THIRTY-THREE
1976
Rachelle Valencia's POV
Tila ba kay bagal ng usad ng mga buwan. Enero nang lumuwas si Kuya Andres sa Maynila at binilang ko ang mga araw hanggang sa makauwi ako sa La Estrella pagkatapos ng unang taon ko sa kolehiyo.
Nasasabik din kaya siya na makita ako ulit? Kasi ako, halos hindi na makapaghintay. Mahal pa kaya niya si Ate Milagros? Kung oo, handa naman akong hintayin ang panahon kung kailan siya magiging handa. Bata pa naman ako, kaya hindi ako nagmamadali.
Masyado siguro akong umasa na ang tatlong araw na nagkasama kami sa Maynila ni Kuya Andres ay magiging sapat para makita niya na hindi na ako bata. Akala ko sa wakas ay mapapansin niya ako bilang dalaga at hindi ang paslit na kapitbahay niya.
"Kayo lang po ba, Nay?" tanong ko na nang sinundo nila ako mula sa port ng Iloilo.
"Oo naman, anak. Alam mo naman na abala rin sa pagtulong sa nanay niya si Delilah, lalo na ngayon at kapapanganak lang no'n sa nakababatang kapatid nito" sagot ni Tatay na ang tinutukoy ang matalik na kaibigan ko nang elementarya.
"Nakakatuwa nga at nasundan pa si Delilah. Kaya lang ay babae pa rin ang kapatid niya. Danica ang pangalan, anak," dagdag naman ni Nanay.
Ngumiti na lang ako para hindi na sila magtaka. Pero sa loob-loob ko ay dismayado talaga ako. Ano ba kasi ang inaasahan ko? Na sasama si Kuya Andres sa pagsundo sa'kin?
Pagdating namin sa bahay ay agad kong binista ang mga tanim kong rosas sa hardin ni Nanay. Alagang-alaga niya ang mga 'yon kahit wala 'ko kaya mayayabong at magaganda pa rin ang tubo nila lalo ngayon at namumulaklak pa.
"Pumitas ka ng mga rosas mo, anak. Ilagay natin sa plorera sa lamesa," utos ni Tatay. Puno ng kagalakan ang mga mata ng mga magulang ko, halatang tuwang-tuwa at nakauwi na ako para sa bakasyon.
Hindi lang si Andres ang kinasabikan ko dahil kahit nasiyahan naman ako sa lungsod ng Maynila, iba pa rin talaga ang sarili mong bayan at tahanan.
"Opo," sagot ko.
Alam kong nais ng mga magulang ko na magkuwento ako tungkol sa pag-aaral ko kaya pinaunlakan ko sila. Hindi ko binanggit na may mga nagtangkang manligaw sa'kin upang hindi na sila mag-alala.
"Siyanga pala, anak, gusto ka raw kunin para maging Reyna Elena sa sagala."
Hindi ko inasahan ang sinabi ni Nanay lalo na at alam kong wala naman kaming pera para aksayahin sa pagpapatahi ng traje para doon.
"Tumanggi po ba kayo Nay?" tanong ko kahit alam kong 'yon nga siguro ang nangyari.
"Pumayag kami, anak," sagot ni Tatay kaya napabaling ako sa kanila.
"Ano po?"
"'Wag mo nang alalahanin ang gastos, anak. May kaunting ipon kami para doon. Isa pa ay malaking karangalan na maimbitahan ang nag-iisang anak namin para maging Reyna Elena," paliwanag ni Nanay nang makita ang pagkunot ng noo ko.
"Isa pa ay wala ng mas gaganda pa sa anak ko!" puri naman ni Tatay.
Hindi ko mapigilan ang mapaisip nang gabing 'yon. Alam kong wala sa badyet ng pamilya namin 'yon kaya maghahanap ako ng paraan para kumita ng pera ngayong bakasyon.
Nang sumunod na araw ay nagpasya akong puntahan si Kuya Andres. Hindi na 'yon bago dahil dati pa naman ay dumadalaw ako para makipaglaro kay Atlas. Kahit si Nang Lupe na nanay ni Kuya Andres ay hindi kailanman nagduda na may iba akong pakay kaya panay ang dalaw ko roon.
Halos lumundag ang puso ko sa saya nang si Kuya Andres mismo ang nagbukas ng pinto.
"Rachelle, nakauwi ka na pala?"
"Uhhh... opo. Akala ko nga, sasama ka sa pagsundo sa'kin eh."
Gustong kong kurotin ang sarili sa tinuran. Baka isipin niya na masyado yata akong agresibo.
Tingin ko ay nahimigan niya ang gusto kong iparating dahil hindi niya pinansin 'yon at hindi niya man lang ako biniro.
"Andres, sino 'yan?"
"Si Rachelle, Nay," sagot niya na hindi na nakatingin sa'kin.
"Pasok ka, Rachelle!" tawag ni Nang Lupe sabay salubong sa'kin. Nakasunod sa likuran niya si Atlas na mukhang hindi na yata ako naaalala dahil ayaw lumapit sa'kin.
"Nako, pagpasensyahan mo na si Atlas."
"Ayos lang po, Nang."
Lumuhod ako sa harap ng bata at iniabot sa kanya ang isang libro na puno ng larawan ng mga hayop; dala ko talaga para sa kanya galing sa Maynila.
"Kumain ka na ba, Rachelle? Teka lang at ikukuha kita ng meryenda," sabi ni Nang Lupe at tuluyan nang pumunta sa kusina kahit nagprotesta ako.
Naiwan kami ni Kuya Andres sa sala dahil sumunod na si Atlas sa lola niya.
"Kumusta ka na?" sabay na tanong namin sa isa't isa. Ilang tuloy kaming tumawa.
Buong buhay ko ay kilala ko na si Kuya Andres, hindi na ibang tao ang pamilya namin sa isa't isa kaya bakit parang may tensyon sa pagitan namin. Napansin niya na iba na ang nararamdaman ko sa kanya? Ano naman ang reaksyon niya roon? Ayaw niya ba? Ayaw niya ba sa'kin?
"Hindi ka man lang sumulat sa'kin," mahinang sumbat ko.
Masyado na talaga akong nagiging mapangahas sa mga sinasabi ko dahil tumaas ang isang kilay niya at bumaling sa direksyon ng kusina nila, tinitingnan kung narinig ba ni Nang Lupe ang sinabi ko.
"Kailangan ba?"
Sumama ang loob ko sa naging tugon niya. Bakit ang lamig na ngayon ng pakikitungo niya sa'kin? Dapat ba ay ikinubli ko na lamang ang nararamdaman ko?
Hindi na ako nakasagot dahil nakabalik na sina Atlas at Nang Lupe sa sala.
"Salamat po. 'Di na po kayo dapat nagabala," magalang na sabi ko.
"Minsan lang naman, Rachelle. Isa pa ay na-miss ka namin ni Atlas! Kumusta ang buhay-estudyante sa Maynila?"
Nagkuwento nga ako at maya-maya pa ay sinabi ko na ang pakay ng pagpunta ko.
"Kuya, magtatanong sana ako kung may alam kang trabaho sa bayan na puwede sa'kin."
Bumabyahe si Kuya Andres araw-araw bilang drayber ng jeep kaya't alam kong nakikita niya ang mga nakapaskel na papel sa labas ng mga establisyemento sa bayan.
"Bakit ka magta-trabaho? Mas maigi kung magpapahinga ka muna ngayong bakasyon."
Ayoko na magpaliwanag kaya ngumiti na lamang ako at hindi sumagot para makita niyang buo na ang pasya ko at wala akong balak na makinig sa payo niya.
"Mabuti nga itong si Rachelle at talagang masipag, anak. Kung papayagan naman siya ng mga magulang niya ay hayaan mo na," payo ni Nang Lupe sa anak niya.
⭐🌙
Mahiyain akong napatitig sa may-ari ng botika kung saan ako natanggap bilang katulong ng mga kahera. Hindi ko halos akalain na matatanggap ako lalo na at hindi pa ako dies y otso.
"Kumusta ang trabaho, hija? Hindi ka naman siguro nahihirapan 'no?" tanong ni Don Leandro.
Hindi ko maiwasan ang mamula dahil nakakahiyang pagtuunan niya ako ng pansin lalo na at kabago-bago ko lang.
"Maraming salamat po sa pagtanggap sa'kin dito, Sir. Alam ko pong estudyante pa lang po ako pero pagbubutihin ko po ang pagtatrabaho!"
Mariin siyang nakatitig sa'kin, hindi pa rin napapawi ang ngiti sa kanyang labi. Tumikhim ang kaherang si Ma'am Dorothy kaya nagpaalam na rin ako na ipagpapatuloy ko na ang paglilinis ng sahig ng botika.
"Mag-iingat ka kay Boss, Rachelle," bulong ni Ma'am Dorothy nang nakalabas na si Don Leandro.
"Po?"
"Baka ma-chismis ka. Basta, mag-ingat ka lang at gawin mo ang trabaho mo," sagot niya at tinikom na ang bibig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top