CHAPTER 2 - The Manager
December 25 - 3:00 AM
"Puwede ko bang malaman kung bakit nandito ka sa opisina ng ganitong oras?" Tanong ng imbestigador sa lalaking kaharap niya na walang sawa sa paghitit-buga ng sigarilyo.
"May kinuha lang akong mga personal na gamit since hindi na ako nagtatrabaho dito sa spa." Sagot ng lalaki.
"Ganoon ba, puwede ko ba malaman ang buong pangalan mo, edad at relasyon mo kay Mr. Victor Claus Monteverde?"
"I'm Larry Santiago, trenta na ako, Business partner at manager ako ng Monteverde Wellness and Spa Center." Sagot ng nagpakilalang si Larry matapos bumuga ng usok mula sa kaniyang sigarilyo.
"Naimbitahan ka rin sa party tama ba?" Tanong ng imbestigador.
"Tama. Kasama ang mga ibang empleyado namin. Ngunit umalis na ako sa poder ni Victor."
"Umalis o tinanggal ka ni Victor? Ayon sa impormasyon na nakalap namin tinanggal ka ni Victor ilang buwan na ang nakakaraan dahil sa ma-anumalyang pagpapalakad mo sa spa at iyon ang naging motibo mo para patayin siya. Tama ba ako?" Wika ng imbestigador na tila hinahamon na umamin si Larry.
Walang masagot si Larry sa mga oras na iyon. Nagsindi muli siya ng isa pang sigarilyo at paulit-ulit itong hinitit hanggang sa maubos muli at nagsindi muli.
Eight months before Christmas...
"Anong nangyayari?" Tanong ni Victor nang abutan niyang nagkukumpulan ang mga therapists at iba pang empleyado ng Monteverde Spa and Wellness Center.
"Naku Sir Victor buti dumating na kayo, sila Sir Angelo po at Sir Larry kanina pa nagtatalo sa loob ng opisina niyo." Sagot ng isa sa mga receptionist ng Spa.
"Anong pinag-aawayan nila?" Nagtatakang tanong ni Victor. Kilala niya si Angelo hindi ito nagagalit ng walang dahilan.
Walang sumagot sa tanong niyang iyon. Habang siya ay naghihintay ng sagot sa mga empleyado ay naririnig ni Victor ang dumadagundong na boses ni Angelo sa loob ng kaniyang opisina. Mga ilang minuto lang ang lumipas ay isa sa mga massage therapist ang bumasag ng kaniyang katahimikan. "Pinag-aawaya po nila yung tungkol sa extra service sir Victor."
"What?! Kailan pa ito?" Hindi makapaniwalang tanong ni Victor. Hindi niya akalain na may ganoong kalakaran na nangyayari sa kaniyang establisyemento.
Nagmamadaling sumugod sa loob ng opisina si Victor kung saan naroroon sila Angelo at Larry. Nagulat pa ang dalawa sa pagpasok ni Victor. Kitang-kita nila ang nag-aapoy na galit sa mga mata ni Victor at nakaramdam ng bahagyang takot si Larry dahil nakita niyang nakakuyom ang mga kamao ng taong kaharap niya.
"Chill ka lang Victor, let me explain." Hindi na nakapagpaliwanag si Larry dahil ang mga kamao ni Victor ay tumama na sa kaniyang mukha na siyang ikinabagsak niya sa sofa na naroon sa opisina.
"Chill?! Hayop ka bakit mo nagawa ito Larry? Diba matagal na nating napagkasunduan na itigil na ang pagbibigay ng extra service sa mga customer? Bakit may ganito pa rin?!" Galit na tanong ni Victor kay Larry.
"Hon relax let me handle this." Pagpapakalma ni Angelo sa asawa.
"Tinatanong mo ako bakit may ganito pa rin? Diba ilang beses na kaming humihingi ng dagdag na sahod sa iyo? Anong inuna mo? Yung magtayo ng iba't-ibang branch sa ibang parte ng bansa. Victor ako at ang mga empleyedo natin kulang na kulang na ang kinikita lalo na lahat ng bilihin ngayon ay nagsisitaasan na." Sagot ni Larry habang pinupunasan ang mga dugo sa kaniyang labi.
"Ilang beses ko bang sinabi na matapos lang ang mga pinatatayong branch ibibigay ko rin naman iyon, bakit hindi mo maintindihan?" Frustrated na sagot ni Victor.
Tumayo si Larry nung makabawi sa pagkahilo. "Hanggang kailan kami maghihintay Victor? May pangangailangan din ang mga pamilya namin. Palibhasa naliligo ka sa salapi kaya hindi mo alam ang pakiramdam ng nasa ibaba." Panunumbat ni Larry.
Nagtagis ang bagang ni Victor sa narinig. "Alam mong hindi totoo iyan!" Nanggagalaiting sabi niya.
"Nagbigay ka rin ng extra service sa mga customer mo dati ahh, naging boss ka lang at naka-angat akala mo na kung sino ka." Galit na ring sabi ni Larry.
"Nakaraan na iyon ni Victor kaya huwag mo nang ungkatin pa." Pagtatanggol ni Angelo sa asawa.
"Huwag kang ipokrito Angelo, alam ko nagngingit-ngit din ang kalooban mo dahil kung sino-sinong lalaki na ang nagparaos sa asawa mo."
"Hayop ka! Lumayas ka! Huwag ka nang babalik dahil pinuputol ko na ang kaugnayan mo dito sa Spa!" Biglang utos ni Victor.
Nagulat si Larry sa naging desisyon ni Victor. Dahil na rin sa pride ay lumabas ng opisina si Larry at tuluyan ng umalis. "Hindi pa tayo tapos Victor." Mga huling salita niya.
Si Larry ang manager ng naturang branch na iyon sa Nueva Ecija. Ang Monteverde Spa and Wellness Center ay pagmamay-ari ni Victor Claus Monteverde at ang katuwang niya sa pagpapatakbo ng negosyong iyon ay ang kaniyang asawa na si Angelo Del Rosario.
Si Larry at Victor ay parehong part-time masahista noong kolehiyo at dahil kulang sa pinansyal upang matustusan ang kanilang pag-aaral ay napasok sila sa ganoong trabaho. Ang kalimitang parokyano nila ay mga matatandang matrona, bakla at pamintang naghahanap ng relaxation at madalas na may kasamang extra service.
Matapos grumaduate sa kursong Business Management at sa natutunang kalakaran sa pagiging massage therapist ay nagsimulas si Victor ng sarili niyang Spa at doon ay kinuha niya si Larry bilang business partner. Malakas ang karisma ni Larry kung kaya naman halos lahat ng parokyano nila sa dating pinapasukan na spa ay lumipat sa kanila. Masasabing naging madumi ang unang taon nila sa kalakaran dahil na rin bukod sa pagiging masahista ay nagbibigay aliw din ang mga therapist nila at ito ang tumulong para lumago ang kanilang business.
Naging maganda ang takbo ng negosyo ni Victor, matapos lang ang isang taon ay ang dating massage spa ay naging Monteverde Wellness and Spa Center kung saan bukod sa masahe ay ibat'-ibang uri ng pagpaparelax ang ibinibigay nila sa mga customers at dahil sapat naman ang kinikita ng negosyo ay tinanggal na nila ang pagbibigay ng mga extra service upang hindi madumihan ang kanilang pangalan at negosyo.
Sa loob ng limang taon nagkaroon sila ng mga branch sa iba't-ibang panig ng Luzon at ngayon na may bagong investor sila ay sinusubukan ni Victor at Angelo na magkaroon ng malalaking branch sa Cebu at Davao. Gustuhin man ni Victor na pagbigyan si Larry na taasan ang sahod nito at ng ibang empleyado ay hindi niya iyon agad magagawa dahil sa laki ng gagastusin nila sa taong ito.
Pero lingid sa kaalaman ni Larry nag-hire ng isang third party accounting firm si Victor para pag-aralan ang libro ng kumpanya upang malaman niya kung may kakayahan siyang taasan ng sahod ang mga ito pero doon ay natuklasan niyang may mga transaction na hindi alam si Victor at Angelo, at sa kanilang pag-iimbestiga ay lahat ng mga perang nawawala sa kumpanya ay may authorization ni Larry.
Lalong nagalit si Victor dahil sa pagnanakaw na ginawa ni Larry. Dahil na rin siguro sa kabaitan at kahit papaano may pinagsamahan din ang dalawa imbes na ipakulong si Larry ay tinanggal na lang niya ito sa negosyo. Simula noon wala na siyang nabalitaan hanggang sa nagkita na lang silang muli isang linggo bago maganap ang party kung saan sasalubungin ni Victor ang kaniyang kaarawan at ang araw ng pasko.
Nagkausap at nagkapatawaran ang dalawa, inimbitahan pa ni Victor si Larry na dumalo sa kaniyang party at dumalo naman ito. Isang regalo ang balak sanang ibigay ni Victor kay Larry noong gabing iyon ngunit sa di-inaasahang pangyayari ay pinatay si Victor.
December 25 - 4:00 AM
"Oo tinanggal ako ni Victor." Pag-amin ni Larry sa imbestigador.
"Bakit ka naman niya tinanggal?" Tanong ng imbestigador.
"Pasensya na pero hindi ko masasagot yan." Sabay buga ni Larry ng usok mula sa sigarilyo.
"Pero sinisisi mo si Mr. Monteverde sa paghihirap mo matapos mawalan ng trabaho, sinisisi mo rin siya sa paghihiwalay niyo ng asawa mo dahil baon ka na sa utang, kaya mo siya pinatay tama ba ako?" Wika ng imbestigador na pilit pinaaamin si Larry.
"Hindi totoo yan! Hindi ako ang pumatay kay Victor!" Sigaw ni Larry.
"Kung hindi ikaw, sino?"
"Hindi ko alam." Seryosong sagot ni Larry.
Sa loob ng isang oras na tanungan ay puro hindi alam lang ang nakukuhang sagot ng nag-iimbestiga. Tumayo na ang imbestigador palabas na ng opisina ng Monteverde Wellness and Spa Center. Bago ito tuluyang umalis ay nag-iwan muna ito ng banta kay Larry. "Siguro nga ay hindi ikaw, pero lalabas din ang katotohanan balang araw."
"Imbes na pag aksayahan mo ako ng panahon bakit hindi ang kapatid niyang si Joseph ang imbestigahan niyo." Sabi ni Larry na nakangiting-aso habang pinaglalaruan ang upos ng sigarilyo sa ashtray.
Imbes na tanungin ng imbestigador kung anong ibig sabihin ni Larry sa sinabi nito ay nagmamadaling siyang umalis. Samantalang si Larry ay tuluyan ng niligpit ang mga naiwan at natitirang gamit sa loob ng dati niyang opisina.
Sa kaniyang pagliligpit ay napagawi ang kaniyang tingin sa isang picture frame na nasa lamesa ni Victor, kinuha niya iyon at pinagmasdan mabuti. Ang kaniyang mga balikat ay unti-unti yumugyog at hindi na napigilang umiyak.
"Patawarin mo ko Victor." Blankong ekspresyong sabi ni Larry.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top