The rabbit and her carrot
***
Mapanghi at madilim ang sulok ng overpass kung saan ako nakasandal. Yao't dito ang mga taong may patutunguhan at mga taong may uuwian. Nagmamadali ang lahat. Walang pakialam makasangga o masangga. Makailang ulit na 'kong nabangasan ng kanto ng bag, ng tusok ng payong, ng talim ng takong. Gano'n ang dilim—walang makikilala at walang kinikilala. Umiiwas ang mga tao palayo para hindi mahagip ng lagim nito.
Matagal nang alam ng tao na may lagim na nakakanlong sa dilim. Pero hindi ako naniniwala. Darkness aids my bread and butter. Darkness hides my face. Mas malupit at malagim ang liwanag.
Nanatili akong nakasandal sa sulok at tiniis ang talas ng panghi. Hindi ako nag-iisa sa overpass. Ilang babaeng makikipot ang damit ang tumayo rin doon, kumalabit sa ilang lalaking dumaraan, at umalis na nakakapit sa braso ng kabuhayan nila ngayong gabi. They were the blessed ones. Mas malaki ang kita nila kaysa sa tulad kong nakaabang sa mga taong naka-earphones at walang pakialam sa paligid; sa mga bagong salta sa lungsod at hindi alam kung saan pupunta; at sa mga hindi mahigpit ang pagkapit sa mga bags nila. Kung makukulong ang mga babaeng iyon, puwede nilang landiin ang mga pulis at mga patrol para lumaya. Kung makukulong ang tulad ko, mabubulok ako.
Minsan, naiinggit ako sa kanila. If only I was beautiful, I could earn enough. Makabibili ako ng hindi lang de-lata at buy one take one na tinapay. Ibubuka ko lang ang hita ko sa mga gustong magparaos, magkakapera na 'ko. Pero hindi ako maganda. Ang nag-iisang mukha na ibinigay sa'kin ng magaling kong ina, hindi puwedeng ipakita sa iba.
Malagim at malupit ang liwanag.
Kaaalis lang ng babaeng may malaking suso kasama ng lalaking amoy-sigarilyo nang may bumagsak na plastik sa paanan ko. May lata yata o kung ano ang plastik dahil masakit at mabigat iyon.
"Sorry," halos bulong ng lalaking yumuko para damputin iyon.
Hindi ako kumibo. Nang tumingala siya, nagbaling ako ng tingin sa ibaba ng overpass.
"Sorry uli."
Paulit-ulit. " 'Kay lang," sabi ko.
Yumukod pa siya bago nagmamadaling umalis. Wirdo. Pagyuko ko, may bagay sa paanan ko. Pamilyar ang itsura. Dinampot ko.
Gawa sa balat pero halatadong luma na. May bakbak ang ilang parte kahit na matigas. Hindi makapal sa dama pero siguradong may laman. Itinago ko agad iyon sa bulsa ng suot kong hoodie at mabilis na lumakad pababa ng overpass.
Tatlong kanto, dalawang subdivisions, at dalawang abandonadong pabahay ang tatawirin ko bago makauwi. Sa ikalawang kanto ako gumilid at sumandal sa poste ng kuryente. Mahina ang ilaw na galing sa isang 24-hour na fast food. Sapat iyon para masilip ko kung anuman ang laman ng wallet na galing sa wirdong lalaki.
Binuklat ko ang lumang wallet. May letrang W.P.T. sa balat. May lumang litratong nakasingit sa loob. Ilang lilibuhin at dadaanin ang nakaayos. Sapat para sa isa o dalawang linggong paglalagi sa abandonadong ospital. Sapat para bumili ng ilang pagkain na hindi manggagaling sa de-lata.
May kita na sapilitan kong hinuhugot sa bulsa nang may bulsa at bag nang may bag. May tulad naman nito na napupulot lang sa madidilim na sulok ng overpass.
Suwerte ko. Kawawa 'yong lalaki.
Itatapon ko sana ang wallet sa kanal doon pero hindi ko ginawa. Literal na hinulugan ako ni WPT ng pambili ng pagkain. I should be thankful.
Ibinulsa ko uli ang wallet at tinahak ang mahabang daan pauwi. ++0354h / 09132018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top