Kabanata 10: Ang Girl Crush


Naglamay talaga ako kina Tita Mayla. Mabuti na lang din, sanay ako sa puyatan kasi si Chamee, kapag naiyak sa apartment, isa ako sa nabubulahaw.

Sa puwesto namin, maliwanag dahil sa mga ilaw na nakatapat sa kabaong.

Wala pa halos tao sa mga nakahilerang upuan kasi natatambakan lang dito tuwing hapon o kaya tuwing alas-diyes ng gabi. Ang dami ngang upos ng yosi sa ibaba saka tansan ng soft drinks. July pa lang pero mas ngayon dama yung hangin na pang-December dapat. Malamig, kakabugin yung air cooler sa apartment.

Madaling-araw na pero papikit-pikit ako habang kandong-kandong ang baby nina Pol. Ayokong iwanan 'to kay Tita Mayla kasi matanda na yung mama ni Pol, bibigyan ko pa ng aalalahanin imbes na magpapahinga na lang sa kanila. Kung sa tita naman ni Gen, 'king ina lang. Baka itapon lang ng mga 'yon si Chamee sa basurahan, 'wag na, uy!

Habang nasa kalagitnaan ako ng pagtulala kung iidlip ba o mananatiling dilat, naalala ko yung ginawa sa 'kin ng mga nurse sa ospital kung saan namatay ang tatay ko.

"Kukunin daw ng DSWD 'yang bata. Baka dalhin sa Bukang-Liwayway para maampon na lang."

"Nasaan ba nanay niyan?"

"Patay na rin. TB raw sabi ng pasyente ko dati."

"Kailan kukunin ng DSWD?"

"Mamaya na yata. Kinakausap lang yung supervisor nila sa city hall."

Natulala lang ako lalo habang naaalala ko kung paano ako napunta sa ampunan. Namatay rin ang parehong magulang ko, hindi nga lang sabay gaya nina Pol at Gen. Pina-empake sa 'kin lahat ng gamit ko. Kinuha ko yung mga sinasabi ni Tatay na kunin ko 'pag dinala na raw siya sa ibang lugar—yung birth certificate ko, yung mga picure nila ni Nanay, yung passbook niyang hindi ko rin nagamit kasi wala naman halos laman at pinang-ambag na lang sa puwesto niya sa sementeryo, yung mga lisensya niya bilang driver, ilang ID niya.

Ang hirap ng gano'n na bata ka pa lang pero dapat hindi na bata ang pag-iisip mo. Dapat alam mo na kung paano magtatrabaho; kung paano magsasalita sa harap ng ibang tao; kung paano sasagot sa mga tanong nilang pangmatanda na. Pitong taong gulang, ang hirap mag-isip na parang disi-otso.

Bigla ko tuloy naalala ang dahilan kung bakit ako napadpad dito kina Pol.

Nasaan na kaya si Yayo?

"Chamee . . . doon na tayo matulog sa loob, ha? Malamok na rito sa labas e."

Ang sarap ng tulog ni Chamee. Sana lahat, masarap ang tulog.

Dumoon ako sa dati naming kuwarto ni Pol. Walang ipinagbago ang katre. Kung ano ang unang kita ko rito 17 years ago, ito pa rin ang nakita ko ngayon. Kapag nauuwi kasi ako rito, hindi na ako dito natutulog. Laging sa sala na lang, doon sa sofa. O kaya maglalatag ako ng banig sa sahig. Hindi na kasi kami kasya ni Pol sa iisang kama kasi nga, malalaki na.

Si Chamee lang naman ang katabi ko ngayon kaya walang problema sa espasyo.

May ilaw naman sa kuwarto kaso masyado nang maliwanag sa labas para mag-ilaw pa sa loob. Maayos naman at nailigpit na kanina, tutulugan na lang.

Naroon sa pader ang graduation pictures namin ni Pol. Mula Grade 6 hanggang 4th year. Pareho kaming hindi nagtapos ng college. Siya, nakaabot ng 2nd year, AB PolSci sa St. Clare. Ako naman, nakapagtapos ako ng 2-year course sa computer programming 'tapos nag-TESDA ako ng Autocad. Gusto talaga ng tatay ni Pol, magpupulis siya. Ewan ko kung masaya ba siya na hindi na naabutan ni Tay Gerardo ang pagka-college niya kasi PolSci ang kinuha niya kaysa Criminology. Ayaw niya kasing magpulis. Natatakot ma-hazing. Kung ako rin naman e.

Pero ngayon, kung magkikita man si Tay Gerardo saka Pol, malamang na masaya na yung dalawa. Nagkita na ulit sila e. Kaso mabigat pa rin para sa 'kin. May mga minuto talagang tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ang bilis ng buhay. Na parang kanina lang, kasama mo pa yung tao, nakakatawanan mo pa; 'tapos biglang ilang oras lang, mawawala lahat ng 'yon. Hindi na mauulit, hindi na masusundan.

Sa totoo lang, mahirap matulog kapag maraming iniisip pero pagod na ang katawan.

Hindi napahinga ang utak ko pero hinayaan ko ang katawan kong magpahinga kahit paano. Makabawi man lang kahit paggising ko, pagod pa rin ako.

Umiiyak si Chamee at pinagpapalo ako sa mukha kaya napabangon ako agad.

"Oo, saglit. Ito na, magtitimpla na." Karga-karga ko siya nang lumabas kami ng kuwarto. Uugoy-ugoy pa ako habang naglalakad para lang hindi siya umiyak nang malakas. Kapagka nagugutom pa naman si Chamee, kung makasampal ng mukha, parang nanay niya rin e.

Napapaisip na nga ako kung dapat na ba 'kong maglabas ng ipon kasi ang mahal ng gatas nito. Ayaw nito sa pipitsuging gatas. Hindi pa puwede ng Bearbrand. Naka-S-26 Gold One pa 'to e anak ng teteng na presyo ng gatas, nasa 1,600. Hindi pa tatagal nang isang linggo, ubos na kasi lagi 'tong gutom. Kung kakain man ng solid food, Cerelac lang. Ay, buhay.

Hindi pa nga ako nagkaka-girlfriend, nagkaanak na agad ako nang di-oras.

Iyak lang nang iyak si Chamee. Para matahimik na, isinalpak ko agad yung tsupon ng gatas niya sa bibig. At tama nga ako, gutom ang bata. Tumahan din habang hawak-hawak ng dalawang maliliit niyang kamay yung dede niya.

"'Lam mo, Chamee, yung nanay saka tatay mo, sakit ko talaga sa ulo kahit kailan."

Pumunta na agad ako sa labas para paarawan si Chamee. Parang probinsiya sa parteng 'to ng looban. Magkakalayo ang bahay kasi paradahan talaga ng jeep. Kapag puro jeep, masikip na. E umaga, nakapasada halos lahat, kaya malawak.

Dumoon kami banda sa ilalim ng punong langka para may lilim. May ibang mga tao na sa labas, padaan-daan sa pathwalk.

"'Yan ba yung anak ni Pol?" tanong ng isa sa mga kapitbahay na nagwawalis sa tapat.

"Opo," sabi ko habang pasayaw-sayaw para hindi maburyong si Chamee at magwala na naman.

"Kyut-kyut naman niyan. Ano pangalan?"

"Carmiline po."

Kilala ko 'to sa mukha pero hindi ko alam ang pangalan. Basta tinatawag lang na Manay nina Tita Mayla. Matanda na rin siya saka mukha namang mabait. Parang mas matanda pa kay Manay Pasing 'tapos naka-duster na bulaklakin.

Lumapit siya sa 'min 'tapos kinurot-kurot nang marahan ang braso ni Chamee. Mukha kasing tinaliang puting longganisa sa sobrang lusog.

"'Ganda-ganda mo naman, bibi. Puwera-usog." Dinilaan niya yung hinlalaki niya 'tapos ipinunas sa tiyan ni Chamee.

Gusto ko sanang mandiri kasi nga may laway kaso paniniwala naman na nila 'yon. Kung mausog nga, baka manisi pa 'ko na hindi ko pinalawayan. Pupunasan ko na lang ng alcohol mamaya.

"'Wawa ka naman, bibi. Patay na si Tatay mo."

Tiningnan ko si Chamee, minamata yung kumakausap sa kanya na parang nagtatanong kung anong topak nito at kinakausap siya. Gusto ko rin sanang matahin si Manay kasi 'kakadiri ang panlalaway niya kaso bigay ko na yung pagkakataon kay Chamee.

Pag-angat ng tingin ni Manay, nagtanong agad siya sa 'kin.

"Saan na raw titira itong anak ni Pol?"

Matipid akong ngumiti. "Hindi pa po namin napag-uusapan ni Tita pero gusto ko po sanang sa 'kin muna."

"E pa'no yung sa nanay niyan?"

Hindi ako agad nakasagot. Ang hirap kasing sabihin ang totoong lagay namin kina Gen. "Saka na lang ho. Kapag medyo malaki na yung bata. Baka kasi hindi agad tanggapin, kawawa naman si Chamee."

"Andoy! Almusal ka muna, ako na kay Chamee."

Nilingon ko si Tita Mayla na papalapit sa 'min.

"Mayla, sa inyo muna 'tong anak ni Pol?" tanong agad ni Manay, gusto agad mantsismis ke aga-aga.

"Baka nga, Manay." Pagkakuha sa 'kin ni Tita, kinurot ko na lang ang mahina ang pisngi ni Chamee habang dumedede siya saka ako pumasok sa loob ng bahay.

Wala akong ganang kumain pero pinilit kong umubos kahit ilang pandesal lang na may palamang Reno saka kape. Hawak-hawak ko ang phone ko para sana mag-check ng email kaso chat head agad ni Alyna ang sunod-sunod na lumabas.

Lyn Celi:

Bruuuuuh!

Hey! Saan pala loc mo atm?


'Tapos may sinend siyang video kaya play agad bago pa ako magsising hindi ko pinanood.


"Hey, bruh! I have your Batanes grass here! Shet, so tired. Anyway, I'm here at the airport pala. Where's your apartment again? Magpapa-Uber na lang siguro ako. I can't go back muna sa Tagaytay, nandoon kasi lolo ko. I don't want him to see me right now kasi baka hindi ako paalisin sa house."


Biglang naputol yung video. 'Tang ina, seryoso nga sa damo. Naka-drugs ba 'to si Lyn? May kasunod pa naman kaya itinuloy ko na lang.


"Nasa Uber na 'ko, Sandro. I told Manong Driver, sa Caloocan ka. Hindi daw siya familiar sa Munting Nayon pero I'm using Waze na. Nalo-locate ko yung device ng office contact mo sa Novaliches, Quezon City. Malapit lang ba 'yon sa inyo?"


Ay, pota. Nag-chat agad ako bago pa siya mapunta sa kung saan.


Sandro Jr

..lyn ano gagawin mo sa apartment ko?? Saka san ka pupunta??

Lyn Celi:

Puwede maki-stay for 3 days?

3 days lang, promise! Di ako puwede sa hotel, wala akong connection sa work ko. Yung lappy ko, nahulog sa cliff. May PC ka naman dibadibs? Pahiram din pala ako ng pen tab and Wi-Fi. Thankies!

Sandro Jr

..nahulog saan yung laptop mo??

Lyn Celi:

It was an accident, gagi! Nagpo-photoshoot kasi kami sa may bangin. Kaso ayun nga, nag-slid siya sa kamay ko then boom! The rest is history. I will buy a new laptop maybe later or tomorrow or any time na free ako to go to the mall, basta!

Can I stay with you for the mean time?

Legit kasi nasa Tagaytay si Lolo, ayoko umuwi sa 'min, bruh. Nagrereklamo na rin si Daddy, di siya makapag-work nang maayos kasi dinadala siya ni Lolo sa golf club.

Shocks, nag-PM si Lolo, where na raw ako. Kinakausap niya yung governor ng Batangas, fuck shit. Ayokong gawing photographer doon for the local magazine. Makikita ni Lolo mga henna tattoo ko kapag nag-dress ako.

Bruh? Still there?

Where am I going to? Here sa Novaliches or doon sa Caloocan? I searched sa Waze, medyo far pala silang dalawa.

Bruh, ano ba?


Sa sobrang sabog ko doon pa lang sa sinabi niyang nahulog ang laptop niya, hindi na ako makapag-reply. Mas lalo akong natulala sa mga kasunod.

'King ina naman kasi, kung bakit ba galing sa pamilya ng mga elitista 'tong babaeng 'to.

Si Gen, maiintindihan ko pang naglayas kasi hindi maganda treatment sa kanila ng tita niya e. Kung ako rin, maglalayas din. Pero si Alyna? 'Tang ina, maglalayas ka kasi ayaw mo lang makita ang tattoo mo?


Sandro Jr

..lyn kapag ako pina-assassinate ng pamilya mo talaga nakoooo sinasabi ko na

Lyn Celi:

HAHAHAHA not gonna happen. 3 days lang, gusto mo, bayaran ko pa renta ng apartment mo for the whole year e.

Sandro Jr

..pota tigilan mo na kakagastos mo kaldagan kita jan

Lyn Celi:

HAHAHAHA stay na ako sa inyo ha? Don't worry, I love babies naman. Di kami mag-aaway ni Chamee. Yay! Thankies!♥


Pota. Yung lahat ng kaba ko, nalipat sa babaeng 'to, a. Mukhang mapapauwi ako sa apartment nang wala sa oras.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top