Chapter 2

SUMAMA KA SA AKIN SA MAYNILA!

Tama ba ang desisyon ko na isama ang isang estranghero kung saan ako nakatira sa Maynila? Ganito ba ang side effect ng pa-expire na dapat ang life, kaya lang ay biglang na-extend?

Katabi ko na ang lalaking asul ang mga mata. Naririto kami sa loob ng Grab pa-biyaheng Maynila. Tahimik lang siya, ni walang 'thank you'. Basta noong isinakay ko siya rito, sumakay lang siya na walang tanong o reklamo. Feeling ko tuloy ay isang manikin at hindi tao ang isinama ko ngayon. Pero may manikin bang ganito kalakas magdulot ng tensyon?

Kahit may suot pa akong damit ay ramdam ko ang init na nagmumula sa kanya dahil magkadikit ang mga braso naming dalawa. Hindi ko alam kung bakit nahihiya ako na pausurin siya. Inisip ko na lang na baka nga katulad ko ay nilalamig siya.

Bakit hindi siya lalamigin, e hayan at naka-bold siya. Mabuti pa nga ako na kahit basa ang suot, at least ay may suot.

Nakisuyo na lang ako sa driver na hinaan ang aircon. Mabuti naman at hindi pumalag si Manong. Nakarating kami sa Cubao na walang aberya. Ang bilis lang ng biyahe dahil walang traffic, hindi tuloy ako ganoong nakapag-isip-isip. O sadyang barado pa ng tubig ang utak ko. Nakababa na kami sa Grab car. Napatingin ako sa lalaking kasama ko. Wala pa rin siyang imik, walang reaksyon, wala lahat.

Okay, bahala na talaga. Kung masama man siyang tao, e di masama. Mamamatay na rin naman ako dapat kung hindi niya lang ako iniligtas kanina.

Papuslit ko siyang ipinasok sa maliit kong apartment na nasa ibaba ng isang 4-floor building sa pusod ng Cubao. Mahirap na at baka may makitang kapitbahay, mapagkamalan pa akong nag-uwi ng callboy. Sa suot ng bitbit ko, hindi malayong mapag-isipan talaga ako ng malaswa ng mga makakakita.

Pagkapasok sa pinto ay ini-lock ko agad ang pinto. Sa pagbukas ng ilaw ay sandali pa akong napatanga sa kanya. Shit! Tao ba talaga ito? Bakit ganito kaperpekto?!

Napakaperpekto niya mula noo hanggang panga. Pati nga Adam's apple niya, wala kang maipipintas. At kahit pa siguro buong katawan. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara siya sa aking ex na si Nero. Oo nga at guwapo rin si Nero, pero iba ang dating ng lalaking ito. Ibang-iba. Kumbaga sa bagyo, ibang signal ito.

Ano'ng sinabi ng ex kong walanghiya sa gandang lalaki niya? Wala!

Ipinilig ko ang aking ulo. Ano ngayon kung guwapo? Hindi nakakain ang guwapo. Hindi rin naibabayad sa bills. Kumuha ako ng dalawang tuwalya at isinaklob sa kanya. Kumuha rin ako ng para sa akin.

"Dito ako nakatira," sabi ko sa sinikap na kaswal na tono. Tinungo ko ang closet. "Pasensiya ka na at maliit lang ito, pero mas mabuti na rito kaysa sa kalsada ka matulog." Bukas ko na pag-iisipan kung ano ang gagawin sa kanya.

May naiwang t-shirt ang ex kong walanghiya na hindi ko pa naitatapon. Mabuti at hindi ko pa nga natatapon o nasusunog iyon, may maipapagamit ako kay— Teka, ano nga palang pangalan niya?

"Dakila."

Napalingon ako sa kanya. Ano raw?

"Dak?" ulit ko sa sinabi niya. "Daks?" Ano iyon? Parang ang laswa!

Ang magagandang uri ng asul na mga mata ng lalaki ay nakakarahuyo nang siya'y muling magsalita. "Dakila ang itawag mo sa akin."

Napanganga ako sa kanya. Anak ng tinapa! Nakapagsasalita naman pala siya! At ang ganda ng boses niya, buong-buo! Pero hindi iyon, e. Nakakapag-Tagalog naman pala siya, kaya kahit ang guwapo niya ay nakakapikon bigla!

"Pinaglololoko mo ba ako?!" Binato ko sa kanya ang naiwang t-shirt ni Nero. "Hindi ka naman pala na-trauma, pinahirapan mo pa ako!"

Ibinaba niya ang t-shirt na napakadali niyang nasalo. Iginala niya ang kanyang asul na paningin sa kabuoan ng apartment ko. "Paumanhin."

Muli akong napanganga. Ang deep naman ng Tagalog niya. Saan bang lupalop siya nagmula?

"Sino ka ba, ha? Ano ka ba?! Bakit mo gustong sumama sa akin dito?! Pinagloloko mo ako! Sindikato ka nga yata talaga!"

Umiling siya at sinalubong ang mga mata ko. "Hindi ko alam kung saan ako pupunta kaya huwag mo akong paalisin. Wala akong gagawin na ikapapahamak mo."

"Pero hindi mo sinagot ang tanong ko, sino ka nga?!" labas ang mga litid na tanong ko, nakalimot bigla na anong oras na.

"Dakila ang tawag sa akin sa islang pinagmulan ko."

"I-isla? Dakila?"

"Galing ako sa isang malayong isla kung saan dalawang tribo lamang ang naninirahan. Sa islang iyon, puro kababaihan ang matatagpuan, maliban sa akin. Sa isla ring iyon, itinuturing nila akong bathala kaya ang tawag nila sa akin ay Dakila."

Anak ng! Baliw nga!

"Nang sandaling makita kitang nalulunod, nakalulan ako sa balsa na aking ginawa."

He was serious! Nasa mga mata niya na hindi kumukurap habang nagkukwento ang kaseryosohan sa kanyang mga pinagsasasabi!

"Nagpasya akong umalis sa islang iyon at makipagsapalaran sa karagatan kasama ng ilang ka-tribo. Ngunit nagkaroon ng bagyo sa laot at nagkahiwa-hiwalay kami. Hindi ko alam kung buhay pa sila. Napadpad ako sa maliit na isla at doon ako bumuo ng aking panibagong balsa upang muling makapaglayag sa dagat. Sa ilang araw sa laot, ikaw ang unang taong aking natagpuan ko nang marating ang pampang."

Napaupo ako sa gilid kama ko habang nakatingin sa kanya. Totoo ba itong mga pinagsasasabi niya o dyino-joke time niya lang ako?

Seryoso pa rin ang perpektong mukha niya habang siya'y nagsasalita. "Hindi kita masisisi kung nahihirapan ka mang paniwalaan ang aking sinasabi. Para sa inyo na nasa lungsod, mahirap paniwalaan na may isang tagong isla sa mundong ito na may mga 'di kilalang tribong naninirahan."

Suko na ako! Kung dadalhin ko siya bukas sa pulisya, dalawa lang ang kakahinatnan niya since hindi naman pala siya foreigner. It was either magugulpi siya sa loob o mapapatapon siya sa mental hospital!

Sayang lang talaga dahil ang guwapo niyang nilalang. Bihira akong makakita ng ganitong pagmumukha at katawan. Sobrang perpekto. Nakakaawa lang talaga dahil mukhang mapapariwara siya kapag napabayaan. Ang dami pa namang halang ang kaluluwa rito sa mundo.

"Wear that shirt." Aburidong itinuro ko ang t-shirt na ibinaba niya.

Kumunot ang noo ni Dakila. Okay, pagbigyan na nating Dakila nga ang name niya. Better na rin na may pangalan siya kaysa wala.

"I said wear that shirt. Hindi ka ba giniginaw?"

Mukhang hindi yata nakakaintindi ng English ang isang ito. Sabagay, kung talagang nagmula siya sa isang tribo na nakatira sa isang malayong tagong isla, malamang sa malamang na hindi talaga siya nakakaintindi ng English. At marami pa siyang hindi alam at naiintindihan. Mga ganitong tao ang talagang madaling maloloko rito sa Maynila.

"Bukas na tayo mag-usap. We both need to rest—ang ibig kong sabihin ay kailangan nating magpahinga."

Dinampot niya ang t-shirt at tiningnan. Tumayo ako at naghalughog ulit sa damitan. May malaking sweatpants ako na kakasya sa kanya. Puwede na siguro ito. Ibinato ko sa kanya ang sweatpants at itinuro ang banyo. "Marunong ka naman sigurong maligo."

Tumango siya at kinuha ang sweatpants.

"Iyong pintong iyon, iyon ang banyo. May balde at tabo roon kung hindi ka marunong gumamit ng shower. Pero sa tingin ko naman, hindi ka ganoon kabobo. May instinct ka naman siguro at mare-realize mo rin kung paano gamitin ang mga gamit sa loob."

Tumalikod na si Dakila at pumunta sa banyo. Sa pagtalikod niya ay saka ko lang malinaw na nabistahan ang likuran niya. May ilang pilat doon, may mahahaba, may maliliit, at meron tila natusok ng kung anong matulis na bagay. Wala naman akong nakitang bullet wound.

Kung pagbabasehan ang mga pilat niya sa likod, posible ngang sa isang liblib na isla niya iyon mga nakuha. Mga gasgas kasi iyon at parang tama ng kahoy, baging, at mga palatandaan ng pagkahulog. Ang tela na ginamit sa kanyang bahag, hindi basta-basta tela, hindi nabibili sa palengke. Papasa iyon sa shooting ng Tarzan. Napailing ako, mukhang taong-gubat nga ang lalaking ito.

Ilang saglit lang ay naririnig ko na ang lagaslas ng shower. Hindi nga siya ganoon kabobo. Maya-maya ay bumukas ang pinto at nasamyo ko ang mabangong amoy ng aking sabon at shampoo. At in fairness, naisuot niya nang maayos ang t-shirt ni Nero at ang kulay itim kong sweatpants. At bagay iyon sa kanya! This time, ang hirap na maniwalang taong-gubat siya. Mas bagay siyang model o artista!

Malinis na siya. Mabango na. Mas gumuwapo pa! Saan bang isla siya nagmula? Isla ba talaga iyon? Hindi ba Mt. Olympus?

Natigilan ako nang mahawi ang bahagya niyang mahabang buhok. May napansin kasi ako sa gilid ng kanyang leeg. Tila pulang marka o – tattoo? "Ano iyang nasa leeg mo?" Nilapitan ko siya. "Tattoo?"

Tattoo nga! Pero parang hindi simpleng pang-tattoo ang ginamit! At ang disenyo, kakaiba! Nota! As in music note! Pero ano'ng ibig sabihin iyon? Bakit may tattoo siya kung galing siya sa isang isla?!

"Matagal na iyan diyan," malumanay na sagot niya.

Hmn, sabagay, uso ang tattoo sa mga katutubo. So baka sa isla rin nila, way of fashion ang tattoo. Medyo weird lang kasi, bakit music note? Natigilan ako nang ma-realize na nakatayo pa rin ako sa harapan niya at ang ilong ko ay tila may sariling buhay na panay singhot sa bango ni Dakila. Pasimple akong lumayo at pasimple kong kinastigo ang aking sarili.

"Ikaw naman ang maligo at magpalit," aniya sa baritonong boses. Ugh!

Lumabi ako at pilit na ini-ignore ang bagong paligong Tarzan. "'Wag kang magtatangkang gumawa ng kahit anong masama habang nasa banyo ako," banta ko sa kanya. "Dikit-dikit ang mga kuwarto rito, isang sigaw ko lang, kukuyugin ka ng mga kapitbahay ko! At malapit ito sa barangay. Alam mo ba ang barangay? Maraming tanod doon. Bugbog-sarado ka, isang maling galaw mo lang!"

Bahagya siyang tumango.

"Good. Maigi na iyong napaalalahanan kita." Kahit pa gusto kong mangiwi dahil mukhang hindi naman siya natakot sa sinabi ko.

Sa built ng katawan niya at tangkad, gasino lang naman pagtatadyakan niya ang mga payatot na tanod dito sa amin. Iyong mga matataba namang tanod dito ay mababagal kumilos. Baka bago pa siya ma-corner ng mga ito ay nakatakas na siya ng ilang kilometro.

Hindi rin naman siguro kakailanganin ng tanod. Hindi naman talaga siguro siya masamang tao. Sana. Sana lang talaga ay tama ako.

Minabilis ko lang ang paliligo dahil kabado pa rin ako. May stranger sa labas, sapat na iyong dahilan para kabahan ako. Kahit naman magaan ang loob ko sa kanya, ayaw ko pa rin talagang makampante. Paglabas ko ay nadatnan ko siyang tahimik na nakaupo sa gilid ng kama ko. Nakasuot na ako ng maluwag na t-shirt at pajama. Tumikhim ako upang kunin ang pansin niya.

"Ah, Dakila?" Kumuha ako ng dalawang mug at sinalinan ng mainit na tubig mula sa thermos. Mabuti na lang at nag-init ako ng tubig kanina.

Saglit lang siyang sumulyap sa akin at saka tumungo ulit.

"Pasensiya ka na kung pinag-iisipan kita nang masama, ha? Alam mo na, mahirap na kasing magtiwala lalo na sa mga taong kakikilala pa lang." Nagtimpla ako ng kape at inabot sa kanya ang isa. "Kape ka muna. Bukas na tayo kumain nang heavy."

Tinanggap niya iyon. Mukhang gutom din siya. Kumuha ako ng tinapay sa tupperware at inabutan siya. Bukas ko na lang siya papakainin ng kanin, wala na kasing bigas. Hindi pa rin ako nakakapag-grocery at wala na rin akong ipapaulam sa kanya.

Pagkatapos naming kumain ay pinaglatag ko siya ng comforter sa ibaba ng kama. Hindi na siya nagpasabi, basta na lang siyang nahiga sa comforter. Mukhang pagod din. Sino ba ang hindi mapapagod sa paglalayag sa karagatan?

"Dakila, patunayan mo sa akin ngayong buong magdamag na mapagkakatiwalaan ka talaga. 'Wag na 'wag kang gagawa ng kahit anong kabulastugan." Nahiga na rin ako sa kama. Nagharang ako ng unan sa gilid ko at pasimple akong nagtabi ng kutsilyo sa uluhan. Just to be sure lang kapag gapangin niya ako.

Aba, kahit gaano kaguwapo kung manyakis, manyakis talaga. Kahit naman ako'y losyang, lamang tiyan din ako, 'no!

Habang nakahiga ay nagpatuloy ako sa sinasabi. "Mag-isa lang ako rito. Nakikita mo naman, wala akong kasama. Sa umaga hanggang gabi ay may pasok ako sa trabaho. Gabi lang ako umuuwi rito. Pero bukas, nandito ako."

Hindi ko na itutuloy ang pag-a-AWOL sa work. Para saan? Para wala akong kainin?

Hindi naman natuloy ang pagpapatiwakal ko, so no to AWOL na. Paghahandaan ko na lang kung kailan ako magre-resign at lilipat ng trabaho. But, tomorrow ay a-absent muna ako. Hindi ko puwedeng iwan si Dakila na mag-isa. Hindi pa siya nakakapag-adjust. Hindi ko pa rin napag-iisipan ang gagawin sa kanya.

Ilang saglit lang ay malalim na ang paghinga ni Dakila. Mukhang hindi naman siya nagtutulog-tulugan dahil hindi naman magalaw ang mga talukap niya nang silipin ko siya sa ibaba ng kama. Mukhang pagod na pagod siya talaga.

Hindi ko na naorasan kung ilang minuto akong nakatingin sa kanya. Nakakainis, kahit tulog, ang guwapo-guwapo niya. Nang dahil sa malalantik at mahahaba niyang pilikmata, para tuloy siyang anghel.

Ang amo ng mukha niya kahit pa napakadominante ng tangos ng kanyang ilong at mukhang masungit ang tabas ng kanyang mapulang mga labi. Ayan tuloy, ang bilis kong magtiwala na hindi nga siya masama. Tuwing sumasagi rin sa isip ko na maari siyang masamantala ng iba ay nakakaramdam ako ng kung anong pagkakonsensiya at awa sa kanya.

Nakakatawa na lang talaga kung paanong napunta ako sa ganitong sitwasyon. Wala sa hinagap na babalik pa ako rito sa Cubao nang buo. At hindi lang basta buo, may plus one pa ako.

Hindi na rin ang aking pagiging broken hearted ang iniisip ko sa mga oras na ito, kundi ang lalaking ito. Mas inaalala ko na siya ngayon kaysa sa aking wasak na puso at pride. Nabaling agad sa kanya ang atensyon ko. And honestly, I think I liked it.

May maliit na ngiti ang gumuhit sa mga labi ko habang nakamasid sa payapang pagtulog niya. "Sige, dumito ka muna." Ang sabi ko ay bukas pa ako magpapasya, pero kusang lumabas sa aking mga labi ang mga salita.

Dito na muna siya. Bukas ko ay mag-uusap kami kung ano ang magiging siste namin. But for now, dito na talaga muna siya. Akin muna siya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top