Kabanata 25
𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝
"NAKAKAMISS ‘to," nakangiting sabi ko habang nakatitig sa karagatan.
"Ako o itong lugar?"
Nakangiti siya nang lingunin ko.
"Ako?" nanunuksong tanong niya pa ulit.
"Ang Santa Isabela."
Napasimangot siya na ikinatawa ko.
"Ikaw naman ang kahulugan ng lugar na ‘to para sa akin, eh. Kapag sinabi kong Santa Isabela, ikaw ‘yon. Namiss ko ang Santa Isabela."
"Sabi na nga ba't namiss mo ako, eh!" malapad ang ngiti na aniya.
"At mahal na mahal ko ang Santa Isabela, Felix."
Ang magandang pagkakangiti niya ay unti-unting nawawala kaya mabilis kong inabot ang kanyang mukha at hinaplos iyon.
"At gusto kong masaya lang ang Santa Isabela. Palagi."
"Akala ko handa ka ng palayain ako, Asher?"
Mabilis na nag-init ang mga mata ko at pumatak ang mga luha roon.
"K-Konti pa. Kaunti na lang. Please? G-Gusto pa kitang makasama, Felix."
"Oh, sige. Hindi na ako, aalis. Huwag ka ng umiyak, Asher."
Nangatal ang baba ko at tahimik na napahagulgol nang maramdaman ko ang yakap niya. Mabilis kong ipinulupot ang mga braso ko sa kanya at mahigpit siyang niyakap.
"Sasama na lang ako sa 'yo."
Mabilis ang kilos niya nang akmang lalayo sa akin pero hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya. Ayaw ko siyang pakawalan.
"Hindi pwede, Asher! Asher!"
Paulit-ulit siyang kumakalas habang isinisigaw ang pangalan ko. Mas hinihigpitan ko pa ang pulupot ng mga braso ko sa kanya kasabay ng bawat hagulgol.
"Kapag sumama ka sa akin, paano mo matutupad ang pangako natin sa isa't isa? Asher!"
Nagising ako sa pagkakatulog at napabalikwas ng bangon. Mariin akong napapikit. Naitukod ko ang mga braso ko sa mga binti ko at nahahapong sinapo ang aking mukha.
"Nanaginip ka na naman?"
Napalingon ako sa kanan ko. Nakaupo si Felix sa kama. Inabot niya ang pisngi ko at hinaplos iyon.
"Halika, Asher."
Humiga siya. Idinipa niya ang kaliwang braso kung nasaan ang unan ko. Humiga akong muli at umunan sa braso niya. Marahang humahaplos ang kamay niya sa aking ulo, habang ang isa ay marahang tumatapik sa aking balikat.
"Paggising ko bukas nariyan ka pa ba?"
"Oo, Asher. Nandito lang ako."
Mahigpit ko siyang niyakap. Idinikit ko ang kanang tenga ko sa kaliwang dibdib niya at pinakiramdaman iyon. Napapikit ako nang marinig ang mararahang tibok ng puso niya roon.
***
𝚂𝚎𝚙𝚝𝚎𝚖𝚋𝚎𝚛 𝟸𝟶𝟷𝟽
NANG mga sumunod na araw ay dumalas ang pagliban ni Felix. Sa tuwing tatawag ako, madalas na hindi siya sumasagot. Kung sasagot man, agad na magpapaalam siya at palaging sinasabi na may gagawin siya. Kapag tinatanong ko naman siya kung bakit absent siya, palagi niyang sinasabi na masama ang pakiramdam niya.
Ramdam ko ang mga pagbabago sa kanya. Parati siyang irita sa tuwing sasagutin niya ang tawag ko. Agresibo kung magsalita; wala na ang lambing. Na para bang ang pagtawag ko ay isa ng malaking abala para sa kanya. At sa tuwing sasabihin ko na pupuntahan ko siya ay nagagalit siya at basta na lang din ibababa ang tawag. Kaya naman pumupunta na lamang ako kina Tito Roque nang hindi nagsasabi sa kanya. Pero sa ilang beses na iyon hindi niya ako hinarap.
"Ayaw talaga, Tamara," malungkot at umiiling na ani Tito Roque.
Nanikip ang dibdib ko. Nakagat ko ang labi ko nang magsimulang pumatak ang luha ko. Mabilis ko 'yong pinunasan.
"Kumusta po siya, Tito? Nagkakausap po ba kayo? Bakit hindi raw po siya pumapasok?"
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Tito Roque. Nababasa ko ang awa sa mga mata niya.
"Sinusubukan ko siyang kausapin, Asher. Pero palagi lang siyang nakakulong sa kwarto niya."
"May hindi siya sinasabi, Tito. May inililihim siya sa atin. Please po! Palabasin ninyo po siya sa kwarto. Gusto ko po siyang makita."
"Tamara..."
"Gusto ko po siyang makita, Tito."
Hindi ko mawari kung ano ang gagawin ko. Namimigat ang dibdib ko sa pag-aalala. Nangangatal ang ibabang labi ko at wala na akong nagawa, kahit nasa harapan nito Tito Roque ay napatungo na lang ako at napahagulgol.
Pero pinahinahon lang ako ni tito. Hindi niya pinagbigyan ang hiling ko. Hinatid niya ako pauwi at sinabihang tatawagan kapag nakausap na niya si Felix. Pero dumaan ang maghapon nang sumunod na araw, wala akong tawag na natanggap. At wala ring sumasagot sa tawag ko sa kanilang dalawa.
Kaya nagpasya kong bumalik. Babalik ako nang babalik hanggang sa makaharap ko si Felix. Hindi ako matatahimik nang hindi siya nakikita at nakakausap. Hanggat hindi ko nasisiguro na maayos siya.
Kulang ang salitang pag-alala at takot sa nararamdaman ko habang nasa biyahe. Taranta akong nakaupo sa jeep. Kung pwede ko lang utusan ang driver na bilisan at huwag ng tumigil ay baka kanina ko pa ginawa. Mangiyak-ngiyak na ako nang ilang beses na maipit sa traffic. Kaya naman nang makarating sa kanto kung saan ang daan papunta sa bahay ni Tito Roque ay tinakbo ko na iyon. Hindi alintana ang init, ang pawis, at ang bigat ng dala kong bag.
Sarado ang shop ni Tito Roque na nasa gilid ng bahay nito. Maski ang buong bahay ay sarado ang mga pinto at bintana. Tumawag ako nang tumawag kasabay ng paulit-ulit na pagdo-doorbell habang tumatawag din kay Felix sa cell phone na bigo ako sa lahat. Walang lumabas sa bahay, at hindi sinagot ni Felix ang tawag ko. Kahit si Tito Roque ay hindi sumasagot nang tawagan ko kaya mas lumala ang pag-alala ko.
Iba na ang pakiramdam ko. Parang may nagsasabi na sa akin na may nangyayaring hindi maganda.
Tumutulo na ang mga luha ko, na sumasabay sa pamamawis ng buo kong katawan. Mahinang napapahikbi habang palinga-linga at naghahanap ng mapapagtanungan, nakatapat pa rin sa tenga ang cell phone na panay lang ang pari-ring. Pero parang walang nakakaalam kung nasaan sila dahil dinadaanan lang ako ng nagtatakang tingin ng mga taong dumadaan.
"Nako, ineng, wala yatang tao diyan."
Mabilis akong napalingon sa pinanggalingan ng boses. Nakita ko sa katapat na bahay ang isang ginang na nakadungaw sa gate ng mga ito.
Ibinaba ko ang kamay na may hawak na cell phone. Tumawid ako sa maliit na kalsada kasabay ng pagpupunas ng braso sa mukha ko at sa pawisan kong noo.
"Ah, nasaan po kaya?" malumanay kong tanong.
"Siguro'y nasa ospital pa. Ang alam ko'y dinala na naman kagabi ang pamangkin ni Roque na nakatira diyan sa kanya."
"O-Ospital po?" Pamangkin? S-Si F-Felix?
"Aba'y ilang araw na ring pabalik-balik ang batang iyon sa ospital."
Para akong nabibingi sa mga narinig. Hindi ko alam kung paano ako nakaalis doon. Hindi ko na matandaan kung tumakbo ba ako palabas ng highway. Kung paano ako nakasakay ng jeep papunta sa ospital na binanggit ng ale na hindi ko na rin maalala kung napasalamatan ko ba. Nagising na lang ang diwa ko habang luhaang naglalakad sa pasilyo patungo sa kwarto ni Felix na binanggit ng nurse. At nang matigil ako roon, ang pagmamadali kong makapunta roon, ay nilisan ng takot na makapasok at makita kung ano'ng madadatnan ko sa loob ng kwartong ito.
Napayuko ako nang muling manlabo ang paningin ko dahil sa mga luha. Agad din akong napatingin sa pinto nang bumukas iyon.
Kasabay ng pagrehistro ng gulat sa akin, ay nakita ko rin nang matigilan si Tita Mylene. At ang una ko agad napansin sa kanya ay ang namumugto niyang mga mata.
"T-Tamara."
Mabilis akong lumapit sa kanya. "T-Tita, s-si Felix po? Sinabi po na dinala daw po si Felix dito. Gusto ko po siyang makita."
"T-Tamara..."
Taranta niyang tiningnan ang pinto sa kwarto. Nakasara na iyon kaya ipinagtaka ko ang kilos niya. Ayaw ba niyang malaman ko kung sino ang naroon?
"Tita, g-gusto ko pong makita si F-Felix. G-Galing po ako kina Tito Roque p-pero wala siya roon."
"Hindi pa kayo magkakausap ngayon nang maayos ni Dion, Tamara. Ang mabuti pa bumalik ka na lang bukas, ha?" puno ng kahinahunan niyang sabi habang hinahaplos ang mukha ko.
"P-Pwede ko po bang m-malaman kung bakit narito siya?"
Napayuko si Tita Mylene. Nakita ang pag-aalinlangan sa kanya. Mahigpit kong hinawakan ang mga kamay niya.
"Ti-Tita, please. Gusto ko pong malaman. Pakiusap po."
Tikom ang nangangatal na bibig nang tingnan niya akong muli. Wala pa mang sinasabi ay sumabog na ang luha niya.
"May... M-May brain tumor si Dion, Tamara. May sakit ang anak ko! Diyos ko!"
Parang umurong ang luha ko. Nasundan ko lang ng tingin si Tita Mylene nang mapaupo siya sa sahig at doon malakas na umiyak. Parang nawalan ako ng buhay ang puso ko pagkatapos kong marinig iyon. Pakiramdam ko nang mga sandaling iyon ay parang tumigil sa pagtibok ang puso ko. Para akong nawalan ng buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top