Kabanata 13

"ASHER!"

Hindi pa man kami nakakalayo sa bahay nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Natigilan si Lola sa paglalakad. Dahil nakakakawit ang braso ko sa kanya kaya natigil din ako. Tama nga ang hula kong si Felix iyon nang malingunan siya. Patakbo itong lumalapit sa amin.

"Magandang umaga po, Lola Rita," bati niya kay lola kasabay ng pagmamano.

"Kaawaan ka ng Diyos," nakangiting ani lola.

"Saan po ang punta n'yo?"

Itinaas ko ang hawak na basket. Muntik pa 'yong tumama sa mukha niya na mahina kong ikinatawa. Umangat ang kamay niya. Bago pa ako naakilag ay naabot na niya ang pisngi ko at pinisil iyon.

"Aray!" daing ko at hinampas ang kamay niya. Sisipain ko pa sana siya pero mabilis ang naging kilos niya palayo habang natatawa.

"Tamara," mababa at nanaway ang boses na tawag ni lola sa pangalan ko nang iangat ko ang basket at tangkang ipapalo kay Felix

Napanguso ako at masamang tingin ang ipinukol kay Felix. Mahina siyang natawa at isang beses na hinagod ang likod ng ulo ko. Inis kong tinabig iyon.

"Mamamalengke po kayo?" tanong niya kay lola. "Kami na lang po ni Asher, 'La," dugtong niya hindi pa man nakakasagot si Lola.

"Nako, ay okay lang ba?"

Sus si Lola kunwari pa. Gusto rin naman.

"Oo naman. Si Lola talaga."

"Ay siya sige, Dion." Sinabi ni Lola kay Felix ang mga bibilhin. Wala na yatang tiwala sa akin. Minsan kasi nang pabilhin niya ako sa palengke ay wala ang iba. Kasalanan ko bang nakalimutan ko? "'Wag mong kalimutang sabihin kay Wena ang order kong hipon, ha? Gagawin ko 'yong alamang," baling niya sa 'kin bago tumingin muli kay Felix. "Ipaalaa mo nga, ha, Dion?"

"Opo, 'La," natatawang ani Felix.

"Lumakad na kayo at tanghali na. Mag-iingat kayo," aniya habang nag-uumpisa ng bumalik sa bahay.

"Hintayin mo ako rito. Kukunin ko lang ang bisikleta."

Hindi na hinintay ni Felix ang sagot ko at nagtatakbo na muli pabalik sa kanila. Ilang saglit lang ay nakabalik na rin siya agad. Kinuha niya ang basket sa kamay ko at isinabit iyon sa manibela.

"Hindi ba uuntog ang tuhod mo riyan?"

"Hindi. Malayo naman." Sasakay na sana ako nang hawakan niya ako sa braso. "Teka lang. Isuot mo 'to," aniya pero siya na ang naglagay sa ulo ko ng isang kulay puting ball cap. Doon ko lang napansin na may suot na rin siya, kulay asul ang kanya.

"Kumapit ka, Asher," aniya nang mag-umpisa siya sa pagpedal.

Kumapit ako sa magkabilang bewang niya. Nakagat ko ang ibabang labi nang makaramdam ng pagkapahiya. Hindi naman iyon ang unang beses na mahawakan ko ang bewang niya pero ngayon lang ako nahiya roon. Dahan-dahan ko tuloy inalis ang pagkakakapit ngunit hindi ako nagtagumpay roon nang hawakan niya ang kaliwang kamay ko at hinila iyon. Tuloy ay umabot iyon hanggang sa kanyang tiyan. Pagkatapos niyon ay ang kanang kamay ko naman ang isinunod niyang hilahin.

"Kumapit ka nang maayos. Baka mahulog ka."

Pakiramdam ko ay namula ang mukha ko sa huling sinabi niya. "Nahulog na nga, eh," nakangiwing bulong ko.

Kagat-labi akong tahimik na natawa nang makaisip ng kalokohan. Bahagya kong pinisil ang tiyan niya. Medyo malambot iyon. Tipid siyang lumingon.

"Aba aba! Bakit mo ako tyinatyansingan, ha?"

"Tyansing ba 'yon?" nakangusong ani ko. Nag-iinit ang pisngi ko. Dahil yata sa sikat ng araw.

"Dinadama mo ang abs ko."

Umirap ako kahit hindi niya 'yon kita. "Wala ka namang abs, 'no!" Wala naman talaga. Ilang beses ko na siyang nakitang walang suot n damit tuwing nasa bahay nila ako. Wala siyang abs, pero hindi naman malaki ang tiyan niya. Macho pa rin siya para sa 'kin.

"Gusto mo bang may abs ako?"

Malakas ko siyang hinampas sa likod. "Aba, bakit ako ang tatanungin mo?"

"Ang sakit no'n, hoy!" natatawa niyang daing. "Wala lang! Baka lang kako gusto mong may abs ako."

"Pake ko kung may abs ka o wala!"

"Bakit galit ka!"

"Eh, ikaw kasi, eh! Mag focus ka na lang sa pagbibisikleta."

"Sungit mo," tawa niya.

Umirap ako. Pero mariing napapikit nang ma-imagine ang may abs na Felix. Tuloy ay muli ko siyang nahampas sa likod. Malakas siyang napasigaw ng daing. Natatawa kong hinigpitan ang ang pagkakapulupot ng mga braso ko sa bewang niya nang gumewang kami.

NAKARATING kami ni Felix sa palengke. Sinabi kong maghiwalay kami. Siya sa gulayan, ako naman sa isdaan. Nang mabili ang kailangan ay pinuntahan ko siya sa pwesto ni Ate Wena. Nakasimangot ang tindera ng mga gulay habang nakatingin kay Felix na natatawa naman. Nasa basket na hawak niya na ang dalawang plastic na may lamang iba't ibang gulay na pangsahog sa chapseuy.

"Okay na?" tanong ko kay Felix nang makalapit sa kanya. Tanging tango ang sagot niya. May multo pa ng pagtawa sa labi.

"Hoy, Tamara!"

Mabilis kong nai-angat ang ulo nang marinig ang malakas na tawag sa akin ni Ate Wena. Nakasimangot ito at masama ang tingin sa akin. Dalawang beses na nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa natatawa na muling si Felix.

"Bakit po?" nagtataka kong tanong.

"Galit ako sa 'yo." Inirapan ako ni Ate Wena pagkasabi niyon. Pansin ko namang biro lang iyon pero nagtataka ako sa inaakto niya lalo pa't hindi natitigil si Felix sa pagtawa.

Tiningnan ko silang pareho, natatawa na rin. "Ano pong kasalanan ko?" sa tonong parang maiiyak. Sumasakay sa biro niya.

"Alam mo namang itong si Dion ang natitipuhan ko para kay Roxanne," nakanguso nang aniya. "Pero sabi niya hindi na pwede kasi may nililigawan na raw siya."

Nakanganga kong nilingon si Felix. "Sinabi mo?" pabulong kong tanong pero naroon ang pagbabanta. Hindi ko naman gustong ilihim na nanliligaw siya pero hindi pa rin ako handa.

"Nagbibiro lang naman ako," napapakamot sa ulong aniya.

"Ay sus 'tong dalawang ito maglilihim pa sa'kin."

Napalingon kaming pareho kay Ate Wena. May nanunuksong ngiti na sa labi niya.

"Noon ko pa naman sinasabing bagay naman kayo, mas bagay nga lang si Roxanne at si Dion. Pero kung kayo naman, eh 'di sige magpaparaya na lang ako, Tamara."

Napailing na lang ako kay Ate Wena. Tuwing nakikita niya si Felix palagi niyang sinasabi rito na hintayin ang anak niyang si Roxanne, o kaya sa akin ipapasabi iyon. Ganoon niya kagusto si Felix para sa anak niya. Tatlong taon ang tanda namin kay Roxanne. Kuya at ate nga ang tawag niyon sa amin, eh. Palaging sinasabi ni Ate Wena na ang gusto niyang makapareho ni Roxanne sa buhay ay masipag, may pangarap, at mabuti ang puso, mga bagay na nakikita niya kay Felix.

Matapos ang ilang panunukso ni Ate Wena ay pinakawalan na niya kami. May pabaon pang palitaw na pareho naming paborito ni Felix. Muntik pa nga naming makalimutan ang bilin ni Lola, binalikan lang ni Felix.

Habang pauwi mahigpit akong yumakap kay Felix. Sa totoo lang ay tumataba ang puso ko para sa kanya kapag naririnig ang papuri sa kanya ng mga tao. Gusto ko palaging ipagsigawan na 'best friend ko 'yan!' Kahit ako hindi nagsasawang sabihan siya ng magagandang bagay. At isa sa gusto ko sa kanya, hindi lumalaki ang ulo niya sa kabila ng ilang beses na nakatanggap ng magagandang salita.

"Tsansing na yata 'yan, Asher."

Hindi ko pinansin ang panunukso niya. Mas humigpit pa ang yakap ko sa kanya at isinandal ang gilid ng ulo ko sa kanyang likod. Napapikit ako nang maramdaman ang init ng likod niya sa aking pisngi. Malalim akong napabuntong-hininga nang maramdaman ang kapanatagan sa puso. Naramdaman ko naman ang marahang paghalos niya sa bubong ng kamay ko.

Nakarating kami sa bahay at laking pagtataka ko nang makita ang puting van na nakaparada sa labas ng bakuran nila Lola.

"Umuwi sila Mama, Felix!" masigla kong ani at nagmamadali sa pagbaba sa bisikleta. Dalawang buwang hindi nakauwi sila Mama kaya naman ganoon na lang ang pagkasabik ko. Humihiling na sana sa pagkakataon na ito ay kasama na nila si Papa

Bago makapasok sa bahay ay nilingon ko pa si Felix, na ngayon ay kapapasok lang ng bakuran. Nakangiti siyang tumango kaya nagpatuloy ako sa loob ng bahay. Ngunit ang magandang ngiti sa labi ko ay parang dinaanan ng hangin at mabilis 'yong tinangay kasama niya nang makita ang magkayakap na si Mama at si Lola. Pareho silang nakaupo sa mahabang upuan. Malakas na ang hagulgol ni mama ang naririnig ko habang nakabaon ang kanyang mukha sa dibdib ni lola. Para siyang batang inagawan ng laruan at sa ina agad nagpunta para magsumbong.

"Ano'ng nangyari?" Rinig ko ang mahinang tanong ni Felix pero tanging iling ang naisagot ko sa kanya. Binabagabag na ang puso ko. Sa nakakahabag na nagulgol ni mama alam kong may hindi tama. Umiiyak siya tuwing umuuwi, iyon ay dahil miss na niya kami at hindi rin ganitong kalakas at nakakahabag.

"M-Ma."

Sabay na lumingon si Mama at si Lola. Doon ko lang din napansin si Lolo na nakatayo sa pintuan ng kusina, magkakrus ang mga braso at salubong ang kilay, pero lungkot ang mababasang emosyon sa mga mata niya.

"Tamara, anak."

Lalong lumakas ang hagulgol ni mama nang lapitan ako at mahigpit na niyakap. Hindi ako nakaimik. Naluluha ako kahit hindi alam ang dahilan nang pagtangis niya. Ang alam ko lang may hindi magandang nangyayari.

"Ma," muli kong tawag kay mama. "Ano pong nangyayari, Ma?" luhaang tanong ko.

Basang basa ang kanyang mukha nang mag-angat ng tingin sa akin. Namumula ang mga mata. "Iuuwi na kita sa Maynila, anak. Kailangan tayo ni papa mo, Tamara."

Pagkasabi niyon ni mama ay dalawang bagay ang labis na nagbigay ng lungkot at pag-aalala sa akin-ang maaaring lagay ni papa at ang maiiwang si Felix.

Nang lingunin ko si Felix ay lungkot ang mababasa ko sa kanyang mga mata at sa tipid na ngiti na ibinigay niya sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top