The rabbit and the intruder
***
Sinalubong ako pag-uwi ng isang nakatatakot na reyalisasyon: may trespasser sa hideout ko. Sa unang tingin, walang mapapansing pagbabago sa silid. Nasa mesa pa rin ang mababa nang piramide ng mga de-lata. Halos makakalas pa rin ang pagkakaikot ng balot ng tinapay. Nakasabit pa rin ang tali ng flashlight sa pako sa dingding. Pero sigurado ako sa pakiramdam ko. Someone had been at my space. Someone had been sniffing around.
Ibinaba ko ang plastik ng mga pinamili sa nanlilimahid na kama. Kinapa ko ang kutson. Basa pa rin iyon mula sa ilang araw na pag-ulan. Nangangamoy sa pagkakulob at pagkabasa. Amoy pawis ko na rin. Iniurong ko na iyon nang nagdaang gabi paiwas sa tulo sa kisame, pero hindi ligtas sa tilamsik. Puno pa rin sa tubig ang mga kaldero at lata sa paligid. Maputik ang sahig.
May parte sa sahig kung saan nabawasan ang putik. Sinumang pumasok sa silid at nag-usyoso ay siguradong may malinis na panyapak. Then it wasn't someone walking in the rain trying to find shelter. Whoever got there went there on purpose.
Bakit? Walang may interes sa abandonadong ospital. Ang alam ko, nakaproseso pa sa gobyerno ang pagpapagiba roon. Kapag may mga nagko-courage test doon para lang matakot sa sarili nilang imahinasyon, laging sa kalaliman ng gabi nagpupunta.
Pero kalulubog pa lang ng araw ngayon. Sinumang dumayo ay maaaring alam kung kailan ako wala... o baka naman nakatsamba.
Either way, it's uncomfortable. Ayoko pang maghanap ng ibang lungga na susuotan. Ayoko pang umalis doon. Iyon ang pinakatahimik at pinakamalayo sa tao na natirhan ko. I don't want to give it up.
Sinumang nanunubok sa pagtatago ko roon ay kailangang tumigil.
Kinuha ko ang isang dalandan sa supot ng pinamili ko at kinain.
***
I went out the following day and went back at the hospital with the same feeling: someone had been there. Walang nagalaw sa silid kundi ang putik sa sahig. Hindi nag-usyoso sa ibang silid kundi sa silid ko lang.
Bakit? What would one find so fascinating about something like this? Bakit may mag-uusyoso?
Maghapon akong nakiramdam sa ospital. Hindi ako makatulog hanggang sa gumabi. Nang umulan sa madaling-araw, nanginginig akong bumaluktot sa kama—nakikiramdam pa rin.
Nang hindi ko na kinaya ang antok, nakatulog ako kahit ayoko.
***
Gulat at pangamba ang gumising sa'kin kinaumagahan. Tumila na ang ulan. Babahagya ang sikat ng araw.
Kumain ako ng isang lata ng sardinas at ilang piraso ng tinapay habang pinanonood ang isang gagambang sumasapot sa basag na bintana. Sinuyod ko ang ilang mga kalapit na silid at sinuri ang ilang mga kama. Inilipat ko ang mga gamit ko sa isa sa mas malayong silid. Nang magtanghalian, naghintay ako ng mga tunog sa gusali—ng mga yabag o ng mga kalansing. Tahimik.
Ilang minuto akong nakatulog bago magising sa pakiramdam ng isang presensiya. Isa sa perks ng sanay na mag-isa—madali kong maramdaman ang ibang tao sa espasyo ko.
Lumabas ako sa bago kong silid at maingat na lumakad. Sumandal ako sa isang column ng ospital at tinanaw ang dati kong pinagkuwartuhan. May tao sa loob. Kumikilos. Naghahanap siguro.
Matiyaga akong naghintay at nakinig sa pagkilos hanggang sa malapit siya sa pinto ng silid. Lalaki. Pamilyar ang mukha.
Ang lalaking umapula ng apoy? Ano'ng ginagawa niya sa ospital?
Bumalik uli siya sa loob ng silid bago lumabas nang tuluyan sa pinto. Nang pumihit siya sa kinaroroonan ko ay lalo akong nagtago sa column.
"May tao ba diyan?" tawag niya.
Alangang sumagot ako.
"Hello?"
Dapat siyang umalis. Nakakaistorbo siya.
"Uhm... Hindi ako masamang tao."
That's what everyone believed before they discover their monsters.
"Hello?"
Nilunok ko ang lahat ng sagot at iritasyon na mayroon ako para sa kanya.
Sumilip ako saglit—nang maingat—at nakita siyang nakatingin sa direksyon ko. Ilang sandali siguro siyang nakatingin bago ko narinig ang mga yabag niya na palayo.
Sana, hindi na siya bumalik. ++0647g / 09152018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top