Reason
Litong-lito na si Josef sa kung ano ang gagawin. Kung hindi pa sinabi ni Laby na magbihis muna siya bago mag-panic, malamang na magtutuloy-tuloy lang siya sa pagpa-panic.
Hindi na siya nagkaroon ng oras para mamili pa ng susuutin. Isang plain white dress shirt at black trousers lang ang nasuot niya. Hindi pa naibutones ang dalawang butones sa itaas na sana ay susuutan dapat niya ng necktie kaso wala na siyang oras. Hindi na rin siya nakapili ng sapatos, basta humatak siya roon ng black shoes at iyon na. Hindi na rin siya nakapagsuklay pa nang maayos kaya bahala na rin kung sa hangin na matuyo ang buhok niya.
"Kumusta? Ano na? Okay lang ba siya? Nagising na ba si Armida? Bakit hindi siya kumikilos?" sunod-sunod na tanong ni Josef at hindi alam kung paano mananatili sa iisang puwesto.
"Normal naman ang vitals," sabi ni Laby habang nakatingin sa isinuot niyang life watch kay Armida. "Normal ang blood pressure, normal ang heartbeat. Buhay pa naman siya."
"Then why isn't she moving?!" sigaw ni Josef habang tinuturo ang asawa niya.
"Like I know, duh!" sigaw rin ni Laby. "Saka natutulog lang ang asawa mo!"
Panay naman ang sunod ng tingin ng dalaga kay Josef dahil palakad-lakad ito sa kuwarto at hindi mapakali.
"Laby, alam nating hindi siya natutulog nang ganiyan kahimbing. There's something wrong!"
"E di dalhin mo sa ospital kung wala kang tiwala!"
"NO!" pagtanggi ni Josef saka lang siya huminto sa paglakad-lakad. "Mamaya, dalhin pa siya sa morge roon porke huminto lang ang pulso niya. NO!"
"Ugh, ewan ko na sa 'yo," pag-irap ni Laby dahil ayaw rin naman ni Josef dalhin si Armida sa ospital.
Noon lang niya naintindihan nang lubos kung bakit ayaw nitong pumunta ng ospital. Sa mga sandaling iyon lang.
Tinitigan ni Josef ang asawa niyang nabihisan na rin ng panibagong damit ni Laby. "Yung sugat niya, okay na ba?"
"Of course not," sagot naman ng dalaga at napatingin kay Armida. "Malalim ang sugat niya. Kung normal siyang tao, aabutin ng buwan ang paggaling ng tama niya." Ibinalik niya ang tingin kay Josef. "May iniinom na gamot si RYJO para mabilis siyang gumaling."
Ilang segundo rin bago umimik si Josef. "What is it?"
Nagkibit-balikat lang si Laby. "I don't know. Alam ko lang, meron. Kung ano 'yon, wala akong idea." Napatingin si Laby sa direksiyon ng pintuan. "Tumawag na pala ako sa Byeloruss para sabihing may medical emergency si Armida. Saka pumasok na pala si Shiner."
"Hindi muna ako papasok," tugon agad ni Josef. "Babantayan ko ang asawa ko."
"Pero pumunta rito ang mga tao ni Isidore Soliman kagabi para sa kanya. Malamang na hahabulin siya ng mga tao ng tatay niya doon sa school." Sinalubong na rin niya ang tingin ni Josef na puno ng pag-aalala. "I don't want to tell you to choose between Shiner and your wife, pero nandito ako at ang mga Guardian para sa asawa mo. I can call No. 99's line for medical assistance. Pero si Shiner?" Umiling si Laby para sabihing wala.
"Oh God . . . why?" Napahilamos na lang si Josef dahil hindi niya alam kung sino ang pipiliin.
Ayaw niyang iwan si Armida. Wala rin siyang tiwala sa mga Guardian, pero kahit paano, may tiwala siya kay Laby. Hindi nga lang niya alam kung gaano lang ba katindi ang concern ng dalaga para bantayan ang asawa niya.
Ang kaso, may punto si Laby. Mag-isa lang si Shiner. Kung wala itong kasama sa school, malamang na mababalewala ang nangyari kagabi at mababawi pa rin ito ng mga Soliman.
"Okay." Tumango-tango siya. "Okay, I'll go to school." Tinuro niya ang asawang nakahiga sa kama. "Bantayan mong mabuti si Armida. Kapag nagising siya, call me right away.
"Yeah, yeah," tamad na tugon ni Laby.
Sa Byeloruss . . .
Ang busy ng lahat. One week ang magiging celebration ng Christmas event kaya 17 pa lang ay simula na ng festival sa buong Byeloruss.
Maraming pupuntang special guest kaya puspusan na talaga ang preparation. Kinakabit na ang mga Christmas decor at nagpaplano na ang bawat sections ng gagawing booth sa darating na event.
Samantala, sa Class 4-F, hindi nila maiwasang magtaka dahil alas-otso na ay wala pa rin si Armida.
"Napatalsik na ba?" tanong ng iba.
"Wala namang announcement sa faculty," sagot ng isa.
"Baka absent."
"Fourth day, absent? Baka napagalitan kasi ang pangit ng boses."
"Hahahaha!"
Late din na nakapasok sina James at Eljand na malalaki ang eyebags. Lumong-lumo silang naupo sa upuan sa harap at iniyukyok na agad ang ulo sa mesa. Bagay na napansin agad ng mga kaklase nila dahil sanay ang mga ito na ang pambungad nila tuwing umaga ay sigawan na agad.
Hindi lang iyon ang kakaiba. Pumasok ang grupo ni King sa room na mas maaga sa inaasahan dahilan para tingnan nang kakaiba ang grupo nila.
Unang tiningnan ni King ang mag-best friend sa harap. Tahimik lang at nakasubsob ang ulo sa mesa.
"Aga n'yo, King, a," nakangising bati sa kanya ni Cristy. "May himala?"
"Yung adviser natin?" tanong ni King.
"Ooh . . ." Nagkatinginan sila pare-pareho dahil iyon ang unang beses na in-address ni King ang adviser nila bilang "adviser" nila. Lagi niya kasing sinasabi, kahit pa roon sa mga naunang adviser nila ay kung hindi 'yung babaeng 'yon,' madalas, 'yung lalaking 'yon' naman.
"King!"
Sabay-sabay silang napatingin sa may pintuan. Si Chief na kararating lang.
"Tumawag yung asawa niya kanina, hindi raw makakapasok. May sakit," balita nito.
Bumangon sa pagkakayuko si Eljand at nilingon si Chief. "Hindi talaga makakapasok si ma'am kasi marami siyang sugat!"
"Sinugod sila ng armed guys kagabi sa bahay nila!" dagdag ni James. "Ang daming may dalang baril kagabi na nilabanan nila!
"At bakit naman sila susugurin sa kanila?" tanong ng isa.
"Saka dapat nabalitaan namin."
"Yeaaah."
"Totoo naman e! Natamaan nga siya sa balikat tapos tinahi na lang ng leader ng LSG!" kuwento ni James.
"James, uto-uto ka naman."
"Hahaha!"
Natawa na lang ang iba habang umiiling.
"Imposible nang mabuhay siya kung talagang sinugod sila ng mga taong may maraming baril."
"Inuuto na naman kayo ng babaeng 'yon."
"Saka paano n'yo ba nalaman 'yan?"
"Nandoon kami!" katwiran ni Eljand.
"E paano pa kayo nakapasok kung nandoon pala kayo?"
"Napanood nga namin kagabi! Pumatay si ma'am gamit nga yung labanos saka mangko!" pamimilit ni James.
"Saka can opener!" dagdag ni Eljand.
Sandaling tumahimik. At biglang . . .
"Hahahaha!"
Napuno ng tawanan ang buong room dahil sa sinabi nina Eljand.
"Labanos?"
"Mangko?"
"Can opener?"
Lumipad na ang mga binilot na papel at notebook sa hangin para ibato sa mag-best friend.
"Sige, patayin n'yo 'ko gamit ang labanos! Hahahaha!" natatawang sinabi ng isa habang kunwaring sinasaksak ang sarili niya.
"Totoo naman e! Bakit ba ayaw n'yong maniwala?!" sigaw ni James habang tinatakpan ang sarili niya para hindi matamaan ng ibinabato nila.
"James, Eljand, stop it!" sigaw ni King.
Humina ang tawanan habang nakatingin kay King.
"King? Nandoon ka, di ba? Kayo ni Brent! Nakita n'yo lahat!" Pinipilit ni Eljand na aminin ni King na totoo nga ang lahat ng sinasabi nila.
"King, totoo?" tanong sa kanya ng isa.
"Di nga?"
"Labanos? Seryoso?"
Umiling na lang si Brent at pumunta na sa upuan niya.
"Tumigil na lang kayong lahat," sabi ni King at saka siya dumiretso sa puwesto niya.
"Pero, King—"
"James, we all know that's impossible," iyon na lang ang nasabi ni King. "No one will believe you."
"Pero assassin nga si ma'am!" pagpilit ni Eljand.
"Will you shut the fuck up?!" galit na isinigaw ni Brent. "Whatever or whoever she is, nobody cares! If she could kill using a spoon, nobody cares!"
Nagulat tuloy silang lahat sa kanya kaya tumahimik na talaga ang buong room.
"That's insane," pagsuko ni Brent at ibinagsak ang sarili sa sandalan ng upuan. "She's insane." Para bang bumigat ang paghinga niya habang nakatingin sa board. "Ayaw mawala sa utak ko ng lahat ng nangyari kagabi." Itinutok niya ang mga kamay sa magkabilang gilid ng ulo at parang may pinipiga sa hangin. "The blood. Yung mga nagkalat na laman ng tao sa sahig. Even the bodies, oh my freaking god. How could they kill those guys without any fear?"
Napansin din ni Chief ang pagrereklamo ni Brent sa upuan nito. "Sino ba 'yang tinutukoy n'yo?"
"Hindi nagsisinungaling sina James," pag-amin ni King sa mahinang boses na sila-sila lang ang nakaririnig.
"What do you mean?" tanong ni Chief.
Nanggigigil na sumagot si Brent. "Dude, yung adviser natin, pumatay ng dalawang tao gamit ang labanos. What on earth was that?"
Hindi alam ni Chief kung matatawa ba sa kaibigan o magtataka. "A . . . radish."
"Ang baliw pakinggan, di ba?" sabi pa ni Brent.
"No shit, dude. High ka ba?"
"Ugh!" Napasapo na lang ng noo si Brent at napasandal na naman sa upuan niya para sukuan na ang pagpapaliwanag. "Dude, you think we should be thankful na ang bait pa niya sa section natin, huh?" tanong niya kay King. "She could kill us without a sweat!"
Napahugot na lang tuloy hininga si King at naisip iyon. Kaya pala ganoon lang kadali kay Armida na balian siya ng balikat. Sa lagay na iyon, hindi pa siya sineseryoso nito.
"Chief," pagtawag niya sa kaibigan.
"Yes, King."
"Itanong mo nga sa faculty kung babalik pa ba yung adviser natin dito sa Byeloruss. Kung oo, itanong mo na rin kung kailan."
***
Ikaapat na araw sa school, at talagang balisang-balisa si Josef. Hindi siya nakapagturo nang maayos sa klase kaya nagprisinta na lang ang mga estudyante niya na kusa na lang itong magre-review sa paparating na exam.
Nang ipatawag sila sa practice room, mas lalong natorete si Josef dahilan para humiling muna siya na hindi muna sumali sa practice dahil talagang wala siya sa mood at baka makaabala pa.
Hayun at nasa sulok siya ng room, sa tabi ng bintana nakaupo at nakatulala.
Bzzt! Bzzt!
Ang bilis ng pagkuha niya sa phone para makita ang message.
Laby:
Shadow, 20 times ka nang tumatawag since you left the house. And that was two hours ago. Buhay ang asawa mo, huwag ka ngang praning.
Mabilis siyang nag-type ng reply.
Josef:
I just want to know kung nagising na siya kasi hindi ka naman nagbibigay ng update. Napakatamad mo kahit kailan.
Bumuga na naman siya ng hangin at ibinalibag ang phone sa katabing mesa at ipinatong doon ang siko.
"Sir, okay ka lang ba?" tanong sa kanya ni Ma'am Carmel. Napansin kasi nito na balisa siya kanina pang pagtapak niya sa school.
Kumuha ito ng upuan at umupo sa harapan niya.
"May problema ka ba?" usisa pa nito.
Isang malalim na buntonghininga na naman ang pinakawalan ni Josef. "I'm worried about my wife." Napasapo na lang siya ng noo. "Hindi ko alam kung ano'ng nangyari, hindi pa kasi gumising hanggang ngayon."
"Oh," bahagyang nagulat si Ma'am Carmel. "Tumawag na ba kayo sa ospital? Dapat nag-leave ka muna. Maiintindihan naman ni Madame kung a-absent ka."
Napailing si Josef. "May binabantayan din kasi ako ngayon dito sa school. May nagbabantay rin naman sa kanya sa bahay, kaso kasi walang sinasabi kung ano na ang nangyayari doon. Hindi ko na nga alam ang gagawin."
Bakas na bakas sa mukha ni Josef ang stress. Parang pagod na pagod ang itsura niya.
Hindi naman nagsalita si Ma'am Carmel, nakatitig lang kay Josef at nakikisimpatya.
"I just want her to be safe," malungkot na sinabi ni Josef. "Kaso hindi ko alam kung paano 'yon gagawin."
Si Ma'am Carmel naman, pinipilit intindihin ang tinutukoy ni Josef. Hindi niya alam kung paano i-co-comfort ang lalaki.
"Sir Zach . . ." Hinawakan niya ang kamay mainit na Josef. "Magiging okay rin ang lahat sa inyo ng asawa mo."
Tiningnan ni Josef ang maamong mukha ni Ma'am Carmel kasunod ang kamay nitong nakahawak sa kamay niya.
"Ma'am Carmel . . ."
"Yes?" sagot nito na may matipid na ngiti.
Matipid lang din na ngumiti si Josef. "Dont touch my hands, please." seryosong pakiusap niya.
"Ha—ah, I-I'm sorry." Tinanggal na agad ni Ma'am Carmel ang kamay niya at napayuko dahil sa pagkapahiya.
"Ayokong hinahawakan ng iba ang kamay ko, unless may permission ko," paliwanag ni Josef. "I hope you understand."
"Ah, o-okay." Napatango na lang si Ma'am Carmel dahil sa sinabing iyon ni Josef. Tumayo na rin siya dahil pakiramdam niya ay napahiya siya. Umalis na rin siya roon sa puwesto ni Josef kasi ang awkward na.
Bzzt! Bzzt!
Mabilis pa sa alas-kuwatro ang pagdampot niya sa phone na kababalibag lang niya.
Laby:
Anong update ang ibibigay ko? Na tulog pa rin ang asawa mo?
Isipin mo na lang na bumabawi siya ng pahinga. After all, she's RYJO. She's immortal. Namatay na 'to pero nabuhay pa rin.
Magigising ang asawa mo kahit pa lumuha ka ng dugo. As if may choice siyang matulog for all eternity.
Mabilis din siyang nag-reply.
Josef:
Nagtatanong ako kung nagising na ang asawa ko. Oo o hindi lang naman ang sagot. Dami pang satsat.
Gustong-gusto na niyang umuwi sa totoo lang. Kung puwede lang tangayin si Shiner pauwi, malamang na kanina pa siya nasa bahay.
Galit siya kay Armida—dapat. Ang kaso, paano pa siya magagalit kung kaninang madaling-araw ay nanghingi pa nga ito ng pagkain sa kanya, tapos ngayon wala nang malay.
Hindi niya alam kung sino o ano ang sisisihin.
Kung yung sugat ba nito sa balikat. O yung sa leeg. O yung gutom nito, na baka nga nawalan ng malay si Armida ay dahil walang laman ang tiyan. Pero imposible naman dahil hindi naman isang buwan ang nakalipas noong huling kumain si Armida. Nalutuan pa nga niya ng almusal kahapon kaya imposibleng ginutom ito nang sobra.
Tapos sa dinami-rami ng pagkikitaan dito, sa closet pa talaga.
Ano naman kaya ang ginawa ni Armida sa closet? Nagtago? Nagmukmok? Wala naman sa ugali ni Armida ang nagmumukmok.
Isa na namang buntonghininga at napatitig siya sa singsing sa daliri niya.
Kung tutuusin, hindi iyon ang pinakamahal na singsing na nahawakan niya sa tanang buhay niya. Wala pa nga yata iyon sa kalahati ng pinakakalahati ng presyo ng pinakamurang singsing na hawak niya bilang si Richard Zach.
Pero iyon na sa ngayon ang pinakamahalagang kayamanan niya. Tiningnan niya nang paikot iyon.
May naka-engraved na characters na ang ibig sabihin ay Zordick at Zach. Pero maliban pa roon, may isang letter C na nilagyan lang ng ornament ang naka-enraved din. Nakikita lang niya iyon noon sa mga gamit ni Cas.
Naisip na lang niya na baka dahil Zordick din si Cas kaya ganoon.
Umalingawngaw na sa buong school ang bell. Bigla niyang naalala si Shiner.
Hindi na lang muna siya sasabay sa co-teachers niya. Kakausapin muna niya ang dalaga.
***
Lunch break na at nasa rooftop na naman si Josef. Naupo na naman siya sa lapag at binuksan ang lunch bag niya. May tatlong tupperware at isang malaking water jug. Inilabas niya iyon isa-isa at sinilip ang laman.
"Puro sandwich lang talaga," bati niya sa laman ng tatlong lunch box dahil si Laby ang naghanda niyon. Matamlay niyang kinuha ang isa saka kumagat.
Doon pa lang, parang nabusog na siya. Wala kasi talaga siyang ganang kumain. Lalo na kapag naiisip niyang humihingi si Armida ng pagkain sa kaniya nitong madaling-araw lang tapos hindi pa niya pinaglutuan.
"Sir, bakit nandito kayo?" Sumulpot na naman si Shiner sa harap niya at nag-indian seat na naman.
Napansin ni Josef ang hawak nitong sandwich imbis na sour candy.
"Buti, hinandaan ka ni Laby ng baon," aniya na may matipid na ngiti.
"Sir, kumusta asawa n'yo?"
Napahinto sa pagnguya si Josef at naibalik ang kinakain sa lunch box.
Mapait siyang natawa nang mahina. Itinago roon ang lungkot niya. "Hindi pa nga raw gumigising sabi ni Laby.
"Sir, mamamatay na ba si ma'am?"
Lalong tumipid ang ngiti ni Josef at napailing na lang. Gusto niyang sabihing hindi, pero mas lamang ang hindi niya alam.
"Sir, naintindihan ko naman kayo," sabi ni Shiner. Pilit na nakikisimpatya kay Josef. "Wala namang may gusto ng nangyari. Kasalanan ko kung bakit—"
"Wala kang kasalanan," putol ni Josef sa dalaga. "Tinanggap ka namin kasi nag-aalala kami sa 'yo. Hangga't nasa bahay ka, poprotektahan ka namin."
"Pero, sir, yung asawa mo . . ."
Sasagot pa sana si Josef pero natuloy na lang sa paghugot ng hininga at marahang pagbuga.
"Sir, kung aalis ako sa inyo, hindi nila kayo hahabulin. Hindi kayo mag-aaway ng asawa mo dahil sa 'kin."
"Shiner, ayokong mamili sa inyo ni Armida . . ." malungkot na sinabi ni Josef. "My wife is my only choice. No or, no between."
"Pero hindi madaling kausap ang tatay ko, sir. Tanggap pa niyang wala akong bahay kaysa makitira ako sa inyo."
Umiling na naman si Josef para sabihing ayaw niyang tanggapin ang sinasabi ng dalaga. "Pagkatapos ng klase mo, hintayin mo 'ko. Sabay tayong uuwi."
"Pero, sir . . ."
"Please, Shiner," pagmamakaawa ni Josef. "Hindi sumalo ng bala ang asawa ko para lang makuha ka ulit ng pamilya mo. Huwag mo naman sanang balewalain ang ginawa niya para sa 'yo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top