Chapter 3
SAFE AND SOUND.
Ganoon iyong pakiramdam for the first time. Bakit kaya? Bakit kaya ang sarap ng tulog ko kahit brokenhearted ako, baon sa loan, at 'di pa bayad sa kuryente at apartment rent?
Nagising ako kinabukasan sa kalansing ng kubyertos. Napangiwi ako habang nakapikit. Mukhang ginawa na namang playground ng mga ipis at daga ang mga hugasin ko sa lababo.
Masakit ang ulo na idinilat ko ang aking mga mata. Tanghali na base sa liwanag na pumapasok sa katapat kong bintana. Maliwanag na ang paligid ng studio-type kong apartment. Bumulaga rin agad sa akin ang wall clock na nagsasabing alas-dies na ng umaga. Tanghali na para sa isang morning person na tulad ko. Napabangon ako bigla at napaisip. Buhay pa ako?
'Di ba nagpakalunod ako kagabi sa Batangas? Anyare? Bakit nandito ako sa apartment ko?! 'Di ba ayaw ko nang mabuhay dahil wala naman nang saysay ang aking buhay? So, bakit—
"Gising ka na."
Nanigas ang aking leeg nang marinig ko ang malamig bagamat malamyos na buong-buong boses sa gawing kanan ko. Sa kinaroroonan ng lababo!
"Pagod na pagod ka kaya ako na ang naglinis ng bahay mo."
Awtomatikong napalingon ang mukha ko sa kanya. Nakatayo sa harapan ko ngayon ang topless broad shouldered with eight pack abs na lalaki, na may light bronze skin, and deep set of tantalizing blue eyes!
Si Dakila!
Tanging sweatpants lang ang suot niya at nakayapak siya, kaya malinaw na malinaw sa akin ang malaki niyang paa at mahahabang daliri sa kulay puting tiles ng apartment ko. Naaalala ko na. Siya ang dahilan kaya buhay pa ako ngayon kahit para akong naghihingalo ngayon dahil sa makapigil hiningang ayos niya. Bakit ba kasi nakahubad siya?!
Bakit ibinabalandra niya sa akin ang mga pandesal niya gayong wala namang nakahandang kape?!
Bahagyang umangat ang isa sa perekto bagamat makapal niyang kilay. "Ayos ka lang?"
"Ha?" Napalunok ako. Ayos nga lang ba ako?
Ilang beses ko nang nakita ang aking ex-boyfriend na si Nero na topless sa ganito kaliwanag. Ilang beses ko na itong nakasama sa mga day outing kaya hindi na sa akin bago na makakita ng mga pandesal, pero kakaiba ang pandesal ng lalaking ito. Kay Nero kasi, anim lang at medyo hilaw pa. Ang sa lalaking kaharap ko ngayon ay walo at mukhang hindi sunog at hindi rin hilaw! Kumbaga sakto! Perpekto!
Mas nakakawindang ay ang manipis na balahibo sa ilalim ng kanyang pusod pababa sa loob ng suot niyang sweatpants. My sweatpants! Hindi na yata kakayanin ng konsensiya ko na bawiin sa kanya at suutin muli ang sweatpants na suot niya. Feeling ko ay mabubuntis ako kapag sinuot ko ulit iyon, kasehoda pang sampung beses ko iyong labhan at isang buwang ibabad sa sabon!
"Matulog ka pa. Mukhang hindi pa gising ang kaluluwa mo." Tumalikod siya sa akin at muling hinarap ang ginagawa sa lababo.
Natauhan ako sa sinabi niya. Aba't! Ano'ng karapatan niyang pagsaliaan ako nang gano'n? Sa aking asar ay ibinato ko sa kanya ang nahawakan kong unan. "Bakit ka nakahubad, ha?!"
Lumingon siya at parang hari na namaywang. Hindi ko alam kung ngingiti ang mga labi niya o ano. Seryoso ang mukha niya, pero parang may kakaibang gustong gawin ang mga labi niya habang nakatingin siya sa mukha ko.
"N-nasa'n ang t-shirt mo?! Binigyan kita kagabi ng damit, 'di ba?!" Nasaan ang t-shirt ni Nero? Bakit siya topless?! Kailangan ko ng sagot kundi masisiraan ako ng bait!
"Nabasa noong naghilamos ako." Napakapormal ng kanyang sagot.
Umalis ako sa kama. "Anong klaseng hilamos ang ginawa mo at nabasa iyon?! Saka, ano ba iyang ginagawa mo diyan?"
Nang tingnan ko ang lababo ay wala na ang tambak kong hugasin. Saka ko rin napansin na malinis na nga ang aking maliit na apartment. Ultimo ang nagkalat kong damit na pinaghubaran sa sahig ay nasa hamper na. At mukhang wala naman siyang ninakaw sa mga gamit ko.
Kung masama siyang tao ay dapat noong natutulog pa lang ako ay tsinugi niya na ako. O sana ay hindi niya na ako iniligtas kagabi. Isa pa, kung sakaling masama talaga siya ay wala rin naman siyang mapapala sa akin. Wala akong kapera-pera.
"Good." Pumalakpak ako. Bukod sa nakahinga ako nang maluwag knowing na wala siyang ginawang masama sa magdamag ay masaya ako sa paglilinis niya. First time kong maipaglinis kaya talagang na-appreciate ko siya nang bongga. Ganito pala ang pakiramdam nang makalibre. Ang saya!
Nagsalubong naman ang makakapal na kilay ni Dakila.
"I mean—ang ibig kong sabihin, natuwa ako sa ginawa mo. Kung ganyan ka nang ganyan, magkakasundo tayo." Nilapitan ko siya at tinapik ang kanyang balikat for a job well done.
In fairness, matigas ang balikat niya at makinis ang kanyang balat. Sa bandang sikmura kaya, ganoon din?
Binura ko agad ang maruming idea sa isip. Oo at guwapo si Dakila, pero wala pa rin siyang binatbat kumpara sa ex kong manloloko. Kahit naman walanghiya si Nero ay nakatapos iyon sa pag-aaral. Edukado, professional, successful, magaling pumorma, magaling makisama, at higit sa lahat... mahal ko pa, pota!
Hay, napaka-gullible ko na nga, ang tagal pang mag-move on. Mabuti na lang talaga at nandito si Dakila. Kahit paano ay nababaling sa kanya ang aking atensyon, at hindi ko na gaanong napag-iiisip ang Nero na iyon.
Nagtimpla ako ng kape at bumili ng nilalakong pandesal. Niyaya ko na siyang mag-amusal at hindi naman siya tumanggi. Mukhang gutom na gutom at bitin siya sa tinapay namin kagabi dahil naubos niya ngayon ang walong pandesal. Dalawa lang ang nakain ko.
Pagkakain ay nagligpit agad si Dakila. Ang bilis, ang sigurado ng bawat galaw, at ang linis kumilos. Magaling! Hindi naman pala siya magiging pabigat sa akin. In fact, mapapakinabangan ko pala siya. May umilaw na ideya sa isip ko. Bakit nga ba hindi?
Hindi naman siguro masama kung dito nga muna talaga siya, 'di ba? Siya ang savior ko. Iniligtas niya ang buhay ko, kaya normal lang na gusto kong makabawi kahit paano. Ayaw ko ring makonsensiya kung may mangyayaring masama sa kanya. So, habang hindi ko pa alam ang gagawin sa kanya ay why not na dito nga muna siya?
"Dakila, nakapagdesisyon na pala ako. Hindi muna kita paaalisin. Hindi ko alam kung hanggang kailan, pero kung gusto mong magtagal ay may mga kailangan ka munang matutunan at patunayan."
Wala siyang reaksyon, subalit tila may kung anong kislap ako na sandaling natanaw sa asul niyang mga mata.
"Uunahan na rin kita, hindi ako sanay na may kasama kaya gawin mo ang lahat para hindi ka maging istorbo sa akin. Gawin mo ang lahat para makita ko rin na hindi ako nagkamali sa desisyon kong ito. Ayaw ko ng pasaway at matigas ang ulo. Isang mali mo lang, evicted ka na agad. Naiintindihan mo?"
Tumango siya. Natuwa naman ako nang hindi siya umapila. That was a good start. I had rules that he needed to obey kung gusto niyang magkasundo kami.
"Maghanda ka. Aalis tayo. Sa labas na tayo magla-lunch," deklara ko bigla. "Ibibili na rin kita ng mga gamit mo." Kinuha ko ang nag-iisang gintong hikaw na meron ako. Papalamigin ko muna ito sa Cebuana Pawnshop para may panggastos ako kay Dakila.
Hindi naman siguro ako malulugi sa taong ito. Malakas ang kutob ko na maliban sa may instant katulong na ako rito sa apartment ay magkakaroon pa ako ng ibang pakinabang sa kanya. At hindi pa ako nagkamali sa mga kutob-kutob na iyan.
Tiningnan ko siya nang deretso at makahulugan. "Tandaan mo, lahat ng ibibili ko sa 'yo ay hindi libre. May kapalit lahat dahil wala nang libre sa panahon ngayon. Lalo na dito sa city."
Kung hindi uso sa lugar niya ang pera, siguro naman sa barter exchange ay aware siya.
"Pero 'wag kang mag-alala, hindi pa naman kita sisingilin sa ngayon." Dahil hindi ko pa rin alam kung paano siya makakabawi sa akin.
T-shirt ulit ni Nero ang ipinasuot ko sa kanya. Mabuti na lang at dalawa ang naiwang shirts ng unggoy na iyon dito. Sa pang-ibaba ay hindi ko na siya pinagpalit pa. Pinagamit ko sa kanya ang toothbrush ko pagkatapos kong magsepilyo. Bibili na lang ulit ako ng tag-isa namin mamaya.
Matagal niyang tinitigan ang toothbrush ko. Kulang na lang ay magsalubong ang mga kilay ni Dakila. Siguro dahil sa pagtataka. Siguro dahil first time niya lang makakita niyon. For sure, walang ganoon sa islang pinagmulan niya.
"Gamitin mo." Pilit ko iyong inabot sa kanya. "Dito sa city, ginagamit iyan para maglinis ng mga ngipin. Para hindi bad breath."
Wala pa rin siyang kibo.
Umabante ako hinawakan siya sa magkabilang balikat para hingahan siya. "Hahhh!"
Natulala siya sa ginawa ko.
Kahit ako ay nawindang sa ginawa ko. Lalo pa at para siyang natuka ng ahas dahil sa pagkakanganga at pagkakatitig niya sa akin. Ang dominante niyang aura ay biglang naging inosente.
"See? Ang bango ng hininga ko, 'di ba? Amoy menthol!" Ngumisi ako kahit ang awkward ng aking ginawa. Pero taong isla naman siya, hindi naman siguro niya minasama na hiningahan ko siya. Isa pa, nag-e-explain lang naman ako.
Ang tagal niyang nakatitig sa mukha ko kaya hindi ko na natagalan ang pagkakangisi. Kusang nabura ang ngiti sa mga labi ko. Nakahinga lang ako nang maayos nang bumaba na muli ang paningin niya sa toothbrush.
"Ehem!" Tumikhim ako. "N-nakita mo naman siguro kung paano ko iyan ginamit kanina, 'di ba? Gayahin mo lang."
Nang tanggapin niya ang toothbrush ay nakampante na ako nang tuluyan. Pero nagulat ako nang bigla siyang ngumiti.
Ngumiti?!
Ako naman ang napatulala sa pagkakangiti niya. This was freakin' first time that he smiled! And wow! Ang ngipin niya, they were perfect! As in!
Shit! Bakit ang puti ng ngipin niya?! Kataka-taka na kahit hindi uso ang toothbrush at toothpaste sa kanyang pinanggalingang lugar ay maganda at mapuputi ang mga ngipin niya. Sa katunayan, puwede na nga siyang maging commercial model ng toothpaste at mouthwash dahil hindi rin naman mabaho ang hininga niya. Mukhang may alternative silang ginagamit sa isla.
Umiwas ako ng tingin sa kanya dahil kinuha na rin niya ang toothbrush at nagsimula na siyang magsepilyo sa lababo. Pinagpawisan ako dahil kahit ayaw ko ay kusa akong nakiliti sa isiping ginagamit niya ngayon ang aking toothbrush. Nag-share kami sa isang toothbrush! Hindi lang indirect kiss iyon, kundi parang indirect laplapan na!
Shit! Bakit ako affected?! Binura ko rin ang isiping iyon. Wala dapat kaming malisya. Wala. Wala! I needed to set boundaries habang maaga. Hinarap ko ulit siya.
"Siya nga pala, Dakila, ang gusto kong itatawag mo sa akin ay 'madam'. At bawal mo akong susuwayin."
"Bakit?" Tapos na siyang mag-toothbrush.
Namaywang ako. "Alam mo, iba kasi dito sa city kaysa sa lugar na pinanggalingan mo. Dito sa city, ang mga babae ang nasusunod. Susundin niyo kami kasi kaming mga babae ang namumuno rito. Tsaka, 'di ba bawal magtanong? Ayaw mo yatang kumain ngayong gabi, e!"
"Paumanhin na, Madam."
Napangisi ako. "'Yan, matuto kang gumalang sa maganda!"
HINDI RUSH HOUR sa pagbiyahe namin kaya hindi traffic, but still, punuan pa rin ang jeep. May katagalang napuno dahil kaunti lang ang pumipila. At hindi ko na kailangang tanungin si Dakila kung nahirapan ba siya o hindi. Sorry na lang siya dahil tagtipid ako. Hindi ko afford ngayon ang mag-Taxi or Grab.
Obviously, this was his first time riding a public vehicle. As in first time niya talaga sumakay sa sasakyan dahil wala namang de gulong na sasakyan sa islang kanyang pinanggalingan.
Sa tangkad niya ay nakatungo na siya sa loob ng jeep. Pawisan na rin siya pero ayos lang, mukha pa rin naman siyang fresh at mabango. Yes, meron palang ganoon. Iyong tipong kahit pawisan ka na, kaaya-aya ka pa ring tabihan at singhut-singhutin. Partida na, dahil Safeguard lang ang gamit niya at wala pang deo at pabango.
May umakyat sa jeep na namimigay ng flyers ng bagong tayong condo. Ang Montenegro Towers. Hindi ako tumanggap dahil wala naman akong balak bumili ng condo at wala rin akong pambili. Pero si Dakila ay hindi nakatanggi.
Nang may sumakay na mga estudyante ay sa mismong tapat ni Dakila pumuwesto ang mga ito. Tatlo at mukhang mga college student na menor de edad.
"Ang pogi!" impit na sambit ng isa sa mga estudyante. Dinig na dinig ko, ewan ko lang kay Dakila na busy sa pagtitig sa naka-staple na flyers. As if nakakabasa at nakakaintindi!
"Marinig ka!" saway ng isa.
"Foreigner 'yan. 'Di nakakaintindi."
"Ang ganda ng ilong saka mata." Patuloy sa pagbubulungan ang mga estudyante.
Ultimo ibang babaeng pasahero ay napapatingin sa kanya, at 'pag napatingin na, hindi na magawang bawiin ang mga mata. Mapa-nanay, lola, anak, pamangkin, at apo, napapatitig sa kanya, basta babae. Pati na rin binabae. Idamay na rin kahit straight na lalaki. Pero mas matindi ang katapat naming tatlong estudyante.
"Kunan mo ng pic. Simplehan mo."
"Nahihiya ako baka makita, e."
"Dali na, i-post natin sa FB! Pasikatin natin!"
"GF niya ba iyong katabi? Hindi siguro. 'Di naman sila mukhang close."
Sukat bang pag-usapan nila si Dakila in front of me?! Sa pagmumukha ko talaga?! At gusto pang ikalat siya sa social media? At mas nainis pa ako dahil nagsimula nang magpa-cute ang tatlong estudyante!
"Excuse me, mga Miss." Hindi na ako nakatiis. "I would appreciate it kung hindi niyo kukunan ng stolen photo ang boyfriend ko." Sinadya kong sabihin iyon nang pasuplada.
Agad na umurong ang tatlong harot. Pati ibang pasahero ay napatingin sa tatlo. Nagsitahimik ang mga ito, mga napahiya. Dapat lang! Mga wala silang galang!
Doon sa Girlfriend-Thingy, sinabi ko lang iyon para makaiwas sa gulo. Dahil mukhang hindi titigil ang mga babaeng ito hanggang hindi napapamukhaan.
Tumingin sa akin si Dakila matapos ibulsa ang flyers ng Montenegro Condominium. Kung makapagtago naman ng flyers ang isang ito, akala mo may pambili.
"'Wag kang titingin sa harapan mo kung ayaw mong dukutin ko iyang mata mo," bulong na banta ko sa kanya.
Hindi naman na siya nag-usisa. Good.
Pagkarating ng Taytay Bagong Palengke ay nanguna na kaming bumaba. Dumeretso kami agad sa tiangge. Katulad sa jeep ay pinutakte rin siya ng mga mata rito. Kahit may nakasabay pa kaming artista at foreigner na namimili rito, sa kanya pa rin mas nag-focus ang mga tao. Kainis talaga, bakit kasi angat siya sa lahat? Ano ba ang skincare nila sa isla?
Umabri-siete ako kay Dakila. Hindi naman siya nagreklamo bagamat napatingin siya sa akin dahil sa inakto ko. Patay-malisya naman ako.
Naisanla ko sa halagang anim na libo ang ginto kong hikaw. Sapat na para mai-Jollibee ko si Dakila at maibili ng ilang pirasong t-shirt, cargo shorts, at pants sa tiangge. Dumayo pa kami sa Taytay Tiangge dahil bagsak presyo rito at hindi pa gaanong uso ang online store. Dahil may tira pa akong pera ay nakabili pa ako ng tsinelas niya at imitation na Adidas shoes. Sa tiangge rin ako bumili ng ilang pirasong briefs niya na tag-fifty Pesos ang isa.
Wala pang inflation sa panahon na ito kaya ang sukli sa tiangge, ay naipang-grocery pa namin. Sa worth one thousand five hundred ay may stocks na kami sa apartment na mga de lata, noodles, at hotdogs na inilagay ko sa mini ref. Bumili rin ako ng limang kilong bigas at condiments.
Ibinili ko rin si Dakila ng sarili niyang shampoo, pang-shave, at deodorant. Sa sabon, puwede pa naman kaming mag-share sa Safeguard pink ko. Sa toothbrush naman ay hindi ko na siya ibinili dahil aking ipinamana na sa kanya kanina iyong luma ko.
Hindi na ako nanghinayang sa gastos. Kung si Nero nga na walang silbi e pinagkagastusan ko? Bakit hindi si Dakila na sa aking tingin ay mapapakinabangan ko? At kung si Nero, bossy. Puwes iba kay Dakila dahil ako ang boss niya!
Hindi mahirap mapasunod at makontrol si Dakila. Napangisi ako. Mukhang sinusuwerte nga yata talaga ako sa napulot kong taong isla na ito!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top