Kabanata 1: Ang Bitter

Munting Nayon, Caloocan

Abril 4, 2014


"'Tol, dadaan daw si Geneva mamaya."

Sinundan ko lang ng tingin si Pol habang tumatawid sa mga kableng nasa harapan ko. May dala-dalang tuwalya, mukhang maliligo. Nakakatatlong oras na 'ko sa harap ng computer, nakakailang talo na 'ko sa DotA. Puro pa mga bobo kasama ko.

Tinigilan ko na ang paglalaro at pinanood siyang maghatak ng mga damit sa sampayang nasa balcony.

"May date kayo?" tanong ko agad, baka lang kasi aalis. Birthday pa naman n'ong isa. Hindi ko rin naman alam kung gugustuhin din bang magtagal ni Gen dito sa apartment namin.

"Titingnan ko, 'tol. Basta sabi, dadaan lang e."

"E bakit maliligo ka pa?"

Bigla siyang ngumisi. "Para pogi! Utak mo, 'tol, benta mo na nga. Hindi mo ginagamit masyado, a."

Sumaludo lang ang hinlalato ko sa kanya at saka ako tumayo at tinantanan ang computer. Binunot ko agad ang extension cord at baka matalisod pa ang bisita namin pagdating.

Maliligo si Pol, hindi ako makakagamit ng banyo.

Kumuha na lang din ako ng face towel at naghilamos na lang sa may lababo sa maliit naming kusina.

Kung tutuusin, malaki na itong apartment para sa amin ni Pol. Naka-double deck naman kami kaya tipid sa espasyo. Nasa taas siya, nasa ibaba ako. May study table na may gulong sa tapat ng kama at ilalim ng bintana para sa kanya. Sa akin naman ang black oak stand para sa computer ko.

Napahinto ako sa paghihilamos nang makarinig ng tugtog sa loob ng banyo.

Natawa ako nang mahina saka napailing. Mahilig siyang magpatugtog sa banyo kapag mga ganitong pagkakataon. Madali ko nang malaman kung masaya ba siya o excited kapag maingay sa apartment.

Tinapos ko na lang ang paghihilamos at saka nagbihis ng maayos na T-shirt. Baka sabihin ni Gen, ang dugyot namin dito sa bahay.

Nagwalis na rin ako para hindi maalikabok pagdating niya. Pinag-iipon ko ang mga nakakalat na labahan sa upuan at ibinato agad sa laundry basket.

"Pol, bibili ba 'kong soft drinks?" tanong ko agad habang nagkakalkal ng pera sa bulsa ng maong kong nakasabit sa hook sa may pinto.

"Wala 'kong pera, 'tol!" Nakarinig ako ng sunod-sunod na pagbuhos at hindi na ako nakapagtanong pa.

Napailing na lang ako at nakakuha ng singkuwenta sa bulsa.

"'Labas lang ako saglit, 'tol," paalam ko at hindi na ako naghintay ng sagot. Pagsara ko ng pinto ng bahay, saka ko lang napansin na hapon na pala. Parang kanina lang, madilim pa. Ang tagal ko yata sa computer?

Nasa second floor ang unit namin, unang pinto bago ang hagdan. Si Pol, best friend ko 'yan mula pa bata ako. Kaya nga natangay ko 'yan dito sa Caloocan. Taga-Novaliches kasi kami sa Quezon City dati, e 'ka ko wala akong kasama rito kaya sumama siya.

Crew 'yan sa milktea house sa kabilang phase at napilitan kaming mangupahan dito sa Munting Nayon pagka-demolish ng barracks sa kabilang baranggay. Ako naman, nagtatrabaho bilang tutor sa math doon sa anak ng barangay chairman. Minsan, virtual assistant at natatangay sa mga online typing job ng tropa ko ring writer. O kaya gagawa ng graphic arts. Basta tungkol sa computer. Sakto lang ang kita kaya hindi pa ako naghahanap ng iba pang trabaho maliban doon. Hayahay kasi.

Tapat lang ng building namin ang tindahan at hindi pa man ako nakakaabot doon, nakasalubong ko na agad ang bisita namin.

Bumagal ang lakad ko habang nakatingin sa kanya. Ang ganda ng ayos niya, naka-dress na pink. Yung hanggang tuhod at kapag hinangin ay talagang lilipad ang laylayan. May makeup pa, ang pula ng pisngi at labi. Kahit ang buhok, nakatali nang maayos at may bulaklak pang ipit.

"May date kayo ni Pol?" tanong ko agad paghinto ko sa tapat niya.

Matipid siyang ngumiti saka tumango. Parang naiilang pa sa 'kin. Bumaba ang tingin ko sa kamay niyang nakahawak sa puno ng sling bag niyang pink din. Hindi kaya natatakot 'to? Hindi naman ako mangangain.

"Bibili pala 'kong RC." Inginuso ko yung tindahan sa tapat. "Naliligo pa si Pol sa 'taas e."

"Oh." Dahan-dahan naman siyang tumango. "'Sama na lang muna ako sa 'yo."

Napapikit-pikit ako, inaalam kung seryoso ba siya sa sinabi niya. Hindi na umimik kaya itinuro ko na lang ulit ang tindahan.

"Tara," sabi ko.

Nagpauna na ako at huminto sa tapat ng pinaka-counter saka sumilip sa maliit na bintana ng sari-sari store ni Ate Seny.

"'Te Sen, pabili RC, yung malaki."

"May bote ka?"

"'Sauli ko na lang mamaya."

Nilingon ko agad si Gen na nakatayo sa tapat ko pero nakatanaw sa second floor ng apartment namin. Napalingon tuloy ako roon kasi baka tapos na si Pol at nagsasampay na ng damit niya sa labas.

"Saan punta n'yo?" usisa ko habang naghihintay ng order kong soft drink.

Sumulyap lang siya sa 'kin saka yumuko na para bang naroon sa aspaltong kalsada ang kausap niya.

"Birthday ko ngayon," sabi niya.

"Oo nga, alam ko."

"Alam mo pala ta's magtatanong ka pa."

"Tinatanong ko saan kayo pupunta hindi kung ano'ng araw ngayon. Kaya hindi tayo nagkakasundo e. Iba tanong ko, iba sagot mo." Iniabot ko agad ang singkuwenta kay Ate Seny saka kinuha ang inilalabas niyang bote sa maliit na bintana ng tindahan.

"Mahal ko si Paul John. Hindi porke binasted kita, magagalit ka na sa 'kin lagi."

Saglit akong lumapit sa kanya saka itinulak ng hintuturo ang noo niyang makapal ang pulbos.

"'Layo mo sumagot. Ang tanong ko, saan kayo pupunta. Hindi ko tinatanong kung mahal mo si Pol."

Pagkakuha ko ng sukli, nauna na ulit akong maglakad pabalik sa bahay.

Nauna ko kasing niligawan si Gen. Ganda kasi. Kapag tinangay mo sa date, para kang may kasamang naglalakad na diyamante. Nililingon kasi ng lahat.

Tatlong buwan din, sinuyo ko araw-araw. Hindi ko maaya nang madalas sa date kasi busy raw sa masteral niya. Madalas na puro chat lang kami at dadaan lang ako sa school niya kapag libre ako kada dalawang linggo. Kalahati minsan ng sahod ko, para lang sa mga regalo ko sa kanya. Kaso wala, busted ako kasi wala raw. Hindi kayang mag-commit.

Nagulat na nga lang ako, after a week, may syota na raw si Pol, ipapakilala niya raw sa 'kin sabi niya. Kung alam lang niya ang gulat ko pagkakita ko kay Gen sa bahay.

Pero hindi alam ni Pol yung amin ni Gen kasi nga hindi ko nadadala sa bahay. Ako kasi ang pumupunta sa kanila. Hindi nagsasalita 'tong babaeng 'to kaya lahat ng kuwento nilang dalawa, puro kay Pol lang nagmumula.

Kesyo one week lang daw niligawan ni Pol 'tapos na-in love na agad sila sa isa't isa. Nagkakilala sila sa Facebook lang din. Nagkaalaman lang ng lokasyon na malapit pala sila sa bahay n'ong nagkaaminan na.

Maganda naman talaga si Gen, hindi ko naman itatanggi na isa 'yon sa dahilan kaya ko nga niligawan. Hindi ko na rin kinontra pa n'ong sinabi niya na kaya niya sinagot si Pol e dahil nga raw responsableng lalaki saka gentleman.

Iyon lang ang lamang ng best friend ko sa 'kin. Wala pa namang gentle-gentle sa 'kin. Ayoko lang sa mga pabebeng babae. Kaya eto, patay-malisya, kunwaring civil lang kami ni Gen kasi bata na ng kaibigan e. Walang talo-talo. Ang kay Pedro, kay Pedro.

"Upo ka, baka sabihin mo na naman, pinababayaan ka." Inginuso ko na lang yung monobloc sa gilid ng pinto saka ko inilapag sa mesa ang boteng namamawis sa lamig. May natirang ensaymada ng Goldilocks sa mesa. Meryenda dapat 'to ni Pol kaso syota niya naman ang pagbibigyan ko kaya manahimik na lang siya kapag nalaman niya.

"Pol, nandito na si Gen," sabi ko pagdaan sa tapat ng pinto ng banyo. Kumuha agad ako ng tatlong baso sa paminggalan at dinala sa mesa.

"Labs, saglit lang, ha! Bibihis lang ako!" sigaw ni Pol sa loob. "Kumain ka na?"

Umaasa pa naman ako ng sigaw rin mula kay Gen. Sagutin man lang yung syota niyang nasa banyo, pero paglingon ko sa kanya, nakatitig lang siya sa 'kin na para bang kini-kidnap ko siya. Mukhang natatakot talaga, ang sarap tuloy lalong takutin.

"Bakit ayaw mong sagutin si Pol?" hamon ko pa habang nagsasalin ng RC sa baso. "Sabihin mo, Labs, hindi pa! Gusto ko ng pizza, Zagu, saka combo meal!"

Inirapan lang ako saka kinuha ang phone niya sa maliit na bag. Umiiwas por que guilty sa kalokohan niya.

Kung puwede lang din talagang mag-refund sa lahat ng ginastos ko sa kanya, ire-refund ko lahat 'yon. E di sana, ako ang nabusog sa mga pinagkagastusan ko.

Binuksan ko na ang ensaymada at isinalin sa platito para makain ng bisita.

"Labs, 'punta tayong MOA!" Minata ko agad si Pol paglabas niya ng banyo.

Ano'ng MOA ang pinagsasasabi nito? Nasa Caloocan kami, dadayo pa ng Pasay para sa date?

"Sure, okay lang," sabi pa ni Gen.

Aba, talagang naghahamon ng away 'tong dalawa sa 'kin, a.

Pagtingin ko kay Pol, nakasuot na ng asul na checkered na pang-itaas at maong na pantalon. Lumapit agad siya kay Gen saka hinalikan 'to sa labi—at sa harapan ko pa talaga, ha!

Sa sobrang pagkagigil, malaking kagat ang ginawa ko sa ensaymada saka ibinagsak sa platito. Pinuno ko talaga ng laman ang bibig ko at baka mamura ko pa 'tong dalawang 'to.

"'Tol, baka gabihin kami, ha. Kapag may dumaan at naghahanap sa 'kin, pasabi balik na lang bukas."

Mabilis na nagsuot ng sapatos si Pol at hinaklit sa haligi ng kama ang sling bag niya.

Tumayo na agad si Gen na masama pa rin ang tingin sa 'kin.

"Tinitingin-tingin mo, ha?" sabi ko pa habang kinukunutan siya ng noo.

"'Tol, kaya natatakot sa 'yo girlfriend ko e," natatawang sabi ni Pol habang iniilingan ako.

"Dapat lang matakot siya!"

"Ang sama ng ugali talaga," dinig ko pang bulong ni Gen at umirap na naman.

"Kung may sasabihin ka, sabihin mo nang harapan, hindi 'yang bubulong-bulong ka sa hangin!"

"'Yaan mo na 'yan si Andoy. Talo lang 'yan sa DotA kanina hahaha!" Si Pol na ang nagbukas ng pinto at pinauna na sa labas si Gen. "'Tol, ha! Sige, alis na kami!"

Ibinagsak ko agad ang palad ko sa mesa at nailipat doon ang tingin sa dalawang basong sinalinan ko pa naman ng laman.

"'Pakasaya kayo." Dinampot ko na lang ulit ang ensaymada saka inubos iyon. Wala akong pakialam kahit kay Pol 'to. Sinulot naman niya yung sana e girlfriend ko. 


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top