TheCatWhoDoesntMeow's Short Story
COMPOUND SESSIONS
by Eloisa Madrigal (TheCatWhoDoesntMeow)
SESSION 1: Bacardi
Time: March, sometime after STU's Valentine's Party
"Sino nga 'yong nasa cell phone mo, Nobita? Bagong babae? Nililigawan mo na? Nakakausap mo lagi? Ano? Kuwento-kuwento rin," sunod-sunod kong usisa kay Hakob.
Matipid lang na ngumiti ang loko. Pa-charming. Wala yata talagang balak magsalita. Hindi naman sa interesado ako sa nasa cell phone niya. Nakapaninibago lang. Karaniwan, sinasabi niya agad kapag may nakukursunada siya. Kapag naman may nangungursunada sa kanya, nalalaman namin agad ni Doraemon kasi sa amin kumukuha ng impormasyon 'yong mga babae. Saka, nakakaduda na ang tagal na niyang walang girlfriend. Akala namin ni Doraemon, uubusin niya lahat ng babae sa mga katabing department ng Engineering, eh.
"Ano nga? Pa-charming ka, ah. 'Di ko kailangan ng ngiti mo, brader. Amin-amin din," dagdag ko.
Nagsalin lang siya ng alak sa shot glass at inabot sa 'kin. Wow, tatag. 'Di patitinag talaga.
"Uminom ka na lang muna," sabi ni Hakob.
"Tapos, 'pag inom ko, magkukuwento ka na?"
Naghawi siya ng buhok. "Bilisan mo. Tatagayan ko pa si Doraemon."
Napatingin kami kay Doraemon na nakikipagtitigan sa cell phone niya. Iba rin. Nakaabang na naman 'to kay Pfifer.
"Baka tulog na 'yon," sabi ko sa kanya.
"Ano?" aniya.
"Si Pfifer hinihintay mo? Girlfriend mo na? Kailan monthsary n'yo?"
Pumalatak si Doraemon at bumaling kay Hakob. "Tagay ko?"
"Wow. Tapang. Parang 'di tutumba pagkatapos ng three shots, ah."
"Manahimik ka, Pato."
"Wow. Tapang. Parang 'di pa girlfriend si Pfifer, ah," dagdag ko.
Ang talas ng tingin ni Doraemon sa 'kin. Mukhang 'di pa nga yata girlfriend si Pfifer. Hino-holding hands pa lang. Labo.
" 'Di mo pa nga girlfriend? Nawala kayo sa party no'ng Valentine's, ah. Nagkunwari lang kami ni Hakob na walang alam."
Pumalatak siya at kinuha ang shot niya mula kay Hakob. Straight na ininom. Tapang talaga, eh.
" 'Di mo pa nga girlfriend? Ano? Boring na inuman 'to. 'Di kayo nagkukuwento. 'Di tayo umiinom para mag-meditate."
Mahinang tumawa si Hakob bago tumingin din sa cell phone. 'Kala mo may lovelife, eh. Binabantayan ko galawan niya, sigurado naman akong walang ka-text.
Nailing ako. Mukhang wala sa mood na magkuwento 'tong dalawa. Wala rin naman akong maikukuwento. Sinagot na 'ko ni Denise. 'Yun. Hanggang do'n lang. 'Di ko maintindihan kung ano'ng klaseng relasyon meron kami. Ramdam ko namang wala pa siyang feelings. Kung meron man, kakapiraso pa lang. Nagpapaka-boyfriend lang ako dahil mukhang kailangan niya lagi ng kasama at kausap.
Tahimik ang ikot ng tagay. Minsan, sinasalo ko 'yong para kay Doraemon. Minsan, sinasalo ni Hakob. Nagdadayaan lang kami. Walang pakinabang si Doraemon ngayong hindi lasing. Three shots later naman, 'pag lasing na, sa makina na ang pakinabang niya.
No'ng nakaraan, inayos 'yong washing machine namin sa bahay. 'Di naman sira. Siraulo. Tapos, panay Pfifer. Wala naman si Pfifer. Nag-video ako pero hanggang video lang. Balak kong ipakita kay Pfifer kapag girlfriend na niya. Mukhang hindi pa rin naman girlfriend. Labo.
Parehong malabo 'tong dalawang kainuman ko.
Dumaan sina Iya at Yanyan sa tagiliran namin habang nagme-meditate sina Hakob at Doraemon. Parehong nakadukdok sa cell phone nila. Wala namang girlfriend. Wala ring ka-text. Mga baliw.
"Hoy, pangit!" tawag ko.
Lumingon sina Iya at Yanyan. May feelings talaga pagkakalingon niya, eh. 'Kala mo naman, tatablan si Hakob.
"Ano?" si Sungit ang nagtanong. Hindi naman siya si Iya.
"Sa'n kayo pupunta?" tanong ko.
"May bibilhin lang sa tindahan, Kuya."
Kuya raw pero kay Hakob nakatingin. Sinulyapan ko si Hakob. Wow. Nakatingin din kay Iya. Nakakaduda.
"Ibili n'yo rin kami ng—"
"May bibilhin din pala 'ko," sabi ni Hakob na biglang tumayo. Natabig pa 'ko sa braso.
"Ano?"
"Mani at softdrinks. Mauubos na softdrinks natin," sabi niya. "Ano'ng ipabibili mo?"
Bumaba ang mata ko sa nasa mesa namin. Nangangalahati na ang softdrinks na isinasabay namin sa alak. Marami pa kaming pritong chicken wings. May adobong adidas din at isaw. Gusto ko ng chips pero hindi naman sila kakain. "Wala, mani lang din dapat at softdrinks. Damihan mo na lang bibilhin mo. Bilisan mo na rin dahil baka maka-quota 'to sa tagay si Doraemon, wala na namang pakinabang 'to. Tutulugan na tayo nito."
Tumango lang siya at lumapit kina Iya. Kinausap niya sandali 'yong dalawa. Pagkatapos, siya na lang ang umalis pa-tindahan.
Dumampot ako ng piniritong pakpak ng manok at ngumata. Nagbubulungan sina Iya at Yanyan habang pabalik sa loob ng bahay.
Nakita ko pang lumingon si Hakob at matagal na tumingin... sa dalawa. O kay Yanyan lang? O kay Iya lang.
Bumagal ang nguya ko sa manok.
'Wag mong sabihing 'yong babaeng may picture sa cell phone niya na gusto niya ngayon ay si Iya?
Napailing ako. Imposible. 'Di siya tatablan kay Pangit. Lumaki kami nang magkakasama sa compound. Tagapunas pa siya ng uhog ni Iya noon.
Imposible.
Pero si Iya nga?
May gumapang na kilabot sa balat ko. Ayokong isipin.
Bumaling ako kay Doraemon at nanlaki ang mata. Susmarya! Tumutungga sa bote ng Bacardi!
"Hoy, Doraemon!" Inagaw ko ang bote sa kamay niya at pinunasan ang nguso niyon gamit ang laylayan ng kamiseta ko. "Laway mo, hoy! Ilang shot lang iinumin mo, nilawayan mo pa."
"Makakarami ako ngayon," boses-lasing na sabi niya.
"Utot mo." Ilang lagok ba ginawa nito sa bote? " 'Yong marami mo, apat o lima lang sigurado. Mas marami pa softdrinks. 'Wag ako."
"Gago."
Aba, lasing na nga. Aba, gago nga.
"Tawagan mo na si Pfifer. Mag-goodnight ka," pambubuyo ko. Sumulyap ako sa bungad ng compound para i-check si Hakob. Kailangan niyang makabalik agad para makita si Doraemon. Baka abutan na naman niyang tulog.
"Sandali. Tawagan ko."
Tumayo si Doraemon mula sa mesa at muntik mapatid sa malalaking paso ng halaman ni Auntie Mona. Nasa tainga na niya ang cell phone.
"May load ka ba?" tanong ko pa.
"Meron. Gago."
"Sabihin mo kay Pfifer, I love you!" gatong ko.
"Gago. Bakit mo sasabihan si Pfifer nang I love you."
"Siraulo! Ikaw ang magsasabi!"
"Kaya nga. Bakit ko sasabihin 'yong ipinapasabi mo? Kay Denise ka mag-I love you!"
Nailing ako. Siraulong Doraemon. Tumayo siya sa tagiliran ng bahay nina Hakob at do'n nakipag-usap. Nang bumubulong na siya, alam kong kausap na niya si Pfifer.
Pagbalik ng mata ko sa bungad, nakabalik na si Hakob. Pero sa bahay namin dumiretso kaysa sa mesa. Pinagbuksan ng pinto ni Pangit. Nag-usap sila sandali. Nag-moment at nagtitigan yata.
Naisara na ni Iya ang pinto, nakatayo pa rin do'n si Hakob.
Gumapang uli ang kilabot sa balat ko.
Hindi nga? Si Iya nga ang gusto ni Hakob?
Pagbalik ni Hakob sa mesa namin, wala naman akong mabasa sa mukha. Hindi naman mukhang galing sa kilig o kung ano.
" 'Yong bagong babae na gusto mo, brader... hindi naman si..."
Matagal tumingin sa 'kin si Hakob. Naghintayan kami ng sasabihin ko.
Susko, hindi ko masabi.
"Wala. Uminom na lang tayo. Matutulog na mamaya si Doraemon," sabi ko na lang at inabot sa kanya ang shot glass na may alak. "Tagay mo na. May laway 'yan ni Doraemon."
Umiling lang si Hakob bago inumin ang ibinigay ko. 'Di pa naniwala. May laway naman talaga ni Doraemon. #
SESSION 2: JACK DANIEL
Time: August, ilang araw pagbalik ni Iya
Eh 'di ito na nga... Ang alam ko, sawi si Hakob dahil ayaw kausapin ni Pangit. Kauuwi pa lang ni Iya galing New York, nag-away agad sila. Napasama 'yong panghihiram niya ng kotse kay Pfifer para magsundo. Napagselosan si Pfi. Nasabi ko na kay Iya na walang relasyon 'yong dalawa pero tablado pa rin si Hakob. 'Di siya makapag-confess, 'di rin makalapit. In short, sawi.
Ang malupit, sawi rin si Doraemon dahil ikakasal na pala si Pfifer. Nagpaayos ng ilang kotse. Akala namin ni Tito Bert, nanliligaw. Mananakit pala. In short, paasa.
Ako lang ang lihim na masaya kay Misis. No shit.
Kaya ngayon, nag-aagawan 'tong dalawa sa bote. Si Ivan, hirap na makipag-agawan kasi nakatatlong tagay na. Quota na. Samantalang si Hakob, mabangis dahil frustrated. Mukhang uubos ng J.D. na siya rin ang bumili, pang-celebrate sana kung nagka-girlfriend na siya.
Pero ang pinakamalupit sa lahat, si Iya. Halata namang patay na patay pa rin kay Hakob, ang tindi manikis. Hindi pa naman marunong manligaw talaga si Hakob. Ako lang yata ang marunong manligaw sa aming tatlo. Pero dahil 'yon sa ako rin ang laging basted. In short, aminado.
"Gago ka, Hakob, ah. Hindi por que ikaw bumili nito, iinumin mo," sabi ni Ivan.
Nag-aagawan naman sila sa shot glass. Tatlo naman shot glass. Susmarya.
"Matulog ka na, Doraemon. Inaantok ka na."
"Hindi ako inaantok."
Naiiling ako sa kanilang dalawa nang mag-text si Misis.
D.C. Hernandez:
Nasa compound 2 pa kayo?
Jesuah Hernandez:
Oo. Dito na siguro matutulog.
Bat di ka pa tulog? Siguro... :D
D.C. Hernandez:
Nag-aalala lang ako kay Kuya.
Gising pa ba siya?
'Ayun naman pala. Sa Kuya niya nag-aalala. Pa'no naman ako? 'Di ba 'ko kaala-alala?
Jesuah Hernandez:
Tapos, nag-aalala ka rin sakin?
D.C. Hernandez:
Bakit Mister? Broken-hearted ka? :P
Nangiti ako. Alam niya bang broken ang Kuya niya? Hindi naman palasalita si Ivan. Kahit nga malasing.
Jesuah Hernandez:
Mag-aalala ka lang kung broken
ako? Pano kung kinakagat ako ng
lamok dito?
Eh siya lang ang puwedeng kumagat sa 'kin. Magselos naman siya!
D.C. Hernandez:
Wala namang lamok diyan.
Jesuah Hernandez:
Ipis.
D.C. Hernandez:
Apakan mo.
Jesuah Hernandez:
Pano kung survivor?
D.C. Hernandez:
Hahaha. I love you ~
Jesuah Hernandez:
:D
D.C. Hernandez:
Take care of Kuya, ha? May higaan kayo
diyan?
Jesuah Hernandez:
Opo, Misis. Bagong laba. Hindi lang
alak ang ibinaon namin.
Pulutan na rin, siyempre. Nagluto si Auntie ng sisig. Bumili rin kami ng barbecue.
D.C. Hernandez:
Wag kayong magbabad sa pag-inom.
Magpahinga rin agad kayo. Nag-tiles kayo,
di ba?
Jesuah Hernandez:
Oo. Puntahan natin sa susunod na Linggo
tong bahay. Para makita mo.
D.C. Hernandez:
Sige. Matutulog na ko ~
Sleep well. Don't drink too much.
I love you ~
Naks. Ang tamis ni Misis. Nakakawala ng kalasingan.
Jesuah Hernandez:
Goodnight. I love you.
Nang ibulsa ko ang cell phone ko, wala na sa mesa si Doraemon. Si Hakob, tinutungga na ang alak mula sa bote. Susmarya. Laway naman ngayon ni Hakob ang iinumin ko?
"Nasa'n si Doraemon, Nobita?" tanong ko.
Nagturo si Hakob sa bahay ni Ivan na ipinagagawa. Papasok nga si Ivan sa hamba ng pintuan. Hindi ko masyadong makita pero parang may bitbit.
"Ano'ng gagawin niya ro'n? Gabi na para mag-tiles," ani ko.
Tunog-lasing na ang boses ni Hakob. "Gigibain daw bahay nila ni Pfi."
Napatayo agad ako. Siraulong Doraemon. Ilang taon niyang pinag-iipunan 'yong bahay, gigibain niya?
"Dito ka lang, ah. Puntahan ko si Doraemon."
Tumango si Hakob pero tumayo.
"Dito ka lang," ulit ko.
Umiling.
Susmaryang mga lasing. Lakad-takbo ang ginawa ko papunta sa bahay nina Ivan at Pfifer. Ihahampas na ni Ivan ang hawak na maso sa dingding ng bahay niya. Buti, napigil ko pa sa kamay. Si Hakob naman, hinatak sa kamiseta si Ivan.
"Hoy, Ivan! Ano'ng balak mong gawin, ha? Baliw ka ba? Bakit mo pagdidiskitahan 'tong bahay mo?!" sigaw ko.
Pumipiglas ang gago. Pilit kong inalis sa kamay niya ang maso at ibinagsak sa sahig.
" 'Wag kang malikot, Doraemon. Nahihilo ako," reklamo ni Hakob na nakahawak pa rin sa kamiseta niya.
"Bitiwan mo 'ko, ah. Upakan ko kayo ni Jepoy."
Wow naman pala. Na-broken lang, tumapang na. Hinatak ko siya sa braso nang subukang umabot sa maso.
"Hoy! Umayos ka, Doraemon! 'Di pa bayad 'tong ipinangsemento rito sa bahay mo. May utang ka pa sa 'kin at kay Hakob!" paalala ko.
"Pakialam ko sa utang ko. Bitawan n'yo 'ko!"
Pumipiglas siya. Halos yakapin na namin ni Hakob. Panay kami, "Hoy, Doraemon!"
"Tara na. Uminom na lang tayo hanggang makatulog ka," sabi ko.
"Ayoko..."
"Oo nga. Ayaw niya," gatong ni Hakob.
"Hoy, Nobita, umayos ka rin," banta ko.
"Por que masaya ka, ah... May ka-text ka, ah..." sabi ni Hakob.
'Tang ina nito ni Hakob. Baka ako buntunan ni Ivan at imaso.
"Hawakan mong mabuti si Ivan. Bumalik tayo sa labas. Do'n tayo uminom."
" 'Sus. Kahit dito na, eh," sabi ni Hakob at umupo sa sahig ng bahay, hila sa kamiseta si Ivan. Muntik silang masubsob sa isa't isa. Nakaalalay lang ako agad. "Dala ko naman bote."
Iwinasiwas ni Hakob ang may laman pang bote sa hangin.
"Inom ka, brader," sabi niyang iniabot kay Ivan ang bote.
Kinuha ni Ivan kahit matalas pa rin ang tingin sa maso.
"Hoy, Ivan! 'Wag mo nang pag-interesan ang maso. Iinom mo na lang 'yan."
"Oo nga," sunod ni Hakob. Nagtanggal siya ng kamiseta. Iniinitan na siguro. "Inom, brader. Para makatulog ka."
" 'Tang ina, eh. Kahit matulog ako..." Naggitgitan ang ngipin ni Ivan. Humigpit din ang hawak sa bote. "Ikakasal pa rin siya, eh."
Natahimik kami sa madilim na bahay.
"Ikakasal pa rin siya..." ulit ni Ivan.
Naupo na rin ako kasama nila sa sahig. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Lalo na nang sunod-sunod na lumagok si Ivan sa bote at yumuko. Tahimik na tahimik siya, pero ramdam namin ang tensyon sa katawan niya. Ramdam ko ang sama ng loob.
Kinuha ni Hakob ang bote kay Ivan at tumungga.
"Ayaw na yata sa 'kin..." mahinang sabi niya. "Ang gago ko rin kasi. Gago kasi 'to si Jepoy."
Ako naman ang umagaw ng bote. "Anong ako?"
"Sabi mo, bigyan ko siya ng time sa pangarap niya, eh."
"Sinabi ko nga."
"Sabi naman nina Tita, 'wag kong i-distract sa pag-aaral."
Hindi ako nakaimik.
"Ang daming effort... ang daming tsansang nawala... Ngayong puwede nang bawiin... ayaw na yata sa 'kin."
Ako naman ang tumungga sa bote. Salo-salong laway na 'to. Bahala na.
" 'Tang ina, ba't gano'n, 'no?" mabigat ang boses na sabi ni Ivan.
Tatlo kaming tumungo sa 'tang ina, ba't gano'n. Kasi nga naman... ba't gano'n? Laging parang tama ang desisyon, bago malamang mali pala. Laging akala mo, may tiyempo, biglang wala pala. Laging sa isip mo, may panahon ka pa para bawiin ang dapat ibawi... biglang tapos na pala.
Si Hakob, sigurado akong mahal pa ni Iya. Pero kung sigurado na si Iya na ayaw na niya kay Hakob kahit mahal niya, hindi ako sigurado. May gano'n, eh. Kahit mahal mo... 'pag ayaw mo na, 'pag suko ka na, hindi ka na magbibigay ng tsansa.
At si Doraemon... parang mahal ni Pfifer. Pero kahit dati, parang mahal naman nila ang isa't isa. Kailangan nila ng kasiguruhan. Ako, tamang miron lang. Tamang taga-kantiyaw. Kung ano ang nararamdaman nila... wala akong alam.
Kaya, 'tang ina, ba't gano'n?
Nang marinig kong maggitgitan ang ngipin ni Ivan at marinig kong lumunok si Hakob; nang makita kong pareho na silang nakatungo na siguradong umiiyak... wala akong ibang magawa kundi tumapik sa balikat nila.
Buti na lang, lasing na silang dalawa para mawala na sa isip nilang magtago. #
SESSION 3: JOHNNIE WALKER
Time: November after Ivan and Pfifer's engagement
Nakatungo kaming lahat sa mga cell phone namin. Si Hakob, nakangiti sigurado sa message ni Iya. Si Ivan, sa message ni Pfifer. Ako, sa message ni Misis. Naks. Success stories.
Malamig na ang November pero mainit pa rin sa compound. Sa polusyon siguro. At may session kaming tatlo para sa maagang palitan ng regalo. Nabuko na kasi naming walang silbi ang regalo namin sa isa't isa kaya 'di na dapat pang paabutin ng Christmas. Less than 150 pesos each. Pinag-isipang mabuti ayon sa pangangailangan.
Para sa session, si Mang Johnnie ang balak naming itumba. Para sa pulutan, tambak ang hain nina Maxwell at Auntie Mona. May tuna sisig, may adobo, may maanghang na leeg at pakpak ng manok. Kunwari, tatagal kaming uminom kahit na hindi naman talaga. Mahirap na. Nabilinan kaming 'wag masyadong maglasing. Isa pa, may outing bukas sa kalapit na resort.
"Ano na, mga brader?" ani ko sa dalawa.
Binuksan ni Hakob ang bote ng Walker na lulumpo sa 'min. Nagsalin ng tagay sa baso at tubig naman sa isa pa. Inabot pareho sa 'kin.
"Mauna ka na," sabi niya.
Ininom ko ang shot. Mainit ang hagod. Sumunod na uminom si Hakob, bago si Ivan.
"Magbigayan na tayo ng regalo habang may malay pa si Ivan."
Tumango si Hakob. Sumimangot naman si Ivan. Pero pare-pareho kaming umabot ng paperbag sa mga tagiliran namin. Nakakakaba ang paperbags. Magkakamukha. Iisa rin ang tatak.
Nagkatinginan kami.
"Parang alam ko na 'to," sabi ko.
"Ako rin," si Ivan.
Pumalatak si Hakob.
Nang magpalitan kami ng paperbags, sabay-sabay rin kaming nagbukas.
Nagkatinginan kami uli bago sabay-sabay na mapakamot.
"Para sa outing 'to bukas," sabi ni Hakob.
Si Ivan naman ang pumalatak.
"Tama. Para sa outing," ani ko.
Inilabas namin sa paperbag ang magkakamukhang maong shorts. Puro blue ang akin. Puro itim ang kay Ivan. Faded maong naman ang kay Hakob.
Napakamot uli kami sa ulo.
"Kayo rin?" halos sabay-sabay naming tanong. Naiwan sa ere ang iisang salita na hindi namin mabanggit: tulisan?
Sabay-sabay rin kaming tumango. 'Pag sinusuwerte ka nga naman. Karamay mo sa hirap, ginhawa, at talyer ang mga kaibigan mo. Karamay mo rin sa matinding pagtitiis sa makukulit at pilyang mga babae.
Maong-maong na lang. Alam na this. #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top