Prologo
𝙼𝚊𝚢 𝟸𝟶𝟸𝟷, 𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝
“SIGURADO ka bang okay lang na mag-isa ka papunta roon, Tamara? Pwede kong pasamahin si Theodore.”
Mula sa tinutuping damit ay nag-angat ako ng tingin kay mama. Naka-krus ang mga braso nito habang nakasandal sa hamba ng pinto ng kwarto ko. Makikita ang lungkot sa kanyang malamlam na mga mata at nakasimangot na labi. Mahina akong natawa na lalo niyang ikinasimangot.
“Okay nga lang po ako, 'Ma. 'Wag mo na pong abalahin si Theo dahil busy ang isang 'yon sa thesis."
Malalim na buntong-hininga ang sunod na narinig ko sa kanya. Umalis siya sa pagkakasandal sa dingding at naglakad palapit sa akin. Pagilid akong umurong nang maupo siya sa tabi ko rito sa aking kama.
“Mag-iingat ka roon, anak. Matagal-tagal din noong huli kang nakauwi roon. Baka manibago ka kaya tumawag ka, ha?” Habang sinasabi iyon ay marahan niyang hinahaplos ang likod ng ulo ko.
“Opo, 'Ma.”
Tipid ang ngiti ko nang mahinang kinabig ni mama ang ulo ko at isinandal sa kanyang dibdib. Ipinulupot ko ang mga braso sa kanyang may katabaang bewang. Naramdaman ko ang kapanatagan sa puso na sa kanyang yakap ko lang nararamdaman. Ibang iba sa kapanatagan na ibinibigay ng iba.
“Mamimiss ka namin, anak.”
“Si Mama talaga, oh! Two weeks lang naman ako roon,” natatawa kong ani.
Nawala ang ngiti ko nang singhot ang sunod kong narinig mula sa kanya. Hindi ko iniangat ang ulo ko. Alam kong ayaw niyang makita ko na umiiyak siya. Ayoko ring makita 'yon dahil paniguradong mga mata ko naman ang mababasa.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang reaksyon niya gayong hindi naman ito ang unang beses na mapapalayo ako sa kanila. Ganoon nga siguro ang mga magulang, kahit saglit na panahon lang naman malalayo sa kanilang tabi ang anak ay nalulungkot na sila. Totoo ngang may pusong mamon sila lalo na ang mga ina.
Nang tumahan si Mama ay nagpaalam na ito na matutulog na.
“Magpahinga ka na 'pag katapos mo,” bilin niya na tinanguan ko.
Nang makaalis si Mama ay ipinagpatuloy ko na ang pag-e-empake ng mga dadalhin bukas patungo sa Santa Isabela, ang probinsiya nila mama. Napagpasyahan kong umuwi roon para mabisita ang bahay nila Lola Rita. Matagal na silang wala ni Lolo Hymn pero hindi pinapabayaan ng mga anak nila ang bahay na iyon kahit pa halos lahat sila ay narito sa Maynila tulad namin.
Natapos ako sa pag-e-empake bandang alas onse ng gabi. Itinulak ko ang itim kong maleta patungo sa gilid ng pinto. Sa ibabaw niyon ay ipinatong ko ang aking black knapsack. Nang wala ng maisip na nakalimutan ay bumaba ako at dumiretso sa kusina. Kahit maaga ang alis bukas ay hindi ko pa rin magawang matulog.
Mag-isa akong nakaupo sa pang-apatan naming lamesa. Itinukod ko ang mga siko roon, dinadama sa mga kamay ang init na dulot ng hawak na tasa; tulala habang dahan-dahang humihigop ng umuusok pang kape. Ramdam ko ang init niyon sa aking bibig na mas lalo pang nakakapagpalalim sa aking pag-iisip.
Tumatakbo sa isip ko ang bubungad sa akin bukas. Ganoon pa rin kaya roon? May nagbago kaya sa lugar? 'Yong mga kaibigan at kakilala ko kaya na ilang taon ding hindi nakadaupang palad ay matandaan pa ako? At... makita ko kaya siya?
Dapat ay kasabikan na madarama dahil sa wakas ay makakauwing muli sa santa Isabela ngunit kaba ang nabubuhay sa aking puso.
Alas singko kinabukasan ay nakahanda na ako sa pag-alis. Ramdam ko ang hapdi sa mga mata dahil sa halos ta-tatlong oras na tulog. Siguro’y babawi na lamang ako mamaya sa biyahe.
Madilim pa at malamig ang simoy ng hangin kaya naman yakap ko ang sarili kahit pa may suot na cardigan. Hinatid pa ako nila mama at ng kapatid kong si Theodore hanggang sa labas ng bahay.
“Mag-ingat ka roon, Ate... Pasensya na kung hindi kita masasamahan, ha?”
“Okay nga lang. Para kang si Mama, eh,” natatawa kong ani. Nginiwian niya lang ako pero hindi nakatakas sa akin ang lungkot sa mukha niya. Agad kong inalis sa kanya ang tingin dahil doon. “Aalis na po ako, 'Ma,” baling ko kay mama.
Niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit. “Mag-iingat ka, Tamara. Tumawag ka agad kapag naroon ka na.”
“Opo, 'Ma.”
Nang makakalas si Mama ay si Theo naman ang niyakap ko. Saglit lang dahil narinig ko na agad ang angal niya. Kahit kailan ay ayaw na ayaw niya na nagpapayakap. Napakaarte!
Humarap na ako sa kalsada at tumingin sa kaliwa’t kanan. Kahit alas singko pa lamang ng umaga ay marami ng dumadaan na mga sasakyan. May mga nagmamadali rin na naglalakad sa mga gilid ng kalsada, madalas sa mga ito nagta-trabaho sa pabrika.
Hindi naman nagtagal ay may dumaang dyip na may karatula sa unahan na Terminal. Agad ko 'yong pinara. Isang beses ko pa ulit niyakap sila Mama at nagpaalam na ako bago sumakay. Nang makaupo ay sumilip pa ako sa bintana at kumaway sa kanila habang papalayo ang sinasakyan.
Umayos ako ng upo nang lumiliit na sila sa paningin ko. Nawala ang ngiti na kanina ko pang suot. Binuksan ko ang knapsack na nakapatong sa aking hita at mula roon ay binunot ko ang isang puting envelop. Mabilis na nag-init ang bawat sulok ng aking mga mata at parang may kung anong bumabara sa lalamunan ko. Malalim akong nagbuga ng hangin bago muling maingat na isinilid iyon sa bag. Hindi hinahayaang madagdagan ang gusot niyon.
Bente minutong biyahe sa dyip, apat-napung minuto sa bus at kulang kulang tatlong oras sa barko. Pagkatapos niyon ay sumasakit na ang ulo ko sa pagod nang makarating sa pupuntahan. Tulad ng inaasahan, wala masyadong nagbago sa lugar na iyon ng Santa Isabela. Mapuno pa rin. May daan na maayos na ang pagkaka-semento pero mayroon pa ring mabato at lubak-lubak.
Sa unahan ng daungan ng barko ay may dalawang palapag na gusali. Bawat lumabas na tao sa barko, tulad ko, ay may nag-aalok ng paninda nila tulad ng chicharon, banana chips, at ube halaya.
Napapamura ako habang hinihila ko ang may kabigatang maleta. Masakit sa balat ang init na dulot ng tirik na tirik na araw. Mabuti na lamang at may dala na lamig naman ang hangin. Inilinga ko ang paningin. Sa kaliwa ay dead end na at naroon ang nakaparadang mga track. Sa kanan ko makikita ang daan palabas ng pier. Nakahanay roon ang mga pampasaherong tricycle at jeep. Mayroon ding mga van na sigurado akong pribadong pagmamay-ari ng ibang residente rito na naghihintay sa mga mahal nila.
Naglakad ako papunta sa paradahan ng tricycle para umarkila na ng masasakyan. Gustong gusto ko na
ng makauwi kina lola at makapagpahinga. Kahit nakatulog sa biyahe pakiramdam ko ay hindi sapat iyon. Kailangan kong ibawi ang puyat.
“Ito po ang bayad, Manong. Salamat po.”
Inabot ko ang bayad ko kay manong na tricycle driver. Mababakas na ang katandaan sa kulubot niyang mukha at balat. Puti na rin ang my kahabaang buhok nito.
Nangungunkt ang noo ko habang nakatingin kay manong. Pamilyar ang mukha niya pero hindi ko maalala ang pangalan niya kahit ano’ng hagilap ko niyon sa isip. Natatandaan kong isa siya sa palaging kasama noon ni Lolo Hymn kapag dadayo ito ng inom sa mga kaibigan nito. Palagi rin siyang nagdadala ng huli nitong isda sa bahay. Ngayon pala’y pamamasada na ang trabaho nito.
“Kaano-ano ka ni Hymn?” tanong ni manong na sumulyap pa sa likod ko kung nasaan ang bahay nila lolo.
“Apo po ako ni Lolo Hymn,” nakangiti at magalang kong sagot.
Tumango-tango siya. Hindi nakatakas sa akin ang lungkot na dumampi sa kanyang mukha.
“Mabuti pa ang bahay na iyan hindi nawawalan ng dalaw.” Malalim na buntong-hininga ang kasunod bago muling nagsalita, “Sige, ineng, mauuna na ako.”
Tanging ngiti ang isinagot ko. Saglit na napaisip sa sinabi niya at sa naging reaksyon niya pero mabilis ding iwinaksi iyon sa isip. Agad namang humarurot si Manong paalis.
Humarap na ako sa bahay. Nakangiti akong nagbuga ng hangin bago lumapit sa pulang gate na natutuklap na rin ang ibang bahagi ng pintura.
Mula sa kinatatayuan ko ay makikita ang isang maliit at sementadong bahay. Sa gilid ay may puno ng mangga. Sa bakuran ay may nagkalat na mga tuyong dahon. Madamo na rin ang bahaging iyon ng bakuran palibhasa’y walang regular na nag-aalaga.
Habang isinusuksok ang susi sa padlock ng gate ay nakarinig ako ng nagsalita sa likod na nakapagpatigil sa pag galaw ng mga kamay ko. At kahit ang buong katawan ko’y naestatwa, kabaligtaran ng pagbilis ng kilos ng puso ko. Malalim akong napasinghap nang muli siyang nagsalita.
“Asher? Ikaw 'yan, hindi ba?”
Matamis na ngiti na may halong pait, iyon ang mabilis na lumabas sa labi ko kasabay ng pamamasa ng mga mata nang makilala ang boses na iyon. Hinding hindi ko makakalimutan ang boses niyang isa sa minahal ko sa kanya.
Binitawan ko ang susi habang nakasuksok iyon sa padlock at tumayo nang tuwid. Nang malingunan ang tumawag sa akin ay lalong lumawak ang ngiti ko, lalo ring pumait ang pakiramdam. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko. Naghahalo ang saya at lungkot sa puso ko. Nag-iinit ang magkabila kong mga mata ngunit pinigilan ko na huwag papatakin iyon. Dahil ayokong makita niyang umiiyak ako.
“Sabi na nga ba’t ikaw iyan, eh,” masayang aniya kasabay ng pagturo sa akin. “Kapag talaga ikaw, kahit nakatalikod kilalang kilala ko,” masiglang dugtong niya.
“Felix,” tipid ngunit buong pagmamahal kong banggit sa pangalan niya. Ang pangungulilang naramdaman ko para sa kanya ay hindi kayang burahin kahit ng labis na pagod at puyat na nararamdaman ko ngayon.
Nanlaki ang mga mata ko sa sunod niyang ginawa. Mabilis siyang lumapit sa akin at binigyan ako ng mahigpit na yakap.
“Namiss kita, Asher.”
Hindi ko na kinayang pigilan pa kaya naman nagsimulang pumatak ang mga luha ko.
“Ikaw rin, namiss ko, Felix.”
Agad kong ginantihan ang yakap niya. Mahigpit din. Mahigpit na yakap na nagsasabing miss na miss ko siya at nagsusumigaw na ayaw na siyang pakawalan pa mula sa mga bisig ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top