The sheep and his prison
***
"Sa'n ka na naman galing?!" malakas ang boses ni Nanay.
Inilagay ko ang kamay ko sa likod ko para itago ang may kagat na tinapay. Pinunasan ko rin ang bibig ko. Baka makita niya na may pagkain, tapos kukunin na naman niya. Itinira ko 'to para kay Loli eh.
"Ano't nakatingin ka lang? Sagot!"
Nilunok ko ang tinapay sa bibig ko na hindi ko na manguya. Dahan-dahan 'yon sa pagbaba sa leeg ko. Hindi ako makahinga.
"Ga-galing lang po sa labas..." sagot ko. Paisa-isa akong humakbang nang patagilid papunta sa kuwarto ni Loli. Hindi puwedeng makita ni Nanay ang tinapay.
"Alam kong galing ka sa labas. Saan nga sa labas?"
"Sa labas lang po... sa may—"
"Sa tindahan ni Marites? Nagbigay ba ng pagkain?"
Umiling ako. Nagbigay ng tinapay si Aling Marites pero dalawa lang. Nakain ko na 'yong isa at may kagat 'tong natitira. Ibibigay ko nga kay Loli. Nagbibigay rin ng kape pero sabi ko, 'wag na lang dahil si Nanay lang ang umiinom ng kape. At kapag minsan umiinom siya tapos nagagalit, ibinubuhos niya sa'kin. Sayang 'yong kape. Napapaso ako.
"Hi-Hindi... po." Napakurap ako. Ayaw ni Nanay nang kumukurap.
"Nagbigay ano? Ano 'yang nasa likod mo?"
Umiling ako uli.
"Ano 'yan? Ilabas mo..."
Tumayo si Nanay mula sa upuan. Namumulang nakakatakot na naman ang mata niya. Nagsinghot uli siguro. 'Pag inabutan ako, siguradong lagot ako.
Humakbang ako nang paisa-isa patagilid habang hinahanap niya ang tsinelas niya. Malapit na 'ko sa kuwarto ni Loli. Gising na siguro siya. Makikita niya siguro ako uling paluin. Iiyak uli siya tapos iiyak din ako.
Kaunti na lang, nasa pinto na 'ko pero nahanap ni Nanay ang tsinelas niya. Alpombra. Hindi naman niya sinuot. Dinampot lang bago tumingin nang masama sa'kin.
"May pagkain ka, eh. Imposibleng hindi magbigay 'yon sa'yo si Marites eh pakialamera 'yon. Pakiramdam niya ay mas angat siya eh. At ikaw, sinungaling ka na dati pa pero kailan ka pa natutong magdamot?"
Mabilis ang hakbang ni Nanay palapit. Lagot ako.
Pumihit ako para tumakbo papasok sa kuwarto ni Loli pero nahawakan ako ni Nanay sa sando. Hinila ako palayo.
"Loli! Nandito na 'ko, Loli!" tawag ko. Walang sumagot.
"Magsusumbong ka na naman sa Lola mo? Bingi na 'yon. Hindi ka maririnig!"
Inihagis ako ni Nanay. Tumama ang ulo ko sa kanto ng maliit na mesa sa kusina bago mapaupo. Naghanap ako agad ng bukol pero wala pa. At 'yong tinapay, napisat ko sa kamay ko. Malagkit ang pan de coco. Hindi na makakain ni Loli 'yon.
"Patingin niyang hawak mo!"
Hinatak ni Nanay ang kamay na itinatago ko sa likod ko. Nakita niya ang pisat na tinapay at ang nakapahid na niyog sa kamay ko.
"Putang ina kang bata ka! May tinapay ka, itinatago mo? Mangunguya ba ng lola mo 'yan? Tarantado!"
Pinalis ni Nanay ang tinapay sa kamay ko. Humagis 'yon sa sahig, sa ihi ng aso naming si Tommy.
No'ng isang araw pa nando'n 'yong ihi.
"Ano't nakatingin ka pa rin sa tinapay? Gusto mo pa ring kainin? Patay-gutom!" Hinawakan ni Nanay ang ulo ko. Malaki ang kamay niya kaya sakop na sakop ang ulo ko.
"Hala, sige, kainin mo!"
Isinubsob niya ako sa ihi. ++1146u / 09212018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top