang ice cream ni Babi?" tanong ko agad habang nakakrus ang mga braso at nakatayo sa harapan niya.
Ipinagpatong din niya ang mga kamay niya sa magkabilang braso, ginagaya ang ayos ko. "Kasi wala ice cream si Mima."
"Kay Mima ba 'yan?"
Tumango agad siya nang malaki.
'Buti mahal ko 'tong batang 'to. Kung hindi lang talaga . . . naku!
"Wala pa si Mima, matutunaw 'yan. Bili na lang tayo ng bago pagdating niya."
"Sigi po!"
"Mabuti." Kukunin ko na sana yung ice cream ko pero inawat niya agad ang kamay kong dadampot sana n'on. "Ano na naman?"
"Bibili ikaw, Babi, e! Kay Mima ito, Babi! Bibigay ko 'to kay Mima e!"
Ang bigat ng buntonghininga ko habang pinanlalakihan ng ilong si Chamee.
Sino ba ang nagpalaki rito at nagkaganito 'to?
Ako na lang ang sumuko. Ibibigay nga raw kasi kay Mima niya yung ice cream. Bumili na lang din ako ng akin habang binabantayan mula sa malayo si Chamee na hawak-hawak na naman ang phone ko. Malaki ang ngiti kaya malamang, kausap na si Mima niya.
"Chameeeee!"
Pati yung nagbebenta ng sundae, napalingon doon sa sumigaw. Hindi na ako umimik, kunwari hindi ko kilala yung eskandalosang sumisigaw sa malapit. Patay-malisya lang akong nagbayad para sa sundae ko.
"Mimaaaaa!"
Hindi na ako nag-cup. Nag-ice cream cone na lang ako para madaling maubos. Paglapit ko roon sa dalawa, pinupupog na ni Alyna ng halik sa pisngi si Chamee.
"Ang cute-cute ng baby ko! Na-miss mo si Mima?"
"Mima, may ice cream ikaw!" Proud pa si Chamee na iniabot kay Lyn yung kinuhang sundae ko. "Bibigay ko ice cream sa 'yo!"
"Aw . . . bigay ni Chamee 'to kay Mima?" tanong ni Lyn habang nakatitig sa sundae ko.
Masaya namang tumango si Chamee at ipinakita naman ang sundae niya. "Sasabi ikaw kakain tayo ice cream e!"
Kahit nabubuwisit ako rito sa dalawa, ang saya pa rin nilang panoorin. At halatang wala kaming matinong plano. V-neck na black, denim jeans, saka canvas shoes lang ang suot ko. Si Alyna, violet tee at high-waisted shorts na kita ang hita at Converse na may sukbit pang backpack. Halatang gala 'tong babaeng 'to. Parang laging may dalang bahay sa bag.
Lumapit na ako sa dalawa habang kagat-kagat ang sundae ko.
"Binilhan mo agad ng ice cream, hindi pa 'to kumakain," sermon agad ni Alyna habang sinusuklay ang buhok ni Chamee gamit ang daliri niya.
"Sa biyahe pa lang, nakadalawang hotdog waffle saka hamburger na 'yan." Tumabi na ako sa kanila at pumuwesto ako sa kanan ni Chamee habang nasa kaliwa naman si Alyna.
"Saan ka pa galing?" tanong ko agad kasi mukhang hindi siya galing sa Tagaytay.
"Kabababa ko lang sa airport. Galing akong Siargao. Sa Saturday daw yung comic-con, pupunta ka?"
Umiling agad ako. "Mapapagod lang kami d'on. Saka art day namin, mag-aaral pang magsulat 'to ng alphabet." Kumuha agad ako ng face towel sa bitbit kong malaking lunch bag kasi nagkakalat na sa pisngi ni Chamee yung sundae. "'Nak, punas ka munang mukha."
"Babi, marunong na ako isusulat ng letter A saka letter B!" masayang sinabi ni Chamee habang tinatapik-tapik ako sa pisngi. Nilingon niya agad si Alyna para magyabang na naman. "Mima, si Babi nituturo ako letter A saka letter B ta's isusulat kami sa computer ta's isusulat sa nokbuk! Ta's si Babi dodorwing ng butterfly na marami 'tsaka ants na marami!"
"Mana ka sa Mima mo, ang daldal." Pinunasan ko rin ang noo niyang napapawisan na saka inayos ang towel niya sa likod kasi nahatak-hatak na kapipilit niyang maupo nang sarili lang niya.
"Ang galing-galing naman ni Chamee, marunong ka nang magsulat?"
"Opo! Si Babi, nituturo ako isusulat sa nokbuk!"
"Ang cute-cute naman ng baby ko, marunong nang magsulat. Kiss mo si Mima."
Masunuring bata naman si Chamee kaya hinalikan din sa labi si Mima niya.
Kapag nagkikita sila ni Alyna, sila lang talagang dalawa ang nag-uusap. Minsan kasi, kapag namamasyal kami ni Chamee, madalas nakikipagkita si Lyn sa amin. Lalo na kapag uuwi si Alyna galing sa kung saan. Tinataon niya talaga ang lapag niya sa gala naming mag-ama. Ngayong araw, wala naman talaga sa schedule ni Alyna ang umuwi kaso birthday kasi ni Chamee kaya nakompromiso yata ang lakad niya.
"Weee! Babi, tinginin mo ako, o! Weeee!"
Hawak namin ni Lyn sa magkabilang kamay si Chamee habang patalon-talon ito at kunwaring inililipad naming dalawa.
Pagkatapos naming mag-lunch sa Kenny Rogers, napangakuan nga ni Alyna na sasakay silang dalawa sa Ferris wheel. Eksaktong alas-tres pagdating namin doon, bukas na ang ride. Bumili ako ng ticket para sa aming tatlo sa MOA Eye. Puwede naman daw ang bata basta may kasamang adult.
Maganda ang sikat ng araw, iyon nga lang, mainit. 'Buti pa si Chamee, naka-shades. Hindi nasisilaw sa liwanag.
"Mima, sasakay tayo sa malaki na circle?"
"Opo, sasakay kami ni Mimi sa malaking circle."
Tinanaw ko sila sa gilid habang naghihintay akong masuklian sa isanlibo. Nakatalungko si Alyna sa harap ni Chamee habang yakap-yakap siya nito sa leeg. Hindi na niya makarga yung bata kasi mabigat na, e may bag pa siyang dala.
"Sir, ito na po yung sukli."
"Thank you."
Nilapitan ko agad sina Alyna saka ko ipinakita ang ticket.
"Yay! Sasakay na kami ni Mimi sa malaking circle!" sabi agad ni Lyn saka tinangay si Chamee papunta roon sa ride attendant. Pinaiwan muna ang mga gamit namin sa ibaba bago sumakay sa gondola kaya wala halos naiwan sa mga dala namin.
Nagpatiuna na silang dalawa at ako na lang ang hinayaan nilang magbigay ng ticket pagkatapos nilang matatakan.
Kung gaano kasaya si Chamee, ganoon din ka-hyper si Alyna. Kaya pagsakay ko sa gondola, kinabahan agad ako kasi naglilikot na yung dalawa sa kabilang upuan. E bawal pa namang maglikot kasi gagalaw nang gagalaw ang sinakyan namin.
"Babi, pi-picture mo kami ni Mima!"
Aliping-alipin talaga ako ng dalawang 'to kapag nagko-combo 'to e. Ang sama ng tingin ko sa dalawa habang kinukuha ko ang phone sa bulsa.
"Tagal!" reklamo pa ni Alyna.
"Ang sarap n'yong iwan dito sa Pasay na dalawa," sabi ko na lang at itinaas ang phone para kunan sila ng picture.
Nagsimula nang umandar ang Ferris wheel kaya lalong tumili si Chamee. Video na lang ang ginawa ko imbes na photo lang.
"'Nak, 'wag kang malikot! Mahulog ka diyan sa upuan!" pag-awat ko agad kasi tumayo na roon sa puwesto niya habang umaangat kami sa lupa.
"Babi, dadami ng cars, o! Kikita ko mga cars dito, o!"
Ang saya ni Chamee. Nakangiti lang si Alyna habang inaalalayan yung bata na nakatayo sa upuan.
Habang nagbi-video ako, napansin kong nakatingin sa akin si Alyna kaya sinulyapan ko rin siya.
"Bakit?" tanong ko agad.
"Di ba, sabi mo, taga-Aklan yung mama ni Chamee."
"O, ngayon?"
"May coverage ako sa Aklan next month. Gusto mong sumama? Libre flight and accomodation."
Natitigan kong mabuti si Alyna para malaman kung seryoso ba siya. Pero bihira lang din kasi ang pagkakataon na seryoso nga siya—gaya ngayon.
Nagkibit-balikat ako. "Parang ayoko."
Tapat na tapat sa amin ang araw pag-abot namin sa tuktok. Lalong lumakas ang tili ni Chamee habang tinuturo ang langit.
Sa totoo lang, wala na 'kong balak sabihin sa pamilya ni Geneva ang tungkol kay Chamee. Alam naman nilang buntis si Gen noong naglayas sa kanila. 'Matic na dapat 'yon na naghanap sila ng anak. Pero hindi e. Tatlong taon, ako ang nagpalaki kay Chamee, wala man lang akong nabalitaang naghanap sila ng anak ni Gen.
"Natatakot ka bang baka kunin nila si Chamee?"
Nagbuntonghininga lang ako saka kumuha na lang ng picture pagkatapos kong mag-video.
Hindi naman ako matatakot. Bakit naman?
"Zaspa na si Chamee, hindi na Mendoza," sabi ko agad. "Kung ilalaban nila ang pagiging Mangulabnan ng anak ko, tatanungin ko muna kung nasaan sila n'ong nilalakad ko yung adoption papers niyan para magkaliwanagan kami. May child saka home study reports naman ako, kausapin nila yung DSWD."
Ayokong pinag-uusapan ang tungkol dito. Alam kasi ng pamilya ni Pol ang tungkol kay Chamee. Kilalang-kilala nila yung bata. Kung may hindi lang nakakaalam talaga ng tungkol dito, pamilya talaga 'yon ni Gen.
Gumastos-gastos pa 'ko sa paglakad ng mga dokumento noon. Kung ano-ano pang seminar ang pinuntahan ko para lang hindi ako masabihang nangunguha ng anak ng ibang tao. Para namang papayag ako na kunin sa 'kin si Chamee pagkatapos kong paghirapang palakihin 'tong mag-isa.
Bahala sila diyan. Kung gusto nilang makita ang anak ko, kami ang puntahan nila.
"Babi, papakita ko kay Mima Hello Kitty castle ko!"
Biglang kumunot ang noo ko roon. Ano'ng ipapakita raw?
"Mima, papakita ko ikaw Hello Kitty castle ko! Doon ako nitutulog palagi ta's si Babi nitutulog sa kama. Gusto ko ikaw itutulog sa castle ko mamaya!"
"Carmiline," babala ko agad.
"Babi, sasabi ko na si Mima tutulog sa Hello Kitty castle ko! Mima, kakain tayo mamaya sa Hello Kitty castle ko, a!"
Anak ka ng kamoteng bata 'to. Marunong pa 'to sa 'kin!
"Opo, doon matutulog sa Hello Kitty castle mamaya si Mima."
Ayoko ngang papuntahin sa bahay 'to si Alyna 'tapos—ay, buhay! Kailan ba 'ko mawawalan ng sakit ng ulo gawa ng dalawang 'to?
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top