Kabanata 5
DOON nga sa Santa Isabela namin ipinagpatuloy ni Theo ang pag-aaral. Nakakapanibago lalo pa't wala pa naman akong kakilala maliban kay Dion at nakakalungkot pa na hindi ko siya naging kaklase dahil magkaiba kami ng section. Iyon na lang sana ang pampalubag ko ng loob sa sarili pero hindi pa nangyari.
Ang iba kong kaklase may mga kakilala na at grupo na rin ang iba. Mukhang matagal nang magkakaibigan ang mga iyon. Ilan lang ang katulad kong mag-isa pa at ang iba naman ay mukhang tahimik talaga at hindi mahilig makihalubilo. Pero akala ko'y susubsob lang ako sa upuan at dadamhin ang lungkot dahil doon pero ito at nakatingin ako sa tao na akala mo'y unggoy na nakabitin sa bintana.
"Baka naroon na ang teacher ninyo," sabi ko kay Dion Felix. Katatapos lang ng flag ceremony at nagpunta agad siya rito sa classroom namin para lang tingnan ako. Nasa labas nga lang, hindi pumapasok. Nakahawak ang dalawang kamay sa bakal ng bintana at nakalambitin. Mukha talaga siyang unggoy!
Bahagya niyang inilayo ang sarili sa bintana, nanatili namang nakahawak ang mga kamay sa bakal, para tingnan ang classroom nila na isang classroom lang ang pagitan sa amin. Nasa unahan kasi ang kanila at pangalawa sa dulo ang room namin. Malapit na kami sa canteen at sila naman ay malapit sa building ng third year at fourth year.
"Wala pa naman. Nasa labas pa ang iba kong kaklase."
May dumaan na dalawang lalaki at binati siya ng mga iyon. Mukhang kasing-edad lang namin pareho.
"Ano'ng ginagawa mo riyan? Akala ko section A ka?"
"Sinasamahan ko lang ang kaibigan ko."
Itinuro ako ni Dion Felix kaya nagawi ang tingin sa akin ng dalawa. Seryoso ko lang silang tiningnan. Sunod ay nagkatinginan ang mga ito at saka nanunuksong tumingin pareho kay Dion Felix na ikinasalubong agad ng mga kilay ko.
Mga lokong 'to!
"Kaya pala, ha!" natatawang ani ng isa. "May pinopormahan pala, eh," dagdag pa ng isa.
Napasimangot ako sa narinig. Saktong lumingon sa akin si Dion kaya nakita niya iyon.
"Mga gago kung anu-anong iniisip ninyo! Doon na nga kayo!"
Sapilitan niyang pinatalikod ang mga ito at mahinang itinulak. Sinubukan pa akong lingunin ng isa at kumaway sa akin. May sasabihin pa sana iyon pero nakita ko nang ibaba ni Dion ang kamay ng lalaki at muli 'yong itinulak.
"Lumayas na kayo! Layas!" pagtataboy ni Dion.
"Ayaw mo lang ipakiusap sa amin ang kaibigan mo, eh."
"Oo, ayoko kaya lumayas kayo!"
Tawa nang tawa ang dalawa. Ayaw pang maglakad at pilit akong nililingon pero patuloy silang itinutulak ni Dion. Sa huli ay naglakad din naman ang mga ito palayo pero muli pa kaming nilingon habang tinutukso si Dion.
Napapakamot sa ulo nang bumalik sa bintana si Dion Felix. "Mga loko," bulong niya.
"Sino ang mga 'yon?"
"Kaklase ko. Mapang-asar talaga ang mga iyon."
"Inaasar ka lagi?" nakataas ang kilay kong tanong.
"Hindi ako, 'yong iba."
"Pero inasar ka nila kanina," nakangisi kong ani.
"Eh, syempre nakita ka. Akala pinopormahan kita," depensa niya.
"Ow-kay," tipid kong sagot.
Inirapan niya ako na ikinalaki ng mata ko. Sumama ang tingin ko sa kanya na tinawanan niya lang. Sumubok siyang abutin ang ulo ko pero dahil alam kong guguluhin niya iyon ay mabilis akong lumayo sa kanya. Nagpakahirap pa ako sa pagtitirintas niyon, guguluhin niya lang?
Nakagawian na niyang gawin iyon simula nang sabihin kong magkaibigan na kami. Oo, iyon talaga ang unang ginawa niya after kong sabihin friends na kami.
"Sabi na nga ba hindi mo ako matitiis, eh," natatawang sabi niya habang nasa ulo ko ang kamay niya.
Ewan ko ba kung bakit pumayag akong kaibiganin 'yan. Eh, no'ng gabi naman bago iyon wala pa sa isip kong tanggapin ang pakikipagkaibigan niya. Siguro binulungan niya 'yong pandesal na binigay niya sa akin noong umaga na iyon kaya nagbago ang isip ko?
"Jayrald!"
Kumaway siya matapos isigaw 'yon. Nilingon ko ang tinawag niya. Nakita ko ang isang lalaki sa kabilang dulo at nakaupo sa mismong desk. Ngumisi ito nang makita ang tumawag sa kanya at palapit na ngayon sa p'westo ko. May kapayatan ito, nga lang ay matangkad tulad ni Dion Felix. Lumapit siya sa bintana at ibinitin din ang isang braso roon at umapak sa pasimano ng bintana.
"Ano'ng ginagawa mo diyan? Mukha kang unggoy!" natatawang anito.
"Ito si Tamara Asher, kaibigan ko." Turo sa 'kin ni Dion. Nilingon naman ako ng lalaki. Nakangiti siyang tumango sa akin na parang binabati ako.
"Transferee?" tanong nito habang nakatingin sa akin kahit mukhang hindi niya naman sa akin itinatanong iyon.
"Oo," sagot ni Dion Felix kasabay ng pagtango ko. "Bantayan mo, ha," dagdag niya pa.
Napasimangot ako sa narinig. Nakita iyon ng dalawa. Napangisi si Jayrald, pilit naman ang naging ngiti ni Dion Felix.
"Hindi naman kailangan," nahihiya kong ani.
"Sige ba, walang problema," ani Jayrald na hindi yata narinig ang sinabi ko.
Maya't maya ngang lumalapit sa akin si Jayrald at tinatanong kung okay lang ako. Si Dion Felix naman pagkakatapos ng isang subject ay makikita kong nakabitin na naman sa bintana. Buti na lang at hindi ako nailipat ng upuan at nanatili lang doon.
Kasabay kong kumain ng lunch ang dalawa sa canteen. Natapos naman ang unang araw ng pasukan na may naging kaibigan pa ako. Lalo pa't nakatabi ko ang isang transferee rin nang ayusin ng adviser ang seating arrangement bago nag-umpisa ang unang subject noong hapon.
"Liziel Mangubat," pakilala niya. "Transferee ka rin pala. Akala ko ako lang mag-isa. Nakakakaba!"
Para siyang nakahinga nang maluwag. Sa tingin ko naman kay Liziel na hindi ito mahihirapang makihalubilo. Kumpara sa aming dalawa, mas madaldal kasi siya.
"Akala ko nga rin mag-isa lang akong bago rito. Buti na lang pala nagkatabi tayo." Hindi mapigtas ang ngiti ko.
"Saang school ka dati?"
"Sa Saint John."
Bumakas ang pagtataka sa kanyang mukha. "Ha? Saan 'yon?"
"Sa Maynila."
Napanganga siya. "Ang layo naman! Eh, bakit ka nagtransfer dito?"
"Dito muna kami ng kapatid ko, eh. Ikaw?"
"Sa private ako dati. Dito na ako pinag-aral nila mommy sa public ngayong high school."
Dahan-dahan akong tumango.
"Okay lang sa 'yo?"
Wala naman sigurong pinagkaiba ang turo sa pribado at sa ganitong pampubliko, di ba? Pero nasisiguro kong mayroon pa ring pagkakaiba sa ibang bagay.
"Okay lang naman pero nakakapanibago rin. Doon kasi kakaunti lang ang kaklase ko pero dito marami." Natatawa niya pang inilibot saglit ang tingin sa mga kaklase namin. Maingay sa classroom dahil sa kanya-kanyang pag-uusap at ang maraming nag-uumpukan. "Tsaka doon may sariling school bus. Pero okay lang ako rito. Para ngang mas gusto ko rito kaysa sa dati kong school."
Bakas naman sa kanyang mukha na okay lang talaga siya rito at nag-eenjoy. Ako naman ay hati pa ang nararamdaman. Gumaan na ang pakiramdam ko at nawala na ang lungkot dahil dito na nga ako nag-aaral pero hindi ko pa rin masabi kung gusto ko na talagang manatili rito sa probinsiya. Humihiling pa rin kasi ako na matapos na nila mama kung ano mang ginagawa nila sa Maynila para makuha na ulit kami ni Theodore.
Tulad ng pangako ni mama ay umuwi siya noong sumunod na buwan para dalawin kami. Pero laking pagtataka ko dahil hindi niya kasama si Papa. Naulit nang naulit iyon noong mga sumunod na buwan. Nagtataka ako pero palaging sagot ni mama ay abala si Papa sa trabaho. Nakakausap lang namin ito kapag tumatawag sa telepono. Pansin kong may nagbago kay papa, ramdam ko pero hindi ko mawari kung ano iyon.
Marami na kaming napag-usapan ni Liziel noong unang araw at mabilis ngang nagkasundo. Naging friends niya rin si Jayrald na palagi pa rin akong pinupuntahan sa upuan at si Dion na palaging nakabitin sa bintana kapag walang klase. Silang tatlo ang palagi kong nakakasama sa loob ng school, at minsan kahit sa labas din. Kahit noong semestral break magkakabuntot kaming apat.
"Ito pa ang tinapay, Asher."
Inabot sa akin ni Dion Felix ang natirang buns. Kinuha ko naman 'yon at pinalamanan ng pancit canton. Sinalinan niya rin ng juice ang baso namin bago tinungga ang kanya.
"Ang daya! Dalawa lang ang nakain kong tinapay! Sino'ng nakalamang?" asik ni Liziel na nakapagpatigil sa akin sa tangkang pagkagat sa tinapay.
"Tatlo lang sa akin at kay Asher," agad na depensa ni Felix.
Tumigil ang matalas na tingin ni Liziel sa kaharap at sa ngayon ay punong puno ang bibig na ngumunguya.
"Tatlo lang din nakain ko!" asik ni Jayrald.
Napangiwi ako.
"Puno ang bibig mo!" asik din ni Felix at malakas na hinampas ang braso ng katabi.
"Ang dami na nga no'ng tatlo, umapat ka pa!"
"Hindi nga ako!" Ngayon ay mas malinaw na ang pagsasalita ni Jayrald dahil wala ng laman ang bibig.
"Eh, sino pa! Ikaw lang naman gahaman dito!"
"Baka ito!" Tulak niya kay Felix.
"Aba, hindi ako!" na tadyak ang iginanti kay Jayrald.
Hindi ko alam kung iikot ba ang mga mata ko o matatawa sa kanila.
Sa akin na napunta ang masamang tingin ni Liziel kaya natigil ang balak kong pagkagat muli sana sa buns. Bumaba pa ang matalim niyang mga mata sa tinapay na nasa bibig ko.
"Lalong hindi si Asher! Tatlo nga hindi niyan kayang ubusin!" agad na pagtatanggol ni Felix sa akin.
Dahil sa tinapay ay nagkagulo kami roon. Mabuti na lang at wala sila Lolo dahil nasa simbahan ang mga ito para sa pang-Miyerkules na simba para sa matatanda. Ang mga ito naman kaya narito ay dahil pupunta kami sa plaza. May peryahan doon at mga rides dahil malapit na ang fiesta.
"Sumakit sana ang tiyan ng nakaapat!" asik muli ni Liziel.
"Hindi ako!" asik ni Jayrald.
"Basta kung sino man iyon sasakit ang tiyan!"
Tawa na ako nang tawa habang nagpapauyuhan sa kung sino ang nakalamang nga. Natapos na lang namin ang pagme-merienda hindi pa namin nalaman kung sino ang salarin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top