Kabanata 23

NAKANGITI kong binuksan ang drawer sa study table ko. Mula roon ay kinuha ko ang isang kulay pula at hugis puso na gawa sa lata. Nilagyan ito ng chocolates noon at nang maubos ay basta ko na lang ginawang gift box ko. Cute naman siya. May drawing na bulaklak sa ibabaw. Maingat na inilagay ko roon ang shell bracelet. Hinuhubad ko iyon sa tuwing matutulog, baka kasi mapigtas.

Napangiti ako nang makita ang mga laman niyon. Kinuha ko ang isang sparkly key chain letter F. Kulay blue iyon. Si Felix din ay mayroong katulad nito. Letter A naman sa kanya. Regalo iyon ni Felix. Tig-isa kami pero pinagpalit niya ang letter ng  initial namin. Hindi ko na ibinalik iyon sa gift box at isinabit iyon sa aking itim na backpack ko.

Sunod kong kinuha ang isang maliit na picture. Napahagikgik ako nang makita iyon. Kaming apat ni Felix, Jayrald, at Liziel. Picture namin iyon nang mag fiesta sa Santa Isabela Ang hagikgik ko ay nauwi sa isang tipid na ngiti nang mapatitig ako kay Liziel. Tatlong taon na rin pala simula noong huli kaming nagkita. Wala na rin akong naging balita sa kanya. Ang huli na lang ay 'yong nagkausap sila ni Felix. Malalim akong napabuntong hininga at ipinatong sa lamesa ang litrato.

Muli akong napangiti nang makita isang may katamtamang taas na glass na may laman na mga papel na singsing. Iba't ibang kulay ng singsing at iba-iba ang disenyo sa ibabaw niyon. Mayroong puso, paru-paro, at bulaklak. Regalo iyon sa akin ni Felix noong fifteenth birthday ko. Naalala ko tuloy ang sinabi niya noong unang beses na bigyan niya ako ng papel na singsing. Na sa susunod daw ay totoong singsing na iyon. Kung ngayon niya sasabihin 'yon, baka nagkaroon ako ng sagot. Na kahit hindi totoo, kahit papel na singsing pa rin ang paulit-ulit na ibigay niya sa akin ay ayos lang. Ang mahalaga naman ay siya na nagbigay at kahit na ano na ibibigay niya. Kaya walang kaso sa akin kahit papel na singsing.

Kinuha ko ang bote at inalis ang gawa sa kahoy na takip niyon. Kumuha ng isang papel na singsing at isinuot iyon sa palasingsingan ko. Napangiti ako nang magkasya iyon, saktong sakto.

Hinugot kong muli iyon sa daliri at wala sa sariling binuklat ko iyon. Na-curious ako kung paano iyon ginagawa ni Felix. Pero hindi ko inaasahan ang nakita ko roon. Sulat kamay ni Felix. Dali-dali ko 'yong inilapit at binasa.

May 9, 2012- Nakilala ko si Theo. Itinanong ko kung ano'ng pangalan mo. Tamara Asher daw. Asher, alam mo bang happy and blessed ang meaning ng pangalan mo? At ganoon ang naramdaman ko nang makilala kita.

Nakanganga at nanlalaki ang mga mata na muli ko 'yong binasa. Nagpalipat-lipat ang tingin ko roon at sa mga kasamahan pa niyon. Muli akong kumuha at binuklat iyon. Hanggang sa lahat ay nabuklat ko na. Ngayon ay dumadaloy na ang luha sa aking pisngi habang mahinang humihikbi kahit nakangiti. Lokong Felix iyon. Hindi man lang sinabi na may ganito 'to? Samantalang dalawang taon na ito sa akin.

Natatawa na lamang ako. Hindi ko akalain na may paganito pa pala ito. Muli kong kinuha ang mga papel at pinagsunud-sunod ang petsa niyon saka muling binasa.

May 2, 2012- Unang beses na nakita kita papasok ng bahay nila Lola Rita kasama ang mga magulang mo. Ang cute mo kahit nakasimangot ka.

"Ito siguro 'yong unang dating namin sa Santa Isabela. Nakita niya pala ako no'n?" nakanguso kong ani.

May 7, 2022- Ilang araw na kitang nakikita sa bakuran nila Lola Rita. Napakalungkot mong tingnan. Gustong gusto kitang lapitan pero inaabot ako palagi ng hiya.

"Sus! May hiya ka pala!" natatawa kong komento.

May 9, 2012- Nakilala ko si Theo. Itinanong ko kung ano'ng pangalan mo. Tamara Asher daw. Asher, alam mo bang happy and blessed ang meaning ng pangalan mo? At ganoon ang naramdaman ko nang makilala kita.

"Hindi ko alam 'yon, ah? Paano naman niya nalaman 'yon?"

May 10, 2012- Grabe! Na-reject ang pakikipagkaibigan ko. Totoo nga ang sinabi ni Theo, masungit ka nga pala, Asher! T.T

Malakas akong natawa dahil sa nasa dulo. Umiiyak kasi ang ibig sabihin no'n.

May 15, 2012- Pero siyempre hindi ako susuko. Kahit napakasungit mo T.T pero lalo lang akong natutuwa, Asher. Ang ganda mo kasi kahit nagsusungit ka. Tsaka pakiramdam ko, facade mo lang iyan.

"Facade? Bakit mo naman nasabi, ha?" nakangusong pagkausap ko sa papel.

Pero noon palagi niya akong sinasabihan na hindi raw bagay sa akin ang pagiging masungit.

May 16, 2012- At noong malaman kong natatakot ka na mamalagi sa Santa Isabela, pakiramdam ko kailangan kong gumawa ng paraan para mahalin mo ang Santa Isabel, Asher.

Tipid akong napangiti. Naalala ko na palagi niya akong kinukulit na kaibiganin siya. Iyon daw ang paraan para gustuhin ko ang mamalagi sa Santa Isabela. At nagkatotoo naman. Minahal ko ang Santa Isabela dahil naroon siya.

May 17, 2012- Hindi ko makakalimutan ang unang beses na napangiti kita, Asher. Grabe, dahil pa sa palitaw! :D

Malakas muli akong natawa. Naaalala ko pa ito. Akala ko nagtampo siya at nag walkout dahil ayaw ko siyang kaibiganin, iyon pala ay bumili lang ng palitaw.

May 19, 2012- Sabi ko naman sa 'yo, ako ang pinakamasayang tao kapag tinanggap mo ang pakikipagkaibigan ko. Halos mapunit ang labi ko at halos hindi ako makatulog dahil hindi ako makapaniwalang tinanggap mo na ang pakikipagkaibigan ko, Asher. Salamat mahal kong Asher! T.T

"Mahal—baliw!" natatawa kong ani. Feel ko si Felix. Kasi sa mga oras na 'to halos mapunit din ang labi ko kakangiti.

June 21, 2012- Kapag papasok tayo sa school, para laging first day of school, nakaka-excite. Kasama kasi kita, Asher :)

"Sus, arte mo!" bumubungisngis na komento ko.

October 17, 2012- Siguro curious ka sa monay incident. Sasabihin ko na kung sino ang salarin. Si Theo 'yon, Asher. Dumukwit siya habang nagluluto kayo ni Liziel ng pancit canton. :D Hindi naman siguro sumakit ang tiyan ni Theo, 'no? T.T

Napanganga ako saka malakas na natawa. Si Theo lang pala ang salarin no'n. Eh, halos gisahin kami ni Liziel no'n.

October 17, 2012- Alam mo bang first time kong naramdaman na gusto kita habang nakasakay tayo sa ferris wheel? At nasiguro kong gusto talaga kita habang tumatagal, Asher.

Nawala ang ngiti ko sa nalaman habang malakas na pumipintig ang puso ko. "Simula pa no'n?" Kung gano'n, matagal na niya akong gusto bago ko pa siya magustuhan.

December 25, 2012- Unang pasko na kasama ka. Ang saya-saya ko, Asher! Sana marami pang pasko na makasama kita. Salamat sa regalo mo. Habang tinitingnan ko 'tong mukha ko na di-nra-wing mo, napapatunayan kong gwapo talaga ako.

Natatawa akong napailing. "Feeling mo!"

January 1, 2013- Unang bagong taon na kasama kita, Asher. Masaya ka na naman na may gwapo kang kasama hanggang tumuntong ng 2013? Tsk tsk!

"Ang feeling mo talaga!" natatawa ko muling komento.

August 2, 2013- Noong malaman kong may crush ka, aaminin kong nalungkot ako, Asher. Ayokong makaramdam ng selos kasi siguradong magagalit ka. Pero hindi ko napigilan, Asher, lalo kapag nahuhuli kitang nakangiti. Totoo pala 'yong pakiramdam na hihilingin mo na sana ikaw na lang 'yong gusto ng taong gusto mo.

"Baliw talaga! Ikaw nga 'yon, eh!"

Nangunot ang noo ko nang may mapagtanto. Tiningnan ko ang hawak na papel bago inilipat ang tingin sa mga papel na nasa lamesa.

"Ibig sabihin... ginawa mo ang mga 'to sa mismong araw ng mga 'yon?" Pagkausap ko na akala mo'y naroon lang si Felix. Napanganga ako saka natawa. "Hindi ko alam na ganito ka, Felix. Ginawa mong diary, ah?" Nakangiting napailing pa ako.

August 15, 2013- Nang tanungin ako ni Liziel kung gusto ko siya. Gustong gusto kong aminin sa kanya na hindi dahil ikaw ang gusto ko. Pero hindi ko magawa. Natatakot akong malaman mo 'yon, at mag-iba ang tingin mo sa akin.

Malalim akong napabuntong-hininga. Hanggang ngayon pala madadama ko pa rin 'yong lungkot kapag maaalala 'yon. Hindi ko alam kung bakit nagawa 'yon ni Liziel. Hindi naman niya gusto si Felix kaya bakit niya isasabotahe 'yong plano namin? At bakit siya magsisinungaling? Baka rin gusto niya talaga si Felix at ayaw lang niya sabihin sa akin?

October 17, 2014- Nang sabihin ni Liziel na ako ang matagal mo ng gusto, hindi ko napigilan ang umiyak sa sobrang saya, Asher. At dalawang taon simula nang madiskubre ko sa sarili ko na gusto kita, sa wakas nagawa kong magtapat sa 'yo. Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na ito, Asher.

Napangisngis ako. "Pareho pala tayo kung gano'n. Hindi ko rin kasi nakakalikutan ang petsa na 'yan."

Iyon na ang huling papel. Natatawa na lang ako habang naiiling. Hindi ko akalain na may paganito si Felix. Sana man lang sinabi niya 'di ba? Kung hindi ko pa naisip buklatin ay hindi ko pa malalaman.

Ngayon pi-no-problema ko kung paano ibabalik ang mga 'yon sa pagiging singsing.

"Ipagawa ko kaya ulit sa kanya?"

Dinampot ko ang cell phone ko sa gilid at nagpadala ng text message sa kanya.

Ako: Hoy, bruho! Nabasa ko 'yong mga isinulat mo sa mga paper rings sa glass. Hindi ko alam na may ganito 'to. Sana sinabi mo 'di ba? Late ko na tuloy nabasa :( Pero ang problema, paano ko ibabalik 'to? Dalhin ko kaya bukas? Gawin mo ulit singsing :D

Inalis ko ang mga laman ng aking gift box at doon inilagay ang mga papel. Saka ko iyon isiniksik sa loob ng bag ko.

Tiningnan ko ang cell phone ko. Wala pang reply si Felix. "Baka tulog na?" hula ko habang nagtataka.

Alas siyete pa lang, ah? Tulog na agad siya?

Kanina sabi niya kakain lang siya pero hindi na ulit tumawag.

Ipinagkibit ko na lang 'yon ng balikat at bitbit ang cell phone na humiga sa kama. Nakatitig sa kisame, natatawa na lang ako kapag naalala ko ang mga nabasa ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top