Kabanata 4

WALA akong ginawa kung 'di ngumanga habang nagmamasid sa ganda ng karagatan. Asul na asul ang tubig at ilang maliliit na isla ang nakikita namin. Marahan ang alon kaya nawala na ang kaba na nararamdaman ko kanina habang sumasakay ng bangka. At nasa harapan ko rin naman si Dion.

Napanganga ako nang makita ang higanteng bato na parang si Hesus. Sa paanan niyon ay may butas na para bang kuweba.

"Iyan ang Isla Pueblo," ani Dion. "Isa sa dinadayo rito sa Santa Isabela. Sigurado akong magugustuhan mo rito," nakangiting dugtong niya.

Dumoble ang nararamdaman kong excitement. Mas nababali sa pagtingala ang leeg ko habang papalapit kami nang papalapit doon. Tumigil kami sa paanan ng higanteng bato na isang paikot na hagdan. Sa paligid ay may ilang bangkang nakatigil.

Naunang bumaba si Dion saka siya naglahad ng kamay at tinulungan ako sa pagbaba ng bangka. Tiningala ko ang imaheng iyon ng Panginoon. Nakakalula!

"Ang ganda, Dion!"

"Mas maganda pa sa loob, Asher. Tara!"

Sabay-sabay kaming naglakad papasok. Kung namangha ako habang nasa labas, dumoble iyon nang makapasok kami. Para 'yong simbahan, nga lang ay nasa loob ng kweba.

Dumiretso si Lolo Cristobal at ang pinsan ni Dion na si Rio sa gitna kung nasaan ang mga upuan. Nakuha naman ang atensyon ko ang dingding ng kweba. Umikot ako habang tinitingnan ang bawat nakaukit. Magmula iyon nang ipanganak si Jesus, noong kasama Niya ang labindalawang apostol, habang nilalatigo Siya, noong buhat-buhat Niya ang krus at noong ipinapako Siya roon. Parang inukit sa buong palibot ng dingding ng kweba ang buong buhay Niya.

"Nagustuhan mo ba rito?"

Nilingon ko si Dion na kanina pa tahimik na nakasunod sa akin. "Sobra, Dion! Sobrang ganda rito kaso..." Nilingon ko ang ilang kumukuha ng litrato. Nanghihinayang ako na hindi ko nadala ang camera ni papa. Sa sobrang excited ko kanina ay hindi ko na naisip iyon.

"May ibang pagkakataon pa naman, Asher. Makakapunta ulit tayo rito at makakakuha ng pictures," pang-aalo ni Dion na mukhang nabasa ang naiisip ko.

"Pero ito ang first time na nakapunta ako rito," nakasimangot kong ani.

"Tanda mo naman ang mga nakita mo, Asher, at ang pakiramdam nang makita mo ang mga iyon. Iyon naman ang importante, 'di ba?"

Napahinga ako nang malalim dahil may punto siya roon.

"Hayaan mo sa susunod nating punta rito magdadala ako ng camera. Pupunuin natin 'yon ng pictures."

"Sabi mo 'yan, ha?"

Lumapad ang pagkakangiti niya. "Promise!" aniya na nagtaas pa ng kanang kamay.

"Okay," ani ko at tipid akong ngumiti.

"Tara doon?" Turo niya sa gitna.

Tumango ako.

Pumwesto kami sa unahan kaya kitang kita ko ang nakaukit sa dingding, ang image ni Hesus na nakapako sa krus.

Inilibot ko ang paningin sa aking likuran. Maraming tao ang nakatungo at nakapikit. Tila ba nananalangin. Nang tingnan ko si Dion ay nakapikit din ito. Ang magkasalikop na mga kamay ay nasa tapat ng dibdib.

Humarap ako sa unahan at ginaya siya. Taos-puso akong nanalangin. Nang matapos ay nakangiti akong napabuntong-hininga.

"Anong ipinapanalangin mo?" tanong ni Dion.

"Na sana matapos na nila mama ang ginagawa nila sa Maynila. "

"Para makauwi na kayo?"

Nakangiti akong tumango. Nangunot ang noo ko nang marinig ang malalim niyang pagbuga ng hangin.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Bakit? Ayaw mo akong pauwiin?"

Nakangiti siyang umiling. "Hindi naman, Asher. Mamimiss lang kita kung uuwi ka na pero masaya ako dahil alam kong iyon ang matagal mo nang gusto."

Napaingos ako sa sagot niya.

"Eh, ikaw ano'ng pinagpray mo?" usisa ko.

Lumawak ang pagkakangiti niya. "Sana tanggapin mo na pakikipagkaibigan ko."

"Sorry pero mukhang hindi matutupad iyan."

Inirapan ko siya saka tinalikuran. Tumabi siya sa akin habang nag-iikot.

"Kung tatanggapin mo pakikipagkaibigan ko ako na ang pinakamasayang tao sa mundo."

"Ang OA mo!"

"Totoo, Asher!"

Tumigil ako sa paglalakad at nilingon siya. "Bakit ba gusto mo 'kong maging kaibigan?"

"Dahil gusto pa kitang makilala nang lubos, Asher." Ngumiti siya sa akin. Lumalabas ang biloy sa kaliwa niyang pisngi.

"Okay," tanging sagot ko saka siya tinalikuran.

"Eh, ikaw, bakit ayaw mong tanggapin ang pakikipagkaibigan ko?"

"Ayoko lang. Dapat bang may dahilan?" sagot ko na ikinatawa niya.

Patagilid siyang naglakad, nakaharap sa akin.

"Alam kong may malalim na dahilan."

"Walang malalim na dahilan. Ayaw lang talaga kitang maging kaibigan."

"Grabe ka naman sa 'kin," nanghahaba ang ngusong aniya.

Pigil ang tawa ko siyang tinalikuran.

Hindi na rin kami masyadong nagtagal doon dahil ayaw ni Lolo Cristobal na abutin kami ng dilim. Maski ang ibang naroon ay umaalis na.

Habang pabalik kami ay natutulala na lamang ako sa ganda ng kalangitan na may pinagsama-samang asul, pink at orange. Itinatatak ang mga nakikita sa aking isipan. Tama si Dion, ang mahalaga ay naaalala mo ang mga nakikita mo at 'yung saya at pagkamangha na nararamdaman mo habang nakikita ang mga iyon.

Nakarating kami sa pantalan. Nang makadaong ang sinasakyan naming bangka ay saka lang ako may napagtanto.

"Lolo, bakit bumalik na po tayo? Akala ko po mangingisda pa kayo?" takang tanong ko. Tiningnan ko pa ang buong bangka. Malinis, wala akong nakikitng gamit para sa pangingisda.

Sa sobrang excited kanina sa pagsakay sa bangka at sa pagpunta sa Isla Pueblo ay hindi ko na napansin na hindi pa pala nakakapangisda si Lolo Cristobal. Ngayon ko lang napansin na walang laman ang bangka maski isang huling isda.

Mahinang natawa si Lolo Cristobal. "Hindi ako mangingisda ngayon, hija."

"Po? Akala ko po..."

"Hindi ako mangingisda ngayon. Hiniling lang ng apo ko na samahan ko kayo papunta roon, hija."

Napanganga ako. Nilingon ko si Dion na nakababa na. Nakatingin ito sa akin.

"Tara na," nakangiting anyaya niya kasabay ng paglalahad ng kamay.


"EH, 'di magkaibigan na kayo ni Kuya Dion, ate?"

Matalim ang tingin ko nang lingunin ko si Theo na masarap na pagkakahilata sa papag samantalang ako naglalatag pa dito sa ibaba niya. May banig na naman roon pero dinodoblehan ko pa ng kutson.

"Hindi, ah!"

"Ha? Bakit hindi pa rin?"

"Eh, sa ayoko pa rin, eh!" masungit kong ani. Humiga na ako.

"Palagi na po kayong nag-uusap, 'di ba?"

Umirap ako. "Kapag nag-uusap ibig sabihin magkaibigan na?"

Dumungaw siya sa akin. "Bakit ba kasi ayaw mong makipagkaibigan kay Kuya Dion, ate? Mabait naman siya, ah?"

"Eh, basta ayoko!"

Tumalikod na ako sa kanya. Pumikit pero agad nagmulat ang mga mata. Tumama ang tingin ko sa dingding malapit sa pinto. Nakadikit doon ang white bondpaper kung saan ko iginuhit ang Isla Pueblo.

Higit isang linggo na pero hindi maalis-alis sa isip ko ang ginawang iyon ni Dion. Aaminin kong lumambot ang puso ko nang malaman na hindi naman talaga mangingisda si Lolo Cristobal at nagpunta lang kami roon dahil hiniling ni Dion.

Sabagay, wala naman siyang sinabi na mangingisda si Lolo Cristobal nang hapon na 'yon, 'di ba? Tumango-tango ako sa naisip.

Pero ginawa niya iyon para matupad ang gusto mo!

"Pero wala akong sinabing gawin niya iyon!" malakas na sambit ko at napaupo pa.

"Ha? Ano 'yon, ate?"

Napalingon ako kay Theo. Nakakunot ang noo niya at takang-taka akong tinitingnan.

"Wala! Sabi ko matulog ka na at baka bukas pahirapan na naman ako sa panggigising sa 'yo!"

Humiga akong muli at itinaklob ang unan sa mukha ko.

"GISING na sabi, Theo!"

Hindi ko siya tinigilan hangga't hindi siya bumabangon. Hinahampas ko na nga siya ng unan. Sabi na nga ba't mahihirapan na naman ako sa panggigising dito, eh!

Nakakainis! Lagi na lang ganito ang eksena namin tuwing umaga!

"Ate naman, eh!" Mabilis siyang umupo at sinamaan ako ng tingin. "Wala pa namang pasok, ah?"

Nanlalaki ang mga mata kong tumango. "'Di ba sabi nila mama matuto kang gumising nang maaga?"

Marahas siyang napabuga ng hangin at akala mo'y iiyak na. Bumagsak ang balikat nito nang mabanggit si Mama. Alam niyang isusumbong ko siya kapag hindi siya sumunod sa akin.

Nakasimangot at matamlay siyang bumaba ng kama. Walang buhay siyang tumayo sa gilid habang inaayos ko ang hinigaan niya. Ang hinigaan ko naman sa lapag ay nakaayos na kanina pa. Ipinatong ko lang sa kama ang mga unan ko bago kami sabay na lumabas.

"Kuya Dion!"

Bumagal ang pagsasara ko ng pinto nang makita kung sino ang nasa lamesa kasama ni Lolo.

Kung katulad ng ibang araw ay baka nakikipag-unahan ako kay Theo papunta sa hapagkainan pero ngayon ay mabagal maski ang bawat hakbang ko habang nakatutok pa rin ang tingin sa nakangiting lalaki. Kinakausap na nito ang kapatid kong nakaupo na sa tabi niya.

"Oh, maupo na, Tamara."

Nang marinig ang sinabing iyon ni Lola ay nilingon ako ni Dion. Maganda ang pagkakangiti nito. Ako naman ay nanatili ang seryosong mukha kahit pa panay na ang pag-iisip kung bakit narito siya nang ganitong kaaga.

Tuluyan akong nakalapit sa lamesa. Umupo ako sa harapan nila ni Theo. Sa tabi ko naman umupo si Lola. Si Lolo ay nasa unahan na kanina pa nagbabasa ng diyaryo.

"Kumain na kayo mga apo. Ito, pandesal. Ipinasuyo ko rito kay Dion."

Nasagot niyon ang tanong ko. Naimbitihan marahil siya ni lola na rito na mag-agahan nang magpabili sa kanya ng pandesal.

Tipikal na pang-agahan ang nakahain sa hapag. Sinangag, hotdog, itlog, tuyo, pandesal. May gatas din para sa amin ni Theo. Sa tapat nina lolo, lola at Felix ay kape. Napatitig ako sa isang baso ng gatas sa harapan ko bago tiningnan ang tasa ng kape ni Felix. Naisip ko tuloy kung masyado na ba akong matanda para sa gatas.

"Asher."

Nag-angat ako ng tingin kay Dion. Nakita ko ang hawak niyang pandesal na nakalahad sa harapan ko. May palaman iyon na itlog.

"Pinagpalaman kita," nakangiting aniya.

Nag-aalangan pa ako kung kunin iyon pero kinuha ko na rin nang

"Nako, hayaan mo na si Tamara na kumuha ng kanya, Dion at kumain ka na. Matanda na 'yan si Tamara."

Napasimangot ako sa sinabi ni lolo saka kumagat nang malaki sa pandesal.

Tahimik ako habang kumakain. Nakikinig lang ako sa pag-uusap nina lolo at Dion. Kinakamusta nila ang papa niya na napag-alaman kong sa Batangas nagta-trabaho.

At habang nakikinig ako sa pag-uusap nila ay abala rin ako sa pag-iisip kung paano sasabihin kay Dion na payag na akong maging friends kami.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top