Kabanata 12

DOON sa bahay naghapunan si Felix. Tahimik kaming kumakain dahil ayaw ni Lolo ng maingay kapag nasa hapag. Pero sa kalagitnaan ng tanging pagtama lang ng gamit naming mga kutsara sa kanya-kanyang plato, hindi ko inaasahan noong bigla na lamang magsabi si Felix kina lolo na manliligaw sa akin. Kaming tatlo nila lolo at lola natigil sa pagkain at napatitig sa kanya.

Sabay na dumating ang kilig at hiya, pero naging lamang ang una. Tuloy nakangiti akong napatungo at nanatiling ganoon nang ilang minuto. Isinusuksok ko pa nga lang sa isip na gusto niya rin ako tapos may paganito na agad siya. Hindi ko yata makakalimutan ang petsang ito. October 17, 2014—ang petsa kung kailan binaliw ako nang husto ni Felix.

Nag-angat akong muli ng ulo nang magsalita si Lolo. Bahagya itong nakatungo habang nakatingin kay Felix na nasa tabi ko. Halos nasa kalhati na ng ilong niya ang suot niyang salamin sa mata.

"Liligawan mo si Tamara, Dion?"

Seryoso ang mukha ni lolo. Palagi siyang ganoon.'Yong tipong titiklop na lang ang tapang mo at pipiliing huwag ng magsalita kapag kaharap siya. Samantalang si Lola ay maaliwalas ang mukha palagi. Kaya naman hindi ko malaman kung okay lang ba sa kanilang dalawa ang sinabi ni Felix o may umayaw ba roon.

"Opo, Lolo Hymn," nakangiting sagot ni Felix.

Nahihiwagaan ako. Hindi man lang ba suta kinakabahan sa seryosong mukha ni lolo? Ako kasi parang gustong lumunok ng paulit-ulit kahit nanunuyo na ang lalamunan ko.

Pinanood ko kung paanong matamang tinitigan ni lolo si Felix. Sampung segundo. Ganoon lang katagal pero pakiramdam ko isang oras na iyon. Para bang sa paraan ng tingin niya rito ay masasabi niya na kung seryoso ba si Felix. Nilingon ko naman ang katabi ko, maganda pa rin ang pagkakangiti. Hindi ko makitaan ng kaba ang mukha niya. Lakas ng loob, ah!

Walang salitang inalis ni lolo ang tingin kay Felix at inilipat kay lola. Tulad kanina, nananatiling seryoso ang mukha.

"Sabaw, Rita," mahinahong utos ni lolo kay lola at iniabot dito ang mangkok niya. Nakangiting inabot ni lola ang mangkok at siinalinan iyon ng sabaw ng tinola mula sa maliit na kaldero na nasa tabi niya.

Hinintay ko ang sasabihin ni lolo kay Felix pero pagkatapos niyang makuha muli ang mangkok ay ipinagpatuloy niya na ang pagkain. Kunot-noo at nalilito akong lumingon kay Felix. Nagpatuloy na rin ito sa pagkain. Aksidenteng tumama ang tingin ko kay lola, nakatingin din ito sa akin. Tipid ang ngiti nito nang tumango kaya ipinagpatuloy ko na rin ang pagkain.

Nang ituon ko ang tingin sa pagkain ko ay mahina akong napabuga ng hangin. Hindi naman siguro galit si Lolo, 'di ba? Pero parang gusto kong kabahan sa pananahimik niya. Oo nga't tahimik talaga siya pero sa sinabi ni Felix mananahimik pa rin ba siya?

Nakatungo kong tiningnan sina Lolo. Tahimik na kumakain lang sila na para bang walang sinabi si Felix na ganoon. Maski si Felix abala sa pagkain niya. Hindi ako makapaniwalang parang ako lang ang apektado sa nangyari kani-kanila lang! Dapat si Felix dahil siya ang manliligaw!

Matapos ang paghahapunan ay lumabas si Lolo kasama si Felix. Si Lola ay nasa harap ng tungko dahil may nakasalang itong sinaing na tulingan na ilang araw na roon. Mas masarap daw kasi kung ilang araw isasaing bago kakainin. Samantalang ako naman ang naghuhugas ng kinainan.

Sa totoo lang ay kinakabahan ako dahil alam kong pag-uusapan nila lolo ang tungkol sa sinabi ni Felix kanina. Hindi ako matapos-tapos sa paghuhugas dahil maya't maya ang tingin ko sa nakabukas na pinto ng bahay. Nakikita ko ang malapad na likod ni lolo at ang halos kal'hati lang niyon na likod ni Felix. Matangkad si Felix at hanggang dibdib niya lang ako. Lalo nga akong lumiliit tingnan kapag siya ang katabi ko, eh. Pero sa tabi ni lolo ay siya ang nagmumukhang bulinggit. Mataba kasi si Lolo at matangkad.

"Gusto mo ba si Dion, Tamara?"

Mula sa kaliwa pumaling ang ulo ko sa kanan kung nasaan si Lola. Napangiti ako sa tanong ni Lola. Balak ko sanang sabihin ang totoo pero bago pa man ako makaimik ay nagsalita na siyang muli.

"Okay lang naman sa amin ng lolo mo kung may nagugustuhan ka na. Natural 'yan sa edad ninyong iyan," aniya habang inaayos ang kahoy na pang-gatong sa tungko. Tumingin siya sa akin pagkatapos niyon. "Alam kong okay lang din iyon sa mama at papa mo, Tamara, pero sana ay huwag ka munang makikipagrelasyon. Doon kami hindi magiging handa lalo na ang mga magulang mo."

"Opo, 'La." Malapad ang ngiti ko. Wala akong pag-angal na nararamdaman sa sinabi niyang iyon. Maski naman ako ay hindi pa naiisip iyon. Alam ko namang maiintindihan ni Felix ang tungkol doon.

Inilagay niya ang mga kamay sa kanyang likod. Medyo kuba na si Lola dahil sa katandaan. Mas lamang na rin ang puting buhok kaysa sa itim, parang kay lolo. "Mabait na bata si Dion. Wala naman kaming problema sa kanya, alam mo iyan. Pero masyado pa kayong mga bata para pumasok sa relasyon, Tamara. Pagbutihin ninyo ang pag-aaral at kapag nakatapos kayo ay wala ng pipigil sa inyo."

Mabilis at sunod-sunod ang naging pagtango ko. "Opo, 'La. Makakaasa po kayo," nakangiting muling ani ko at pagilid siyang niyakap nang hindi inilalapat ang mabulang kamay sa kanya.

Magaan ang loob kong nasabi ni lola ang mga iyon sa akin. Inaalala ko rin kasi kanina ang masasabi nila kung sakaling manligaw nga si Felix. Kahit nina mama. Ngayong narinig ko ang mga iyon mula mismo kay lola ay nawala ang mga alalahanin ko.

Eksaktong tapos na rin mag-usap si Lolo at Felix, kung nag-usap nga ba sila, nang matapos ako sa ginagawa. Nakaupo si Lolo sa sala at nanonood ng balita. Si Lola naman ay pumasok na kanina sa kwarto dahil antok na raw ito.

Agad kong nakita si Felix sa kabilang kalsada nang lumabas ako ng bahay. Patagilid siyang nakaupo sa sementong nagsisilbing harang doon. Nakatingin sa walang madilim na kalangitan na mabibilang lang ang bituin.

"Huy!" pang gugulat ko na mahinang tinulak ang braso niya. Agad niya akong nilingon. Naglahad ako ng kamay nang makita ang nakasalpak na lollipop sa bibig niya.

"Ubos na," sagot niya, hindi inaalis ang nakasalpak sa bibig. Sinimangutan ko siya. Inalis niya naman ang lollipop sa bibig bago itinapat sa akin. "Ito na lang."

"Yuck!" maarte at nakangiwing ani ko. Umupo ako sa tabi niya.

"Arte mo! Kumakain ka nga ng pagkain na nahulog na sa sahig."

"Wala pa namang five seconds 'yon!" giit ko.

"Kahit na. Mas malinis naman ang laway ko kaysa sa sahig."

"Pahingi na kasi!" ani ko na kinapkap ang mga bulsa ng suot niyang pantalon kaya natatawa siyang napatayo.

"Mayroon doon sa paper bag na may pasalubong mo," natatawang aniya.

Malakas ko siyang hinampas sa tagiliran. "Akin pala 'yan, eh!"

"Ako naman bumili nito," natatawang aniya. Isinuksok niya ang kamay sa isang bulsa kung saan ako may nakapa.

Nginiwian ko siya bago ako humarap sa karagatan na nasa ibaba. Itinaas ko ang mga binti at nag indian seat. Sumandal rin ako sa poste ng ilaw na naroon sa likod ko. May kagaanan sa loob kong pinagmasdan ang karagatan na mahinahon ang alon.

Napalingon ako kay Felix nang umupo ito sa harap ko. May hawak na itong lollipop at inalis ang balat niyon bago isinalpak sa bibig ko.

"Ano'ng pinag-usapan ninyo ni lolo?" tanong ko habang nilalaro sa bibig ang lollipop.

"Ikaw."

"Ano'ng mayroon sa akin?"

"Payag naman siyang manligaw ako sa 'yo pero sabi niya kung maaari huwag muna ngayon."

"Ayaw pa nilang pumasok ako sa relasyon."

Tumango siya. "Oo, sinabi rin sa akin ni lolo." Kinuha niya ang kaliwang kamay ko at pinagsiklop ang mga kamay namin. "Pero liligawan pa rin kita, Asher."

Inirapan ko siya.

"Ang kulit mo. Bawal nga raw muna," nakangiwing ani ko pero nilalamon naman ang kilig.

Mataman niya akong tinitigan bago inabot ang kamay ko at magaang hinawakan iyon. "Liligawan kita hindi para makuha agad ang matamis mong oo, Asher. Liligawan kita para patunayang seryoso ako at handang maghintay."

Parang gustong tumalon ng puso ko nang makita ang pagsilay ng ngiti niya.

Ligaw. Sa totoo lang ay marami na ang nagsabing manliligaw sa akin at kahit walang pinapayagan ay patuloy pa rin silang kumikilos. Mga schoolmates ko halos lahat sa kanila. Nagbibigay ng bulaklak, chocolates, bibigyan ng kung anu-anong regalo kahit wala namang okasyon, at minsan pa nag-aalok na ihahatid pauwi o sa isang date na wala naman akong pinaunlakan. Ganoon sila manligaw kaya akala ko ganoon din ang gagawin ni Felix. Pero ang isang 'to, hindi ako binibigo. Parating may pang-gugulat sa lahat ng kilos niya.

"Oh, ang aga mo naman!" nanlalaki ang mga matang ani ko nang makita siya kinaumagahan sa sala ng bahay nina lolo. Napaatras pa ako ng kaunti at naiharang ang isang kamay sa bibig. Pasimple ko ring sinuklay ang buhok gamit ang isang kamay. Kagigising ko lang at hindi pa nakakapag-mumog pero ito siya at naglilinis na ng sahig namin. Apak-apak niya ang ang berdeng basahan at sa ganoong paraan nagpupunas. Sa tabi niya ay may isang balde na nasa kalhati niyon ang lamang tubig na may kaunting bula pa.

"Buenas dias, senyora!" masiglang bati niya na nakalahad pa ang dalawang braso.

Dahan-dahan kong naibaba ang kamay na nakatakip sa bibig. Nakangiwi ko siyang tiningnan mula ulo hanggang paa at pabalik muli sa kanyang ulo. Naiiling akong tuluyang lumabas. Isinara ko ang pinto ng kwarto habang tinitingnan ang sahig. Tuyo naman ang daan patungong kusina kaya nagpatuloy ako sa paglalakad patungo roon.

"Tinanghali ka yata?"

Tiningnan ko ang orasan sa dingding na naroon sa itaas ng telebisyon. Bente minuto na lang ay alas otso na. Tinanghali nga ako. Kadalasan bago pa mag-alas syete ay gising na ako.

"Tinapos ko 'yong The End of Us," tukoy ko librong ipinahiram niya sa akin. Mayroong pantakip ng ulam sa lamesa. Nang buklatin ko 'yon ay napangiti ako sa pagkaing tumambad sa paningin ko.

"Kaya pala mugto ang mga mata mo."

Napaangat ang tingin ko kay Felix. Bitbit na nito ang timba palapit sa gawi ko.

"Pati mukha mo namamaga," pang-aasar niya bago malakas na tumawa.

"Tadyakan kita, eh!"

"Bakit kasi nagmumukhang monay ang mukha mo kapag bagong gising ka?"
patuloy na panunukso niya.

Matalim ko siyang tiningnan. Palagi na lang niyang pinupuna ang bagong gising kong mukha tuwing narito siya at naaabutan ako sa ganitong estado.

"Sisipain talaga kita!" Kagat-labi akong sumipa. Kahit malayo siya sa 'kin ay umilag pa siya, patuloy sa pagtawa kaya halos umikot ang eyeballs ko sa pag-irap.

Nagtungo ako sa kusina para magtimpla ng kape. Isang maliit at isang malaking tasa ang dinampot ko. Siya naman ay dumiretso sa isang pinto sa dulo ng kusina. Sa labas niyon ay naroon ang labahan namin at ang banyo. Hindi ko na nasagot ang panunukso niya dahil may paghanga ko siyang pinanood habang binabanlawan ang basahan bago iyon isinampay sa kawad na sampayan.

Nakakatuwa na makakita ng lalaking marunong sa gawaing bahay. Si Lolo at si Felix parehong ganoon. Madalas kong makita si Lolo na nagwawalis sa sala namin o kaya nagpupunas ng lamesa matapos kumain. Si Papa kasi ay hindi, palibhasa mas tutok sa trabaho. Masasabi kong ang gawaing bahay ay hindi lang para sa babae, kung kayang gawin ng lalaki bakit hindi kikilos, 'di ba?

Nang matapos si Felix ay nagtungo na kami sa lamesa. Binitbit niya ang mga tasa, kumuha naman ako ng dalawang basong tubig. Umupo na ako at inalis na ang takip ng pagkain. Inilapag niya naman muna ang malaking tasa sa harapan ko bago umikot bitbit ang maliit na tasa na para sa kanya. Pustahan, hindi niya pa mauubos ang laman niyon. Mahina siya sa kape at kapag magkasama kami ay ako ang taga-ubos niya.

Dumampot ako ng pandesal at nilagyan iyon ng reno. Inabot ko 'yon kay Felix bago kumuha ulit ng para sa akin naman. May pritong itlog at hotdog rin doon.

Sabado kaya nasa simbahan na sila Lola ng ganitong oras. Kami naman ni Felix ay sa hapon nagsisimba kasama ng mga kapatid niya.

"Bakit nga ang aga mo rito? Kailan ka pa pati naging katulong?"

"Nanliligaw ako, remember?" maarteng aniya na nagboses babae pa.

"'Wag mong sabihing mag-iigib ka rin at magpapalakol ng mga pang-gatong?" natatawa kong ani. Ganoon daw ang panliligaw noong sinauna sabi ni lola.

"Hindi n'yo naman kailangang mag-igib dahil malakas naman ang tubig sa likod. Pero oo, nagpalakol na ako ng pang-gatong."

Napanganga ako pero agad na naitikom 'yon dahil may lamang pandesal. Samantalang siya ay prenteng ngumunguya habang nakatingin sa akin.

"Seryoso ka ba?"

"Sa 'yo? Oo." Kumindat pa siya pagkasabi niyon.

"Sa pagpapalakol kako!"

"Oo nga. Para namang ang bigat-bigat ng trabaho na 'yon."

Nakalabi akong nagkibit-balikat. Oo nga naman. Sanay naman siya roon dahil gawain niya iyon sa kanila... pero iba kasi kapag ginagawa niya dahil nanliligaw siya. Ang su-swerte pala ng mga babae noon. Parang prinsesa kung liligawan. Gusto ko tuloy pupugin ng halik sa pisngi si Felix kasi ipinaranas niya 'yon sa 'kin.

Tumambay kami sa bakuran pagkakain. Ang init na nagmumula sa araw ay may dulot na hapdi sa balat pero nilalabanan iyon ng malamig na hangin. Iyon ang isa sa gustong gusto ko sa probinsiya. Kung sa Maynila baka dumadaing na ako sa init ng panahon kahit maaga pa lamang.

Magkatabi kami sa duyan, parehong patagilid na nakahiga ang kalahating katawan sa magkabilang gilid habang nakalaylay ang mga binti. May hawak siyang isang punit ng pahina na mula sa isang lumang magazine na nadampot niya sa maliit na lamesa sa sala. Tutok na tutok ang atensyon niya roon habang ako naman walang sawang pinakatitigan ang kanyang mukha habang mahinang kumakanta ng "Minamahal" ng paborito kong singer na si Sarah Geronimo. Napapangiti pa ako dahil saktong sakto ang lyrics niyon sa amin.

Hindi naalis ang tingin ko sa kanya maski noong mag-angat siya ng tingin sa akin at umalis sa pagkakasandal. Naputol lang iyon nang maramdaman ko ang pagdampot niya sa kamay ko kaya nalipat doon ang paningin ko. Ang mahinang pagkanta ay mas lalo pang humina hanggang sa tuluyang tumigil nang makita ang hawak niya sa isang kamay. Papel na singsing na gawa sa isang pahina ng magazine.

Bahagyang umawang ang bibig ko habang pinapanood kong dahan-dahan niyang isinuot iyon sa palasingsingan ko sa kaliwang kamay habang pinapakinggan ang sinasabi niya.

"Katulad sa bulaklak, sa susunod tunay na singsing na, Asher."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top