Kabanata 6

"SUMAKAY na kasi tayo!" nagpapapadyak na pamimilit ni Liziel. Nakasimangot at salubong na salubong ang mga kilay. Kanina pa niya kami pinipilit na sumakay sa ferris wheel.

Kabado kong tiningnan si Dion Felix sa tabi ko. Agad din siyang lumingon sa akin. "Ayoko," umiiling at mahina kong ani

"Ayaw nga raw ni Asher. Kayo na lang ni Jayrald," baling niya kay Liziel.

"Bakit ba kasi ayaw mo?" nakangusong ani Liziel sa akin. "Mas masaya nga kung lahat tayo sasakay."

Tiningala ko ang malahiganteng bilog sa harapan namin. Nakatigil pa iyon at tinitingnan ko pa lang pero iba na ang kabang nararamdaman ko.

"Ayoko!" mariing tanggi ko muli.

"Huwag ka na mamilit, Liziel. Ayaw nga ni Asher, eh," ani Jayrald na umalis sa pagkakasandal sa barikada at lumapit sa amin.

Malalim ang naging pagbuga ni Liziel ng hangin. Nakasimangot habang matalim ang tingin sa akin.

"Sige na. Kayo na lang muna. Hihintayin na lang namin kayo rito," ani Dion sa kanila.

Hinawakan ako ni Dion sa siko at bahagya akong hinila pagilid. Nakasimangot pa rin si Liziel nang lampasan nila kami at nagtungo na sa pila.

Nakagat ko ang ibabang labi at malalim na napabuntong-hininga habang tinitingnan sina Liziel sa pila. Nakatingin pa ito sa akin. Nakasimangot at panay ang tango sa akin. Iling naman ang isinagot ko kaya humarap na siya sa unahan nila.

Muli kong tiningala ang ferris wheel.
"Last rides na ito pero hindi ko pa napagbigyan si Liziel."

"Okay lang iyan, Asher. Naiintindihan ka no'n."

Bumuntong-hininga ako.

"May fear of heights ka ba, Asher?"

Ibinaba ko ang tingin kay Dion saka ako umiling. "Wala."

"Eh, bakit ayaw mong sumakay?"

"Ayoko lang."

Gamit ang hintuturo ay kinamot niya ang pisngi, kunot ang noo.

"Natatakot ka?" muli niyang tanong.

"Hindi, ah!"

Pailalim niya akong tiningnan habang nakalabi. Alam kong hindi siya naniniwala.

"'Yong totoo?"

Panay lang ang iling ko at hindi ko siya sinagot.

"Sige na, sabihin mo. Okay lang iyan." Bahagya siyang lumapit sa akin at nakangiting bumulong, "Ako lang makakaaalam."

Bumuntong-hininga ako. "O-Oo na." Napatungo ako pagkasabi niyon. "Pakiramdam ko kapag sumakay ako roon at nag-umpisa 'yong umandar panay lang takot ang mararamdaman ko at hindi rin ma-e-enjoy."

Napaangat ang tingin ko sa kanya nang hawakan niya ako sa braso.

"Tara, sasakay tayo, Asher."

Nanlaki ang mga mata ko. "Ayoko nga!"

"Minsan ayaw nating tumikhim ng pagkain kasi natatakot tayong baka hindi naman masarap."

"Ano namang connect niyan?" Nakataas ang kilay kong tanong.

"Na palagi nating inuuna ang takot kaysa sumubok. Paano mo masasabi na kaya mo pala kung wala kang gagawing hakbang? Kaya harapin mo ang takot mo at labanan mo 'yon, Asher. Kahit umupo ka lang muna doon at pumikit. Unang hakbang na iyon."

Nag-aalangan ko siyang tiningnan.

"Paano kung kahit nakaupo..."

"Kasama mo naman ako, eh." Ang ngiti niya parang sinasabing kaya ko iyon. Humugot ako ng hangin at ibinuga iyon.

"Game!"

Lumapad ang pagkakangiti niya. Hinawakan niya ako sa kamay at lakad-takbo kaming nagtungo sa dulo ng pila. Nakita ko pa ang pagsunod ng tingin sa amin no'ng dalawa na parehong mababakas sa mukha ang tuwa.

"INHALE... exhale."

Sinunod ko ang utos ni Dion Felix. Nakapikit akong humugot ng hangin at saka ibinuga iyon.

"Tara!" ani ko nang magmulat.

Sumakay na kami ni Dion Felix. Nakasandal ang likod ko at gilid ng katawan; mariin ang kapit sa upuan.

Hindi ko maitago ang kabang nararamdaman nang tingnan ko si Dion na nasa harapan ko.

"Bakit ba gustong gusto rito ni Liziel!"

Parang nagsisisi akong sumakay ako. Ang lakas ng pintig ng puso ko na parang galit na galit siya. Maski yata 'yong puso ko naiinis dahil nakasakay ako ngayon dito.

Mahinang natawa si Dion. "Hayaan mo. Babawi tayo sa susunod."

Nakagat ko ang labi at mariing napapikit nang maramdaman ang paggalaw ng sinasakyan namin. "Pipikit lang ako rito tulad ng sinabi mo. Okay na 'to basta ang mahalaga naranasan kong sumakay!"

Muli akong napamulat nang marinig na may kumakanta. Wala na si Dion sa harapan ko. Nang lingunin ko ang gilid ko ay nakita ko siya roon. Ngumisi siya habang patuloy na kumakanta.

Wala pang isang minuto nahulog na ang loob ko sa iyo

Malakas akong natawa nang ibirit niya iyon. Nagpatuloy siya sa pagkanta. Kalaunan ay sinasabayan ko na rin iyon. Mukha kaming tangang dalawa roon. Parehong sintunado na nagsabay pa sa pagkanta.

"Hindi ka na kinakabahan?" nakangiti niyang tanong nang matapos namin ang kanta.

"Hindi na. Nawala 'yong kaba ko dahil sa pangit mong boses!" Napahagalpak ako ng tawa.

"Okay lang na pangit ang boses at least effective na pampawala ng kaba," nakangisi at mayabang na sabi niya. "Gawain ni mama 'yon noong bata ako tuwing natatakot ako kapag umuulan. Kinakantahan niya ako," nakangiti aniya.

"Kaya kinantahan mo ako ngayon?" Hindi ko maalis ang bahid ng pagkatawa sa mukha ko.

"Effective naman, 'di ba?" nagmamayabang niya akong nginisihan.

"Pero mabuti na lang talaga ako lang ang nakakarinig ng kanta mo," pang-aasar ko pa.

"Yabang mo, ah! Pangit din naman boses mo!" nakangusong aniya.

"Ah, talaga?" Mariin kong pinisil ang magkabilang pisngi niya at hinila iyon. Napapikit siya habang pigil ang tawa ko.
"Sinong pangit ang boses?"

"Ako!" natatawang aniya.

"Sinong maganda ang boses?"

"Si Asher!"

"Very good," nakangising ani ko saka tinapik ang magkabilang pisngi niya.

Matalim ang tingin niya sa akin habang hinihimas ng pisngi niya. Natatawa naman akong tumingin sa labas ng kinauupuan namin. Napanganga ako nang makitang nasa tuktok kami.

"Felix, tingnan mo nasa tuktok tayo!" sigaw ko habang hinihila siya sa braso. Nang lingunin ko siya ay nakatingin lang siya sa akin. "Tingnan mo!" masayang utos ko. Dumungaw siya sa gilid niya kaya ibinalik ko ang tingin sa

Pakiramdam ko para akong lumulutang. Rinig hanggang sa kinaroroonaan namin ang samu't saring ingay sa peryahan.

Mas namangha ako nang makita ang unti-unting paglubog ng hangin habang naroon kami sa tuktok. Nabahiran ng kulay kahel ang asul na kalangitan.

"Sabihin mo kapag kinakabahan ka."

Nilingon ko si Dion nang marinig ang sinabi niya. Sa akin na muli siya nakatingin kahit nakaharap sa gilid niya ang katawan. Nakangiti akong umiling. "Hindi na."

Hinarap niya ako nang tuluyan. "Hindi ka na talaga kinakabahan?" nakangiti niyang tanong.

"Hindi na," umiiling at ngiting-nguti kong sagot. "Thank you, Felix!"

Naningkit ang mga mata niya sa naging pag-ngiti. Inabot niya ang ilong ko at mahina 'yong piningot. Sa pagkakataon na iyon ay hindi ko tinampal ang kamay niya.

Nang mga oras na iyon nasabi ko sa sarili kong makakaya ko palang labanan ang takot ko basta nasa tabi ko si Felix. Dinepende ko ang sarili ko sa kanya dahil siya ang nagiging lakas ko sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob at sa tuwing nakakaramdam ako ng takot.

NAG-ANGAT ako ng tingin ngunit naalis ang kurba sa labi ko nang makita itong nangangamot ng ilong. Nang makita ang matalim kong tingin ay mahina siyang natawa.

"Teka, ang kati, eh!" reklamo niya pero agad bumalik sa pwesto kanina. Bahagya niyang itinagilid ang kanyang ulo, lumampas ang tingin niya sa akin at parang malalim ang iniisip katulad ng sinabi kong gawin niya.

Nakangiti kong muling pinag-aralan ang mukha niya. Mula sa kanyang itim at bagsak na buhok na nahahati sa gitna, ang hugis pusong mukha, ang makakapal na kilay, ang hugis pili na mga mata, katamtamang tangos ng ilong at ang may kakapalang labi. Hindi ko mapigilang mapangiti habang iginuguhit si Felix. Kahit sino'ng makakita sa kanya ay alam kong katulad ng iniisip ko ang unang tatakbo sa utak nila. Na magandang lalaki ito.

Sinipat ko ang tenga niya at iginuhit iyon sa bond paper na naka-ipit sa clip board. Nakaupo siya sa maliit na bangkito sa harapan ko at ako naman ay sa duyan.

"Susunduin kayo nina Tita Aileen kapag umuwi bukas?" tanong ni Felix. Tiningnan niya ako na tanging ang mga mata lang ang kumikilos. Seryoso ang kanyang mukha.

"Hindi ko alam, eh. Wala silang sinabi. Basta uuwi raw sila." O baka si Mama lang ulit ang uuwi. Pumait ang pakiramdam ko sa naisip.

Dumaan ang Pasko at Bagong Taon na si Mama lang ang umuuwi rito sa Santa Isabela. Kahit mga kamag-anak namin- mga tita at tito, at mga pinsan ko. Lahat sila umuwi. Si Papa lang ang wala.

Hindi ko alam kung itutuloy ko ang mag-isip ng masama gayong nakakausap naman namin ito kapag tumatawag si Mama.

Okay naman sila, 'di ba? Hindi naman siguro totoo ang tumatakbo sa isip ko? Gusto ko mang burahin ang mga iyon sa utak ko pero bumabalik at bumabalik pa rin. Isang taon na kami rito at sa tagal na 'yon hindi nagpakita si Papa sa amin kahit isang beses. Kaya paano ko bibitawan ang masamang tumatakbo sa isip ko?

Noong iwan nila kami rito, sabi lang nila na may aasikasuhin sila na mahalaga. Gaano ba kahalaga 'yon na hindi na magawang magpakita ni papa?

Malalim akong napabuga ng hangin. Dahil doon ay napalingon muli sa akin si Felix. Nawalan ako ng gana at hindi na rin naman makakapag focus nang mabuti kaya ibinaba ko na ang lapis. Umayos naman ng upo si Felix at tuluyan akong hinarap.

"Iniisip mo pa rin 'yon?"

Alam niya ang laman ng isip ko sa loob ng ilang buwan. Sinasabi ko sa kanya lahat-lahat. Wala akong naging lihim dahil kung hindi, kanino ko pa ipagkakatiwala ang bagay na sisira yata sa utak ko.

"Kapag totoo ang iniisip ko masasaktan ako, Felix."

Bumalatay ang lungkot sa kanyang mukha. Malalim na bumuga rin ng hangin kasabay ko.

Sumunod ang tingin ko nang hinawakan niya ang magkabilang gilid ng bangkito at iniangat iyon habang nakalapat pa rin ang pang-upo niya roon. Lumakad siya at tumigil sa harapan ko. May kaunting espasyo at hindi naman tuluyang dumikit sa akin.

"Kaya nga gawin na natin iyon, Asher, sige na."

"Itatanong kay mama?" Tumango siya. "Natatakot ako, Felix. Paano kung tama ang hula ko?" Agad nag-init ang mga mata ko. Hinawakan ni Felix ang mga kamay ko.

"Kung tama man iyon mas mabuti ng alam mo kaysa ganito na wala kang ideya sa totoong nangyayari. At paano kung hindi, 'di ba? Kaya mabuti na rin na itanong natin para mas mapanatag ka, Asher,"

Natin.

Hindi naman siya kasama sa gagawa pero ewan ko ba kung bakit laging iyon ang sinasabi niya. Pero dahil doon pakiramdam ko palagi akong may kasama sa lahat ng bagay.

Ilang beses pa akong pinilit ni Felix. Natatakot akong magtanong kay mama pero nang sinabi ni Felix na naroon siya habang kausap ko si Mama ay pumayag ako kaya katulad ng sinabi niya kinausap ko si Mama nang tumawag siya nang gabing iyon. Naroon nga si Felix. Pagkatapos ng paghahapunan nila ay nagtungo siya roon. Eksaktong alas sais. Ganoong oras palagi tumatawag si Mama.

"Hindi, anak. Bakit naman kami maghihiwalay ng papa mo?"

Napahagulgol ako matapos marinig iyon. Ilang buwan kong inisip ang bagay na iyon at ilang beses kong iniyakan iyon dahil pakiramdam ko iyon ang dahilan kaya hindi nagpapakita si Papa sa amin.

Naririnig ko ang pagsinghot ni mama kaya humingi ako ng sorry.

"Okay lang, Ate. Pasensya na, anak. Alam kong miss na miss ninyo na si Papa. Kapag okay na ang lahat dito magkakasama-sama ulit tayo. Pangako 'yan!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top