Kabanata 14: Ang Instant Mommy
Hindi ko masabing nahirapan ako sa pag-aalaga nang mag-isa kay Chamee kasi kung tutuusin, pagkapanganak sa kanya, ako rin halos ang nag-aalaga e. Si Gen dati, madalas na tulog. Si Pol, nasa labas nagtatrabaho. Dalawang linggo, ako nga halos ang kasama ng bata maghapon. Kahit paano naman, nasanay na.
Mabuti na lang talaga, noong mga unang buwan ni Chamee, breastmilk pa ang naiinom. Natigil lang noong nagkatrabaho si Gen. E pagkatapos ng aksidente, formula na talaga.
Ilang buwan din na ako lang ang kasama ni Chamee kaya medyo masaya-saya ako sa unang gala naming dalawa nang hindi lang kami ang magkasama.
Nakikita kasi siya ng buong team namin kapag pinatatahan ko. E madalas sa madalas, nasa meeting kami lalo sa brainstorming. First birthday ni Chamee, sabi nga, libre na raw ng buong team ang celebration. Doon daw kami sa Pasay. Ire-rent ng team yung Jollibee na malapit sa MOA. Sabi ko, ayoko. Kasi yung bata, wala namang malay sa party-party, kaya hindi natuloy.
Pero tumuloy kami ni Chamee sa MOA. Dala ko yung bag niya na maraming gamit, 'tapos binihisan ko ng pink niyang dinosaur onesie. Nakatambay kami sa waiting area malapit sa fountain kasi hihintayin nga namin si Alyna.
"Chamee, 'gugutom ka na?" Kinuha ko agad ang phone ko para i-video call si Alyna. Sabi nito, eleven, nasa MOA na. Pasado alas-onse na e. Na-traffic siguro 'to.
"Hi, bruh! Oh, hi, baby!"
Pinatapat ko kay Chamee yung phone habang nagsasalita ako. "Saan ka?"
"Kabababa ko lang ng bus."
Sumilip ako sa screen at nakita kong magalaw ang camera. Mukha ngang naglalakad na siya.
"Dito kami sa may fountain, ha?" sabi ko na lang.
"Sure!"
Hindi ko ibinaba ang call, hinayaan ko na lang siyang makita ni Chamee.
Si Chamee, marunong nang magsalita, pero hindi pa rin namin naiintindihan. Unang salita nito, baba. Naging babi. Puro kasi Jollibee sina Noemi kada meeting. Hindi ko rin naman tinuruang magsalita 'to. Basta pinapapanood ko lang minsan ng video o kaya nagpapatugtog ako ng nursery songs. Kaso sina Noemi kasi saka si Alyna ang kinakausap kaya malay ko na kung saan ba 'to natutong magsalita.
"Bruh!"
Pag-angat ko ng tingin, lumundag agad sa harapan ko si Alyna na nakahawak sa strap ng backpack niya. Hinagod ko siya ng tingin. Naka-red na V-neck shirt 'tapos denim jeans. Naka-Converse na naman saka nakatali ang buhok. Hindi ko pa 'to nakikitang mag-ayos na parang gaya kay Gen. Gala-gala rin kasi, laging mukhang may lakad.
"Saan ka galing?" tanong ko at nagpatay na ng phone.
"Galing ako sa Sta. Rosa."
"Tour?"
Umiling agad siya. "Si Mami, nandoon siya ngayon e. May ka-meeting." Kinuha niya agad si Chamee sa akin para kargahin. "Hi, Baby Chamee. Na-miss mo 'ko?" Pinupog niya agad ng halik sa pisngi si Chamee.
"Mabigat yung bag mo?"
"Hindi naman. Camera lang naman ang laman niyan."
Siya na ang nagbuhat kay Chamee habang inuugoy-ugoy niya. Tawa naman nang tawa yung bata sa kanya.
Ilang buwan na rin noong huling beses kaming nagkita nang personal ni Alyna. Ngayon ko na lang ulit siya makikita nang harapan.
Noong sinabi kong magbalita siya kung buntis ba siya sa sumunod na buwan, hindi niya sinabi. Nabasa ko na lang sa GC na si Noemi muna ang hahawak ng QA niya kasi naka-leave siya at dini-dysmenorrhea na naman.
Alam na namin ang mga ganoong sick leave ni Alyna. Sinusumpa niya kasi lagi kapag dinadatnan siya, inaaway siya ng puson niya. Kaya nga hindi na 'ko nagtanong kung nagkaroon na ba siya kasi 'matic na 'yon.
Walang nagbago sa kung ano ang meron sa amin dahil lang sa isang beses na 'yon. Kung may nadagdag man sa routine ko na naroon siya, malamang na yung madalas na video calls nila ni Chamee. Kung makatawag pa naman siya, halos araw-araw talaga. Para siyang nanay ni Chamee na nangibang-bansa.
Ewan ko nga kung paano sila nagkakaintindihang dalawa samantalang wala pang matinong salitang nasasabi si Chamee na maiintindihan ng normal na tao.
"Bruh, may masarap na ramen doon. You like?" Inginuso niya yung Japanese resto na nadaanan namin. Sumaglit ako ng tingin sa loob, wala halos tao. Mas gusto ko yung wala halos tao na kakainan kasi may bata kaming kasama. Ayoko n'ong biglang iiyak si Chamee 'tapos pagtitinginan kami kasi nakakabulahaw.
"Sige, tara."
Naka-leave ako ngayon. Ito na ang pinaka-vacation leave ko kasi hindi naman ako normal na nagli-leave para makapagbakasyon sa malayo. Pinagbigyan na rin ako agad kasi maliban sa birthday ni Chamee, wala talaga akong bakasyon. Halos araw-araw akong nagtatrabaho dahil nasa bahay rin naman ang trabaho ko.
Pumuwesto kami sa loob ng resto doon sa bandang dulo na malapit sa banyo. Pagkatapos naming maka-order ni Alyna, naghintay na lang kaming mai-serve ang order namin. Hindi masyadong marami ang tao kumpara sa ibang fast food at parang alam ko na kung bakit. Ang mahal kasi ng pagkain nila. Wala ka pang nginunguya, mapapalunok ka na agad.
"Sana pumayag ka na lang na mag-party for Chamee," sabi ni Alyna kaya napatingin agad ako sa kanya.
"Ang gastos."
"Team naman ang gagastos."
"Kahit pa."
Ako ang bantay ng gamit namin. Siya ang nagpapakain kay Chamee. Gusto ko sanang kunin kaso umiiyak naman yung bata kapag tinatangka ko. Ginusto naman niya 'yan, e di, panindigan niya.
"O, kumain ka," alok ko. Itinapat ko sa bibig niya yung kutsarang may lamang noodles at slice ng karne saka kaunting sabaw. Kinain naman agad niya 'tapos sinubuan ulit si Chamee.
Hindi siya makakain nang maayos kasi inaagaw ni Chamee yung pagkain dapat niya.
Paborito siya ng bata. Siguro kasi naghahanap ng nanay. E si Alyna lang ang kasundo kaya siya ang madalas hanapin.
Nauna ko nang tinapos ang pagkain ko. Naghiwalay ako ng pagkain niya kasi sobrang kalat na ng pagkain dapat niya kay ilang beses ginulo ni Chamee.
"Bruh, na-mention ko pala kay Mami yung about kay Chamee. Nag-ask siya kung balak mo raw bang mag-apply for adoption."
"Adoption?" tanong ko agad. "Kailangan ba 'yon?"
"Of course! Para legally, puwede nang sa 'yo si Chamee. Bakit? Ibabalik mo sa family ng mama niya?"
"E?" Ayoko nga. Baka pabayaan pa 'yan doon. Kawawa naman yung bata. "Mahirap ba 'yon?"
"Medyo matagal. Pero worth it naman. Sabi ni Mami, may trial custody pa raw 'yon. Then, magpapasa ng papers, and all that."
"Magastos?"
"Hmm." Napaisip agad siya. Mukhang mapapagastos nga talaga ako. Parang hindi naman na yata kailangan ng adoption para kay Chamee. Kaso naisip ko rin na paano pala 'yon, baby pa lang si Chamee. Ano ang sasabihin ko kapag lumaki 'to?
Si Tay Gerardo kasi, malaki na ako noong maampon nila 'ko. Kilala ko naman ang nanay saka tatay ko bago sila nawala. E si Chamee, wala pang muwang nang mawala sina Pol at Gen. Paano ba ang gagawin ko rito?
"Mga magkano aabutin kung sakali?" tanong ko na lang.
"Hindi ako sure, e." Napangiwi na lang si Alyna. "Pero tatanungin ko si Mami. Saka sure namang okay ka kapag nag-background investigation for qualifications kasi financially stable ka rin naman. Saka puwede mong ipa-amend yung birth certificate ni Chamee, babaguhin mo yung name, if ever."
"Oooh."
Babaguhin ko ba? Iniisip ko kasi sa school, malamang na mahaba-habang paliwanagan 'yon kapag nagtanong kung bakit Mendoza si Chamee 'tapos Zaspa ako. Hindi naman habambuhay, baby 'tong bata.
"Pag-iisipan ko muna. Tawagan kita kapag okay ako. Sabihin mo rin kung magkano ang aabutin para ma-check ko yung budget ko."
"Sure!"
Natapos ang tanghalian namin na iniisip ko talaga ang sinabi ni Alyna. Yung adoption kasi, para sa 'kin, importante rin e. Doon kasi sa ampunan, ang laking bagay n'on para sa 'min. Hindi madali ang proseso kasi talagang pinipilian kami ng aampon sa 'min. Hindi lang basta may nadaan 'tapos 'yon na.
"O, bakit na naman umiiyak?" tanong ko kay Chamee kasi naiyak na naman. Kinapa ko ang diaper, may laman na.
Kaya ayokong lumalabas ng bahay e.
"Lyn," tawag ko. Kausap kasi niya yung boss ko rin na mama niya kaya ako muna ang nagbitbit kay Chamee.
"Yep?"
"Ano . . . papalitan ko ng diaper si Chamee."
"Oh! Uhm." Napaisip din siya habang nakatingin kay Chamee na umiiyak pero pilit kong pinatatahan. "Sa restroom, puwedeng magpalit doon ng diapers."
"Saan?"
Mga ganitong oras, medyo marami-rami na ang tao sa mall. Paano e nasa MOA pa naman kami. Ibang klase ang dami ng tao rito.
Sabi ni Alyna, ayos lang naman daw magpalit sa CR ng mga babae kasi baka wala naman daw halos tao. Pero pagdating namin doon, kung puwede lang tumakas ng mata ko sa 'kin, malamang na wala na 'kong mata pagkakita ko sa mga babaeng nagulat din pagpasok ko sa restroom nila.
May pader pa muna kasi sa harap ng pinto kaya hindi basta-basta makikita ang loob. Pagliko namin sa kaliwa, hayun at mga nananalamin ang iba na napatingin sa 'kin.
"Okay lang 'yan, bruh. Tara dito."
Kung puwede lang lumubog sa kinatatayuan ko, lulubog talaga ako e. Pero hindi ko naman first-time na makapasok sa CR ng babae. Noong elementary kasi kami, nanti-trip kami nina Pol sa mga classmate namin sa school.
E elementary pa ako n'on! May sapat na 'kong kapal ng mukha ngayon para makaramdam na hindi ako dapat nandito!
"Sorry po, sorry po." Hindi ko mabilang kung ilang sorry ang sinabi ko kasi, pota talaga, sabi kasi ni Alyna, walang tao e!
"Ate, pagamit kami nito, ha?" paalam ni Alyna doon sa janitress na naglilinis. Hindi ko kasi puwedeng palitan ng diaper si Chamee sa labas. Maliban sa maraming kumakain, hindi ko mailalapag si Chamee sa initan saka sa semento.
May parang mesa sa CR ng mga babae na pinagpapalitan yata talaga ng diaper ng mga baby. Bakit sa mga CR ng lalaki, walang ganito? Dapat meron din e. E di sana, hindi ako dumadayo sa CR ng babae para lang magpalit ng diaper.
Hinubad ko agad yung dino onesie ni Chamee saka ko pinahawak kay Lyn yung mga gamit ng baby.
'Tang ina, kahit nakatingin ako sa ginagawa ko, parang gumagapang sa likod yung tingin ng mga babae sa loob. May ibang nagugulat pa pagkakita na may lalaki sa loob.
"Chamee, 'wag nang iiyak, ha? Ito na, papalit na kami ng diaper."
Nilatagan ni Alyna ng lampin sa ilalim 'tapos naglapag pa ng maraming tissue kahit hindi naman kailangan para hindi kami makalat.
Pinabukas ko na lang kay Alyna yung bag para hindi na siya maglalabas ng kung ano-ano roon.
Pag-alis ko ng damit ni Chamee, puno na talaga yung diaper niya. Pinunasan ko agad para hindi na kumalat ang amoy kasi nahihiya na nga akong nandito ako, mas nakakahiya pa yung abala ng amoy kung sakali.
"Ako na'ng magtatapon," alok ni Alyna pag-alis ko ng diaper. Hindi na umiyak si Chamee kaya nakampante na rin ako. Kung makapalahaw pa naman 'tong batang 'to, napakalakas.
"'Wag nang iiyak, ha? Napalitan na ng diaper," sabi ko pa habang pinupulbusan ang puwit ni Chamee.
Unang beses kong mapapadpad sa CR ng mga babae para lang magpalit ng diaper ng baby. Hindi ko alam kung mahihiya ba ako o ano kasi taragis talaga, nakakarinig ako ng bulungan sa paligid. Ayoko pa naman ng may bumubulong-bulong sa kung saan, natotorete ako.
Alam ko namang hindi ako dapat nandito, e ano'ng magagawa ko? Mas okay nang nandito ako kaysa ilapag ko 'tong bata sa kung saan para lang palitan ng diaper.
"Ang good girl naman ng baby ko. Behave-behave na 'yan," sabi pa ni Alyna habang inaamo si Chamee. Binibihisan ko na. Hindi ko na pinagamit yung onesie. Mabuti na lang talaga at nagbabaon ako ng tatlong damit nito kapag nagtatagal kami sa labas, kahit gaano man kalayo. Pinalitan ko siya ng sunflower blouse saka cotton pants na yellow. Sinusuotan ko na ng yellow slippers din nang may pumuna sa aming babae na parang kaedad pa ni Tita Mayla.
"Dapat ikaw yung nag-aasikaso niyan kasi ikaw ang babae, hindi asawa mo," sabi pa niya kay Alyna at nanuro pa.
"E—"
"Hindi naman ho niya anak. Saka hindi kami mag-asawa," sagot ko agad.
"Ay." Inirapan lang kami sabay sukbit ng bag niya sa braso 'tapos umalis na rin.
Ang sarap tadyakan. Mangingialam pa sa buhay nang may buhay, pinakialaman ko ba yung buhay niya?
Tinapos ko na ang pagbibihis kay Chamee para makalayas na kami.
Yung hiya ko, nawala na lang bigla dahil doon sa sawsawerang hindi ko naman hinihingi ang opinyon. Ano ba'ng pakialam niya kung ako ang nagpapalit ng diaper sa dala kong baby? Pati si Alyna, idadamay pa.
Ako na ang kumarga kay Chamee, kasi kung kay Alyna pa magpapakarga, baka makarinig na naman ako ng kung ano sa paligid, sa kanila ko ibato yung may lamang diaper ni Chamee, makita nila.
"Bruh, need kong bumalik sa Sta. Rosa."
Napatingin agad ako kay Alyna na nakatitig lang sa phone niya. Malamang na hinahanap na ng boss namin.
"Nagsabi ka ba na pupunta ka ngayon dito?" tanong ko pa.
"Nagsabi naman. Kaso hindi yata pumunta yung assistant niya. Nagtatanong kung avail ba ako later. Wala siyang cameraman."
Mamamasyal dapat kami, kaso sa nangyari kanina, parang gusto ko na lang ding umuwi.
"Sige na, puntahan mo na si Boss Ruth," sabi ko na lang.
"Bibili pa 'ko ng gift ni Baby Chamee e."
"Saka na. Bawi ka na lang next year."
"Ang tagal ng next year!"
"E di, kung kailan puwede." Inginuso ko na yung terminal. "Sabay na tayo. May sakayan naman diyan pauwi sa 'min."
Dumarami na ang tao kay hapon na rin. Marami na kaming nakakasalubong lalo na papuntang terminal. Si Alyna, tutok sa phone niya kaya inakbayan ko na lang para hindi nakakabunggo.
"Bruh, may ipapa-rush daw si Mami na graphics. Kaya mo ba pag-uwi? Okay lang ba? Ipa-double pay ko na lang."
Napatingin ako sa kanya. Focused pa rin sa phone. Sinilip ko yung screen, si Boss nga ang kausap. "Paanong rush? Kailan ang deadline?"
"Bukas daw. Icons yata 'to, not sure. Kaya ba?"
"Kung maaga makauwi, susubukan. Pero madali lang naman kung icons lang."
Hindi pa rin ako nakakabili ng regalo para kay Chamee. Naka-leave ako ngayon, pero kung magpapa-rush, puwede akong maningil nang mas mataas para sa graphics. Sige, patusin na. Makabawi man lang sa gastos.
Pagtawid namin sa may sakayan, hinatid ko na si Alyna doon sa may mga taxi. Nagmamadali raw siya kaya hindi na siya makakapila kung magko-commute.
"Bawi ako next month, baby, ha?" Inilapit ko sa kanya si Chamee kaya pinupog agad niya ng halik. "Next month ko ibibigay gift mo."
"'Wag ka nang magpa-deliver," sermon ko agad.
"'Punta na lang ako sa inyo," sabi niya sabay ngisi.
"Hindi!" kontra ko agad. "'Wag kang pupunta sa bahay, babatuhin talaga kita ng tsinelas 'pag nakita kita r'on."
Nagsalubong agad ang kilay niya. "Ang KJ!"
"Ba-bye ka na, Chamee." Sumimple ako ng kaway para gayahin ako ni Chamee. Nag-close-open lang ng kamay at parang iiyak na naman kasi aalis na si Alyna.
"Ba-bye, Baby Chamee."
Nagtawag na ako ng taxi at ako na ang nagbukas ng pinto para sa kanya.
"Sakay na, ma-late ka pa."
"Bye, Sandro! Call ako later, ha?" Niyakap niya ako sa kanang gilid kaya tinapik-tapik ko na lang ang braso niya.
"Sige na, ingat ka."
Sumakay na siya sa taxi at pinanood ko na lang ang sasakyan na makaalis bago kami pumunta ni Chamee sa terminal ng UV para makauwi na.
"O, iiyak na naman?" tanong ko kay Chamee kasi namumugto na naman ang mata habang nanunulis ang nguso. "Tatawag tayo mamaya kay Alyna para hindi na iiyak." Kinuha ko na lang sa bulsa ang phone ko saka ko binuksan para ipahawak kay Chamee. Ngumiti agad siya pagbigay ko sa kanya ng phone. Wala naman siyang ibang kinatutuwaan doon kundi yung wallpaper ko lang—na mabuti kasi hindi nakita ni Alyna kasi malamang na magtatanong 'yon kung bakit siya yung nasa phone ko.
Gusto siyang nakikita lagi ni Chamee, e di, pagbigyan.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top