Regenerator
Papalubog na ang araw nang makabalik si Laby sa bahay. Naabutan niya si Josef na nagsisimula pa lang magluto ng hapunan nila.
"Nasaan yung asawa mo?" bungad ni Laby nang tumabi kay Josef at pinanood ang ginagawa nito sa kitchen counter.
"Why? May ginawa bang masama?"
"Wala naman. Di ko lang kasi kayo nakikitang naghaharutan."
Napaurong si Josef habang kunot na kunot ang noo dahil sa sinabi ni Laby. "Hoy, bibig mong bata ka."
Walang sinagot si Laby. Kumuha lang siya ng baso at kumuha ng tubig sa dispenser.
"Saan ka pala galing? Ano'ng ginawa mo ro'n?" pagbabago ng usapan ni Josef.
"May research ang team ko sa Citadel. Related sa Project RYJO."
Naagaw niyon ang atensiyon ni Josef kaya naghati na ang focus niya sa hinahanda at kay Laby. Sinundan niya ng tingin si Laby na maupo sa island. Ibinalik din niya ang atensiyon sa paghahanda. Isinalang muna niya ang lulutin bago binalikan si Laby sa island.
"Ano'ng tungkol kay Armida?"
"Not really your wife," sabi ni Laby at nangalumbaba. "May iniinom kasi siyang gamot. Gusto kong malaman ang formula n'on. Hindi rin kasi niya alam. 'Yon yung nagpapabilis ng regeneration niya."
Napatingin sa direksiyon ng hagdan si Josef kahit na wala naman siyang makikita roon. Wala kasi siyang ideya sa tinutukoy ni Laby. Naitanong niya noon kay Jin ang tungkol sa gamot, pero wala naman itong binanggit.
"Susubukan ng team ko sooner or later gumawa ng clone galing sa data ng project. Kailangan ko lang talaga yung regenerator."
Doon naibalik ni Josef ang tingin niya kay Laby. "Para saan? Gagawa ka ng maraming gaya ng asawa ko?"
Umiling si Laby. "For war machines ang formula ng Project RYJO. Kaso failed ang experiments na nauna. Maraming complications ang output. Tingnan mo ang nangyari sa asawa mo. Ang daming depekto." Napahugot ng hininga si Laby at saka marahang sinabunutan ang sarili bago iyon tumungo sa pagsuklay ng sariling mga daliri. "Ang sakit sa ulo."
Pag-angat niya ng mukha, doon na napansin ni Josef na mukhang puyat na puyat si Laby dahil sobrang laki na ng magkabilang eyebags.
"Natutulog ka pa ba?" nag-aalalang tanong ni Josef.
Kibit-balikat lang ang tugon ni Laby roon kahit halata namang hindi.
"Bakit ba tutok na tutok ka sa project?" usisa ni Josef.
Buntonghininga muna ang nagawa ni Laby saka nangalumbaba na naman. "Sinubukan kasi nila sa bata ang formula kaya defective."
"O tapos?"
"Iniisip ko kung paano kung applied ang formula sa fetus pa lang. Ano yung magiging defect? Ano yung kaibahan sa developed human at sa embryo pa lang."
"A—" Magsasalita sana si Josef pero hindi na niya itinuloy. Nagtaas siya ng daliri para magsabi ng iba. "Kung magkakaanak ang asawa ko—"
"Nah," mabilis na putol ni Laby at dumiretso ng upo habang umiiling. "That's not possible."
Napatindig din nang diretso si Josef sa sinabi ng dalagang kaharap. "What do you mean by not possible?"
"Josef, kapag nabubuo ang baby, kailangan niya ng nutrients galing sa katawan ng ina."
"Yes, I know. That's basic biology," katwiran pa ng lalaki.
"Hindi nutrients ang nasa katawan ng asawa mo kundi lason," sarcastic na sagot ni Laby. "Sige, sabihin na nating makakabuo kayo ng anak. Pero masyadong delikado. Una, sabihin na nating lason ang magiging nutrients ng baby habang nabubuo. Kailangan ni RYJO ng maintenance para sa lason. Kung wala iyon, gagamitin ng baby ang natural nutrients ng katawan ng asawa mo bilang normal na tao." Itinuro ni Laby ang water dispenser. "Isipin mong dispense nang dispense ang katawan niya ng liquids, pero wala kang ipinapalit sa dini-dispense. Kapag naubos ang liquid, walang matitira sa kanya. Mababalewala ang pagiging so-called imortal niya kasi uubusin ng fetus ang lahat. Mamamatay na siya permanently kapag nangyari 'yon."
"Ibig mong sabihin . . ."
"Kung ayaw mong mamatay nang maaga ang asawa mo, 'wag mo nang pangaraping magkaanak sa kanya."
"Pero—" Napatakip ng bibig si Josef dahil sa hindi pagkapaniwala. "Pero sabi mo may . . . may maintenance?"
"Yeah," tamad na tugon ni Laby. "But sad to say, I don't know what could that be." Nagtaas pa ito ng hintuturo. "YET. Yet . . . At 'yan ang inaalam ko ngayon."
"E paano kung mabuntis siya ngayon, mamamatay ba siya agad?" nag-aalalang tanong ni Josef.
Bumaba na sa upuan si Laby at naglakad paakyat sa hagdan. "Kung mabuntis siya ngayon, mabubuhay naman siya. Kailangan lang ng katawan niya ng maintenance for body regeneration. Ang kaso, wala." Nilingon pa muna niya si Josef nang makatapak sa hagdan. "Kaya hangga't wala pang existing regenerator ang asawa mo, mag-contraceptives muna kayo, hmm? Matutulog muna 'ko."
"Hindi ka ba muna kakain?"
"Mas kailangan ko ng tulog kaysa pagkain."
***
Ang sarap ng tulog ni Armida nang akyatin siya ni Josef matapos nitong makapagluto. Ito pa naman ang klase ng tao na kung matulog, parang nakahanda nang ilipat sa ataul. Pumapaling lang ito ng higa kapag katabi ang asawa. Kapag wala, lapat na lapat ang likod nito sa higaan at nakapatong lang ang mga kamay sa sikmura.
Tumayo si Josef sa gilid ng kama. Nakatitig lang sa asawa niyang natutulog—-gaya ng kung paano matulog ang mga prinsesa sa fairytale, kahit na kung tutuusin, kung hindi ito ang big bad wolf, malamang na ito ang witch ng kuwento.
Hindi maamo ang mukha ng asawa niya. Napakatapang ng mukha nito, kahit ang pormada ng kilay, parang palaging may kaaway. Hindi man lang mabahiran ng ngiti ang labi nito kahit tulog.
Biglang naalala niya ang mga sinabi ni Laby.
"Kung ayaw mong mamatay nang maaga ang asawa mo, 'wag mo nang pangaraping magkaanak sa kanya."
Minsan sa buhay niya, pinangarap niya ring makabuo ng pamilya. Pero alam niyang imposible iyon noong tinanggap niya ang pagiging Fuhrer. Hindi niya alam na mas magiging imposible pa pala iyon ngayon.
Naupo na siya sa tabi ng asawa. "Armida—" Napaatras siya nang bahagya nang bigla itong bumangon at hawakan nang mahigpit ang leeg niya habang pinanlilisikan siya ng mata at nakaamba pa ang isang kamao nito para manuntok.
"Ah—" Magkasabay silang saglit na naputulan ng hininga sa pagkagulat sa nangyari.
Dahan-dahang lumuwag ang pagkakahawak ni Armida sa leeg ni Josef habang unti-unting naiisip kung ano ba ang ginagawa niya.
"S-sorry . . ." hinihingal na sinabi ni Armida at pabagsak na ibinaba ang mga kamay. "Sorry."
Mabilis na umiling si Armida at umalis ng kama sa kabilang gilid malayo kay Josef.
Natutulala lang ang lalaki dahil sa nangyari. Napalunok na lang siya habang parang paulit-ulit na nire-replay ng utak niya ang tinging iyon ng asawa niya ilang segundo pa lang ang nakalilipas.
Hindi niya itatangging natakot siya roon. Nagtaasan ang mga balahibo niya at parang tatakas na ang puso niya sa sariling dibdib.
Alam niya ang mga tinging ganoon ng asawa niya—o mga tingin ni RYJO kapag handa itong pumatay.
"Ano'ng oras na?" seryosong tanong nito.
Napahilamos na lang si Josef dahil wala naman na siyang magagawa. Pinilit niyang burahin ang kaba sa hilamos na iyon.
"Gabi na?" tanong pa ni Armida nang sumilip sa bintanang nakatabing ang kurtina. "Bakit di mo 'ko ginising agad?" paninisi nito. "Sabi ko, gisingin mo 'ko bago mag-6 e."
Tumayo na si Josef at nilapitan ang asawa niyang nagsasara ng bintana. Pumuwesto siya sa likod ni Armida at ipinalibot niya ang mga kamay sa baywang nito. Pabuntonghininga niyang ibinaon ang mukha niya sa leeg nito at pareho silang nanatili sa ganoong posisyon sa loob nang ilang minuto.
Kakaibang bigat ang nararamdaman ni Josef dahil sa kapalaran ng asawa niya.
Wala na ngang may gustong mabuhay ito kung tutuusin. Halos lahat, gusto na itong mawala sa mundo. Ngayon, malalaman niya na kaya nga nitong magbigay-buhay sa isang bata, magiging kapalit naman niyon ang sarili nitong buhay.
"Nag-sorry naman na 'ko, di ba?" seryosong sinabi ni Armida. "Di ko naman alam na ikaw yung . . ." Bahagya niyang sinulyapan ang asawang hindi nagsasalita. "May problema ka ba, Josef?"
"Wala . . ." bulong nito.
"You sure?"
"Hmm . . ."
Hindi kumbinsido sa sagot na iyon si Armida. Hindi naman tipikal na ganoon ang asawa niya. Inalis niya ang mga kamay nitong nakahawak sa kanya at saka ito hinarap.
"Ano'ng ginawa mo?" tanong agad ni Armida.
Hindi siya tiningnan ni Josef sa mata. Nakatungo lang ito at nakahawak sa mga kamay niya.
"Kapag may ginawa kang hindi ko magugustuhan, bubugbugin talaga kita," babala ni Armida dahil talagang walang sagot ang asawa niya.
"Josef, isa."
Nagbuntonghininga ang lalaki at nag-angat na ng tingin. Hindi niya naiwasang tingnan ang asawa niya na parang awang-awa siya rito. Alam naman niyang awa ang huling hihingin sa kanya ni Armida pero hindi niya maiwasan.
"May nangyari ba?" mas mabigat nang tanong ni Armida. Klase ng tono na kapag hindi na sumagot si Josef, talagang tatamaan na siya rito.
"Dumating kasi si Laby . . ."
"O tapos?"
Nagbuntonghininga na naman si Josef at nagbaba na naman ng tingin. Siguro nga, nakakapagbiruan sila ni Armida tungkol sa pagkakaroon ng anak, pero masyadong seryoso ang kaso nito para idaan pa sa biro. "Wala." Pinilit ni Josef na ngumiti pag-angat ulit niya ng tingin. Inakbayan na niya ang asawa niya at iginiya papuntang pintuan. "Sabi kasi niya, malapit na tayong bumalik sa Citadel."
"Tss. 'Yon lang, nagdrama ka na naman. Arte mo rin e."
Hindi niya alam kung alam ba ni Armida ang tungkol sa mga sinabi ni Laby. Pero tingin niya, kahit pa malaman iyon ng asawa niya, hindi rin naman nito hihilinging magkaanak sila.
Maliban sa katotohanang sa Citadel ipanganganak ang bata, malamang na doon ito lalaki at mabubuhay.
At wala sa kanilang dalawa ang may gustong mangyari iyon.
Parehas silang bunga ng Citadel. Tama na ang mga nangyari sa kanila para maranasan pa ng magiging anak nila.
-----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top