The Fall

Sa itinagal-tagal ni Armida bilang miyembro ng Meurtrier Assemblage, iyon lang ang unang beses niyang maparurusahan ng isang batas sa Credo na hindi niya naman alam na mahalaga pala.

Hindi niya alam kung saan dinala si Josef. Magkahiwalay kasi sila ng selda. Doon siya dinala sa pinakadulo, sa pinakamadilim. Akala niya, sabi-sabi lang na nakakatakot at napakadilim sa selda ng Citadel. Totoo pala ang sabi-sabing iyon. Dahil sa mga sandaling iyon, walang kahit katiting na ilaw sa lugar. Walang pinagkaiba kung nakapikit siya o nakadilat. Maliit lang ang selda pero kasya naman ang isang buong katawan niya kung hihilata siya roon. Kung aabutin niya ang kisame niyon ay maaabot niya iyon ng palad, mahaba pa ang braso niya.

Nakaupo lang siya sa pinakahigaan nitong gawa sa makinis na bagay. Makinis na marmol, base sa pandama niya. Mas mahal pa nga iyon kung tutuusin kaysa bagong mattress na pang-single bed.

Binibilang niya ang dumaraang segundo sa pamamagitan ng pagpitik ng daliri, ng mahinang pag-untog ng ulo sa pader kapag napagod ang kamay, pagpapatunog gamit ang dila, o di kaya ay pagkatok sa metal na bakal na pinakapinto ng selda—na kung tutuusin naman ay kayang-kaya niyang buksan. Iyon nga lang, kapag tumakas siya, madadagdagan ang parusa niya sa Citadel. At kapag nadagdagan ang parusa niya, maparurusahan din si Josef. Sampung araw lang naman ang kailangan niyang ilagi sa seldang iyon.

Tik! Tik! Tik!

Naalerto siya sa maliliit na tunog na iyon. Ilang saglit pa, nakaaninag na siya ng malalabong liwanag mula sa dingding.

Mula sa malayo, nakarinig siya ng malutong na tunog ng takong na papalapit. Naigilid niya sa kaliwang direksiyon ang mga mata para hintaying makarating sa kanya ang tunog.

Parang napakahaba ng pasilyong iyon dahil ang tagal makalapit ng may-ari ng sapatos na nag-iingay. Ilang saglit pa at nakalapit na ang tunog at nasisilip na rin ni Armida ang anino niyon. Makalipas pa ang ilang segundo at huminto ang may-ari ng tunog at ng anino sa harapan ng selda niya.

"Tatlong oras na lang bago ka kunin dito," sabi ng boses, si Cas.

Hindi na nag-abala pa si Armida na tingnan ang ina. Diretso lang ang tingin niya sa dingding na kaharap habang nakaupo sa kabilang dingding at nakatupi ang mga tuhod.

"Hindi ka bibigyan ng pagkain. Limitado rin ang tubig," paalala ni Cas.

"'Wag kang mag-alala, sanay akong pinapatay," walang buhay na sagot niya.

Matunog ang buntonghininga ni Cas. "Nakiusap ako sa mga Guardian na gamitin ang natitirang immunity ni Yoo-Ji para bawasan ang parusa mo. Ito lang ang kaya kong gawin para sa 'yo."

Walang reaksiyon mula kay Armida. Nanatili lang siyang nakatitig sa dingding.

"Hindi mo na dapat tinanggap ang problemang ibinigay ni Carlos," sabi ni Cas. "Madadamay at madadamay si Ricardo sa parusa."

"May batas ba sa Credo na puwede kong saluhin ang parusa niya? Kung meron, inuutos kong ilipat 'yon sa akin."

"Evari . . ."

"Walang pakialam sa akin ang Citadel; kay Josef, meron. Kung mamamatay ako, baka matuwa pa ang lahat. Baka matuwa ka pa."

"Huwag mong pakainin ng maling ideya ang utak mo," sermon ni Cas sa kanya.

"Bakit? Mali ba 'ko?" sumbat niya. "Lagi mong sinasabing mahalaga si Josef, ingatan si Josef, 'wag kong bibigyan ng problema si Josef . . . laging asawa ko ang bukambibig mo."

"Dahil mahalaga siya," mariing sagot ni Cas.

"Para kanino? Para sa 'yo?" nagagalit na tanong ni Armida. "Dahil nakikita mo sa kanya si Joseph Zach?"

"Dahil nangako ako kay Joseph na aalagaan ko ang anak niya," mariing sagot ni Cas.

"E ako? Kailan ako? Ni minsan ba nangako kang aalagaan din ako gaya ng pangako mo para sa asawa ko?"

"Evari . . ."

"Naaalagaan mo yung anak ng ibang tao, e ako? Paano naman ako?"

"Hindi iyon ganoon . . ."

"Si Josef, lumaking kasama ka. Nandoon ka habang lumalaki siya. Samantalang ako, lumaki akong tinatanong ang sarili ko kung sino ba 'ko. Saan ako galing. Bakit pa ba ako nabubuhay. Kaya no'ng nalaman ko ang tungkol sa inyo ni No. 99, tinatanong ko ang sarili ko ng napakaraming bakit."

"Hindi mo maiintindihan kung bakit namin 'to ginagawa," sabi ni Cas at halata na ang panginginig sa boses niya.

"Alam mo ba kung bakit galit na galit kami ni Daniel sa inyo? Kasi pareho n'yo kaming pinabayaan . . ." Doon lang siya tumayo at lumapit sa pinto ng selda. "Pinilit kong intindihin kung bakit n'yo ba 'to ginagawa. Pinilit ko . . . Inisip ko na kung ako ang nasa posisyon mo, ganoon din ba ang gagawin ko?"

Nasilayan niya ang pagpatak ng luha ni Cas kahit na nananatiling walang emosyon sa mukha nito.

"Pero may pagpipilian ka. Puwede mo 'kong iligtas pero hindi mo ginawa."

"Alam ng Diyos na ginawa ko ang lahat—"

"Alam din ng diyos mo kung ilang beses akong namatay dahil hindi mo ginawa ang lahat! Hindi mo ginawa . . ." Doon na nabasag ang boses niya at pinangiliran na ng luha. "Nangangako ako palaging ililigtas ko si Josef dahil baka kung sakaling magawa ko 'yon, baka lang . . . baka lang . . . baka matuwa na ang lahat sa akin. Na minsan sa buhay ko . . . May nagawa akong tama . . . na may dahilan na ako para mabuhay . . . na manatili rito . . . na malaman na
. . . na may saysay na rin sa wakas ang buhay ko."

Napapikit na lang si Cas nang tuluyan nang hindi napigilan ang damdamin. Panay ang agos ng luha niya habang pinananatili ang sariling tibay.

Na kung siya lang ang masusunod, ilalabas na niya roon ang anak niya at yayakapin nang mahigpit. Hihingi siya riro ng napakaraming tawad para sa lahat ng pagkukulang niya bilang ina.

Ma ibinuhos niya sa ibang bata ang atensiyon at kalingang sana ay naibigay niya rito.

"Cassandra . . ."

Napadilat si Cas at napatingin sa ibaba nang makitang nakaluhod na si Armida sa loob ng selda habang nananatiling nakaharap sa kanya.

"Walang kasalanan si Josef . . . Kung may paraan para ako na lang ang maparusahan, gawin mo . . . Nagmamakaawa ako. Walang kasalanan ang asawa ko . . ."

Yumukod pa si Armida at idinikit ang mga palad at noo sa malamig na sahig ng kanyang selda.

Lumabas na ang itinagong hikbi ni Cas at naglakad na papalayo roon habang patuloy na umiiyak.

Napakabigat ng damdamin niya nang nagmamadaling umalis sa kulungang iyon.

At paglabas na paglabas niya, sinalubong niya agad ng yakap si No. 99.

"Yoo-Ji, yung anak ko . . . Iligtas mo ang anak ko, parang awa mo na . . ."

"Cas . . ."

"Gumawa ka ng paraan! Gumawa ka ng paraan . . ."




***




Takang-taka si Josef nang matapos sa selda ay dinala siya sa isang mataas na balkonahe. Malayo pa lang, nakikita na niya sina Cas doon.

"Bakit nandito ako?" inosenteng tanong ni Josef. "Akala ko ba, parurusahan na kami?"

Yumuko lang si Xerez bago sumagot. "Lord Ricardo, epektibo pa rin ang kapangyarihan ni Lady Evari upang maglipat ng parusa. Ipinag-utos niyang siya ang sasalo ng parusang nakapataw sa inyo."

"Ano?!" galit niyang sigaw. "Bakit n'yo hinayaang gawin niya 'yon?!"

"Lord Ricardo!"

Imbis na tumungo sa balkonahe ay mabilis na tinakbo ni Josef ang isang hagdan sa kanang direksiyon ng pinanggalingan at halos liparin iyon pababa.

"Armida!"




***




Balisang-balisa siya habang naririnig ang malulutong na paglapat ng latigo sa likuran niya.

Wala siyang ibang damit maliban sa manipis na puting tube at puting cycling shorts na kasalukuyan nang pulang-pula gawa ng dugo.

Nakagapos ang mga kamay niya sa isang matibay na metal cuff. Karugtong iyon ng mabigat na kadena para ipadipa siya habang nakaluhod.

Hindi niya na maramdaman ang sariling likod. Kung tutuusin, kanina pa nga dapat siya nawalan ng malay sa unang sampung paglatigo. Hindi na rin niya mabilang kung pang-ilan na ang natanggap niya ngayon.

Masyadong makapal at masakit ang latigo. Unang dalawang hapuras pa lang, magawa na nitong hiwain ang malaking balat sa bandang kanang balikat niya.

"Armida!"

Nanlalabo na ang paningin niya, naririnig na niya ang pagtawag ng asawa niya sa imahinasyon.

"Josef . . ."

"Huwag n'yo 'kong hawakan! Armida!"

"Milady . . ."

Sinubukan niyang tanawin ang harapan. Nakita niya roon ang isang pamilyar na mukha.

"Kailangan na naming lumabas, milady . . ."

"Jocas?"

"Napapagod ka na ba?"

Wala siya sa sariling tumango.

Bigla itong humagikhik at tumakbo papalapit na para bang sumanib sa kanya.

"Armida!"

***

"Nasisiraan na talaga ng ulo 'yang batang 'yan," naiinis na sinabi ni No. 99 nang makita si Josef na humahangos sa ibaba ng Black Pit. "Leto."

"Yes, milord," tugon ng Guardian.

"Pigilan n'yo ang Fuhrer sa ibaba."

"Yes, milord."

Panay ang sigaw ni Josef habang hinaharangan ngla ng higit pa sa sampung Guardian para makalapit kay Armida.

"Cassandra," pagtawag ni No. 99.

Hindi sumagot ang babae. Nakatingin lang ito sa ibaba, nakatulala roon at mugto pa rin ang mga mata.

"Bitiwan n'yo 'ko!" malakas na sigaw ni Josef na halos balutin ang lugar na iyon.

Ilang saglit pa, sabay-sabay silang naalerto dahil sa kakaibang ingay.

"Shit," napamura na lang si No. 99 nang makitang nakatayo na si Armida, nakahiwalay na sa haligi ang mga kadenang suot nito pero hindi naalis.

Naglalakad ito papalapit sa direksiyon ni Josef tangan ang isang matalas na espadang display lang dapat doon sa tabi ng mga sulo.

"Alisin n'yo na diyan ang Fuhrer!" babala niya sa lahat dahil alam niyang hindi na maganda ang nangyayari.

Dahil doon kaya nagising si Cas sa pagkatulala a5 napatingin sa lalaking mabilis na umalis doon para bumaba.

"Yoo-Ji!" Sumunod naman agad si Cas dahil hindi ito kikilos nang ganoon kung walang malaking problema.

Mabilis na tinalunton ni No. 99 ang daan pababa ng Black Pit para mapigilan ang kung ano pa man ang maaaring mangyari.

Kinakabahan siya. May nabanggit sa kanya ang mga doktor noon tungkol sa kaso ni Armida. Alam niyang bawal itong makatanggap ng kahit anong trigger dahil manunumbalik ang dating kaso nito.

Hindi naman lingid sa kaalaman nila na pinilit alisan ng malayang isipan ang batang sumalang sa proseso ng Project RYJO. At may pagkakataong nangyayari iyon kay Armida.

Ang kaso nga lang, kailangan nilang sumunod sa batas ng Criminel Credo.

"Yoo-Ji!"

Natigilan siya nang makitang sakal-sakal na ni Armida ang leeg ni Josef.

"Evari!" pagtawag niya rito at mabilis na lumapit. Hinatak niya papalayo si Josef na halos bumalibag na sa sahig saka umubo.

Nagkalat na ang mga pugot na ulo ng mga Guardian sa sahig. Nakatarak naman sa dibdib ng isa ang kaninang hawak nitong espada.

"Tumigil ka na!" sigaw niya sa anak ngunit wala siyang mabasang kahit ano sa mga mata nito.

Blangko lang iyon; parang ang layo ng tanaw at hindi kumukurap.

Sinubukan nitong kunin ang leeg niya pero sinalo niya agad ang kamay nito.

"Evari! Makinig ka!"

Kahit anong sigaw niya ay wala itong naririnig. Kinuha lang nito ang kamay niya at pinaglaban ang puwersa ng higpit ng hawak niya at pagpuwersa nitong bitiwan siya.

"Ricardo!"

"Agh—!" Ngunit sa kasamaang-palad, kakaiba ang lakas nito kompara kapag nag-iisip ito nang malaya.

Kinuha nito ang damit niya at ibinalibag siya sa sahig.

"Ricardo, tumayo na na diyan!" nag-aalalang utos ni Cas dahil hindi pa rin bumabangon si Josef. "Ricardo!"

Hinanap agad ni No. 99 si Armida. Nakita niya itong may tangay-tangay nang isa pang display na spear ng metal armor na katabi ng poste ng sulo.

"Ricardo! Gising!"

"Cassandra!" pagtawag niya dahil doon ang tungo ni Armida.

Maagap siyang tumayo para pigilan ang anak sa maaaring gawin.

"Ricardo!"

"Cassandra!"

Nakaramdam na lang si Cas na may tumulo sa balikat niya. Sunod-sunod na patak.

Nanlaki ang mga mata niya nang pagtingin dito ay dugo iyon.

Mabilis siyang tumalikod at nakita si No. 99 na may nakatarak nang mahabang bagay sa dibdib nito.

"Yoo-Ji . . ." nagugulat niyang pagtawag dito.

"Run . . ." mahinang utos nito.

"Yoo-Ji!!! HINDI!!!"

Mabilis niyang kinuha ang nakatagong baril sa likod at lumuluhang pinagbabaril ang halimaw na may gawa niyon sa lalaki.

Bang!

Bang!

Bang!

Bang!

Bang!

Click!

Click!

Click!

Lumuluha niyang nabitiwan ang baril na naubusan na ng bala at muling binalikan ang lalaking sugatan.

"I-I told you to . . . run," mahinang sinabi nito.

"No . . . No . . . No!" Hindi na alam ni Cas kung paano hahawakan si No. 99 habang nakaluhod sa harapan nito. Panay ang pagtulo ng dugo sa dulo ng metal na nakatarak sa dibdib nito na tumagos mula sa likod.

Mapait na napangiti si No. 99. Inangat niya ang kamay at pinilit na hawakan sa pisngi si Cas. "Na-napaka . . . tapang ng anak . . . anak ko."

"Hindi!!!" Lalong naiyak si Cas at bumaha na ang luha sa mga mata niya. "Yoo-Ji!!!"

"M-Mahal ko . . . kayong dalawa . . ."

"HUWAAAG! YOO-JI, HINDI!!!"

At sa mga sandaling iyon, si Cas na lang ang natitirang nakatayo sa isinumpang lugar na iyon ng Citadel.




Itutuloy . . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top