Kabanata 19

NAKANGITI ako habang marahang sinusuklay ang hanggang leeg na buhok ni Lola Rita. Puro puti na iyon pero napakaganda pa rin at nararamdaman ko pa rin sa kamay ang kalambutan niyon.

Sinulyapan ko siya sa salamin na nasa harapan namin. Nakaangat ang gilid ng kanyang labi na para bang may naiisip na nakatutuwa. Nakapikit din siya kaya mas nirahanan ko ang bawat daan ng kamay at suklay sa kanyang buhok.

"'La..."

"Hm?"

Napanguso ako. Iniisip ko kung tama ba ang itatanong. Baka kasi masyadong sensitive.

"Ano'ng itatanong mo, Tamara?"

Nagtama ang tingin namin ni lola sa salamin. Bahagyang umangat ang mga kilay niya.

Itinigil ko ang ginagawa.

"Ano po'ng ginagawa ninyo kapag namimiss mo si Lolo?"

"Ang lolo mo?" Tumango ako. "Iniisip ko siya, Tamara."

Nangunot ang noo ko. Hindi ko lubusang maintindihan ang sagot na iyon ni lola. Marahil nahalata niya iyon sa mukha ko.

Nakangiti niyang iminuwestra ang kamay niya kaya naman nagtungo ako sa harapan niya. Hinawakan niya ang mga kamay ko.

"Mas iniisip ko ang lolo mo kapag nakakaramdam ako ng pagkasabik, apo. Ayokong mawaglit siya sa isipan ko. Matanda na ako, Tamara. Minsan ay may mga bagay na nakakalimutan na rin. Ayokong dumating ang oras na kahit naaalala ng puso ko ang lolo mo ay hindi na siya sumasagi sa isip ko. Ayokong dumating ang oras na magtataka na lamang ako kung bakit at para kanino ako nakakaramdam ng ganoon. Totoong hindi nakalilimot ang puso pero hangga't kaya ng isip natin, alalahanin natin ang mga taong mahahalaga sa atin."

Hindi ko alam kung bakit parang ibang sagot ang naiisip kong makukuha kay lola. Namimiss ko na si Felix dahil halos sampung buwan ko na siyang hindi nakikita. Gusto ko siyang puntahan pero natapos na ang bakasyon ay hindi pa rin ako nagkaroon ng pagkakataon na makauwi sa Santa Isabela. Minsan nga sa sobrang pagkamiss ko sa kanya ay tahimik na naiiyak na lamang ako kapag mag-isa ako sa kwarto.

Hindi ko alam na pwede akong makaramdam ng ganito. Sa bawat araw na hindi ko nakikita si Felix para akong mababaliw. Naninikip nang husto ang puso ko. Hindi ko na alam ang gagawin sa sobrang pagkamiss sa kanya. Kapag kinakausap ko siya sa telepono ay mas lalo lang lumalala ang nararamdaman kong lungkot kaya naman hindi ko naiwasang itanong ang bagay na iyon kay lola. Pero hindi ko inaasahan na ganoon ang isasagot niya.

Hangga't kaya ng isip natin, alalahanin natin ang mga taong mahahalaga sa atin.

Tumatak sa isip ko ang sinabi na iyon ni lola. Parang naging sentimental ang dating niyon sa akin. Gusto kong sundin ang sinabi ni lola. Hindi na lang para kay Felix, kung 'di pati kina papa, lolo at sa lahat ng taong mahalaga sa akin na nasa tabi ko pa rin.

"HOY, ATE!"

Napalingon ako sa pinto ng kwarto ko. Nakasimangot si Theo habang nakalusot ang ulo roon.

"Kaninang kanina ka pa talaga tawag nila mama!"

Sinamaan ko siya ng tingin. "Teka nga lang!"

"Kanina ka pa teka nang teka! Lagot ka kay mama!" Pagkasabi niyon ay umalis na siya na nakabusangot pa rin ang mukha.

Narinig ko ang pagtawa ni Felix sa kabilang linya kaya napabalik ako sa pagkakaayos ng upo. Katatapos ko lang magbihis kanina nang tumawag siya. Masaya niyang ibinalita sa akin na nakauwi na sa Santa Isabela si Tito Zaldy.

"Tawag ka na. Lakad na. Baka mapagalitan ka ni Tita Aileen."

"Kausap pa kita, eh," nakanguso kong ani.

Abala talaga 'tong si Theo! nag-ngingitngit kong ani sa sarili.

"Tatawag ulit ako mamaya. Mag-enjoy ka muna riyan."

Alam kong wala na akong choice kung 'di tumigil na nga muna sa pakikipag-usap sa kanya. Pangalawang punta na iyon ni Theo para sunduin ako. Kapag pumangatlo siguradong si Mama na ang aakyat.

"Okay, sige. Ikaw rin. Siguradong namiss mo si Tito."

"Thank you ulit sa pictures mo at sa mga pasalubong, Asher."

"Naibigay na ni Tita Mylene?" gulat ko pang ani. Bigla akong nakaramdam ng hiya nang maalala ang mga ipinadala ko. "Nakakahiya! Sana pala hindi ko na isinama 'yong mga pictures ko!"

"Bakit naman?"

"E-Eh, baka ang p-pangit ko riyan."

"Hindi, ah! Ang ganda mo nga, eh! Naglagay ka ng bangs? Bagay sa 'yo, Asher."

"Tinitingnan mo?" Nanlalaki ang mga mata ko. Iniisip ko kung ano bang itsura ko sa mga pictures kong iyon. Madalas pa naman kuha lang iyon ni mama o kaya ni Theo kapag mamamasyal kami o sisimba. Inipon ko talaga ang mga iyom para may maipadala ako kay Felix. Ngayon ko pinagsisihan na ipinadala ko pa sa kanya ang mga iyon.

"Oo. Kanina pa bago ako tumawag sa 'yo."

Napairit ako sa kahihiyang nararamdaman at naisubsob ang mukha ko sa study table ko. Malakas akong tinawanan ni Felix.

"Itapon mo na 'yan, Felix!"

"Ayoko nga! Itatabi ko pa 'to sa pagtulog. Para pagkagising at bago matulog ikaw ang nakikita ko."

Napangiti ako. Mabilis na nabura ang hiya dahil sa sinabi niyang iyon. "Eh, baka kasi kung anong itsura ko riyan!" nakangisngis pa rin na ani ko.

"Ano ba kasing itsura? Eh, palagi ka namang maganda sa paningin ko."

"Nako nako! Gumagaling ka sa pambobola, ah, Dion Felix!"

"Grabe! Hindi ako bolero, Asher! Kailan naman ako nambola? Lahat ng sinasabi ko totoo at galing sa puso."

Napahagikgik ako. Nakikini-kinita ko ang nanghahaba niyang nguso habang ako naman ay napapapikit pa sa kilig.

Naudlot ang kilig ko at napalingon ako sa pinto nang makarinig ng katok doon, kasunod niyon ang boses ni mama. Sabi na nga ba, eh! 

"Lumabas ka na muna riyan, Asher. Naghihintay ang mga tita mo."

Pagkasabi niyon ay mga yabag na niya paalis ang sunod na narinig ko.

"Lakad na muna, Asher. Hinihintay ka na nila."

"Okay! Magte-text ako mamaya, Felix."

Hindi na ako tumanggi dahil ayokong pumangalawa ng akyat si Mama. Mabuti nga't hindi naman mukhang galit ang boses kanina.

"Hihintayin ko, Asher."

Nang matapos ang tawag ay lumabas na nga ako ng kwarto. Tawanan at kwentuhan ang sumalubong sa pandinig ko. Nanuot din sa ilong ko ang mababangong pagkain.

Dinungaw ko ang ibaba. Puno ng tao ang aming sala. Naroon sina Tita Aiko at Tita Aiya— mga kapatid ni mama. Kasama ng mga ito ang pamilya ng mga ito. Pati si Lola at Theo ay naroon.

Mayroong maliit na salu-salo sa bahay ngayon. Despidida party ni Tito Howard— asawa ni Tita Aiko, dahil magtutungo na ito sa Canada para magtrabaho roon. Pero rito nila naisipang magpa-despidida party dahil kay lola. Para raw hindi na ito ba-biyahe patungo sa bahay nina Tita Aiko sa Marikina.

Lumapit muna ako sa mga tita at tito ko para batiin ang mga ito at saka ako pumunta sa kusina para sana tulungan si Mama kung may ginagawa man ito. Kanina nang paakyatin niya ako para gumayak ay nakaluto na siya at pagpi-prito na lang ng shanghai ang natitira sa gagawin. Hindi naman kailangang maghanda pa kami dahil may dala naman sina Tita Aiko pero makulit si Mama.

"Tita Aileen, narito na po si Tamara!" malakas na anunsyo ng pinsan kong si Maeve nang makita ang pagpasok ko sa kusina.

Pabiro na umirap ako rito.

"Ang tagal mo! Kanina ka pa namin hinihintay!" ani Hershey na may bitbit na mga plastic na plate. Ipinatong niya iyon sa lamesa namin at isa-isang pinunasan.

"Nakipag-usap pa raw sa boyfriend niya 'yan sabi ni Theodore," natatawang tukso ni Maeve.

"Totoo ba?" nanlalaki ang mga mata na ani Hershey na sumiksik pa sa akin.

Natawa na lang ako saka humingi ng juice na tinitimpla ni Maeve.

"Hala! Totoo nga?" Napatakip siya sa bibig. "Required ba na kapag magka-college may boyfriend na?" mapanuksong aniya na tiningnan kami ni Maeve.

Mata ko naman ngayon ang nanlalaki habang nakatingin kay Maeve. "May boyfriend ka na?" bulong ko. At ang baliw kong pinsan tinawanan lang ako.

"Kung anu-anong pinag-uusapan ninyo riyan! Dalhin ninyo 'tong mga pagkain doon!" galit-galitan na ani mama kaya natatawa kaming nagmadali sa pagkuha ng mga niluto niyang spaghetti, tuna pasta at shanghai.

"Kwentuhan mo ako tungkol sa boyfriend mo, ha," bumubungisngis na ani Hershey nang papalabas kami ng kusina.

Naging masaya ang maliit na party. Nagvideoke sina Mama. Doon lang sa T.V. namin na connected sa speaker kaya sobrang lakas. Ang mga bata at sina Theo ay naglalaro samantalang kami nina Hershey at Maeve na kaedaran ko sa mga pinsan ko ay sa pagku-kwentuhan ginugol ang oras. Doon kami pumwesto sa kusina para mas sulit ang pag-uusap.

Panaka-naka naman akong tumatakas. Magpapaalam na magbabanyo pero madalas ay aakyat sa kwarto ko para magtext kay Felix. Siya rin naman ay nagbabalita tungkol sa kanila roon.

Nakilala ka pala ni papa, Asher?

Napangiti ako nang mabasa ang text message niya matapos itanong kung kumain na ako.

Oo. Sumama ako nang bisitahin siya
ni lola at ni mama sa ospital
bago siya madischarge. Kaya rin naibigay ko kay Tita Mylene ang pasalubong ko sa 'yo.

Mabilis at magkasunod na dumating ang reply niya.

Akala ko ipinasuyo mo lang ang mga iyon kay Tita Aileen.

Maganda ka raw sabi ni papa.
Bagay raw sa anak niya.

Naiiling ako at natawa nang mabasa ang huli.

Parang ikaw na ang may sabi
nung pangalawa, ah?

Totoong sinabi niya.
You're sweet daw kasi ipinagbalat mo pa siya ng ponkan. "Mukhang maalaga" Iyan pa nga ang eksaktong sinabi ni papa. Kaya sabi niya dapat kung mag no-nobya ako 'yung maalaga.

Parang ayaw ko na namang
maniwala sa huli. Feeling ko
dagdag mo lang iyan, Felix.

Natatawa ako habang nagta-type ng reply. Pero alam kong totoong sinabi iyon ni Tito Roland. Noong makita ko siya sa ospital napansin ko sa paraan ng pananalita niya na pareho sila ni Felix. Masyadong straightforward. Sasabihin kahit ano ang maramdaman. Nang makausap ko nga siya naisip ko na agad kung kanino nagmana si Felix.

Totoo iyon, Asher.
Peksman!

Eh, ano'ng sabi mo?

Sabi ko gusto ko rin naman
ng maalaga. Tinawanan nga lang
ako ni papa tsaka tinapik ang likod ko.

Nakagat ko ang ibabang labi ko sa pagpipigil ng ngiti. Nakakikilig pala dahil pakiramdam ko boto sa akin si Tito Roland.

Ako rin, Felix.

Gusto mo rin ng maalaga?
Maalaga ako, Asher.

Oo.

Gusto kita.

Hay! Pwede na akong humimlay!

Napasimangot ako sa reply niyang iyon.

Baliw! Aalagaan mo pa 'ko, 'di ba?

Pero agad 'yong napalitan ng isang matamis na ngiti.

Oo, Asher. Aalagaan kita habang buhay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top