V: Plants vs. Baron
ARKHE ALVAREZ
"HAPPY FIESTA!"
Naghiyawan ang mga kamag-anak ko sabay nagpatugtog ng malakas na music.
Natuloy kasi kami nina Kael at Baron dito sa fiesta sa 'min sa Batangas. Tatlong araw rin kaming magbabakasyon kasama ang pamilya ko.
Tanghali kami nakarating kaya saktong naka-setup na lahat sa bakuran nitong bahay. Tuwang-tuwa nga 'yong dalawang gunggong kasi ang daming handa. Ang bibilis kumuha ng pagkain, nakalimutan na nilang kasama nila ako.
"Oy, Arkhe!" biglang sitsit sa 'kin ni Baron. "Halika rito."
Nilapitan ko agad sila ni Kael. Ang dami ng laman ng mga plato nila. May lumpia, spaghetti, menudo, barbeque, tsaka macaroni salad.
Natawa na lang ako sa katakawan ng dalawang 'to. Mga gutom, amputa. "O, bakit? Ano pang kailangan niyo?"
"Ikuha mo kami ng lechon." Tinuro ni Medel 'yong malaking lechon na nakahain sa gilid.
"Bakit hindi pa kayo kumuha? Uutusan niyo pa ako."
"Nahihiya kami."
"Tangina niyo, ngayon pa kayo nahiya e punong-puno na 'yang mga plato niyo."
Natawa silang dalawa.
"Sige na, ikuha mo na kami," banat naman ni Kael. "Kami na nga magre-reserve ng mesa para sa 'tin."
"Ang laki niyang ambag niyo, ah? Sige na, maghanap na kayo ng pwesto." Umalis na ako para kumuha ng lechon.
"Arkhe! Damihan mo ang kuha, ha?" Pahabol pa ni Medel.
Napailing-iling ako. Langya 'yung dalawang 'yon. Tanghali pa lang, pero inuubos na agad ang handa.
Natutuwa naman sila Mama sa kanila kaya panay rin ang pag-alok ng pagkain. Ewan ko ba kay Mama kung bakit gustong-gusto sila Baron, samantalang kinahihiya ko na nga 'yong dalawang 'yon dahil sa siba nilang kumain.
Pinuno ko 'tong paper plate ng lechon, tapos pumunta na ako sa mesa na nahanap nila Kael.
Tingnan mo 'tong dalawang 'to, nag-umpisa na agad kumain. Hindi man lang talaga ako hinintay.
"O, ito na ang lechon niyo. Ubusin niyo lahat 'yan, ah."
"'Yon!" Pumapak agad si Baron ng balat. "Ikaw, p're? Wala kang pagkain? Kumuha ka na ro'n, wag ka nang mahiya."
Gago talaga. Ako pa ang mahihiya, e handa namin 'to. "Sige na, kumain lang kayo diyan. Makita ko lang kayong busog, masaya na ako."
Natawa sila. Pero sa totoo lang, ginutom na rin ako kasi ang sarap nilang panooring kumain, kaya kumuha muna ako ng isang stick ng barbeque sa plato ni Kael.
"Ganito pala kasaya kapag fiesta," sabi niya.
"Oo. Tradisyon na 'to rito na may mga party at handaan sa mga bahay-bahay, tapos imbitado lahat. Mamayang hapon, may parada ng mga marching bands. Pero hindi na ako nanonood ng gano'n. Naliligo na lang kami sa dagat kasama ang kuya ko tsaka mga pinsan ko."
"Malapit dito ang dagat?"
"Oo, gusto niyong mag-swimming?"
"Tara. Kanina pa nanlalagkit 'tong mukha ko tsaka buhok ko."
Natawa sa kanya si Baron. "Paano ka hindi manlalagkit, e tangina sinalo mo lahat ng alikabok do'n sa bintana ng jeep kanina."
Natawa rin ako. Isang mahabang jeep kasi ang sinakyan namin ng pamilya ko papunta rito sa Batangas.
Dapat gagamitin namin ang sasakyan ni Kael, kaso gusto raw niyang ma-experience sumakay ng jeep. Minsan lang siya humiling ng ganon kaya pinagbigyan namin. Ayon, tuwang-tuwa. Kulang na lang ilabas niya ang ulo niya sa bintana ng jeep makadungaw lang.
"Ang sayang mag-jeep," sabi niya pa. "Ang ingay natin sa loob tapos puro pagkain sa gitna. 'Yun nga lang puta, lagkit na lagkit na ako. Tara, swimming tayo mamaya?"
"Kayo na lang," sagot agad ni Baron. "Ayokong mag-swimming. Manonood na lang ako ng mga marching bands. 'Di ba 'yun 'yong mga naka-mini skirt ang mga babae?"
Napangisi ako. "Hindi ko alam, brad. Good boy ako, hindi ko inaalam 'yang mga ganyan."
"Ulol! Dito ka nakatira, kahit isang beses hindi ka nanonood ng gano'n?"
Natawa na lang ako. Tapos mayamaya lang, napansin ko si Kael na humahaba na ang leeg at may tinitingnan na babae.
Sinipa ko nga ang paa niya sa ilalim ng mesa. "Oy. Kilala ko 'yang mga ganyang tinginan mo, ah? Kamag-anak ko 'yan."
Nagpigil siya ng ngiti. "Bakit, tinitingnan ko lang naman."
"'Yun na nga, e. Alam kong kapag tinitigan mo na ng ganyan, target locked mo na. Wag 'yan. Mukha lang bata 'yan, pero mas matanda 'yan sa 'tin."
"Wala raw pinipiling edad si Kael," banat naman ni Baron. "Kahit sino, papatulan niya."
"Tangina niyo, hindi na nga ako nagsasalita," depensa ni Kael. "Ano ba kasi, magsi-swimming ba tayo pagkatapos kumain o ano?"
"Ayokong mag-swimming," sagot ulit ni Baron. "Makiligo ka na lang dito kila Arkhe kung nanlalagkit ka. May baon ka bang brip?"
Natawa na lang ako. "Hindi mo mapipilit 'yang si Medel mag-swimming. May sa pusa 'yan, takot sa tubig. Dito ka na lang maligo sa bahay, tapos mamayang hapon, manood tayo ng mga palaro."
"Anong palaro?" tanong ni Kael.
"Marami. May sack race, palo-sebo, pukpok palayok. Mga gano'ng laro."
Biglang napatigil sa pagkain ng lechon si Baron sabay humarap sa 'kin. "May premyo ro'n? Magkano?"
Natawa ako. "Parang gusto mo pang sumali, ah?"
"Syempre! Kapag ganitong gipit ako kasi napatalsik ako sa tattoo shop, papatulan ko talaga lahat ng pwede kong pagkakitaan. May premyo ba? Malaki?"
"Mga isang libo rin yata."
Siniko niya agad si Kael. "Sali tayo, brad."
Napangisi si Kael. "Hindi ako mahilig sa mga ganyan."
"Tangina naman nito! Kalimutan mo muna 'yang pagiging rich kid. Mag-enjoy ka rin paminsan-minsan."
"Kanina niyayaya kita sa gusto kong swimming, ayaw mong pumayag. Tapos ngayon, pipilitin mo ako sa gusto mo. Ayoko niyan. Kayo na lang ni Arkhe."
Tumingin ulit sa 'kin si Medel. "Tara, Ark? Magaling ako sa sack race. Nung bata ako, palagi akong sinasako ni Mama kasi ang tigas ng ulo ko, tapos tumatalon lang ako para makatakas."
Ang sarap ng tawa ko sa kanya. "Ikaw na lang mag-isa ang sumali. Hindi bagay sa 'kin 'yang mga ganyan-ganyan. Masisira ang image ko rito."
"Tangina niyo naman! Puro kayo pagpapa-gwapo, eh!"
"Ikaw na lang kasi ang sumali. Susuportahan ka namin ni Kael."
"Oo nga, ikaw na lang," pagsakay rin ni Kael. "Ichi-cheer ka na lang namin sa gilid. Kayang-kaya mo 'yon. Galingan mo para sa isang libo."
Bigla niya kaming tiningnan nang masama. "Gago kayong dalawa, parang inuuto niyo ako, ah."
"Hindi naman sa gano'n." Nagpipigil na ako ng tawa. "E 'di ba sabi mo, gipit na gipit ka? Kaya ikaw na lang ang sumali."
"Kapag ako nanalo tangina niyo, wag kayong hihingi ng balato sa 'kin."
"Bakit? Susuportahan ka nga namin ni Kael. Kapag nanalo ka, manlibre ka. Inom tayo mamayang gabi."
Tiningnan niya pa muna ulit ako nang masama, pero bigla na rin naman siyang tumiklop. "Sige. Saan iinom?"
Natawa na lang ako. Basta alak talaga, ang bilis niyang kausap.
"May maliit na parang isla malapit dito," sabi ko. "Magba-bangka lang tayo mamayang hapon, tapos doon tayo uminom magdamag. Bukas ng umaga na tayo uuwi."
"Ayos! Mukhang masaya 'yan, ah."
"Oo nga," sabi ni Kael. "Kaya galingan mo sa palaro. Kailangan manalo ka para may pang-inom tayo."
"Sige, sige." Na-excite rin naman 'tong si Medel sabay pinapak na ulit ang lechon.
'Langya, natatawa na lang talaga ako. Ayaw na ayaw niyang inuuto siya, pero lagi pa rin naman namin siyang nauuto. Pasimple na nga lang kaming nagtatawanan dito ni Kael.
NUNG HAPON, TINULOY talaga ni Baron ang pagsali sa mga palaro. Seryoso talaga siyang magka-pera.
At syempre, bilang mababait niyang mga kaibigan, todo cheer kami sa kanya ni Kael. Hindi lang namin inasahan na papatosin niya lahat ng mga palaro rito.
Ang usapan, sack race lang. Nalingat lang kami ni Kael kasi bumili kami ng gulaman, pagtingin namin, tangina nagpa-palosebo na ang gago!
Wala na nga siyang pakialam sa itsura niya. Halos mahubaran na siya ng shorts maakyat lang 'yong kawayan. Tangina, tawa kami nang tawa ni Kael! Todo sigaw pa kami para ganahan siyang maglaro. Pati sa 'min tuloy, natatawa na rin ang mga tao kasi ang kukulit namin. Buti na lang nanalo siya kasi wala na kaming mukhang maihaharap sa sobrang hiya.
Pero sa totoo lang, ang galing maglaro ni Medel. Halos lahat ng mga sinalihan niya, panalo siya. Palibhasa laking kalye kaya marunong dumiskarte. Naka-limang libo ang gunggong!
"'Yon! May pang-inom na tayo mamaya!" banat ko agad habang sinasalubong namin si Baron.
Ang lapad ng ngiti niya habang winawagayway 'yong mga perang napanalunan niya. Halos magyakapan pa kaming tatlo nung nagkasama-sama na ulit kami.
"Tangina mo gago, ang galing mo!" Binatukan siya ni Kael. "Paano mo naakyat 'yong kawayan? Ang hirap no'n!"
"Hindi mo ba alam? Dati akong unggoy."
Natawa kami, tapos binigay na niya sa 'min ang napanalunan niya. "O, ito na ang pang-inom natin. Natanggalan ako ng dignidad diyan ah, kaya siguraduhin niyong marami tayong mainom."
"Wag kang mag-alala, magpapakasasa tayo sa alak," sagot ko. "Magpapabili na ako sa kuya ko para makapunta na agad tayo sa isla bago magdilim."
ALAS SAIS NG gabi, nakarating na kaming tatlo sa sinasabi kong isla.
May baon na kaming mga alak tsaka pagkain galing sa fiesta. Si Mama kasi, ang daming pinadala sa 'min. Akala mo naman tatlong araw kaming mawawala. Suportadong-suportado talaga siya sa mga trip naming magkakaibigan.
Hindi naman kalakihan 'tong isla. May iba nga ring mga nag-iinuman dito, pero konti lang naman kaya tahimik pa rin.
Ang gusto ko rito, katapat lang talaga ng dagat ang pag-iinuman namin. Pwede kaming lumusong kahit kailan namin gusto. May mga cottage rin kaya may pag-iiwanan kami ng mga damit.
"Ayos dito, ah," sabi ni Kael habang tinitingnan ang paligid. "Ang ganda ng ambience."
"Anong ambience, brad?" biglang tanong naman ni Baron. "Ambulance lang ang alam ko."
Ang sarap ng tawa namin sa kanya. Gago talaga 'tong si Medel. Minsan hindi na namin alam kung nagbibiro ba siya o seryoso talaga e. Hindi pa siya nakakainom niyan, pero parang may amats na agad siya sa utak.
Naghanap lang kami ng magandang pwesto, tapos nag-umpisa nang uminom.
"Arkhe, anong oras tayo babalik sa Maynila?" tanong sa 'kin ni Baron.
"Unang araw pa lang natin, pag-uwi na agad ang iniisip mo."
"Tangina ka, tinatanong ko lang. Balak ko kasing pumunta sa shop ni Rex. Magpapa-tattoo ako. Nangako ako sa kanya na dadaan ako kapag napadpad ulit ako rito sa Batangas."
"Adik na adik ka na sa karayom. Sa umaga bago tayo umuwi sa 'tin, pwede ka pang magpa-tattoo."
"Sige. Sasabihan ko si Rex."
Bandang alas-diyes ng gabi, ang dami na naming naiinom.
Ang lakas na nga ng tama ni Medel. Hindi na namin siya makausap nang maayos kasi kung anu-ano nang pinagsasabi niya. Kaya halos kaming dalawa na lang ni Kael ang nagki-kwentuhan.
Ayos ding kausap 'tong tao na 'to. Nung una ko siyang nakilala, medyo ilang ako sa kanya kasi mayaman tsaka inglesero. Pero nung tumagal-tagal, nahawa na rin siya sa pananalita namin ni Baron. 'Yun nga lang, sa 'ming tatlo, siya talaga 'yung mas pormal. Mahahalata mo sa kilos niya na iba siya pinalaki. Ayaw niyang napapagod tsaka pinagpapawisan. Kaya prinsipe ang tawag namin sa kanya, e.
"Kumusta ka pala sa bahay niyo?" tanong ko sa kanya. "Makakabalik pa ba ulit kami ro'n?"
Nayari na naman kasi siya sa tatay niya nung nalamang doon kami uminom nung nakaraan.
Ngumisi lang naman siya sabay hithit sa yosi. "Sa condo na lang ulit tayo. Wala talaga akong lugar sa bahay na 'yon."
"Hindi mo talaga makasundo 'yang erpat mo, 'no?"
"Ayaw niya kasing magpaka-tatay. Ang hilig mandikta kung anong dapat kong gawin sa buhay, tapos palagi pa akong kinukumpara kung kani-kanino."
"Kanino ka ba nila madalas kinukumpara?"
"Do'n sa ampon nila. Si Anika."
Napangisi na lang din ako. "Hindi talaga namin alam na may kapatid ka pala. Akala namin mag-isa ka lang."
"Mag-isa lang naman dapat talaga ako. Ewan ko ba kung bakit nag-ampon-ampon pa sila. Siguro bata pa lang, naramdaman na nilang wala talaga silang mapapala sa 'kin. Tapos 'yung babae pang 'yon ang mas paborito nila."
"Nagseselos ka, brad?"
Natawa siya. "Hindi naman. Nakakagago lang. Kaya hindi ko tinuturing na kapatid 'yon e."
"Hindi mo siya gusto?"
"Hindi. Hindi ko nga pinapansin. Ngayong Summer, magbabakasyon 'yon dito sa Pinas. Kaya malamang siya na naman ang bida sa mata ng mga magulang ko. Pagdating talaga sa pamilya, ikaw lang ang sinwerte sa 'tin."
"Ayaw mo bang galingan na lang din sa trabaho para hindi na sila nagagalit? Tutal, kayang-kaya mo namang pagsabayin 'yon tsaka ang pagta-tattoo mo."
"Ayokong pumasok sa opisina. Hindi ko talaga mundo 'yon. Gusto ko 'yung ganito. 'Yung kasama ko lang kayo na gumagawa ng mga katarantaduhan."
Natawa ako. "Tangina mo, kaya pati kami ni Baron, pinag-iinitan ng mga magulang mo e. Pinagkakamalan pa kaming bad influence."
"B.I naman talaga kayo sa 'kin. Wag na kayong magmalinis."
"Tsk, ang dadaldal niyong dalawa," biglang sumingit si Baron.
Kasama pa pala namin siya. Akala ko nakabili na siya ng sarili niyang mundo.
"Ji-jingle lang ako saglit," paalam niya sabay tumayo agad.
"Sige," sagot ko. "Bilisan mo, ah. Baka tatakasan mo na 'tong alak."
"Hindi. Kayang-kaya ko pa."
Umalis na siya pagkatapos. Kayang-kaya pa raw e halos hindi na nga siya makalakad nang diretso.
Napailing-iling na lang ako sabay inom ulit sa baso ng alak.
Nagkwentuhan na ulit kami ni Kael, pero mayamaya lang, may narinig kami na parang may sumisigaw malapit sa banyo.
Nilingon ko agad. "Si Baron ba 'yon?"
Ngumisi lang naman si Kael. "Pabayaan mo lang, malaki na siya."
Dapat hindi ko na ulit papansinin, kaso tumindi na 'yung pagwawala, tapos nagkukumpulan na rin ang ibang mga tao ro'n.
Nataranta na ako at tumayo agad. "Tangina p're! Napaaway na naman yata si Medel!"
Nataranta na rin si Kael sabay sumunod na sa 'kin. Pagkakita namin kay Baron, tangina ginugulpi na 'yung mga halaman!
Inawat agad namin. "Brad, tama na, brad! Halaman lang 'yan!"
Ayaw niya pang tumigil. Pinagsisipa niya 'yung mga halaman at minumura niya pa.
"Tangina mo!" Sigaw niya sa halaman. "Kita mong dadaan ako, tapos haharang-harang ka sa 'kin. Gago ka ba?" Sinipa niya ulit.
Todo awat pa rin kami ni Kael kahit na mukha na kaming mga gago. 'Yung ibang mga tao rito sa paligid, natatawa na sa 'min. Mamamatay na lang kami sa kahihiyan.
"Baron!" Halos buhatin ko na siya palayo. "Tama na, gago!"
Hindi pa rin talaga siya tumigil. Niyakap niya 'yung mga halaman, tapos pinagsasapak niya na akala mo naman makakalaban ang mga 'yon.
Hindi ko na alam kung matatawa pa ba ako o ano.
Tsaka lang huminto si Baron nung natumba at nasira na lahat ng mga halaman. Hiyang-hiya na talaga kami kaya pinagtulungan na namin siyang kaladkarin ni Kael para makalayo lang.
Dinala namin siya malapit sa dagat, tapos bigla siyang binatukan ni Kael. "Tangina naman! Alam naming basagulero ka, pero pati ba naman halaman, hindi mo pinatawad?"
"Anong halaman?" singhal pa ni Baron. "'Yung binugbog ko? E gago 'yon! Ji-jingle ako, tapos haharang-harang sa 'kin."
"HALAMAN 'YON! HALAMAN!"
Napasapo na lang ako sa noo ko habang natatawa.
Si Kael kasi, ayaw ring magpatalo e. Alam niya namang wala nang naiintindihan si Baron kasi lasing na lasing na, pero nakikipag-debate pa siya.
"Wala na," sabi ko na lang. "Iba na ang tama niyan. Patulugin na natin."
Hinatid na namin si Baron dun sa cottage na nirentahan namin, tapos kami na lang ni Kael ang umubos sa mga alak.
KINAUMAGAHAN, KAMING DALAWA lang ulit ni Kael ang unang nagising.
Nag-aayos na kami para sa pag-uwi habang pinagtatawanan 'yung nangyari kagabi. Tangina, epic 'yon. Hindi ko makakalimutan 'tong bakasyon na 'to.
Buti na nga lang hindi kami pinagbayad dito dahil ang dami talagang nasirang halaman ni Medel.
Tapos hanggang ngayon, humihilik pa rin ang may sala. Tulog mantika ang ungas! Naka-ilang daan na kami sa cottage, pero ang lalim pa rin ng tulog.
"Ayan na, gising na ang gago," biglang sabi ni Kael.
Paglingon ko sa likod, kalalabas lang ni Baron sa cottage at panay hilot sa ulo niya.
Napangisi ako. "O ano, ang sakit ng ulo mo, 'no?"
Nakasimangot ang mukha niya nung lumapit siya sa 'min. "Anong nangyari kagabi? Bakit puro sugat 'tong kamay ko?"
Natawa kami ni Kael. "Nagtataka ka pa, ah," sabi ko. "Wala kang maalala?"
"Wala. Tangina, sobrang sakit ng ulo ko. Ano bang nangyari?"
"Ginulpi mo 'yung halaman, gago."
"Anong halaman?"
"Ayun, o!" Tinuro ko pa. "Tingnan mo, sira-sira na."
Tiningnan niya rin, pero hindi siya naniwala. Sumama pa ang tingin niya sa 'kin. "Tangina, Arkhe, kapag ganitong kagigising ko lang, wag mo akong pinagti-tripan, ah."
"Hindi kita pinagti-tripan. Ginulpi mo talaga 'yung halaman. Tanungin mo pa si Kael. Inawat ka na nga lang namin kagabi."
"Bakit ko naman gugulpihin 'yung halaman, e halaman 'yon! Mga gago ba kayo."
Nagtawanan na lang kami ni Kael. "Wag kang maniwala kung ayaw mo. Sige na, mag-ayos ka na. Babalik na tayo sa bahay."
Tumulong na siya sa 'min sa pagliligpit, pero panay pa rin ang tingin niya sa mga galos niya sa kamay. Takang-taka pa rin siya kung paano siya nagkasugat. Gago talaga e.
Hanggang sa makasakay na kami rito sa bangka pauwi, 'yung nangyari pa rin kagabi ang pinaguusapan namin.
Paulit-ulit siya sa katatanong kung ginulpi niya raw ba talaga 'yung halaman. Sinasagot naman namin siya nang maayos, pero ayaw niya pa ring maniwala.
"Imposible talagang nangbugbog ako ng halaman," sabi niya pa sa 'min.
Napikon na sa kanya si Kael. "Bahala ka na kung ayaw mong maniwala sa 'min. Pero tangina mo, nakakahiya ka kagabi. Sa susunod, hindi ka na namin isasama."
Natawa ako. "Oo nga. Iwan ka na lang sa bahay."
"Tangina niyo, parang hindi ko kayo mga kaibigan, ah? Nanggulpi lang ako ng halaman, kinahihiya niyo na ako."
"E 'di inamin mo na rin na nakipag-away ka talaga sa halaman?"
Bigla na siyang natawa. "Lasing ako, brad! Kapag kayo ba nalalasing, alam niyo pa kung anong mga ginagawa niyo?"
"Oo." Sabay pa kaming sumagot ni Kael.
Napikon ang itsura niya. Tawang-tawa tuloy kami ni Kael dito.
"Oy kayo," sabi niya sa 'min. "Sikreto lang natin 'yong nangyari kagabi, ah? Walang makakalabas. Tangina niyo, masyado na kayong maraming nalalaman sa 'kin."
Natawa ako. "Wag kang mag-alala, sikretong malupit lang natin 'tong tatlo. Hindi ko ipagkakalat."
• • •
AUTHOR'S NOTE: Hello, guys! Finally, nakapag-update na ulit ako rito. Sobrang na-miss ko sila Baron, huhu. Ang special talaga nilang tatlo sa 'kin. I'm hoping na makahanap ako ng mas maraming time para tuloy-tuloy na ang pag-uupdate ko rito.
Any scenes na gusto niyong mabasa para mai-lineup ko sa mga next chapters?
Thank you so much for patiently waiting and for always supporting! 🖤
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top