The sheep and the old wolf
***
"Gising ka na?"
Pumikit-pikit ako at kinusot ang mata ko. Nasa paanan ng katre ko si Loli. Bumangon ako kahit nahihilo pa 'ko.
"May dala akong tinapay sa'yo, oh," sabi niya at ibinigay sa'kin ang isang balot ng tinapay. Spanish bread. Mapayat. Baka wala uling lasa. "Bigay 'yan ni Marites kasi ay narinig ka raw kanina na... pinapalo ni Doray. Kainin mo agad 'yan, apo, bago masira."
Kinuha ko ang plastik at kumuha ng isang tinapay. Ibinigay ko kay Loli. "May dala akong pan de coco para sa'yo kanina eh. Kaso, nagalit na naman si Nanay kaya nahulog sa ihi."
"Ayos lang, apo. Hindi naman ako gutom."
Mapayat si Loli. Minsan, kapag nakatungo siya, kita na ang buto niya sa likod. Kapag humihinga siya nang malalim o nagsasalita, kita naman ang buto niya sa leeg at sa dibdib. Nagluluha rin ang mata niya. No'ng minsan na may mga nagpuntang doktor sa lugar namin, sabi, may kanarata raw siya. O kadarata. Basta 'yong sakit daw sa mata. Mabubulag daw si Loli 'pag hindi nagamot. Sabi naman ni Loli, wala lang daw 'yon. Hindi niya raw kailangan ng gamot. Sinasabi lang daw ng mga doktor 'yong kadarata para magkapera.
Mapayat si Loli pero 'pag may pagkain, sinasabi niya na hindi siya gutom. Mas maunti pati siya kumain kaysa sa'kin.
Hinaplos-haplos ni Loli ang ulo ko habang kumakain ako ng spanish bread. Lasang-luma ang tinapay.
"May bukol ka na naman," sabi niya nang mapahawak sa may tagiliran ng noo ko. Mahapdi 'yon pero sanay na 'ko. Hindi naman pumuputok ang mga bukol kaya hindi nakakatakot. "May sugat ka rin." Hinaplos niya ang bandang pisngi at ilalim ng mata ko. May masakit do'n. Nakalmot siguro ni Nanay.
Masakit din ang puwit ko sa alpombra. At ang bibig kong pumutok dahil sa sahig. At ang siko ko. At ang braso ko. At ang leeg ko. At ang likod ko. At ang binti ko. Pero ang pinakamasakit sa lahat, ang tiyan ko. Lagi akong gutom at lagi ring walang pagkain.
"Kaawa-awa ka..." mahinang sabi ni Loli.
Tumungo ako sa tinapay at binilisan ang pagnguya. Siguradong iiyak na naman siya. Umiiyak siya 'pag laging galit si Nanay.
"Pasensiya ka na, apo. Wala sa tamang pag-iisip ang nanay mo kaya gano'n siya," sabi niya.
Alam ko naman 'yon dahil lagi niyang sinasabi. Wala sa tamang pag-iisip si Nanay kapag nakakasinghot ng dala ni Alan. Laging pumupunta si Alan kaya laging wala sa tamang pag-iisip si Nanay. At 'pag wala sa tamang pag-iisip si Nanay, laging pinapalo ako. Minsan, nabalian ako ng buto dahil nahulog ako sa tulay sa labasan no'ng hinahabol niya 'ko ng sinturon. Pagkatapos no'n, kinulong ako ni Loli sa kuwarto niya tuwing pumupunta si Alan.
Si Nanay ang nagagalit sa'kin pero si Loli ang laging humihingi ng sorry.
Mabait kasi si Loli.
"Hindi kasi ako naging mabuting magulang sa nanay mo, kaya 'ayan, hindi rin niya alam kung pa'no maging mabuting ina. Marami akong ipinagkait sa kanya na gusto niyang makuha sa iba ngayon. Napababayaan niya ang kanyang sarili at ikaw na rin."
Dinilaan ko ang labi ko. Hindi ko naiintindihan si Loli.
"Ano'ng gustong makuha ni Nanay, Loli? 'Yong sinisinghot niya? Tawa siya nang tawa 'pag nagsisinghot sila ni Alan eh. Mahalaga 'yon?" tanong ko.
"Pagmamahal at kaligayahan, apo. Maraming tao ang naghahanap ng mga 'yon."
Mabait naman si Loli. Mayro'n ba siya n'yon tapos hindi niya ibinigay kay nanay dati? "Hindi mo 'yon ibinigay?"
Umiling si Loli.
"Bakit?"
"Dahil may iba rin akong hinahanap noon."
"Ano 'yon?" Nakakain siguro 'yon tapos masarap.
"Kaligayahan din, apo."
"Hindi mo rin nakita?" tanong ko.
"Hindi dumating kahit hinintay ko."
Humaplos ang kamay ni Loli sa likod ko. Masakit ang hagod niya. Napapangiwi ako.
"Baka hindi ka dapat naghintay, Loli. Napanood ko sa TV nina Benben, may babaeng naghintay nang naghintay sa mahal niya tapos namatay. Naging multo tuloy siya."
Pumikit-pikit uli ako. Nahihilo talaga ako. Dati naman, mabilis lang mawala ang hilo 'pag nauuntog ako. Ngayon, nakatulog na 'ko pero nakakahilo pa rin.
"Siguro nga, hindi ako dapat naghintay. Dapat siguro, hinabol ko na lang."
"Oo, Loli, dapat hinabol mo na lang. Mabilis ka naman tumakbo at magtago, 'di ba, sabi mo?"
"Kapag ikaw na ang maghahanap ng mga bagay na 'yon, apo, 'wag na 'wag mong hihintayin, ha? Hanapin mo. At 'pag nakita mo na, habulin mo. Hulihin mo. At alagaan mo para hindi na umalis."
Masarap siguro na pagkain 'yong hinahanap nila pareho ni Nanay. Tapos, sobrang mahal kaya hindi nila mabili. Kaya 'ayun, nagagalit sila.
"Magpapayaman ako, Loli. Tapos, bibilhin ko 'yon," sabi ko. Nakaubos na 'ko ng tatlong spanish bread. Walang tubig sa malapit.
"Maraming hindi nabibili ang salapi, apo. 'Wag pagpapayaman ang isipin mo kundi ang mga bagay na mas mahalaga."
"Kaya ba tayo walang pera? Kasi marami 'yong hindi nabibili?"
"Kasi naging pabaya ako at ang nanay mo."
Sumasakit na ang ulo ko sa pagsasalita ni Loli. Lumalabo rin siya. Ang mga matatanda, lagi nilang sinasabi na may mga bagay na mas mahalaga raw pero parang hindi rin naman nila alam. Kasi kung alam nila, bakit hindi nila maibigay rin sa ibang naghahanap? Gano'n 'yon, 'di ba? 'Pag alam mo ang hinahanap ng iba, ituturo mo.
"Kukuha muna akong tubig, Loli. Nasa labas ba si Nanay?" tanong ko at bumaba ng katre. Umalon ang mundo. Para akong nasa tubig.
"Wala. Isinama ni Alan."
" 'Yun!"
Humakbang ako nang isa palabas sa kuwarto bago ako tuluyang lunurin ng tubig na wala naman. Dumilim ang paligid. ++1217h / 09212018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top