I: The Playboy
ARKHE ALVAREZ
"ARKHE! SAAN NA naman ang lakad mo? Sa mga babae mo na naman?"
Natawa ako sa sermon ng nanay ko habang nagwa-wax ako ng buhok sa tapat ng salamin. "Ang tindi naman nung 'mga babae', Ma. Wala akong gano'n."
Lumapit siya sa 'kin dito sa banyo. May hawak pa siyang sandok kasi nagluluto siya. "E saan ka nga kasi pupunta? Kagabi, madaling araw ka na naman umuwi. Ngayon naman tanghali ka nang nagising tapos aalis ka agad. Ano bang ginagawa mo sa buhay mo?"
Ang cute talaga nitong si Mama. Ilang beses ko nang pinaliwanag sa kanya kung anong trabaho ko, pero hindi niya talaga maintindihan. Partida niyan parehas pa kami ng pinagkaka-abalahan ng kuya ko.
"DJ nga ako sa club, Ma," inulit ko na lang ulit. "Sabi ko kasi sa 'yo sumama ka sa 'min ni Theo minsan para malaman mo e. Mag party-party ka ro'n."
"Anong mag-party-party? Ang tanda ko na, tinuturuan mo pa ako ng ganyan. Tsaka ano 'yong sinabi sa 'kin ng kuya Theo mo na may dine-date ka raw na college student? Anak naman, wag naman gano'n ka-bata."
Natawa na lang ulit ako sa kanya. "Naniniwala ka kasi masyado kay Theo, e. Wala nga akong girlfriend ngayon."
"Diyos ko, 'yan yata ang mas mahirap paniwalaan."
"Wala naman talaga. Isang linggo na nga akong walang bagong girlfriend."
"Aba! Parang inip na inip ka na, ha!" Bigla niya pa akong binatukan.
Natawa ako. "Ma naman, sinisira mo 'yung buhok ko." Inayos ko na lang ulit sa tapat ng salamin.
"Puro ka pagpapa-gwapo e. Kung pambababae na lang talaga ang gusto mong gawin sa buhay, bahala ka. Pero Arkhe naman, pumili ka naman ng ka-edad mo. No'ng huling beses, thirty years old ang nobya mo. Ngayon naman eighteen. Ano ba talagang hanap mo?"
"Nag-eenjoy lang, Ma. Masama ba 'yon?"
"Masama, lalo na kung estudyante pa ang pinapatulan mo. Mapapahamak ka talaga riyan sa ginagawa mo, Arkhe. Bente-tres anyos ka na, ayos-ayusin mo na 'yang buhay mo."
"Tsk, si Mama naman ang haba ng litanya. Pangit din naman 'yung masyadong good boy."
"Ayan, diyan ka magaling, sa pagsagot-sagot mo ng ganyan. Tapos wala ka rin namang pinakikilang girlfriend sa 'min hanggang ngayon. Ayaw mong magseryoso. E kung sumama ka na lang kaya talaga sa 'min sa pagbalik sa Batangas para pumirmis ka?"
"Hinahanap ko pa nga kasi 'yong ipakikilala ko sa inyo. Kung lagi niyo 'kong pinagbabawalan lumabas, paano ko mahahanap?"
"E 'di inamin mo na ring makikipag-date ka na naman ngayon kaya ka aalis?"
"Hindi, ah. Magkikita-kita kami nila Baron at Kael."
"'Yung totoo? Mga kaibigan mo talaga ang pupuntahan mo ngayon? Arkhe ha, ayoko ng kolehiyala, sinasabi ko sa 'yo."
Tinawanan ko na lang ulit siya. Nag-spray ako ng pabango saglit, tapos hinalikan na siya sa pisngi para magpaalam. "I love you. Alis na 'ko, bawal akong ma-late."
Tinanggap niya rin naman ang halik ko. "I love you, too. Anong oras ka na naman uuwi niyan?"
"Hindi ko pa alam. Wag niyo na 'kong hintayin." Dumiretso na ako sa labas.
Nakakatawa naman si Mama kasi sinundan pa talaga ako sa gate. "Arkhe, walang kolehiyala, ha?"
"Wala nga. Sige na, Ma, sunog na 'yong niluluto mo."
"Ay sus, oo nga pala!" Napatakbo siya pabalik sa loob.
Napailing-iling na lang ako habang pasakay sa kotse namin.
Malapit ako sa Mama ko at mahal na mahal ko 'yon, pati na ang Tatay ko tsaka ang nakatatanda kong kapatid na si Theo. Pero minsan talaga nasusuway ko sila pagdating sa ibang mga bagay. Katulad na lang ng pagpatol sa kolehiyala.
Pinaandar ko na 'tong kotse at dumiretso na sa eskwelahan kung saan ko sinusundo 'yong babae ko ngayon.
Hindi ko pa naman talaga girlfriend si Apple. Nilalandi ko pa lang. Nakikipag-landian din naman siya sa 'kin kaya quits kami. Nakilala ko siya sa isang party kung saan ako nag-DJ. Na-cute-an ako kaya hiningi ko agad ang number at inalok siya na ihatid ko siya sa kanila.
Eighteen lang 'yon. Alam kong bawal kasi nag-aaral pa at ang bata para sa edad ko na twenty-three na, pero pagdating talaga sa mga babae, hindi ko na naiisip kung anong tama at mali. Kaya rin hindi ko inaamin sa pamilya ko e. Ewan ko nga kung paano nakarating sa utol ko na may tinatarget akong kolehiyala ngayon. Kinabitan yata ako ng CCTV ng hayop na 'yon. O baka nakibalita siya sa mga kaibigan ko.
May dalawa kasi akong kaibigan na sobrang lapit sa 'kin. Si Baron tsaka si Kael. Parehas silang tattoo artist.
Totoo naman talaga ang sinabi ko sa Nanay ko na magkikita-kita kami, pero mamayang gabi pa pagkatapos ko kay Apple. Sabado kasi ngayon. Ang tawag namin madalas sa grupo namin, Saturday Boys. Medyo nakakatuwa rin kung paano kami nauwi sa gano'n.
Parang magkakapatid na kaming tatlo, pero minsan sa sobrang dulas ng mga dila nila, may nasasabi sila sa pamilya ko na hindi dapat nila sinasabi. Mga gago rin 'yong mga 'yon e, nilalaglag ako.
###
SAKTO ANG DATING ko sa eskwelahan. Ala-una ng tanghali. Tapos na si Apple sa Saturday class niya.
Inayos ko lang ulit ang buhok ko sa tapat ng salamin, tapos bumaba na ng kotse para abangan na lang si Apple sa labas ng gate.
Sumandal ako sa pinto ng sasakyan at naglabas muna ng cellphone. May nag-text pala sa 'kin. Kanina pa, hindi ko nabasa agad. Number lang ang lumabas kasi tamad akong mag-save ng mga pangalan sa cellphone.
Binuksan ko ang text. Si Pauline pala. Ito 'yong ex kong thirty years old na tinutukoy ng Nanay ko kanina.
Tatlong araw lang kaming nagtagal nito. Hiniwalayan ko agad kasi ang boring niya kasama minsan. Kaso mukhang hindi maka-move on sa 'kin. Text pa rin nang text.
| Baby, I miss you 😞 |
'Yan ang nakalagay sa text niya.
Napangisi na lang ako. Nasa mood akong makipaglandian ngayon kaya tinext ko rin siya kahit huli na ang reply ko. Sabi ko lang:
| Miss na rin kita. Mag-isa ka ba sa bahay? Puntahan kita diyan? |
Pagka-send, binulsa ko na ulit ang cellphone ko. Tapos sakto, napansin ko na si Apple na palabas.
Kasama niya na naman ang tatlo niyang mga kaklase na hindi ko matandaan ang mga pangalan. Malayo pa lang pero kitang-kita ko na ang kilig niya kasi nagtutulakan at nagpapaluan sila.
Napangisi ako.
Ito ang gusto ko sa mga bata, e. Ang bilis pakiligin. Kapag sinusundo ko nga si Apple, pinagtitinginan ako ng ibang mga estudyante. Ewan ko kung sadyang pogi lang ba talaga ako, o dahil may dala akong kotse. Hindi nila alam tinatakas ko lang sa Tatay ko 'to.
"Hello, Arkhe!"
Kinikilig na bati ng mga kaklase ni Apple sa 'kin. Nagtutulakan na naman nga sila. Tapos binulungan siya ng katabi niya, pero rinig na rinig ko naman.
"Oh my gosh, Apple, ang cool niya talaga. Parang artista."
Napangiti ako, tapos kumaway na lang din. "Hi. Hihiramin ko muna 'tong kaibigan niyo, ah?" Hinawakan ko na ang kamay ni Apple para palapitin sa 'kin.
Kitang-kita ko na naman tuloy ang mga kilig nila.
Nagpaalam na agad kami pagkatapos. Pinagbuksan ko ng pinto ng kotse si Apple bago ako umikot para sumakay sa kabilang pinto.
Tinitigan ko siya. "Hi, baby. Ang ganda mo naman."
Sakto kasing hinubad niya ang suot niyang maong na jacket. Naka-spaghetti-strapped na pang-itaas na lang siya ngayon. Natutuwa talaga ako sa mga babaeng cute pumorma.
Napapigil siya ng ngiti sabay ayos sa strap ng damit niya. "Baby agad? Hindi naman tayo."
"Bakit, bawal ba kitang tawaging baby?"
Napanguso siya. Ang ganda lang talaga nitong babaeng 'to e. Ang sarap niya talagang i-baby.
"Ba't ayos na ayos ka yata ngayon? Kulot pa ang buhok mo," sabi ko na lang ulit.
"Syempre, magkikita tayo e. Inayusan ako ng mga friends ko. Sabi ko nga sa kanila wag na nila akong samahan palabas ng school, kaso gusto ka raw nilang makita."
"Bakit naman?"
"Crush ka nila. Nakaka-laglag panty ka raw."
Natawa ako. "Ayoko naman ng mga panty nila. Panty mo lang ang gusto kong malaglag."
"Ano?"
"Wala." Buti na lang hindi narinig. "Ang sabi ko, ang dami naman palang nagkaka-crush sa 'kin."
Bigla siyang umirap. "Nakakaselos nga. Usap-usapan ka sa classroom namin kanina kasi napanood ka namin na nag-DJ sa pinuntahan naming party, tapos biglang sinusundo mo na ako. Ang pogi mo raw at ang cool dahil diyan sa tattoo mo sa braso, kaso mukha ka raw playboy."
Napangisi ako. "Mukha lang akong playboy, pero hindi ako gano'n."
"Totoo?"
"Oo nga. Ang bait-bait ko e." Inipit ko ang buhok niya sa likod ng tenga niya. "Wag ka nang magselos. Sa 'yo lang naman ako."
Nagpigil na naman siya ng ngiti. "'Yan siguro ang linyahan mo sa iba mong mga girls?"
Ako naman ang napapigil ng ngiti. "Wala nga akong ibang babae. Bakit hindi ka naniniwala sa 'kin." Nagkabit na ako ng seatbelt at binuhay 'tong makina ng sasakyan. "Saan mo gustong pumunta?"
"Ikaw." Hindi na siya makatingin sa 'kin.
"Saan nga?"
"Ikaw nang bahala."
"Isip ka. Kapag hindi ka sumagot nang maayos, iuuwi na lang kita sa 'min."
Bigla niya akong hinampas sa braso. "Wag ka ngang ganyan. Mafo-fall ako sa 'yo niyan, e."
"Bakit, hindi pa ba?"
Napakagat na naman siya ng labi.
'Langya, natatawa na lang ako. Ang sarap lang din talagang makipaglandian.
Habang nagda-drive, bigla namang tumunog ang cellphone ko. Akala ko si Pauline. Buti na lang hindi, baka mahuli pa 'ko ni Apple na nakikipaglandian sa iba.
"Sino 'yan?" tanong niya agad.
"Kaibigan ko, si Baron. Sagutin ko lang saglit." Ni-loudspeaker ko para makausap ko siya habang nagmamaneho ako.
"Oy," bungad ko lang sa kanya.
"Tangina mo gago, nasa'n ka na?"
Natawa ako. Ito nga pala 'yong kaibigan kong si Baron na pinaglihi sa sama ng loob. Ginawa niyang sarili niyang linggwahe ang pagmumura.
"May sinundo ako ngayon," sagot ko lang. "Bakit, mamayang gabi pa naman tayo magkikita-kita nila Kael, 'di ba?"
"Oo nga, tinatanong ko lang kung nasa'n ka."
"Miss mo na 'ko, brad?"
"Gago. Sino na naman ba 'yang sinundo mo?"
Tiningnan ko si Apple na nakikinig sa 'kin. "Magiging girlfriend ko."
"Tangina ka talaga, kaya idol kita e. Wag mo 'kong kalilimutang sunduin sa tattoo shop mamaya, ah?"
"Oo nga. Alam mo namang mahal na mahal kita brad, hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita."
"Tanginang 'yan. Magkaka-developan pa tayo nito e. Sige na, mamaya na lang."
"Sige."
Tawang-tawa ako nung binaba ko ang tawag. Gano'n talaga kami mag-usap ni Baron. Kaso minsan nasosobrahan ang landian namin sa isa't isa, parehas kaming kinikilabutan sa mga kalokohan namin.
Tiningnan ko si Apple pagkatapos. "Natagalan ka ba? Sorry."
"Hindi, okay lang. May lakad ka pa pala mamaya?"
"Oo, pupunta kami sa bahay ng isa naming kaibigan. Iinom lang saglit."
"Ah. Bakit pala sinabi mo sa kaibigan mo na magiging girlfriend mo ako?"
Napangisi ako kasi alam kong itatanong niya talaga 'yon. "Bakit, totoo naman 'di ba?"
"Hindi ka naman nanliligaw sa 'kin, paano mo ako magiging girlfriend?"
"Sinusundo kita, ah. Hindi pa ba ligaw 'to?"
"Ah, okay. Pero kapag naging girlfriend mo na ako, secret lang tayo, hmm?"
"Ba't secret? Sa gwapo kong 'to, isi-secret mo lang ako?"
Natawa siya. "E kasi eighteen pa lang ako. Ang layo ng tanda mo sa 'kin tapos sa party pa kita nakilala. Baka magalit sa 'kin ang parents ko."
"Ah. Sige, secret lang." Ayoko rin naman kasi ng komplikadong relasyon. Chill lang ang gusto ko. "Ano, tayo na?"
Hindi siya sumagot, pero alam kong nagpipigil na naman siya ng ngiti.
Sinilip ko siya. Tama nga ako, halos mapunit na ang mga labi niya sa lapad ng ngiti niya. "Tayo na nga?" tanong ko ulit. "Sumagot ka kung tayo na para hahalikan na kita rito."
Bigla siyang napatakip sa mukha niya. "Arkhe, sinabi nang wag kang masyadong ganyan sa 'kin e. Mabubuntis ako nang maaga nito!"
'Langya, ang sarap ng tawa ko. "Hahalikan lang kita, hindi pa kita bubuntisin.
"Pero nakakabuntis 'yang pagiging smooth mo."
"Sige, hindi na. Pero gusto pa rin kitang halikan."
Tinabi ko na muna 'tong sasakyan sa bakanteng lote.
Nagtanggal ako ng seatbelt at hinawakan agad ang magkabila niyang mga pisngi. Mukhang game din naman siya kasi hindi niya ako pinigilan. Pumikit ako at dapat titikman na ang mga labi niya, kaso saktong bigla na namang tumunog ang cellphone ko.
Umatras muna ako. "Teka lang pala."
Malamang si Baron na naman 'to. Hindi ko na tiningnan 'yong number, basta ko na lang sinagot at ni-loudspeaker. "Brad, wrong timing ka."
"Sinong 'brad'? Baby, it's Pauline. Punta ka rito sa bahay, mag-isa lang ako ngayon."
Shit. Huling-huli na 'ko, kaya hindi na ako nagtago. Pinatay ko na lang ang tawag. Si Pao pala, tangina akala ko si Baron.
Pagbalik ko ng tingin kay Apple, umuusok na ang tenga niya sa galit. Bigla niyang inagaw ang cellphone ko, tapos binasa lahat ng mga palitan namin ng texts ni Pauline. Lalong kumulo ang dugo niya.
"Baby pala, ha? Ilan ba kaming baby mo?" Gigil na gigil niyang binato sa 'kin 'yong cellphone. Sapul ako sa mukha!
Nagtanggal agad siya ng seatbelt pagkatapos at bumaba ng kotse. "PLAYBOY! Makahanap ka sana ng katapat mo!" Padabog niyang sinara ang pinto.
Napangisi na lang ako sabay sandal ng ulo ko rito sa upuan.
Tangina, sayang 'yon, ah. Hindi ko man lang muna nahalikan.
• • •
Love this chapter? Feel free to share your thoughts on Facebook and Twitter! Don't forget to include the hashtag #TheTISquad in all your posts/tweets.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top