The Gangster Princess and the Former Assassin
Ilang minuto na lang at alas-sais na. Umiikot ang amoy ng niluluto ni Josef sa kusina. Kumakalat ang bango ng spices na ginamit niya para sa pinalalambot na karneng baka. Pinanonood naman siya ni Laby sa ginagawa niya kahit na nauna na niya itong nilutuan ng chocolate pancake.
"Hindi ba nagluluto si RYJO?" tanong ni Laby habang sinisilip sa likuran ni Josef ang kaserolang nilulutuan nito. "Lagyan mo na kaya ng basil."
Napalingon agad si Josef sa likuran at nagtatakang tiningnan si Laby. Ngata-ngata lang nito ang tinidor. "Marunong ka pa sa 'kin. Ako naman yung nagluluto."
"The meat won't absorb the aroma of the leaf if you add that later. Saka mag-add ka ng salt."
"Ikaw na lang kaya rito," sarcastic pang sinabi ni Josef sabay alok ng sandok na hawak.
"'Yoko nga. Tinatamad ako," sagot na lang ni Laby at binalikan ang kinakain niya. "Ang tagal ng asawa mo, ha. Pagabi na."
"Baka kausap yung mga estudyante niya," katwiran ni Josef at doon lang sinunod ang sinasabi ni Laby kanina. "Anyway, bakit ka tumanggi sa laban? Ang sabi ni Shiner, hahabulin sila ng Xaylem kapag hindi sila lumaban. What about us?"
"That's the point!" masiglang tugon ni Laby. "Kapag hinabol tayo ng Xaylem, dadalhin tayo sa handler! Then, we'll give the card right away. End of the process."
"Hindi ba delikado 'yang iniisip mo?" Tumalikod na si Josef at dumiretso sa island counter, ipinatong niya ang isang kamay roon pantukod at kinuha ang tinidor na may pancake kay Laby na isusubo sana nito at siya ang kumain niyon. "Hindi ba tayo hahabulin ng handler?"
Sinundan lang ng tingin ni Laby ang tinidor niya. Nakanganga lang siya habang nakatingin kay Josef na ngumunguya na. Dismayado niyang ibinaba ang tingin nang kunin ni Josef ang kamay niya at ibinalik ang tinidor na wala nang laman.
Pumikit-pikit pa siya habang nakatingin sa tinidor. Pagkatapos niyon ay nag-angat na naman siya ng tingin at nakatingin lang din sa kanya si Josef na para bang nag-aabang ng salita sa kanya habang ngumunguya pa rin.
"Harap-harapan ka rin kung manguha, 'no? Walang pakundangan? Ibang klase ka." Padabog na naman siyang humiwa ng pancake at padabog ding isinubo iyon. "Saka ba't ka ba nag-aalala? Ipakausap mo sa asawa mo yung mga tauhan ng handler. Problema ba 'yon?" Kahit pagnguya niya, padabog din. Dalawang beses din niyang marahang sinuntok ang dibdib niya dahil parang dumoble ang bilis ng tibok niyon na napansin din ni Josef kaya inabutan siya nito ng tubig mula sa katabing dispenser. Inisip kasi nitong nabubulunan siya.
Tinitigan lang din ni Laby ang baso ng tubig na inilapag ni Josef sa harapan niya. Paglipat niya ng tingin sa lalaki, binalikan na nito ang niluluto.
Pinaikutan na lang niya ng mata ang sarili sabay nandilat sa kinakain niya. Hindi na rin niya ginalaw ang tubig na iniabot ni Josef.
"By the way, si Shiner . . ." Binalikan ni Josef ang island counter at parang naiilang na nagsabi. "She said hindi siya umuuwi sa kanila."
"O, tapos?" tamad na sagot ni Laby habang nakatingin na lang sa kinakain niya.
"Wala kasi siyang permanenteng bahay. I guess, her father was forcing her to fit in the organization kaya siya umalis sa kanila."
"Okay. And?"
"I'm just thinking . . ." Nagbuntonghininga muna si Josef bago ipinagpatuloy ang sinasabi. "Can she stay here for a while?"
"PFFT! Ugk! Ugk! Ugk!" Agad ang kuha ni Laby sa baso ng tubig na ibinigay ni Josef kanina na hindi niya ginalaw. Doon na talaga natuloy ang pagkasamid niya. Pabagsak niyang inilapag sa counter ang baso at masamang tumingin kay Josef. "BALIW KA NA BA?"
"Whyyyy?" tanong pa ni Josef sabay lahad ng mga braso sa magkabilang gilid. "I just want her to be safe."
"NAKIKINIG KA BA SA 'KIN, HA? Hinahabol siya ng kapatid mo tapos patitirahin mo rito?! Utaaaak! Nasaan?!"
Napaisip din si Josef doon. Nakalimutan niya kasi.
Pero naaawa kasi talaga siya kay Shiner.
"Can we do something about that?" tanong pa ni Josef. At talagang ipagpipilitan niya ang gusto niya. "I'll hide her from Rigory! We can compromise!"
"Ay, nako! Ewan ko sa 'yo!" Padabog na umalis sa high stool si Laby at inirapan ang lalaki. "Nahawa ka na kay Armida! Pareho na kayong baliw!"
"I'm sure you can do something about that!" pagpipilit ni Josef. "Sige na, Catherine! I'm asking you a favor. I don't ask for a favor, FYI. Please?"
"Hindi 'yon laruan na itatago mo kasi napulot mo na, hello?" inis na sinabi ni Laby. "Saka paano mo i-e-explain 'yon kay RYJO, ha? Mag-uuwi ka ng iba rito sa bahay!"
"Ako na ang bahala! I'll tell her na estudyante ko si Shiner. Saka hindi naman permanently e. Aalis naman tayo sooner or later."
Umikot na naman ang mata ni Laby dahil doon. "Bahala ka sa buhay mo. Malaki ka na."
"I'll take that as a yes, ha?"
"Mag-usap kayo ng asawa mo!"
***
Ang usapan ay sasabay si Armida kina James pero tumanggi na agad siya. Sa halip ay pumunta siya sa isang RTW store para bumili ng damit na isusuot sa laban.
Quarter to six na at ilang metro lang ang layo ng Xaylem sa tindahan kung nasaan siya.
Lumabas siya ng store na nakasuot ng black V-neck shirt na sobrang fit sa kanya at mini shorts. Ipinatong na lang niya doon ang white blazer niya na suot kanina pang umaga. Naisipan niyang mag-black Chuck Taylor na lang para komportable kaysa sa suot niyang 4-inch heels. May naka-display na glittered half-faced mask sa mga mannequin at kinuha na lang niya iyon. Black ang kulay na may glitters na white as design. May rubber din para maisuot sa ulo. Isinuot niya agad iyon at itinago ang rubber sa loob ng buhok niya para hindi awkward tingnan sa kanya.
Matapos ang ilang minutong paglalakad, nasa Xaylem na siya at hinihintay sa arena ang grupong lalabanan niya mag-isa. Lumubog na ang araw pero binuksan na ang spotlight sa Xaylem kahit may kaunting liwanag pa rin.
Nakababa na siya ng arena at nagtatago na lang sa haligi na suporta sa sementadong hagdan.
May ilang minutong break bago ang graveyard fight na noon lang niya nalaman. Dalawang beses pa lang kasi silang lumalaban bago pa lumubog ang araw.
Sabi nga sa usap-usapan bago siya bumaba, magaling naman daw ang Lavander Rose, pero magaling din ang Legendary Superiors. Hindi na nga alam ng iba kung kanino pupusta.
Tiningnan ni Armida ang relos niya. 18 minutes na ang lumilipas, wala pa rin ang mga kalaban niya.
"Ang tagal," inip na bulong ni Armida. "Kapag sinabing 6 ang laban, dapat wala pang 6 nandito na sila." Tumingin siya sa arena at sinimangutan iyon. "Uuwi pa 'ko, ano na?"
"XAYLEM!"
Umalingawngaw sa buong Xaylem ang boses na iyon na galing sa speaker.
"Ayun!" Biglang sigla ni Armida dahil sa wakas ay nagsimula na rin ang announcement.
"Welcome to graveyard fights!"
Biglang nagwala ang crowd at sinisigaw na ang mga bias nila.
Alam niyang marami pang ritwal at pasubali ang mga iyon kaya hinintay na lang niya ang oras na tawagin ang pangalan ng grupo nila.
"Ang defender gang! On the right side of the arena! Ang 7th Placer ng Top 10! The deadly beauties of this battleground! LAVENDER ROSE!"
"Roses! Roses! Roses! Roses!"
"Hime Vhanthara!"
"LRG!"
Naglabasan na ang mga member ng Lavender Rose Gang at pare-pareho silang nakasuot ng mga lolli-goth outfit. Black and violet ang color scheme nila. May mga spike at may violet-shades roses patch sa chest part ng blouse. Lahat sila puro babae.
Ang daming nagsisipulan at nagtatawag na ng pangalan ng gusto nilang maging girlfriend at mga binibigyan na nila ng marriage proposal. Ngunit parang walang naririnig ang mga babae at ang ilan sa kanila, ang taray pa habang tinitingnan ang mga kuko nilang magaganda.
"Ang challenger!"
"WHOOOH!"
"LSG! LSG! LSG!"
Hindi pa tapos ang arbiter, umalingawngaw na agad ang cheer ng crowd. Ang dami agad fans.
"On the left side of the arena! Ang bagong 8th Placer ng Top 10! Ang binansagang Legends dahil sa kanilang kakaibang galing!"
"Wow, may bansag na agad. Puwede na rin," bilib na sinabi ni Armida.
"LEGENDARY SUPERIORS!"
"Whooh!"
"Roses!"
"Legends!"
"Roses!"
"Legends!"
Lumabas na nag-iisa si Armida sa puwesto niya na sandaling nakapagpatahimik sa buong Xaylem.
"WHOOOH!"
"NO. 99!"
"IDOL!"
"No. 99, marry me!"
"Ang hot mo!"
"Ang sexy mo!"
"Akin ka na lang!"
"Legends!"
Sa dami ng sumisigaw, hindi na iyon inisa-isa pa ni Armida. Nakatitig lang kasi siya sa mga lalabanan. Mga bata pa kasi. Kaedad lang din ang ilan ng mga estudyante niya.
Binulungan sandali ng leader ng Roses ang arbiter. Si Armida naman, tiningnan ang relos niya. Naiinip na siya, magluluto pa naman daw si Josef para sa kanya.
"Ikaw lang ba ang lalaban?" tanong ng arbiter kay Armida.
"Kailangan bang kompleto kami?" tanong din niya.
"Hindi naman," sagot ng arbiter.
"Good. Anyway, can you tell them, pakibilisan ang laban," ani Armida at itinuro niya ang Roses. "Seryosohin na nila kasi uuwi pa ako."
Nilingon naman ng arbiter ang mga Roses. "Well . . ." Ibinalik niya ang tingin kay Armida. "Kayo na lang ang bahala sa laban."
Pagkalipas ng ilang usap-usap, nagsimula na ang laban . . .
Napuno ng cheer ang buong Xaylem, kanya-kanya na ng taya. Sino nga ba ang mananalo sa dalawang grupo?
Mas marami nga lang ang cheer ng kay Armida dahil 1v10 ang magaganap.
"Sugod na!" utos ni Armida sa mga Roses. "May naghihintay pa sa 'kin sa bahay!"
Tinaasan lang siya ng kilay ng mga ito at sinugod siya ng isang member. Nakaamba na ang suntok nito at base sa tayo, sisipa ito pagkatapos.
Tinapakan agad ni Armida ang kaliwang paa nito at sinuntok sa ibabang parte ng collar bone. Hindi na nito naisuntok pa ang kamao at nailuhod na lang ang magkabilang tuhod sa arena at saka pagilid na bumagsak.
Ganoon lang kabilis.
"Next!" naiinip niyang sinabi habang nakatingin sa mga Roses na nagulat sa nangyari.
"NO. 99! I love you!"
"IDOL NA KITA!"
Sigaw-sigaw ng ilang audience ang pangalan niya at ang pangalan ng grupo nila.
"Humanda ka sa 'min!" sigaw ng dalawang Roses at saka sumugod.
Yung isa, sisipa sa gilid niya at yung isa, susuntukin siya sa sikmura.
Sinipa niya ang alikabok sa arena dahilan para ma-distract ang dalawa at pareho niyang sinikmuraan at sinampal gamit ang likod ng palad niya. Tumalsik ang dalawa sa pader ng arena dahil hindi niya nakontrol ang lakas sa kamay niya. Nakalimutan niya, hindi nga pala puwedeng pumatay sa Xaylem. Sana ay hindi niya napuruhan ang dalawang iyon.
Malakas ang cheer ng crowd, pero para sa mga nasa arena, wala na silang naririnig. Nakabibingi ang tibok ng mga puso nila dahil dibdibang laban na talaga ang nagaganap.
Tatlo na ang bumagsak sa Roses. Mukha namang inip na inip na si Armida.
Naka-attack position na agad ang tatlo sa mga Roses.
"'Yan! Magsabay-sabay na kayo para mabilis!" inis niyang sinabi at kinuyom ang kamao nang iangat iyon. Handa na rin siyang umatake.
Sinugod na siya ng tatlo. Ang isa, sa harap. Ang isa, sa kanan, at ang isa sa kaliwa.
Sinuntok niya ang sumugod sa kanan niya at sinipa ang nasa kaliwa. Sisipain dapat siya sa simura ng nasa harap pero nasalo ng kaliwang kamay niya ang paa nito kaya hinatak niya agad ito dahilan para bumagsak ito sa arena.
Hindi niya napabagsak ang tatlo kaya nagawa pa nitong sumugod ulit. Sinalag niya ang suntok ng isa at saka kinuha ang braso nito saka binira ng palad ang kanang balikat.
"Aaahh!" Napaluhod agad ang binalian niya ng balikat at napahawak ito sa brasong nakalaylay na at hindi na makontrol.
"Chrysalis!" sigaw ng isa nitong kasama. Sinamantala iyon ni Armida at saka niya binira ang tagiliran ng tutulong sana sa kasamahan. Dinakma niya agad ang mukha nito sabay tulak pababa sa arena. Sa lakas ng pagkakahampas ng ulo nito, masuwerte na kung hindi ito magkaroon ng brain damage dahil sa ginawa niya.
Sinipa naman niya ang isa sa mukha at sa sikmura. Napayukod ito kaya binira agad niya ng gilid ng palad ang batok dahilan para mawalan ito ng malay.
Tumayo nang diretso si Armida at seryosong tiningnan ang natitirang Roses. Masama na ang tingin nito sa kanya dahil sa napanood nilang ginawa niya sa mga kasamahan nila.
Wala nang sabi-sabi, sumugod na ang tatlo na galit na galit.
Isa sa mga kahinaan ng mga lumalaban ay ang galit nito dahil hindi na sila nakakapag-isip nang matino. Pero isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit lumalakas ang ilan.
Ang isa, umiiyak na habang sinusugod siya. Napatid tuloy ito sa isa sa mga Roses na bumagsak. Nasalo siya ni Armida at kinuha ang kaliwang braso niya at saka hinagis sa poste ng arena. Ang isang sumusugod, sinipa niya sa tagiliran at saka niya sinuntok sa ilong. Dumugo agad ang ilong nito kaya napahinto siya sa pagsugod. Ipinusisyon niya ang dalawang daliri at tinusok ang tatlong vital area sa katawan ng biktima niya. Isa sa balikat, isa sa dibdib, at isa sa leeg. Bumagsak agad ito at mabilis na naghabol ng putol-putol na hininga.
Ang malas nga lang ng natira. Dahil na rin sa reflex niya kaya hindi niya sinasadyang nagawa ang Heartstopper. Pagbagsak nito, binira na naman niya ng palad ang dibdib para buhayin ulit ito matapos niyang pahintuin ang puso.
Bawal pa rin siyang pumatay ayon sa rules.
And ngayon . . .
Ang natitira na lang ay si Hime Vhanthara. Ang leader ng grupo.
Natahimik na naman ang buong Xaylem. Pinatumba ni Armida ang siyam na member ng Lavender Roses nang walang kahirap-hirap. Hindi na alam ng mga audience kung dapat pa ba silang mag-cheer.
"Ikaw na lang ang natitira," seryosong sinabi ni Armida. Itinuro niya ang mga napabagsak niya. "Pasensya na sa ginawa ko sa mga kasama mo. Kasama sa laban ang bumagsak."
Kinuyom lang ni Hime Vhanthara ang kamao niya. Wala na siyang magagawa, kailangan niyang lumaban.
Ang sabi nila, magaling ang baguhang grupo ng Legendary Superiors. Hindi niya in-e-expect na ganoon sila kagaling, lalo pa't isang member lang ang lumalaban.
Galit siya dahil bumagsak ang mga kasamahan niya, pero tama si Armida. Kasama iyon sa laban.
Pero ang tinuro sa kanya ng tatay niya. Mga mahihina lang ang bumabagsak. At hindi siya mahina. Hindi siya pinalaking mahina. Kung kinakailangang lumaban nang patayan para lang manalo, puwes lalaban siya nang patayan kahit bawal iyon sa lugar.
Itinapat niya ang kanang kamao sa tagiliran at itinaas ang kaliwang palad sa harap. Iniatras niya ang kanang paa at pumosisyon para dumepensa at umatake.
"Bakit hindi ka pa sumugod?" sabi ni Hime Vanthara kay Armida.
"Ay, ako ba ang susugod?" tanong pa ni Armida at itinapat ang palad sa dibdib. "Akala ko ikaw."
"Lalaban ka ba o makikipagbiruan sa 'kin?" inis na sinabi ni Hime Vhanthara.
"Ah . . . key. Sige." Kalmadong naglakad si Armida palapit kay Hime Vhanthara.
Inaabangan naman ni Hime Vhanthara ang ikikilos ni Armida dahil wala siyang tiwala sa lakad nitong parang walang masamang nangyayari.
Huminto naman si Armida sa harapan ni Hime Vhanthara. Nanatili siya sa kalahating dipang distansya nila. Tiningnan niya ang palad nitong base sa pagkakaposisyon ay pandepensa at opensa.
"Trained ka," nakangiting papuri ni Armida. "Mukhang alam mo kung paano talaga lumalaban."
Kumunot lang ang noo ni Hime Vhanthara dahil ang inaasahan niya, susugod si Armida. "Sumugod ka na!" sigaw niya.
"Kapag ako ang sumugod, mapapatay kita."
"E di, patayin mo! Pakialam ko!"
"Naghihintay ang asawa ko sa bahay, kayang-kaya kitang pabagsakin sa isang atake lang."
Kinuyom niya ang kanang kamao at inihakbang ang kaliwang paa niya para sa puwersa. Ginawa niya ang Heartstopper, ang kaso nga lang . . .
"Shit-"
. . . sinalag nang walang kahirap-hirap ni Hime Vhanthara ang kamay niyang puno ng puwersa. Hindi rin niya nakita ang kanang kamao nito kaya nasikmuraan tuloy siya.
Napayukod si Armida at napaatras ng tatlong hakbang hawak ang tiyan.
"Agh-!"
Napaisang ubo si Armida at kumunot agad ang noo saka tiningnan nang masama si Hime Vhanthara na hindi man lang natinag sa kinatatayuan nito.
Napatayo siya nang diretso at pinunasan ang bibig niya. Akala niya, mahina rin yung leader ng kalaban nila. Napatingin siya sa mga audience na tahimik na nanonood sa laban nila.
Ibinalik niya ang tingin sa natitira niyang kalaban. Napansin niyang bata pa ito. Biglang lumaki ang ngiti niya nang maalala ang ginawa . . .
Si Ranger ang may pinakamataas na combat skill sa Escadron Elites. At alam niyang hindi basta-basta ang technique nitong Heartstopper, lalo na kung siya ang gagawa.
At maliban sa mga S Class at ilang mataas na officials ng HQ, wala na siyang kilalang kayang pumigil sa Heartstopper.
"Hindi ka ba nasaktan sa pagsalag sa atake ko?" tanong niya kay Hime Vhanthara. Hindi siya nito sinagot.
Pero alam ni Hime Vhanthara sa sarili niya na nasaktan siya sa pagsalag sa suntok na iyon ni Armida. Nanginig ang kaliwang kamay niya at pinipigilan lang niya ang panginginig nito sa mga oras na iyon para hindi mahalatang nasaktan siya. Para siyang sumuntok nang buong puwersa sa pader.
Tumango na lang si Armida kahit wala naman siyang nakuhang sagot at binalak na seryosohin na ang laban. May sense namang kalaban ang natitirang member ng Lavender Roses.
Itinaas niya ang mga manggas ng suot niyang V-neck shirt at in-stretch ang leeg niya kabilaan. Inikot-ikot niya ang kamay niya at nag-jogging in place.
"Seseryosohin ko ang laban natin. Kapag napatay kita, pasensyahan tayo," warning niya sa kalaban.
Huminto siya sa pag-jo-jog at tinitigan nang masama ang kalaban niya.
"Huy, anong-!"
Nagsihabaan ng leeg ang mga audience dahil hindi nila nakita kung ano ang ginawa ni Armida. Bigla na lang itong naglaho sa kinatatayuan at napunta na lang sa likod ni Hime Vhanthara.
Nakadiretso ang palad niya at sinubukang patamaan ang leeg ni Hime Vhanthara kaso nakasalag agad ang braso nito at saka napatalon nang dalawang beses para makalayo.
"You better run, kid!" natutuwang banta ni Armida. Sinundan agad niya ang kalaban at pinuntirya ang dibdib nito.
Sinangga naman ni Hime Vhanthara ang paparating na tira gamit ang magkabilang kamay at saka siya sumubok na sipain si Armida sa tagiliran.
Nasipa nga niya ang tagiliran nito pero parang wala itong natanggap na atake dahil hindi man lang nag-react.
Kinuha ni Armida ang leeg niya at iniangat siya sa arena.
"Agk-Agk-B-bitiwan mo 'ko!" Pinipilit niyang tanggalin ang kamay ni Armida sa leeg niya.
"Magaling ka dahil nasasalag mo ang mga tira ko sa 'yo." Ibinato siya ni Armida sa sahig ng arena.
Hawak ni Hime Vhanthara ang leeg niya habang sinusubukang tumayo. Pakiramdam niya, nahiwa ang mga laman ng braso niya dahil sa pagsalag sa tira kanina ni Armida. Lalong lumalakas ang panginginig ng kaliwang kamay niya.
"Agh, fuck!" Naitukod niya ang kanang kamay sa tuhod nang bigla siyang ma-off balance pagtayo.
"Ano? Kaya pa?" poker-faced na tanong ni Armida.
Tumayo na nang diretso si Hime Vhanthara at pinunasan ang bibig niya. Tiningnan niya nang masama si Armida. Hindi niya alam kung susugod na ba siya o hihintayin na lang si Armida na sumugod ulit.
"Akala ko, mabilis lang ang magiging laban na 'to," sabi pa ni Armida at kampante na namang naglakad papalapit sa kalaban niya. "Hindi pa ako napapagod. Sa susunod na atake ko, babagsak ka na panigurado."
"Argh!" Hindi nakinig si Hime Vhanthara, sumugod na naman siya at umunday ng suntok. Humakbang lang sa kaliwa si Armida para umiwas saka ito nagpahabol ng malakas na sipa sa sikmura niya.
Walang ibang laman ang isip niya kundi ayaw niyang matalo kaya tiniis lang niya ang atakeng iyon at humabol na naman ng suntok kay Armida.
Umatras lang nang umatras si Armida para umiwas. Umabante naman nang umabante si Hime Vhantara para sumugod.
"Lumaban ka!" sigaw ni Hime Vhanthara para maghamon. Napapansin kasi niyang hindi na siya sineseryoso ni Armida.
Umabot na sa pader ng arena si Armida at lumapat na ang likod niya sa sementadong dingding.
"Sabi nang lumaban ka!" Ang huling suntok ni Hime Vhantara ang sinalo na ni Armida.
Sa sobrang lakas ng suntok na iyon, halos ipako ng kamao ng dalaga ang kamay ni Armida sa pader.
Napataas naman ang magkabilang kilay ni Armida dahil kahit na alam niyang puwersado na ang kamao ni Hime Vhanthara ay may lakas pa rin pala ito. Nakarinig siya ng lagatok mula sa sariling kamay. At doon, alam niyang nabalian siya.
BZZNNGG!
"Huh!" Napaangat ng dulo ng labi si Armida at bilib na nakatingin sa dalaga na nanlilisik ang matang nakatingin sa kanya habang hinihingal ito.
May oras ang laban sa Xaylem at tapos na ang 10 minutes na laban nila.
"I didn't know na may time limit pala rito," kalmadong sinabi ni Armida at napatingin na lang sa kamay niyang nasa pader pa rin kahit na inalis na roon ni Hime Vhanthara ang kamao nito. "That's surprising."
Inalis na niya ang kamay niya sa dingding at napatingin sa buko ng kamay niyang dumudugo. Halos hindi rin niya maramdaman ang kaliwang kamay dahil doon.
Tumahimik na naman ang buong Xaylem. Lalong lumala ang katahimikan nang mapaluhod si Hime Vhanthara habang naghahabol ng hangin.
Naglakad na pabalik sa gitna ng arena si Armida at sinundan ng tingin ang arbiter na naglalakad papalapit din sa gitna.
May malay pa si Hime Vhanthara pero alam na ng lahat kung sino ang nanalo.
"Legendary Superiors Gang ang panalo," walang buhay na anunsiyo ng arbiter sa mic habang nakatingin nang diretso kay Armida.
Nanatiling tahimik ang audience sa gabing iyon.
Ang mga cheer nila ay hindi katanggap-tanggap sa parehong grupo.
Matagal nang lumalaban ang Lavander Roses Gang. Magaling din naman talaga si No. 99. Pero may dahilan ang katahimikang iyon na para bang mayroon silang balak ipagluksa-na kahit ang arbiter ay alam ang dahilan kaya walang saya sa pagbati nito.
"Legendary Superiors Gang ang bagong 7th Placer sa Top 10," sabi ng arbiter at saka siya may sinenyasan sa gilid ng arena.
Naglabasan na ang ilang tao na may dalang mga stretcher.
"Hanapin mo si Abdalghari sa second floor, may ibibigay siya sa 'yo," mahinang sinabi ng arbiter kayArmida.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top