The rabbit and her secret
***
Nalaman ko rin agad ang ibig sabihin ni Hansen. Nang mga sumunod pang gabi, umuulan man o hindi ay hindi siya nagmamadali sa pag-uwi. Sinubukan kong pigilan ang curiosity ko sa pagsilip kung kailan siya umaalis pero lagi akong natatalo. At parang alam niya kung kailan ako nakasandal sa haligi dahil doon siya nagsisimulang magsalita.
He tells me stories. Hindi lang 'yong kay Hansel at Gretel at ang abandonadong pabahay at ospital. He told me about the notorious ghost down the road a few kilometers from where we were. Wala raw naghahatid na anumang sasakyan doon kapag lumampas ang alas-otso ng gabi. Everyone's afraid. Hindi naman tulad sa babae sa Balete Drive na nakikisakay ang multo. Ang isang 'yon, nanggugulat daw. Magpapakita bigla kung kailan hindi inaasahan at boom! Naaksidente ka na. Pero doon siya dumadaan at hindi niya pa nakikilala ang multo.
He told me about the beggar living in one of the abandoned houses. Nagkakasugat-sugat na raw ang katawan nito at namamanghi na rin. Ayaw ng pagkain pero gusto ang marijuana.
He told me about a boy he used to be friends with in grade school. Nag-asawa na raw at nagkaanak ng kambal. Mas kamukha ng misis nito kaya masama ang loob.
He told me about the witches and ghouls he was scared of when he was younger. About how he likes summer than the rainy season. About how he always fall asleep watching any movies—even action films. About how he never owns any new gadget because it makes him nervous for theft.
He told me about his favorite possession—which was unfortunately stolen.
Hindi ko alam kung paano niya nagagawang mapakinig ako sa buong pagkukuwento niya. O kung paano siyang hindi nawiwirduhan na hindi ako sumasagot. O kung paano siyang hindi tinatalo ng tuksong sumilip sa haligi para makita ako.
Lalo na, hindi ko alam kung paano niyang nagagawang maniwala na nakikinig ako sa buong panahon ng pagsasalita niya kahit na bahagi ako ng katahimikan.
I can sense that he knows how people don't really like listening to other people. Mas interesado ang mga taong magsalita nang tungkol sa sarili nila; mag-isip ng para sa sarili nila; magkainteres nang para sa sarili nila—kaysa makinig sa iba. Ang alam ko, alam ng taong hindi siya pakikinggan talaga. Alam niyang wala talagang nakikinig sa mundong ito na mas marami ang salita kaysa sa tainga. Maraming tao ang walang pasensiya at maraming tao ang walang pakialam.
But he seems to believe that I am always listening. Hindi rin naman siya palakuwento nang puro sa sarili niya lang. Ang mga kuwentong naririnig ko ay tungkol sa mga taong nasa paligid ko at mga daanang malapit sa ospital.
Pero sa kabila ng katotohanang hindi nakikinig ang mga tao sa iba, nakikinig ako sa kanya. At sa kabila ng katotohanang mas gusto ng taong ibinibida ang sarili niya, mas marami siyang kuwento tungkol sa iba.
Tuwing aalis siya sa bawat gabi, lagi niyang sinasabi, "Mag-ingat ka rito, Irene".
At sa bawat gabi ng pagkukuwento niya, nakatutulog ako nang mahimbing.
***
"Nagkasunog sa Bagumbayan kanina lang. 'Yong malapit sa terminal ng bus. Nakaligtas naman halos lahat pero may isang babaeng naiwan daw sa loob ng apartment. Lasing yata."
Mabilis ang pagsuot ng lamig ng haligi sa balat ko. Umayos ako sa pagkakasalampak sa sahig. Alam ko ang lugar na sinasabi niya. Baka nga kilala ko pa ang babaeng lasing.
"Ikinuwento lang sa'kin kanina no'ng matandang babaeng madalas kong bilhan ng sigarilyo. Si... 'di ko maalala ang pangalan. Hilda yata 'yon."
Nagtitinda pa rin pala ng sigarilyo sa kanto ang matanda.
"Kilala niya rin 'yong babaeng namatay."
Napalunok ako. Nakapanghihina ang ikinukuwento niya.
"Binanggit ni Lola ang pangalan pero hindi ko maalala. Palainom daw talaga 'yon at walang permanenteng trabaho.
"May kilala rin akong palainom dati na walang trabaho. Nakakabaliw ang alak. Nakakapagpalimot din sa mga responsibilidad. Mas magaan siguro ang kamatayan niya dahil lasing siya."
Sigurado 'yon. Mahapdi ang kainin ng apoy. Hindi tumitigil ang init at ang paggapang ng hapdi sa balat na kinakain... maliban siguro kung patay ka na. You will smell your own skin getting toasted. You will despair. Mas madaling mamatay sa apoy kung wala kang malay.
Makapal ang katahimikan sa pagitan namin.
"Namatay na pala siya. Si Rina."
Gumagalaw-galaw ang mahinang liwanag sa pasilyo bago nawala. Lumamig ang gusali.
"Hindi Rina ang pangalan ng namatay. Zaide yata? Laide? Heidi? Basta parang gano'n."
Napahinga ako nang malalim sa panghihina. "Ah. Hindi siya."
"Kilala mo?" aniya.
"Dati."
"Taga-Bagumbayan ka?"
"Dati."
"Ah."
Nabuhay ang mahinang liwanag sa pagitan namin.
"Hindi ka ba natatakot dito?" tanong niya.
Mas malapit ang boses niya. Nasa likuran lang siguro siya ng haliging sinasandalan ko.
"Hindi," sagot ko.
"Madilim dito."
"Mas nakakatakot ang mga lugar na maliwanag."
"Wala kang kasama rito."
" 'Yon nga ang gusto ko."
"Bakit?"
Hindi ako sumagot. Wala naman akong balak na makipag-usap talaga pero kusang lumabas ang salita dahil kay Rina. Hindi ko na mababawi ang katahimikan ko ngayon.
Sumayaw ang liwanag at ang malalamyang anino.
"Wala rin pating tubig dito," sabi niya kapagdaka.
Hindi naman problema 'yon. "Bumibili ako ng maiinom ko 'pag may kita."
"Pa'no kung maghihilamos ka?"
"May public bathroom sa bayan."
"Ang layo no'n," sabi niya.
"Marami akong oras."
"Pa'no ang pagkain?"
"May de-lata at tinapay. 'Pag nami-miss ko ang mga lutong-bahay at may pera naman, bumibili rin ako. Pero bihira lang."
"Saan ang banyo mo rito?"
"May banyo 'tong ospital. Tubig-ulan ang pambuhos."
"At ang mga damit mo?"
"Nilalabhan ko minsan."
"Minsan?"
"Oo. Minsan, pinababayaan kong marumi."
At minsan pa, kapag gusto ko ng masusuot na panibago, kumukuha lang ako sa mga ukayan. Walang nakakapansin sa'king umalis nang hindi nagbabayad, basta at matao.
"Pa'no kapag ano... 'yong buwanang ano..." aniya.
Hindi ko sinasadya ang naging ngiti ko sa pagkailang niya. "Hindi ako regular sa gano'n. Minsan lang kada tatlo o limang buwan."
"May gano'n?"
"Hindi mo alam?"
"Hindi naman ako babae."
"Puwede mo namang malaman sa iba pang babae."
Narinig ko siyang mahinang tumawa. "Ngayon ko lang nalaman na may gano'n."
"May gano'n. Buti nga eh."
"Wala kang bahay?"
Isinandal kong mabuti ang ulo ko sa haligi. "Mayro'n dati."
"Dati?"
"Nasunog eh. Sinunog."
"Nasa'n ang mga magulang mo?"
"Buhay pa pala 'yong isa. Ngayon ko lang nalaman."
"Hindi ka hinahanap sa inyo?"
Sumuko na 'kong umasa na hahanapin ako. "Hindi."
"Pa'no kung hinahanap ka?"
"Lalo akong magtatago para hindi ako makita."
Nawalan ng salita sa pagitan namin pagkatapos niyon. Hindi niya siguro alam kung ano'ng sasabihin. Walang tamang sabihin.
"Hindi ko alam ang sasabihin ko," aniya.
"Hindi naman kailangan na lagi mong alam."
Katahimikan.
"Madaldal ka, alam mo 'yon?" sabi ko sa kanya. "Lalaki ka pa naman."
"Tahimik kasi. Kaya napapakuwento," aniya.
"Ikaw? Hindi ka natatakot dito? May mga multo rito."
"Nakakita ka na?"
"Hindi pa." Takot siguro sa'kin.
"Hindi ako takot dito. Ikaw ang dapat matakot dahil may mga adik sa labas at mga magnanakaw."
"Wala naman na silang mananakaw pa rito sa ospital. Kung mayro'n man, hindi ko naman sila pipigilan."
"Hindi lang naman pagnanakaw ang krimen na kayang gawin ng tao."
"Alam ko." Alam na alam ko.
"Hindi ka pa rin takot kahit gano'n?"
"Matagal nang nakakatakot ang tao. Wala na 'kong puwedeng ikatakot pa. Mas komportable akong mag-isa."
Namatay ang apoy sa pagitan namin. Nagsimula na ring pumatak ang ulan.
"Inabutan ako uli ng ulan," sabi niya.
Mukhang magtatagal pa siya kaysa karaniwan. "May kapote ka naman. Sagasain mo kung gusto mo."
"Ayoko sa lamig."
"Pareho tayo."
"Sa susunod, dadalhan kita ng kumot," aniya.
"Bahala ka."
Gusto kong itanong kung bakit niya ginagawa ang ginagawa niya. Kung bakit nagdadala siya ng kung anu-ano. At kung ano ang mangyayaring masama kalaunan. Pero ayaw lumabas ng mga salita sa bibig ko kahit na pilitin ko ang sarili ko.
"Mauubos na 'tong laman ng lighter ko. Dapat siguro sa susunod, magdala na 'ko ng kandila o ng flashlight," sabi niya.
May flashlight ako pero hindi ko io-offer sa kanya. Mahal ang baterya.
"Komportable naman ang dilim," ani ko.
"Komportable ka?"
"Oo."
Namatay ang maliit na liwanag.
"Komportable ka pa rin?"
"Oo," sagot ko.
Lalong lumakas ang ulan sa labas. Marahas din ang hangin.
"Mabuti kung gano'n. Ano pa bang ikukuwento ko?" aniya.
"Hindi ko alam."
"Ah. Alam mo 'yong pabahay na ginagawa sa kabilang bayan? Malapit lang 'yon dito."
"Hindi ko alam."
"Baka raw hindi matapos 'yon, sabi ng kakilala ko."
Nangiti ako. Mukhang mahaba pa ang gabi para sa aming dalawa. ++900g / 09172018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top