The Damaged and the Damned
Natapos na ang pagtatahi ni Laby sa sugat ni Armida at itinago na ang mga ginamit sa medicine kit.
"Hindi kita puwedeng bigyan ng antibiotic, masama ang magiging side effects sa 'yo," mahinang paalala ni Laby kay Armida. "Hindi ako familiar sa lagay ng body system mo ngayon since nagbabago ang status ng katawan mo habang tumatagal kang buhay. Titingnan na lang natin sa mga susunod na araw kung malalabanan ba ng lason sa katawan mo ang tetano."
Tiningnan sandali ni Laby si Armida pagkatapos ay si Josef na hindi man lang kumilos sa hinintuan nito na dalawang dipa lang ang layo sa kanila.
Ang awkward ng lagay nila ngayon.
Hindi na lang siya nagsalita at bumalik na lang sa secret room para ayusin ang ilang bagay-bagay at para na rin makaiwas sa awkwardness.
Naiwan naman doon ang mag-asawa.
"I'm still alive," sabi ni Armida habang iwas ang tingin kay Josef. "Much better than what happened few weeks ago."
"Nakikita mo ba 'yang sarili mo ngayon, hmm?" galit na tanong ni Josef habang kuyom-kuyom ang kamao. "You never listen."
"Bago sa pandinig," sarcastic na sagot ni Armida na nakuha pang umismid. "Kaya ko ang sarili ko. Nabuhay ako nang wala ka. Mabubuhay ako kahit wala ka."
Umiling na lang si Josef at lalong nadismaya. "Kung gusto mong magpakamatay, e di magpakamatay ka na! Nakakapagod nang magmakaawa sa 'yo, Armida. Nakakapagod na."
Nauna nang umakyat si Josef at iniwan na lang ang asawa niyang mag-isa roon.
*****
Alas-dose ng gabi. Noon lang pumasok si Armida sa kuwarto nila ng asawa niya. Naabutan niya itong mahimbing nang natutulog. Napaisip din siya kung tulog nga ba dahil gising pa naman ito pag-alis ng mga Guardian.
Alas-onse na natapos ang paglilinis ng mga katawang nakakalat sa buong bahay nila. Tumawag si Laby sa mga Guardian nito at ang mga ito ang naglinis doon.
Huling pagsilip niya sa sala, bumilib siya sa mga tauhan ng Citadel na ilang oras lang ang ginugol at naging bago na ulit tingnan ang lahat.
Bagong pinto, kahit na bakas pa ang pagpapalit ng sliding door sa pagiging hinged door. Sa mga furniture sa sala na mula sa light colors and white ay naging black, maroon and red na. Napalitan din ang dining set nila.
Ang mga bakas ng bumaon na bala ay natapalan ng panibagong wallpaper kaya hindi na halata.
Nagbabad na lang siya sa bathtub na mabilis na nagkulay pula dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang sugat niya sa balikat.
Nakatingala lang siya sa kisame ng banyo, nakatulala roon at blangko ang isip.
Kung tutuusin, wala namang bago sa nangyari. Mas kaunti pa nga ang natamo niyang sugat ngayon. Ang kaibahan lang siguro ay nagalit si Josef dahil ayaw nito ng gusto niyang mangyari.
Siguro nga, magkaiba silang dalawa. At kahit kailan ay hindi siya maiintindihan ni Josef sa lahat ng ginagawa niya. Hindi naman siguro niya kasalanan kung nabuhay siya sa ganoong pamamaraan.
Namulat siya sa brutal na mundo kaya kailangan niyang maging brutal din, pagkatapos biglang isang araw, pipigilan siyang maging brutal.
Hindi madali ang transition para sa kanya. Habang tumatagal, naiisip niyang hindi niya kayang alisin sa sistema niya ang ganoong buhay.
Hindi niya kayang maging normal.
Kung nagagalit sa kanya si Josef, maiintindihan niya naman kung bakit ito nagagalit. Kung nangako itong poprotektahan siya, naiitindihan niya iyon. Pero sa nangyari kanina, hindi niya alam kung paanong pagprotekta ba ang kaya nitong gawin para sa kanya. Hindi naman niya kasi nakita si Josef na lumaban sa maraming tao mula pa noon.
Sa sobrang tagal niyang nakatulala sa kisame, inabot na siya nang alas-tres doon at halos mangulubot na ang mga balat niya sa paa gawa ng matagal na pagkababa sa tubig.
Umahon na lang siya nang makaramdam ng gutom dahil hindi pala siya nakapaghapunan gawa ng nangyari.
Hindi niya alam kung paano magpapaluto kay Josef dahil nagugutom na siya.
Nagbihis na lang siya ng maluwang na puting shirt at puting dolphin shorts bago lumabas ng banyo.
Lakas-loob siyang tumayo sa gilid ng kama paharap sa asawa niyang nakatagilid ang higa.
"Josef, lutuan mo 'ko ng pagkain," utos niya kahit medyo naiilang pa.
Hindi ito sumagot.
"Josef, gising ka na ba?"
Wala na namang tugon.
"Josef, huy." Hahawakan na sana niya ito pero nagulat siya dahil kahit nakapikit ito ay tinaboy nito ang kamay niya bago pa lumapat sa balikat nito ang kamay niya.
"Huwag mo 'kong hawakan," sabi pa nito na hindi pa rin dumidilat.
Naestatwa si Armida sa kinatatayuan habang nanatili ang kamay niya sa ere. Sa sobrang gulat, hindi na agad siya nakaumang at napaawang na lang ang bibig dahil sa hindi pagkapaniwala.
Hindi niya alam kung saan ma-o-offend sa ginawa ng asawa niya.
Napapikit-pikit na lang siya at nabawi ang kamay. Napahugot siya ng malalim na hininga at napakagat ng labi para pigilan ang sariling sumigaw.
"I'm hungry . . ." mahina niyang sinabi rito.
"I don't care," sagot ni Josef na nakapikit pa rin. "Kaya mo na ang sarili mo, di ba? Nabuhay ka nang wala ako. Mabubuhay ka nang wala ako." Tumalikod na rin si Josef paharap sa kabilang direksiyon.
Agad na nanubig ang mga mata niya at tumulo ang luha sa kanang mata kaya mabilis niyang pinunasan iyon, pati ang kaliwa bago pa tuluyang may bumagsak doon.
Tumango na lang si Armida para sabihing tanggap niya ang mga sinabi ni Josef. Hindi niya alam na masakit palang maibalik sa sarili ang sariling salita.
Imbis na sa kusina bumaba, bumalik na lang siya sa banyo at nagkulong doon.
****
Alas-singko nang umaga nang bumangon si Josef. Buong magdamag nga siyang nakapikit pero buong magdamag din naman siyang hindi nakatulog. Nakakaidlip pero magigising din kada kalahating oras.
Masama ang loob niya. Kahit naman sinong masama ang loob, hindi talaga makakatulog nang maayos.
Ang inaasahan niya, nasa ibaba na si Armida dahil nagsabi itong nagugutom daw. Ang ikinatataka niya ay hindi man lang nagalaw ang bagong kusina nila.
Pagsilip niya sa ref, wala ring nagalaw roon.
Napatayo siya nang diretso. Wala sa kuwarto ang asawa niya. Wala sa sala. Wala sa kusina.
"Pahingi nga ng tubig."
Napatingin si Josef sa may hagdan at nakita si Laby na gulo-gulo pa ang buhok, nakapikit, at pupungas-pungas pa.
"Where is she?" tanong ni Josef.
"Hayaan mo na muna yung asawa mo," sabi ni Laby at naghatak ng bagong dining chair sa bago nilang dining table. "Pahinging tubig."
"Tss." Kumuha naman si Josef ng baso at kumuha ng tubig sa dispenser saka inilapag sa mesa.
"Hindi ba siya lumabas?" tanong ni Josef.
"Mag-a-alarm sa kuwarto ko kapag bumukas ang gate. So nope." Saka lang uminom si Laby.
"Haaay . . ." Buntonghininga na lang ang kayang isagot ni Josef kay Laby. "Maghahanda na 'ko. Pakitawag na lang si Shiner sa taas. May pasok pa kami."
ALAS-SAIS NA AT kanina pa inaasahan ni Josef na bababa ang asawa niya, pero talagang walang Armida na nagpakita roon. Matapos magluto ay sinubukan pa niyang silipin ang labas pero wala roon si Armida. Sarado rin ang gate mula sa loob kaya imposibleng lumabas ito.
"Sir, nagpapahinga pa rin yung asawa n'yo?" nahihiyang tanong ni Shiner nang mapansing si Armida lang ang wala roon para sabayan sila sa almusal.
Napailing na lang si Josef at umakyat na lang imbis na kumain na rin ng almusal.
Gusto sana niya itong tawagin pero pinipigilan niya ang sarili. Ayaw niyang isipin nitong hinahanap niya ito.
Wala ito sa may library. Imposible sa attic at kuwarto ni Laby. Sa kuwarto naman nila ay wala ito.
Sumilip na siya sa bintana para tingnan ang garden pero wala rin.
Dumiretso siya sa banyo. Puno ng dugo ang bathtub. Walang tao sa shower.
Naipamaywang niya ang kaliwang kamay at naihilamos niya sa mukha ang kanan.
Puno siya ng tanong kung saang lupalop naman kaya napunta ang asawa niya.
Saglit siyang lumabas at sumilip sa wall clock. Alanganin kung hahanapin niya ang asawa niya. Male-late pa siya sa school kung sakaling unahin niya ito.
Pinababa na lang niya ang tubig sa bathtub at naligo na para makapaghanda.
Hindi na siya nagtagal sa pagligo kahit na gusto na lang niyang magbabad sa tubig maghapon.
"Josef, ako na yung naghanda ng lunch box mo, ha!" sigaw ni Laby sa labas ng kuwarto bago ito bumaba.
Saglit naman siyang nagbukas ng kuwarto para sumagot sa ibaba. "Thank you!" pasalamat niya. "Pakihandaan na rin si Shiner!"
Bumalik na rin siya sa banyo para kumuha ng damit sa malaking closet doon. Nakalimutan na kasi niyang maghanda ng susuutin nitong nakaraang gabi dahil sa nangyari.
Pagbukas niya ng closet . . .
Biglang bumagsak mula roon si Armida na puno ng dugo ang balikat at walang malay.
Nanlaki agad ang mga mata ni Josef at napaluhod agad para ibangon ang asawa niya.
"Armida!" nagpa-panic niyang pagtawag rito habang tinatapik-tapik ang pisngi nito. "Armida, wake up. Wake up. Hey. Wake up! Laby! Help!"
---------------------
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top