Kabanata 21
NAG-UMPISA ang unang taon namin ni Felix sa kolehiyo. Magkaiba ang schedule namin kaya naman gumagawa kami ng paraan para makapagkita pa rin sa kabila ng pagiging busy. Lunes at Huwebes ay halos pareho ang schedule ng pasok namin kaya naman nagkakasabay kami ng pagla-lunch. Sa ibang araw ay hindi pero hinihintay niya naman ang out ko sa araw-araw para magkaroon kami ng time sa isa't isa bago umuwi. At ganoon din naman ako kapag klase ko ang unang natatapos.
Kapag may program sa school ay madalas na magkasama kaming dalawa. Dahil doon ay naging kaibigan ko na ang mga naging kaibigan niya sa university at ganoon din siya sa mga kaibigan ko roon.
Kapag weekends, katulad ng sinabi niya ay tumutulong siya kay Tito Roque. Minsan kapag natapos siya sa trabaho roon ng Sabado ay pumupunta pa siya sa amin at hindi nawawalan ng pasalubong na palaging si Theo ang mas nakikinabang. Minsan naman, dahil patuloy akong nag-iipon, kaya madali sa akin ang pumunta na lang kina Tito Roque. Pinapayagan naman ako ni mama. Isang sakay lang din naman ng jeep mula roon hanggang sa bahay kaya hindi ako natatakot. Sa ibang parte kasi ng Maynila takot na akong bumiyahe dahil pakiramdam ko maliligaw ako. Mabuti nga at isang sakay lang din ng jeep ang patungo sa university.
Tuwing Linggo ng hapon ay sumisimba kami nila mama at palagi ay sumasabay si Felix sa pagsisimba namin. Bago umuwi ay kumakain muna kami sa labas, minsan naman ay sumasa siya sa bahay kapag inaanyayahan ni mama.
Kapag exam weeks, hindi na muna kami ganoong nagkikita. Inilalaan namin ang mga oras na nasa bahay sa pag-aaral. Sa university naman ay sabay kaming nagre-review.
Naging ganoon ang routine namin ni Felix sa buong taon. Napakasarap talaga sa pakiramdam na may tao sa paligid mo na tutulungan ka at i-e-encourage ka kapag nararamdaman mo sa sarili mo ang pagod. Ganoon si Felix sa akin. Bukod kina mama, isa siya sa dahilan kung bakit mas na-mo-motivate akong pagbutihan pa ang pag-aaral ko.
Nang sumapit ang bakasyon ay umuwi si Felix sa Santa Isabela kaya sa cell phone ulit kami nagkakausap. Kulang-kulang dalawang buwan din kaming hindi nagkita pero hindi na ako ganoong nalungkot doon dahil alam ko namang babalik siya rito sa Maynila.
Maayos na si Tito Roland. Bagaman nakakapaglakad na siya pero hindi pa ulit siya nakakabalik sa pagta-trabaho. Sumama siya sa pangingisda kaya naman nang bakasyon ay iyon din ang pinagkaabalahan doon ni Felix.
"Ate!"
Nagising ako sa malalakas na katok at sa malakas din na tawag ni Theo. Nababalik ako sa pagkakatulog pero maguvulat lang din sa malakas niyang sigaw. Padabog akong bumangon at nagtungo sa pinto.
"Ano ba, Theo!" sigaw ko rito nang mapagbuksan siya ng pinto.
"May tao sa baba. Hinahanap ka."
Nangunot ang noo ko. "Tao? Sinong tao?"
Nakanguso siyang nagkibit-balikat. "Ewan ko. Hindi ko kilala. Bumaba ka na lang."
Sinubukan kong silipin ang ibaba namin pero wala namang tao sa sala. Napapakamot na bumalik ako sa kwarto.
"Sabihin mo maghihilamos lang ako."
"Okay."
Naghilamos nga lang ako at nagsuklay saka bumaba.
"Nasaan?" tanong ko kay Theo na nanonood ng T.V.
"Nasa labas." Turo niya pa sa pinto.
"Hindi mo man lang pinapasok," pagsusungit ko.
Nagtungo ako sa pinto. Nang buksan ko iyon ay wala namang tao. Baka nakaalis na? isip-isip ko.
Isasara ko na sana ulit ang pinto nang may kumulbit sa likuran ko. Mabilis akong napalingon dama ang takot. Pero agad 'yong nabura kapalit ng panlalaki ng mga mata ko nang makita kung sino iyon.
"Felix!" masayang sigaw ko at mabilis siyang niyakap. "Kailan ka pa nakabalik?" tanong ko nang makakalas sa yakap. Abot-langit ang ngiti ko habang pinagmamasdan siya. Nakasuot pa siya ng maong pants at itim na T-shirt.
"Ngayon lang, Asher."
"Dito ka ulit dumiretso? Nasaan ang mga gamit mo?" tanong ko na tiningnan pa ang paligid.
"Dinala na ni Tito Roque. Nagkita kasi kami sa terminal."
Nakanguso at pabiro ko siyang sinimangutan. "Hindi ka man lang nagsabi na ngayon ang uwi mo."
Mahina siyang natawa. "Gusto kasi kitang surpresahin."
"Kung gano'n nagtagumpay ka!"
"Talaga?"
Nakangiti akong tumango. Ginulo niya naman ang buhok ko.
"May ibibigay nga pala ako sa 'yo."
"Ano! Ano!" excited kong ani na ikinatawa niya.
Humugot siya sa bulsa ng pantalon. Inilahad niya sa akin ang isang parisukat na kahon na gawa sa kahoy na pinunturahan ng barnis. Maliit lang iyon. Katulad ng mga nilalagyan ng singsing.
"Ano to?" tanong ko nang kunin iyon sa kanya. Nakangiting nagkibit siya ng balikat. Nakangiti at puno ng pagkasabik ko namang binuksan iyon. Napanganga ako nang makita ang isang shell bracelet. "G-Gawa mo ito?" tanong ko nang hindi naaalis doon ang namamanghang tingin. Puro white shell iyon na nakalagay sa itim na wax leather cord.
"Oo, Asher. Napansin ko kasi na may hikaw at kwintas ka palagi kaya naman bracelet na lang ang ginawa ko. Pasensya na kung iyan lang-"
"Ano ka ba! Sobra-sobra pa ito, Felix," masayang putol ko sa kanya. Sarili niyang gawa iyon kaya naman mas nagustuhan ko iyon.
Kinuha ko ang bracelet sa kahon at ibinigay sa kanya saka ko inilahad ang kaliwang braso. Agad naman niyang ikinabit iyon doon. "Bagay ba?"
"Bagay na bagay!"
Mahigpit ko siyang niyakap. "Thank you so much, Felix. Promise iingatan ko ito!"
TATLONG araw lang pagkabalik ni Felix sa Maynila ay sabay kaming nagtungo sa university para mag-enrol. Second year na agad kami. Samantalang parang kahapon lang kabado pa ako dahil first college na.
Noong nasa mismong mga araw ako ng pagiging first year college, parang hindi na matatapos at mauubos ang mga gawain ko pero ngayon parang hinipan lang ng hangin ang panahon at nasa ikalawang taon na kami ni Felix.
"Akala namin pagpasok ng second year makakarinig na kami ng goodnews mula sa inyong dalawa," ani Krissy na kaibigan ni Felix.
Mahina kaming natawa ni Felix.
Magkakasama kaming nagla-lunch ngayon ng mga kaibigan at classmates ko since first year na sina Diane at Joyme kasama sina Felix at ang mga kaibigan niyang sina Krissy, Marjay, Harold at Albert.
"Ilang taon ka na kamong nanliligaw, Dion?" si Joyme.
Nagkatinginan kami ni Dion. "Almost three," sagot niya na tinanguan ko.
"Three years? Grabe, p're!" namamanghang ani Marjay na tinapik-tapik ang balikat ni Felix. "Kaya ko kaya 'yon?"
"Kapag gusto mo talaga ang isang tao kahit sampung taon pa 'yan makakaya mo," masungit na ani Krissy.
Naalala ko nang minsang sabihin sa akin ni Krissy na huwag ko raw siyang pagseselosan kung makita kong malapit sila ni Felix dahil hindi naman daw siya papatol dito. Kaibigan niya lang daw si Felix at isa pa dahil "hindi raw sila talo." Alam ko naman ang ibig sabihin ni Krissy dahil kita naman sa kilos at pananamit niya. Babae siya pero may kilos at puso siya bilang lalaki.
"Bakit hindi mo pa sagutin, Asher? Nagpapakipot ka naman masyado," pabirong ani Albert.
"Bawal pa, p're. Huwag muna," natatawang ani Felix.
Tiningnan ko si Felix. Noong sinabi ni mama na huwag muna akong magbo-boyfriend ay sinabi ko iyon kay Felix. Gusto kong maging tapat sa kanya dahil ayokong maghintay siya sa bagay na hindi ko pa maibibigay. Naiintindihan naman daw niya iyon kaya huwag daw akong mag-alala. Pero minsan naaawa ako sa kanya. Ang tagal na rin kasi. Hindi ko naman masabi sa kanyang humanap na lang ng iba dahil alam kong magagalit siya roon at alam ko rin naman sa sarili kong hindi ko kaya kung sakali mang makikita ko siyang may gustong iba.
Minsan pa naiisip kong sagutin na lang siya nang hindi nalalaman ni mama. Pero kinakabahan naman ako. Baka kasi ma-turn off siya sa akin. Kung anu-ano na lang ang naiisip ko. Hindi pa naman siguro ako nagmu-mukhang atat na magkaroon ng boyfriend, hindi ba? Inaalala ko lang talaga si Felix.
"Ang lalim ng iniisip mo."
Napalingon ako kay Felix. Narito na kami sa tapat ng bahay dahil inihatid niya ako pauwi.
"May iniisip lang ako, Felix."
"Tungkol saan? Mukha kasing seryoso 'yan. Baka may problema ka? Makikinig ako, Asher," nag-aalala niyang sabi.
"Actually, may pi-no-problema nga ako. Hindi naman talaga totally problema, pero para sa akin problema." Napahinga ako ng malalim.
Nangunot ang noo ni Felix. "Ano ba 'yon, Asher? Sa school ba?"
Kagat-labi akong umiling. "T-Tungkol sa atin, Felix."
"S-Sa atin? B-Bakit?" Napatuwid siya sa pagkakatayo at kita ko ang kaba sa mukha niya. "A-Anong problema, Asher?"
Nagtataka ako sa itsura niya. Para siyang kabado at hindi mapakali. Kung anu-ano sigurong iniisip nito. Baka isa na roon ang hindi ko na siya gusto.
Bago pa siya makapag-isip ng kung ano ay sinagot ko na ang tanong niya, "Iniisip ko lang kasi... p-paano kaya k-kung sagutin na kita?"
"H-Ha?" Bahagyang nanlaki ang mga mata.
Nakaramdam ako ng hiya. Malalim akong nagbuga ng hangin saka nagpatuloy, "Tama ang mga kaibigan natin. Ang tagal mo na ngang nanliligaw, Felix."
"Natural lang naman 'yon, Asher."
"P-Pero kasi—"
Natigilan ako sa pagsasalita nang abutin niya ang kamay ko. "Huwag kang mag-isip ng kung anu-ano. Okay lang sa akin kahit mas tumagal pa, Asher."
"Parang ako pa tuloy ang nagmamadali," nakanguso kong ani.
Natawa siya. "Hindi sa gano'n, Asher. Ayoko lang na masira ang tiwala sa akin ni Tita Aileen. At makakapaghintay naman ako, Asher. Kung kailan ka handa, saka mo ibigay sa akin ang sagot mo."
"P-Paano kung..." Tumaas ang mga kilay niya na parang inuudyukan akong magpatuloy. Tumungo ako. "P-Paano kung mapagod ka?" Sa wakas ay naisatinig ko rin ang bagay na ikinakatakot ko.
Kita ko ang paghakbang ng ma paa ni Felix palapit sa akin. Muntik pa siyang matumba na mahina naming ikinatawa. Naramdaman ko ang mga kamay niya sa magkabila kong pisngi kaya napaangat ang ulo ko. May ngiti sa labi niya.
"Hindi ko alam kung pang-ilang beses ko na ng nasabi ito," nakangiting ani. Hinaplos niya ang pisngi ko, hinawi ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa mukha ko, at saka ako tinitigan sa mga mata. "Pero sasabihin ko pa rin na hindi kailanman mapapagod ang nagmamahal, Asher."
"Hindi ka talaga mapapagod?" Sa kabila ng pagtatanong, naroon ang pagsusumamo ko.
"Hinding hindi kailanman, Asher," nakangiti at buong pusong aniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top