Bukang-Liwayway 1998

Bukang-Liwayway Foundation Inc.

Abril 4, 1998



"Hanggang 3 p.m. daw ang mga employee ng Inspiro dito mamaya para sa activities. Nasa iyo na ba ang listahan ng mga batang dadalhin doon sa playground?"

"Yes, Madame."

"Sina Mr. Celizana, anong oras daw sila magpa-packup?"

Nakatago kami sa likod ng pinto ni Yayo kasi may mga dadating daw na bisita mamaya. Naririnig sina Madame, magpapakain saka magpapalaro daw sila.

"Andoy, ba't si Chichay saka si Jelly Mae kasama? Ba't tayo hindi kasama?"

Tinakpan ko na lang agad ang bibig ni Yayo kasi baka marinig kami ni Madame. Baka ikulong pa kami sa bodega kapag nalaman nilang nakikinig kami ng usapan nang may usapan. Ayokong mapalo ulit. Ayoko ring mapalo si Yayo, siyempre.

"Kasi nga, di ba, sabi daw ni Madame, bawal daw makulit doon kasi baka pagalitan tayo ng mga dadalaw?" sabi ko kay Yayo.

"Di naman ako magkukulit, e." Ngumuso pa si Yayo saka inuntog ang ulo sa katabi naming dingding.

"'Ba 'yan?" Sinalo ko agad ng braso ang noo niya. "'Pag nagkabukol ka na naman, lalo tayong di palalabasin sa playground ni Madame. Ayaw n'on ng pangit tayo, di ba? Pagagalitan sila n'ong matatandang lalaking napunta dito lagi-lagi. Bawal daw tayo magsugat."

"Gusto ko sa playground, Andoy. May ice cream daw bibigay kila Jelly Mae, e. Bertdey ko ngayon, wala akong ice cream. Si Jelly Mae, may ice cream, di naman niya bertdey."

Ano ba naman 'to si Yayo. Bawal nga kami sa playground kasi di naman kami kasama sa sinabi ni Madame na lalabas.

"Nakaw na lang tayong ice cream 'pag di natingin sina Madame," sabi ko na lang kay Yayo.

Biglang lumapad ang ngiti niya sa akin. "Sige, sige!"

Kinuha ko agad ang kamay niya saka kami pumunta sa may playground.

"Andoy, ang daming tao."

Ang dami nga. May party na naman. Hindi kami kasama sa mga ilalabas. Pero sabi ni Madame, pupunta daw ako sa stage mamaya. Bakit kaya?

Sumilip-silip ako sa maraming pagkain. Wala doong ice cream, pero nakita ko yung cart na may logo ng Magnolia. Ice cream 'yon e. Lagi akong bumibili ng ganoon dati sa school.

"Yayo, papalapit dito yung ice cream."

Nagtago kami ni Yayo sa hallway para di kami makita. Sumilip ulit ako sa playground. Ang dami nila. Si Jelly Mae, nakikita ko, kumakain ng spaghetti kasama sina Chichay. May spaghetti daw kami mamaya pagtapos daw nito. Sana may matira sa amin.

Pagtingin ko sa harapan, nakita ko agad na kakatago lang yung ice cream sa sulok. Hinatak ko agad si Yayo para lumapit doon.

"Yayo, 'wag kang maingay, ha?" sabi ko kay Yayo. "Sshh lang tayo."

Pasilip-silip ako sa maraming tao kasi kapag talaga nakita kami ni Madame, papagalitan kami.

"Andoy, malapit na yata sila Madame."

"Di 'yan, ako'ng bahala."

Madilim naman sa puwesto ng ice cream. Kapag nakalapit ako doon, may ice cream na kami.

"Yayo, ito na yung ice cream." Tinuro ko agad yung ice cream sa tapat namin na nakatago. "Dito ka lang, ha?"

"Sige."

Lumapit pa ako sa ice cream at aalisin na yung takip kaso may sumulpot na kamay sa likod.

"Bad ka, nagnanakaw ka ng ice cream!"

"Hala, may bata!"

May bata palang nagtatago doon, pero di ko siya kilala. Nakabestida siya kaya baka di siya tagadito.

"Sshh!" Bigla niya akong hinatak para magtago kaming pareho. "Ang noisy mo!"

"Anong noisy?" sabi ko agad, di naman ako maingay a! "Ba't nagtatago ka dito?"

"Magnanakaw ka ng ice cream, 'no?"

Tinakpan ko agad ang bibig niya kasi nalaman niya ang plano namin ni Yayo.

"Di ako magnanakaw. Manghihingi lang ako," sabi ko sa kanya. Inalis agad niya yung kamay ko sa kanya 'tapos kinurot pa ako! "Aray! Inaano ba kita?"

"Isusumbong kita, sasabihin ko nagnanakaw ka."

"E ba't ka nagtatago dito?" sabi ko pa kasi wala naman siya diyan kanina e.

"E kasi—" Tiningnan niya yung ice cream. "Okay. Di kita isusumbong. But! Kukuhaan mo rin ako ng ice cream."

Ano ba 'yan? Si Yayo lang naman kukunan ko ng ice cream, ba't kukunan ko pa siya?

Tsk! Sige na nga. Baka isumbong pa ako kay Madame.

"Sige. Isa lang." Sumilip ako sa maraming tao saka ko ipinasok yung kamay ko sa loob ng box ng ice cream. "O." Kumuha ako ng dalawang ice cream para isa kay Yayo saka isa para dito sa batang maingay. "Sige na, aalis na 'ko. Ibibigay ko pa 'to kay Yayo."

"Thank you!"

"Tara na, baka dumating pa sina Madame."

Sabay kaming lumabas sa pinagtataguan namin 'tapos pumunta agad ako kay Yayo.

"O, ice cream mo. Di ko alam flavor pero puwede na 'yan," sabi ko pag-abot sa kanya.

"Andoy, ba't ikaw, wala?"

"Binigay ko d'on sa batang maingay. 'Yaan mo na. Mamaya, aakyat daw ako sa stage. Sabi ni Madame, may bibigay daw sa 'kin. Baka pera. Bibili ako cake natin 'pag pera."

"Yehey! Andoy, gusto ko na cake yung chocolate na may maraming balloons! Gano'n nakita ko sa bertdey ni Patrisha dati e! Gusto ko gano'n na cake!"

Inakbayan ko agad siya 'tapos sumuot kami sa mga nakalatag na tinutulak na mesa para sa mga plato saka baso.

"'Pag binigyan akong pera, bibili kita ng gano'ng cake."

"Andoy!"

Hala, tinatawag na kami ni Sister.

"Si Sister, nagtatawag na, Andoy, baka bibigyan ka na ng pera."

Tumango naman ako kay Yayo. "Bibili tayong cake 'pag binigyan ako ng maraming pera."

"Doon ka na, Andoy, para magkapera na tayo."

"Sige, sige. Hintayin mo ako rito, Yayo, a? Babalik ako agad."

Sinalubong na agad ako ni Sister pagpunta ko sa kabilang hall. Maraming mga bata doon 'tapos marami rin na tao saka maraming nagpi-picture.

Pagkakuha ni Sister sa kamay ko, dinala niya agad ako doon sa maraming nagpi-picture.

"Sister, bibigyan po ako ng pera?"

"Ma'am, ito na po siya," sabi ni Sister doon sa babaeng maganda. "Andoy, umakyat ka muna sa stage."

"Sister, birthday po ngayon ni Yayo e," sabi ko sa kanya kasi kailangan ko makabili ng cake ngayon.

"Akyat na, dali! Dali!" Halos itulak ako ni Sister paakyat e nagtatanong pa ako kung saan ko kukunin yung pera ko.

"Daddy, I want ice cream!"

Ang dami nilang tao sa harapan namin. Sabi ni Madame, may ibibigay daw sa akin dito e, kailangan ko na ng pera ko pambili ng cake kay Yayo.

"Ikaw yung nagnakaw ng ice cream!"

Pagtingin ko sa tabi ko, nakita ko na naman yung batang maingay!

"Hoy, sshh!" Tinakpan ko agad yung bibig niya kasi maingay na naman siya! "Maingay ka. Gusto mo, sipain kita?"

Kagat niya ang labi niya 'tapos sinuntok ako sa dibdib.

"Isusumbong kita kay Daddy. Daddy, yung bata—"

"Baby, come here."

Sasapakin ko na sana siya kaso hinatak siya n'ong mama na nasa likod namin.

"Daddy, yung bata, magnanakaw."

"Papila naman sila, please. Thank you!"

Bakit kaya ang ingay-ingay nito, siya na nga binigyan ko ng ice cream, si Yayo lang naman yung bibigyan ko dapat ng ice cream, hindi naman siya!

"Daddy, ito yung magnanakaw, o!" Hinatak pa niya yung kamay ko para makalapit ako sa kanya.

Sisipain ko na talaga 'to, ang papansin.

"Ano ba? Bitiwan mo nga ako!"

"Daddy, ito siya, o!"

"Aly, don't shout! Behave ka!"

"Mami, ito yung bata!"

"Aly, behave. Gusto mong walang ice cream?"

Ang papansin talaga nitong batang katabi ko. Di naman siya inaano, siya na nga binigyan ko ng ice cream.

Ang daming nag-picture sa amin. Kinakausap nila sina Sister saka si Madame. Pinapila kami 'tapos may binigay na papel, 'tapos kinuha ulit sa akin.

Sabi ni Madame, may ibibigay daw sa akin pero pagkatapos ng picture-picture, wala namang ibinigay na pera.

Sana pala hindi na lang ako umakyat doon sa stage.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top