Kabanata 2

NAKASIMANGOT kong pinapanood si Theo at ang Dion na iyon. Nakaupo ako sa duyan na narito sa loob ng bakuran nila lolo at nasa harapan ko lang ang dalawa na abala sa ginagawa nilang saranggola.

Nawiwirduhan ako sa Dion na 'yan dahil simula noong sabihin ni Theo na gusto nitong makipagkaibigan ay palagi na siyang nakabuntot sa akin. Kung nasaan ako ay naroon din siya. Kapag isasama ako ni lola sa palengke o sa tabing dagat para roon mismo mamili ng isda ay kabu-kabuntot din namin iyan. Tuwing pupunta naman kami sa tabing dagat nila lolo para panoorin ang paglubog ng araw ay kasama pa rin namin siya.

Mukha kaya siyang aso!

Ilang araw pa nga lang pero inis na inis na talaga ako sa kanya. Ayaw ko na sumusunod siya sa kung nasaan ako. Hindi naman kasi ako pumayag na makipagkaibigan sa kanya, eh!

Kilala kasi siya nila Lola Rita at Lolo Hymn kaya okay lang nagpupunta siya rito sa bahay o kung sumasama sa amin. Palagi nilang sinasabi kung gaano iyan kabait. Pero duda ako roon. Dahil tulad nga ng naisip ko noong unang beses ko siyang makita, mukha siyang pilyo at mukhang hindi ko siya makakasundo.

Para pa siya laging natatawa kapag nahuhuli kong nakatingin siya sa akin. Nakakatawa ba mukha ko? Mukha ba akong clown? Basta! Naiinis talaga ako sa kanya!

"Yehey! Tapos na!" tuwang tuwang sigaw ni Theo.

"Saan mo gustong magpalipad?"

Napasimangot ako. Kahit boses niya parang nakakainis pakinggan!

"Pwede sa tabing dagat, Kuya? Naroon din sila Toto."

Agad umasim ang mukha ko sa narinig. Tumayo ako at nilapitan ang dalawa.

"Hoy bawal kang lumabas, Theo!"

"Magpapalipad lang naman kami, Ate," nakangusong aniya.

Nakasimangot kong tiningnan si Dion. Nakangisi ito habang nakatingin sa akin.

Tinatawa-tawa mo diyan!

Inirapan ko siya. Narinig ko ang pagtawa niya pero hindi ko na siya pinansin.

"Basta bawal! Hindi ka naman nagpaalam kina lola, ah?"

Pagkasabi ko niyon ay agad na tumakbo si Theo papasok ng bahay. Nabugnot ako nang maisip kung ano'ng gagawin niya. Nilingon ko si Dion. Nahuli kong nakatingin pa rin sa akin at iyon na naman ang mukha niyang parang lagi akong tatawa pa rin.

"Problema mo ba? Tawa ka nang tawa! Baliw ka ba, ha?!"

"Bakit ba ang sungit-sungit mo?"

Inirapan ko siya kaya malakas siyang natawa muli. Matalim ko siyang tinitigan dahil doon. Natigil siya sa pagtawa, tumikhim at nag-iwas ng tingin.

Nabaling ang tingin ko sa papalapit na si Theo. Sa magandang ngiti nito ay sigurado akong pinayagan siyang umalis. At hindi ko alam kung bakit nag-ngingitngit ang kalooban ko dahil doon.

"Tara, Kuya Dion!"

"Pinayagan ka?"

"Opo."

Tumayo si Dion.

"Sige, ipapagpaalam din muna kita."

"Eh, nagsabi na naman ako, kuya."

"Pero dapat magsabi rin ako."

Sinundan ko si Dion nang pumasok siya sa bahay. Umupo ako sa sala habang nag-uusap sila sa likod ko roon sa lamesa. Nagtatalop kasi si Lola ng gulay noong lapitan siya ng lalaking iyon.

"Saglit lang kami, 'La."

"Huwag mong iiwan doon ang batang iyon, ha. Nako baka kung saan iyon magpunta."

"Opo, 'La. Huwag ka hong masyadong mag-alala at nakakawala iyon ng beauty."

Nakasimangot lang ako habang kinakausap ng lalaking iyon si Lola. May palambing lambing pang nalalaman. Sipsip!

"Alis na po kami, La."

"O, sige. Mag-iingat kayo."

Nilingon ko sila kaya nabaling ang tingin sa akin ni lola.

"Ikaw, Tamara, sasama ka ba sa kanila?"

"Hindi po, 'La."

Mula kay lola ay nalipat ang tingin ko sa katabi niya. Umikot ang mga mata ko nang makitang nakatingin siya sa akin saka ko na sila tinalikuran.

"Ang sungit ng apo mong 'yon, 'La."

"Nako, ewan ko ba riyan. Minsan masungit, may oras naman na hindi. Pero kapatid lang naman niya ang nakakaabot ng pagsusungit niya. Sa amin naman ng lolo niya ay hindi."

"Mabuti naman, 'La."

"Eh, pati yata ikaw nasusungitan. Pagpasensyahan mo na lamang."

"Okay lang po iyon, 'La," natatawang sagot ni Dion.

Bumigat ang mga hakbang ko sa naririnig kong pag-uusap nila. Lalo lang lumala ang inis ko sa Dion na iyon.

"Huwag kayong magtatagal, ha?" masungit na sabi ko nang makitang paalis na ang dalawa. Mahina kong inuugoy ang duyan na inuupuan.

"Yes, ma'am," ani Dion na sumaludo pa. Umirap ako na ikinatawa niya.

"Tawa!" nanghahamon ang boses ko. Lalo lang siyang natawa roon.

Baliw siguro 'to! Tawa nang tawa, eh!

"'La, aalis na po kami!" pasigaw na paalam ni Dion. Tanging sige lang ang sagot ni lola mula sa loob ng bahay.

Muli pa akong nilingon ni Dion. "Hindi ka talaga sasama?"

Hindi ko siya pinansin at humiga sa duyan. Kahit hindi tingnan ay alam kong tumitig pa siya sa akin bago sila umalis.

Salubong ang kilay ko at nakasimangot buong oras na nakahiga ako sa duyan. Nabubugnot pa rin ako kahit kanina pa nakaalis sina Dion at Theo.

"Ang sungit ng apo mong 'yon, La."

Bakit niya pa kailangang sabihin 'yon kay lola, 'di ba?! Syempre alam na iyon ni lola! Hindi na niya kailangan sabihin pa!

Kung hindi lang ako isang beses na pinagalitan ni lolo no'ng sinita ko ang pagpunta niya rito baka hindi na siya makaapak dito kina lola dahil palagi ko siyang itataboy!

Napasinghal ako nang makita sa isip ang nakangiting mukha ng Dion na iyon.

Mukhang unggoy!

Sa sobrang inis ko hindi ko namalayang nakatulog ako roon sa duyan. Nagising lang ako dahil parang may mga bubuyog na nag-uusap.

"Hindi naman 'yan masungit, kuya."

"Talaga? Eh, bakit lagi akong sinusungitan?"

"Baka ayaw sa 'yo?"

"Grabe ka naman sa 'kin."

Nangunot ang noo ko nang marinig ang pamilyar na tawa at mga boses na iyon.

"Pero bakit ba gusto mo pa ring kaibiganin si Ate kung sinusungitan ka naman?"

"Hindi naman kamo masungit."

"Pero sa 'yo masungit kasi ayaw niya sa 'yo."

"Malay mo magustuhan din ako kung palagi kong aamuin."

"Hmm... parang hindi naman."

Hindi ko alam kung panaginip lang iyon pero nagising ako ulit na wala sila malapit sa pwesto ko. Hindi ko na iyon naisip pa dahil gumanda na ang pakiramdam. Wala na ang bugnot na nararamdaman kanina. Mas pinagtakhan ko pa ang malaking payong na nakasabit sa itaas ng duyan. Kaya pala ang sarap ng tulog ko kasi hindi ko ramdam ang init.

"Ate!"

Napalingon ako sa bahay. Kumakaway si Theo sa akin.

"Halika na raw. Mag me-merienda. May champorado!"

Mabilis ang naging pagtayo ko nang marinig iyon. Paborito ko iyon kaya hindi pwedeng babagal-bagal. Noong isang araw ko pa iyon request kay lola, eh.

Pero pagkapasok ng bahay ay bumagal ang paglalakad ko nang makita ang lalaking nakaupo sa tabi ni Theo. Napairap ako.

"At nandito ka pa rin talaga hanggang ngayon," mahina kong ani.

Ngumiti lang ito sa akin. "Hi, good morning," at sa halip ay bati nito.

"Good morning ka riyan!" sabi ko sabay tingin sa orasan. Alas tres y media pa lang ng hapon.

Nasundan ko siya ng tingin nang tumayo siya. Nilapitan niya si Lola at kinuha rito ang dalawang mangkok. Tumayo rin ako para kumuha ng mga kutsara at tubig.

Bitbit ko na ang isang pitsel ng tubig at yakap ang tatlong baso pero kinuha pa iyon ni Dion sa akin at siya ang nagdala roon sa kusina. Umirap lang ako at bumaik sa kusina. Kumuha na ako ng mga kutsara at ng isa pang baso.

Nakatingin pa sa akin si Dion nang makalapit ako ulit sa lamesa. Nakaupo na 'to ulit sa tabi ni Theo na nanghahaba ang nguso ka-iihip sa bowl ng champorado niya.

"Si Lolo po, 'La?"

"Nako naroon kina Benjamin at kukunin daw ang ibinibigay na dulis. Marami yatang naging huli."

Ipinaglalagay ko ang mga kutsara sa mangkok namin ni Theo at Lola. Pero ang para kay Dion ay ipinatong ko lang sa harapan niya kahit nakalahad na ang kamay niya.

"Thank you," aniya na inirapan ko lang.

Nagpray si Theo bago kami kumain. Tumahimik sa lamesa at puro mahihinang buga ng hangin ang naririnig.

"Gusto mo pa, Theo?" tanong ni lola nang makitang ubos na rin ang kinakain nito. Tumango si Theo at inibot kay lola ang mangkok. Tatayo na sana si Lola pero pinigilan ko.

"Ako na po, 'La. Kukuha rin ako ng akin," sambit ko at agad ng kinuha ang mangkok ni Theo at ang kanya.

Nagsasandok ako roon nang maramdaman ko ang pagtabi ng isang bulto sa tabi ko. Nakita ko ang bitbit niyang dalawang mangkok. Nang tingalain ko si Dion ay ngumiti ito sa akin. Tumikhim ako't ipinagpatuloy na ang pagsasandok.

Inihatid ko ang mga iyon kina lola. Babalik pa sana ako sa kusina pero nakita kong pabalik na rin si Dion kaya umupo na ako.

"Ilang taon ka na nga, Dion?" tanong ni lola rito nang makaupo itong muli.

"Thirteen po, 'La.

Mula sa pagkain ay nag-angat ako ng tingin sa kanya. Naisip ko na na baka hindi nalalayo ang edad niya sa akin pero magkasing-edad pa pala kami.

"Kung gano'n sekundarya ka na rin sa darating na pasukan?"

"Opo, Lola. First year po."

"Nako! Tamang tama pala at may makakasama itong si Tamara. Itong si Theodore hindi ko na kailangang alalahanin at lahat naman ay nagiging kaibigan nito."

Napasimangot ako sa sinabi ni lola.

"Dito... po sila mag-aaral?" tanong ni Dion Felix na saglit muli akong tiningnan.

"Oo. Dito na muna."

Napabuntong-hininga ako.

Dumaan ang lungkot sa akin dahil sa narinig. Isang linggo na lang pasukan na. Mukhang hindi na nga kami makakabalik sa Maynila bago iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang dito kami mag-aaral.

Naisip ko, paano kung dito nga kami mag-aaral at sa kalagitnaan ng school year bigla na lang kaming sunduin nila mama? Hindi naman pwedeng lumipat pa no'n ulit sa Maynila dahil nga kalagitnaan na. Hindi na rin kami tatanggapin no'n. Ibig sabihin aabot kami ng isang taon dito para tapusin ang school year?

Tuluyan na akong kinain ng lungkot. Bumagal ang bawat subo ko ng champorado habang patuloy na iniisip ang tungkol doon.

Nag-angat ako ng tingin nang mapansin ko ang titig ni Dion Felix sa akin. Nanlaki ang mga mata ko at tikom ang bibig na natawa nang magduling-dulingan siya habang nakanguso.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top