Kabanata 17

TW: loss/death

***

SABI nila malalaman mo raw kung nahirapan ba o hindi ang isang tao bago siya kunin sa mundong ito. Habang nakatitig sa labì ni Lolo Hymn masasabi kong umalis siya na magaan ang kanyang puso. Maaliwas tingnan ang mukha niya at para lang siyang natutulog.

Walang sakit si Lolo, pero iniwan niya kami habang natutulog. Bago raw sumapit ang gabing iyon ilang ulit niyang sinabi kay lola kung gaano siya nagpapasalamat na nakilala niya ito at kung gaano niya ito kamahal. Kaya si Lola hindi ko makitaan ng sakit sa pagkawala ni lolo. Siguro dahil inaasahan na nilang may mawawala isa man sa kanila anumang oras dahil pareho na silang matanda. O dahil pareho nilang nasulit ang mga oras na magkasama.

Habang pareho kaming nakatayo ni Felix sa harapan ng puting kabaong ni lolo at tahimik siyang pinagmamasdan, isang bagay ang pumasok sa isip ko...

"Sana kapag nawala ako sa mundong ito katulad ni lola ang mararamdaman ng mga mahal ko sa buhay. Sana hindi kayo gaanong masaktan. Sana hindi kayo umiyak nang umiyak. Sana agad ninyong mahanap ang kapayapaan sa puso ninyo."

Nilingon ko si Felix. Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa akin. Halatang hindi nagugustuhan ang naririnig mula sa akin. Ngumiti ako.

"Kapag ganoon, makakarating ako sa tabi Niya na may ngiti sa labi. Kasi alam kong hindi kayo masasaktan nang lubos sa pagkawala ko."

"Paano bang hindi masaktan nang lubos kapag nawala ang taong mahal na mahal mo, Asher? Kasi palagay ko mahirap iyon." Tiningnan niyang muli si Lolo. "Si Lolo Hymn hindi ko naman kamag-anak. Lolo siya ng taong mahal ko na kalaunan itinuring ko na rin na sarili kong lolo dahil napamahal na sa kanya. Ito ako, sobrang nasasaktan dahil nawala na siya at hindi na makikita pa. Si Lola Rita, sigurado akong mas nasasaktan siya kanino man. Hindi niya lang iyon ipinapakita sa atin o baka naibuhos na niya sa isang iyakan. Sa lahat ng pagkawala, dadaan tayo sa oras na masasaktan tayo nang lubos. Depende lang iyon kung paano natin ipapakita sa iba at kung paano natin dadalhin sa puso natin."

"Pero gusto ko ng ganoon, Felix. Pakiramdam ko sobra akong masasaktan kung malalaman kong maiiwan ko kayo na mabigat ang puso."

Mabigat ang naging bumuntong-hininga niya. Tinitigan ko siya at nginitian nang ubod ng tamis. Muli siyang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

"Kung ang sinabi mo kanina ang magiging kapayapaan ng puso mo, susubukan kong hindi masaktan nang lubusan."

Palagay kong sinagot niya lang ako para matahimik ako.

"Ako rin, susubukan kong hindi masaktan nang lubusan," nakangiti kong ani.

Ngumiti siya at inakbayan ako. Kinabig ako palapit sa kanya hanggang ang akbay lang ay naging yakap. "Kung anu-anong naiisip mo."

Kung may makakarinig man sa pag-uusap namin ni Felix nang mga oras na 'yon, baka isipin nilang nababaliw na kami pareho dahil kamatayan pa rin iyon. Pero totoong ang sinabing iyon ni Felix at ang sinseridad sa mga mata niya ay nagbigay ng kapayapaan sa puso ko.

Aaminin kong punong puno ng sakit at takot ang puso ko sa mga oras na ito. Hindi ko alam kung gagawin kong pampalubag ng loob ang mga bagay na napapansin ko habang tinitingnan si Lolo Hymn para magkaroon man lang ng kagaanan ang puso ko.

Nang tumawag si Lola para ipaalam na wala na si Lolo para akong nabibingi.
Dalawa na sa pinakamamahal ko ang nawala sa akin. Agad kong kinwestyon kung bakit ganoon. Bakit kailangan mawala ang mga mahal ko sa buhay. Hanggang ang lahat ay naging takot. Takot na mawalan pa ng taong mahal ko at takot na maski ako ay mawala sa mundong ito. Ngunit gusto kong labanan ang takot na iyon. Sa paraan na isiping ang kamatayan ay tadhana ng bawat tao. Na lahat naman ay roon pupunta nang naaayon sa oras at panahon na itinakda Niya. May oras na nabubura niyon ang takot pero may oras din na ayaw magpatalo ng utak ko. Pilit isinusuksok ang takot na iyon.

Katulad noong ihatid si Papa sa huling hantungan, naiwan kami ni Felix habang ang iba ay nauna ng umuwi. Nakaupo kaming dalawa sa harap ng puntod ni lolo. Tahimik kong pinagmamasdan ang marmol na may nakaukit na pangalan niya.

In Loving Memory of:
Hymn Erjas
August 17, 1927- July 8, 2015

"Eighty-seven na pala si Lolo Hymn pero hindi ko man lang napapansin."

Masyadong gala si Lolo para sa edad niya. Madalas wala siya sa bahay, palagi siyang naroon sa mga kaibigan niyang mangingisda. Malakas pa si Lolo kaya siguro hindi ko naisip na mawawala na lang siya bigla.

"Makaabot kaya ako tulad ng edad ni lolo?"

Narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Felix. Napangisi ako dahil doon. Siguro ay nananawa na siya sa mga naririnig sa akin simula noong unang gabi ng lamay ni lolo.

"Sigurado akong mas higit pa roon, Asher."

Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat at inabot ang isang kamay niya. Pinaglaruan ko iyon.

"Ano kayang itsura ko kapag matanda na ako?"

Napaangat ang ulo ko at tiningnan siya nang maramdaman ang paglingon niya sa akin.

"Ganoon pa rin... maganda pa rin."

"Sus! Nambobola ka!" natatawa kong sabi.

"Hindi ako bolero, Asher. Nagsasabi ako ng totoo."

Umismid ako.

"Magugustuhan mo pa rin kaya ako no'n?" pangungulit ko pa.

"Mamahalin kita hanggang pagputi ng buhok mo, Asher. Mamahalin kita hanggang mangulubot ang mga balat mo."

Matunog akong napangiti. "Ano pa?"

"Mamahalin kita hanggang sa mga huling hininga ko, Asher."

Parang may kung anong saya ang dulot ng mga sinabi niyang iyon sa puso ko. Isipin pa lang na mamahalin niya ako hanggang sa wakas ay lumulundag ang puso ko. Dahil katulad niya, mamahalin ko siya hanggang sa huling tibok ng puso ko.

Sigurado ako roon. Sigurado akong si Felix lang ang mamahalin ko. Hindi ko makita ang sariling nagmamahal ng iba. Tanging siya lang.

Umuwi kami ni Felix nang magtalo na ang liwanag at dilim. Hindi pa kami naghiwalay no'n. Nanatili siya sa tabi ko. Hindi niya man sabihin pero alam kong ramdam niya ang lungkot na nararamdaman ko hanggang sa mga oras na iyon dahil sa pagkawala ni lolo.

Pinapanood ko ang mga nagkikislapang mga bituin habang pareho kaming nakaupo sa kalsada sa tapat ng bahay ni lola. Nasa loob naman ng bahay ang mga tita ko, masayang nagku-kwentuhan ang mga ito kasama nila mama at ni lola. Inaalala si Lolo. Samantalang ang mga pinsan ko ay naroon sa kwarto na dati kong inuukopa.

Kanina noong makita nilang kasama ko si Felix pauwi ay puro panunukso ang inabot ko sa mga ito. Boyfriend ko raw si Felix. Naririnig pa nga nila tita kaya naman nang makalayo ako kay Felix para tumulong sa pag-aayos ng lamesa ay panay ang pangangaral na huwag daw muna akong mag no-nobyo.

"Natatandaan mo ba 'yong gabing nagsabi ako kina Lolo Hymn na manliligaw ako sa 'yo?"

"Hm-m," simpleng sagot ko. Tandang tanda ko maski ang petsa niyon. Paano ko ba naman makakalimutan ang araw na nalaman kong gusto niya rin ako?

"Noong gabing 'yon, sinabi sa akin ni Lolo Hymn ang tungkol sa papa mo."

Mabilis ang naging paglingon ko sa kanya dahil sa narinig; nanlalaki ang mga mata ko. Nasa akin na ang tingin niya. Seryoso ang mga mata habang may tipid na ngiti sa labi.

"Sinabi sa akin ni Lolo Hymn na mayroong problema ang papa mo, pero hindi niya nabanggit ang tungkol sa sakit nito. Sabi niya hindi iyon ang panahon para pumasok tayo sa relasyon. Sinabi rin ni lolo na saka na ako manligaw sa 'yo kapag maayos na ang problema ng pamilya ninyo. At kapag ganoon, buong puso niyang ibibigay ang basbas niya sa atin."

Nangilid ang luha ko dahil sa mga narinig ko. Napatungo ako habang inaalala ang mukha ni lolo. Hindi ko naisip na iyon ang sinabi niya nang gabing iyon. Tama si Lola nang minsan niyang sabihin na boto si Lolo kay Felix kahit hindi man nito sabihin iyon. Buong akala ko kasi ay hindi niya gusto na magkaroon kami ng relasyon ni Felix dahil wala akong narinig sa kanya matapos ang gabing iyon.

"Alam kong noong gabi ring iyon, Felix, na kahit ganoon ang mga sinabi niya ay ibinigay na niya ang basbas niya sa 'yo."

Ngumiti si Felix ngunit bakas ang lungkot sa kanyang mga mata. Nangilid ang luha niya roon.

"Mahal tayong dalawa ni Lolo Hymn, Felix "

Naramdaman ko ang pagtango niya at narinig ang pagsinghot niya. Mas hinigpitan ko ang yakap sa kanya na kalaunan ay ginantihan niya.

Santa Isabela ang naging pangalawang tahanan ko. Minahal ko ang lugar na ito dahil sa ganda nito. Pero mas minahal ko ito dahil kina lolo, lola at kay Felix. Ngunit sa pagkawala ni lolo, hindi ko akalaing unti-unti akong mapapalayo sa Santa Isabela.

Umuwi kami ng Manila. Dahil wala ng makakasama pa si Lola Rita sa probinsiya ay isinama namin ito. Dahil doon nawalan ako ng dahilan para mamalagi pa roon sa Santa Isabela kung gugustuhin ko. At dahil din doon ay hindi ko na alam kung ano pa ang naghihintay sa amin ni Felix sa mga susunod na araw.

Hindi ko nagawang pigilan ang sariling para ipaalam kay Felix ang mga takot kong iyon bago ako umalis ng Santa Isabela. Pero patuloy niyang binibigyan ng assurance ang puso ko na hindi iyon ang huling araw na magkikita kaming dalawa.

"Maraming paraan, Asher. Pwedeng pwede akong lumuwas ng Maynila. Basta ba hihintayin mo ako. Gagawa ako ng paraan."

Piningot niya ang ilong kong may tumutulo pa yatang sipon dahil sa patuloy kong pag-iyak.

"At hindi rin naman ako papayag na hindi tayo magkikita. Akala mo ba makakatiis akong hindi ka masisilayan?"

Napasinghal ako na ikinatawa niya.

"Tahan na," aniya habang tinutuyo ang magkabila kong pisngi. "Basta hintayin mo ako, hmm? Pupunta ako sa 'yo."

Napahinga ako ng malalim habang tumatango. Yumakap ako sa kanya. "Mamimiss kita, Felix."

Ramdam ko ang higpit ng pag ganti niya sa yakap ko. "Sana pwedeng itigil ang oras para mayakap kita nang mas matagal, Asher."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top