Chapter 17

I didn't realize how much time has passed.

Hindi ko namamalayang patapos na rin pala ang year ko as freshman student at malapit na ring magtapos si Kuya ng kolehiyo. Hindi ko pa siya nakukulit tungkol sa plano niya sa buhay, but as far as I knew him, sigurado akong may tumatakbo na sa isipan niya.

Buti pa siya. Kasi ako kahit patapos na ang unang taon ko sa Business Ad, talagang wala pa rin do'n ang hilig ko.

Hindi ko na rin muna inisip dahil gulong gulo na ako sa mga nangyayari sa paligid ko. It's been months since that scene I had with Archeus at the grand hotel.

Wala akong pinagsabihan kahit na sino kaya ipon na ipon sa'kin ang mga sinabi niya nang gabing 'yon.

If that kiss meant nothing to you... Then maybe you're the player.

Gusto kong ipagkaila na wala naman talaga para sa'kin ang halik na 'yon pero kung gagawin ko 'yun, niloloko ko lang ang sarili ko.

Yes. After months of avoiding him, nagkaroon ako ng panahon para magnilay-nilay. Siguro tama nga siya. Hindi ko lang maamin sa sarili ko dahil nga ayaw ko. Hindi naman ako magkakaganito kung wala lang sa'kin ang una't pangalawang halik na 'yon.

And with him ignoring me for the past months, I become aware of what I really feel. Kahit na may kaunting duda, sumasama ang pakiramdam ko tuwing nakikita ko siyang may kasamang iba. Para bang may kung ano'ng humahalukay sa tiyan ko. Hindi ko maintindihan.

Bago lang ako sa larangan na 'to at hindi ko pa alam ang pinagkaiba ng simpleng pagkagusto sa pagmamahal. Ang nasubaybayan ko lang naman ay ang kanila Mommy at Daddy, at tingin ko hindi pa rin 'to sapat para ikumpara ko 'yun sa nararamdaman ko kay Archeus.

Hindi kaya confused lang ako? Paano ko malalaman kung ano nga ba? Ayaw ko mag overthink pero halos ginawa ko na yatang personality 'to simula nang pag-amin ni Archeus.

Ni hindi ko nga sigurado kung umamin ba siya dahil wala naman siyang sinabing gusto niya nga ako. Pero hinalikan niya ko ulit! Ibig sabihin may meaning sakanya 'yon kaso 'di naman niya klinaro kung ano! Ang hirap mangapa!

"Aaaah! Nakakainis!" Ginulo ko ang buhok ko sabay sumalampak sa table ng canteen.

"Ano nanaman 'yon, Eri?" Umirap ako kay Keanu dahil bukod sa hindi ko masasabi 'yun sa kanya, dahil maiinis nanaman siya kay Archeus, nahihiya rin akong umamin na... gusto ko nga iyong demonyong iyon.

"May crisis ako ngayon. Hindi ko puwede sabihin." I sounded so frustrated.

No wonder kung bakit biglang nilapit ni Keanu ang mukha niya sa naka-heads down kong ulo. I craned my neck to look at him.

"Problema sa lalaki?" I saw his slight smirk bago tuluyang dumila sa ice cream niyang hawak.

Nag-init ang tainga ko. Bakit niya nahulaan? Ang bilis ng radar nito! Pero bilang defensive ako, talagang todo ang pag deny ko.

"Hindi 'no!" Pasigaw ngunit paos kong sinabi.

Matagal niya akong tinitigan. Nanliliit ang mata hanggang sa ako na mismo ang na weird-an.

"What?" Singhal ko.

Tumawa naman siya at napatingin kami sa papalapit na sina Leslie at Jackson. Bumalik ulit tingin ni Keanu sa'kin na para bang walang nakita.

Nakaupo na sa harapan namin sina Jackson, ngunit itong kasama ko, tuloy pa rin sa pagtawa.

"Tayo na lang kaya?"

Nanlaki ang mata ko pati ni Leslie. Lumipat ang tingin ko kay Keanu na siyang nakatingin na kay Jackson na agad namang lumipat rin ang tingin sa'kin.

Sa gulat, napaahon agad ako sa puwesto ko kaya halos tumalon ang hawak na ice cream ni Keanu. Buti na lang at kalahati lang ang natapon sa pants ng uniform niya.

"Hala! Sorry!" Napasinghap si Keanu nang mabilis akong kumuha ng tissue para punasan ang parteng natapunan. Near his crotch.

Nakita ko ang panic sa mata ni Jackson dahil napatayo siya habang pinanonood ang pagpunas ko kay Keanu.

"Bakit?" Mahina kong tanong. A bit confused.

Hindi ko alam kung na malikmata lang ako pero nakita ko ang pagsilay ng ngiti sa labi ni Keanu.

"Hindi kasi 'yan matatanggal sa pagdampi mo. Akin na nga." Kinuha niya ang tissue sa'kin at siya na mismo ang nagpunas sa sarili niya.

I heard how Jackson cleared his throat as he watches Keanu cleaning his pants. Itong isa naman, nakangisi lang parang nauulol.

"Nagbibiro lang ako sa tayo na. Masyado ka namang magugulatin, natapon tuloy ang ice cream ko," Pinalo ko siya sa braso dahil alam ko namang joke lang 'yon pero nakakagulat pa rin.

"Pasensya ka na ha? At kasalanan ko pang natapon ko ang ice cream mo! Humanap ka na lang ng ibang makakain!"

Humagalpak siya sa tawa. "Talaga. Marami pang mas masarap na ice cream diyan." Umirap ako habang si Leslie naman ay nakatunganga lang, palipat lipat ang tingin kay Keanu at Jackson.

Natapos ang period ng last subject namin. Halos wala akong naintindihan lalo na't may bumabagabag sa isipan ko.

Ano kayang nasa isip ni Archeus ngayon? Talaga bang ako ang player dahil di-ne-deny ko na may kahulugan ang halik na iyon sa'kin?

Humikab at nag-inat ako palabas ng classroom at hindi na hinintay si Keanu. Napatakip agad ako sa bibig nang bumalandra sa harap ko si Avery.

Mabilis akong napaayos ng itsura. Ngumiti naman siya habang nag-iinit ang pisngi ko.

"Puyat?" Mabilis akong umiling kahit totoo namang napuyat ako kakaisip. Hindi nga lang dahil sa kanya.

"Bakit hindi mo ako hinintay—" Naputol ang sasabihin ni Keanu nang makita niyang nasa harapan ko si Avery.

Lumipat ang tingin niya sa'kin at pinanlakihan ko siya ng mata. Ngumisi siya at tinapik sa balikat si Avery.

"Hatid mo sa bahay ah." Nagtanguhan lang sila habang nakatayo ako sa harapan nila.

"B-bakit ka pala nandito?"

"Alam ko kasing tapos na ang class mo at vacant ko naman kaya gusto ko sanang kumain muna tayo sa labas." Tumingin siya sa relo niya.

"Sa malapit lang naman dahil may klase pa ako pagtapos nito." Ngumiti siya

Ayaw ko sanang pumayag dahil bukod sa naguguluhan na nga ako kay Archeus, ayaw ko rin namang umasa siya.

Umamin si Avery sa akin no'ng nakaraan ngunit hindi na ako sigurado kung siya pa rin ang gusto ko.

Siguro magandang tiyempo na rin ito na linawin sa kanya na hanggang kaibigan lang kami.

Wala naman akong gagawin sa bahay pag-uwi kaya ayos rin sa'kin ang ideya na 'yon.

"Kung gusto mo lang." Ang boses niyang mahinahon ay tila umaasa kaya napapayag na rin ako.

"S...sige ba."

Mabilis kaming nakarating sa coffee shop malapit sa school kaso punuan at halos wala nang maupuan. Nagpaalam na rin ako kay Kuya Jud na hindi na sasabay dahil ihahatid na raw ako ni Avery pauwi.

"Wala na pong available seat?" Tanong ko sa staff.

"Sorry, Ma'am. Full po ngayon, e."

Nagkatinginan kami ni Avery. Bumalik ang tingin ko sa mga naroon at mukhang magtatagal pa ang ilan do'n dahil bukod sa nagkukwentuhan pa, hindi pa ubos ang mga order nila.

"Sa iba na lang? Mukhang matagal pa sila." Aya ko habang naghahanap pa rin si Avery ng pupwestuhan.

Hindi niya yata ako narinig kaya hinila ko ng kaunti ang gilid ng polo niya. "Halika na... sa iba na lang tayo."

Agad siyang napatingin sa kamay kong nakahawak sa damit niya. Mabilis kong binitawan iyon nang makita ang multo ng ngiti sa labi niya.

"Okay." Aniya sabay hawak sa palapulsuhan ko.

Napatingin ako do'n ngunit nagpatianod naman kung saan niya ako dadalhin.

Wala na kaming makitang coffee shop. Mayroon sa iba ngunit malayo naman at kung pupuntahan pa namin 'yon, hindi na siya makakapasok sa next class niya.

Sa gitna ng daan, may nasipat akong bistro sa tabi ng kilalang book store. Kinalabit ko si Avery at tinuro ang banda na 'yun.

"Diyan na lang." Matagal niya akong tinignan tila nagdadalawang isip.

"May mga umiinom diyan." Nagkamot siya ng batok.

"May pagkain?" I asked, silently wishing na sana mayroon para hindi na kami lumayo.

"Meron." Ngumiti ako.

"Edi diyan na lang! Kakain lang naman tayo, hindi iinom."

"Pero—"

"Sige na at wala nang ibang makakainan. Hindi ka makakapasok kung pupunta pa tayo sa malayo."

Tumingin ulit siya bistro bago nagsalita.

"Sigurado ka?" He bit his lower lip.

Tumango ako ng mabilis dahil nagugutom na rin ako.

"Okay."

Sa pangalawang pagkakataon, hinawakan niya muli ang palapulsuhan ko nang tumawid kami. Nauuna siya upang parahin ang mga kotse habang ako naman, nagmukhang batang nakasunod sakanya.

I looked at his back and realized how kind he is. How gentle. Ibang iba sa kinalakihan kong kasungitan ni Kuya Emmett at kabalastugan ni Archeus.

Bumuntong hininga ako na kaagad namang napansin ni Avery.

"Bakit?" Umiling ako.

"Wala! Tara na sa loob!" Nagmadali ako papasok kahit nakahawak pa siya sa palapulsuhan ko. Nahatak ko tuloy siya kasabay ng pagtunog ng wind chimes sa pinto ng bistro.

"Good day, Sir and Ma'am. Can I see your ID, please?"

Ngumiti ako at mabilis nag abot ng ID. Ganoon rin si Avery.

Pagkabalik no'n sa'min, sumalubong agad ang bossa nova na kanta sa pandinig ko. Napangiti ako sa ayos ng lugar, hindi siya gano'n kaaliwalas gaya sa mga coffee shop na madalas ay may cozy na furnitures. Dito ay puro kahoy ang disenyo mapa upuan man o lamesa, may bar counter, dart at pool game.

May ilang booth din doon. Isang maliit na podium na sa tingin ko'y gagamitin ng live band mamayang gabi. Totoo ngang may mga umiinom ngunit kakaunti lang ang tao kumpara sa coffee shops na napasukan namin.

Namangha ako sa itsura kaya napatingin ako kay Avery nang nakangiti.

"Maganda naman pala rito, e!"

Isang tingin sa gilid at napansin kong may billiards pa! Nandito na yata lahat ng extracurricular activities!

Umupo na kami malapit do'n at na busy na ako sa pagtingin ng menu. Ayos at mukhang masasarap pa ang pagkain dito!

Natapos na kami sa pag-order ni Avery nang tumikhim siya. Tumuro siya sa billiards banda kaya kahit 'di ko na tignan, alam kong 'yun ang tinuturo niya.

"Gusto mo maglaro ng billiards?" Ngumisi ako.

Umiling siya. "U-uh, hindi. Hindi ako marunong no'n."

Nanlaki ang mata ko. "Totoo ba?!"

Medyo napalakas yata ang boses ko dahil napatingin sa'kin ang isang waiter, kaya hininaan ko.

"Totoo?" Tumawa si Avery sa reaksyon ko pero umiling pa rin siya bilang sagot.

"Hindi nga..." Parang namula ang tainga niya sa hiya pero wala namang kaso 'yon! Hindi ko rin naman matututunan 'yon kung hindi dahil kanila Kuya Emmett!

Mabilis akong tumayo para hilahin siya do'n, tuturuan ko sana siya ngunit halos manigas ako sa kinatatayuan ko nang makita si Archeus kasama ang mga tropa niya.

They're sitting in a semi circle booth near the windows. Pasok ang liwanag sa banda nila kaya malinaw na malinaw na siya nga ang nakikita ko.

"Siya ang tinuturo ko kanina." Muntikan ko nang sabunutan ang sarili ko sa inis dahil hindi ko sinundan ng tingin ang tinuturo niya kanina.

Kung alam ko lang na nandito siya, edi sana hindi na ako nagpakita!

Wala si Kuya roon pero pamilyar ang iba niyang kasama. Pati yata si Joaquin na nakasama namin sa archery noon ay nasipat ko.

Papihit na sana ako patalikod nang magtama ang mata namin ni Archeus. Matalim nanaman ang titig ngunit hindi nagtagal, umiwas rin. Mukhang hindi siya gulat na makita ako ro'n at mukhang walang pakialam.

Kinalabit ako Avery nang hindi na ako kumilos. Parang may kumirot sa dibdib ko nang iwasan ako ng tingin ni Archeus, dumoble pa iyon nang makita ang papalapit na si Nancy.

Tinaboy niya lahat ng lalaking katabi ni Archeus at pumagitna ro'n. Umiinom sila at ang kapal naman ng babaeng 'to para makisali gayong all boys ang naroon!

Invited ba siya? Bakit bigla siyang tumatabi kay Archeus?

Nagkalat ang iritasyon sa katawan ko lalo na nang ininuman niya bigla ang kalalapag lang na baso ni Archeus. Nanlaki ang mata ko. Napatingin sa kanya si Archeus, agad naman siyang humingi ng paumanhin sabay pakita ng sariling baso niya.

Mukhang dinahilan pang nagkamali siya ng dampot ng baso. Ang tanga niya naman kung gano'n!?

Hinintay ko ang magiging respond ni Archeus pero nagpatuloy lang siya sa pakikipagkuwentuhan sa ibang kaibigan at paminsan minsang bumabaling kay Nancy na nakailang bulong na sakanya.

Tuwang tuwa pa ang gago! Panay ang hagikgik sa sinasabi ng bruha, kala mo may nakakatawa sa ginagawa nila, e wala naman!

Ano kaya 'yung pinag-uusapan?!

Ilang sandali pa akong napatunganga. Nabalik  lang sa wisyo nang humarang sa harapan ko si Avery.

"Tuturuan mo ba ako o ano?" Ngumiti siya at dahil inis pa rin ako, ngumisi ako at pabalang na kinuha sa kanya ang cue stick na agad ko namang tinasahan.

Kung ang plano ni Archeus ay ignorahin ako hanggang kamatayan, then so be it. Hindi ko rin siya papansinin at tatratuhin ko siyang hangin hanggang kabilang buhay!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top