Kitchen Disaster
Kung tutuusin ay masyadong malaki ang frontyard para sa co-teacher ni Josef. Kasya nga roon sa halfcourt ang tatlong magkakatabing kotse kung pagbabasehan ang lawak. At dahil kalat ang speaker sa buong bahay dahil may sariling monitoring system iyon, binuksan lang ni Armida ang speaker na naroon sa isang haligi ng bahay malapit sa CCTV camera. Hindi iyon malaki, isang cylinder lang na 12 inches ang taas at 5 inches ang diameter. Hindi nga kapansin-pansing speaker iyon dahil mukha lang suporta ng ilaw.
"Ang bongga talaga rito sa inyo, Sir Zach," bati ni Ma'am Heidi dahil naka-connect na agad sila sa speaker pagkabukas ng bluetooth na available sa laptop ni Mr. Kenta. Mga hindi man lang nagtanong kung bakit CCS_Monitor_Dept_8 ang pangalan ng bluetooth connection.
Nag-urong na lang sila ng garden table sa may court doon para ipatong ang laptop.
Samantala, nag-uusap ang mag-asawa nang medyo malayo sa half court. Kailangan nang magpaliwanag ni Josef kaysa magwala bigla ang asawa niya habang nasa kalagitnaan sila ng practice.
"We're gonna dance at partner ko si Ma'am Carmel," sabi ni Josef habang hawak sa kanang braso ang asawa niya. "It's just a presentation, okay?"
"Okay," tumango naman si Armida. "Who's Ma'am Carmel?"
Napatingin si Josef sa direksiyon ng co-teachers niya. "The one with the lovely smile and a beautiful face." Pagbalik niya ng tingin sa asawa niya, nakataas na ang kilay nito sa kanya. "What?" tanong pa niya.
"You mean that fair lady among the group," sabi ni Armida sa tono na parang gusto niyang ipabawi kay Josef ang description nito kay Ma'am Carmel.
"Yes, siya nga."
Napakrus ng mga braso si Armida habang tinataasan ng kilay ang asawa niya.
"Sinabi mo sa co-teachers mo na pangit ako tapos sasabihin mo sa 'kin na partner mo yung co-teacher mong maganda."
Nagulat naman si Josef sa sinabi ng asawa niya. "I didn't say na pangit ka! Sinabi ko lang na hindi ka maganda."
Nagbago bigla ang hilatsa ng mukha ni Armida na parang gusto nang kuwestiyunin kung tamang lalaki ba ang pinakasalan niya.
"I mean . . . maganda ka naman, okay! You looked scary sometimes, but you're beautiful sometimes. Saka hindi ka si Jocas para gawing big deal 'to."
Lalong tumaas ang kilay ni Armida at talagang tinantiya ng tingin ang asawa niyang nagpapaliwanag kahit hindi niya naman kinakailangan kung tutuusin.
"Oh come on," inis na sinabi ni Josef dahil nagsisimula na naman siyang ma-stress dahil sa asawa niya. "We will dance. She's gonna touch me. I'm gonna touch her. Nagawa na namin 'yon sa practice sa school noong Wednesday pa—"
"And you didn't tell me about that?" putol agad ni Armida. "Sinabi ko sa 'yo ang tungkol sa presentation namin. I told you everything, and you didn't tell me about yours? Or do you have any plan to tell me about it?"
Napasapo agad ng noo si Josef saka bumalik sa pagpapaliwanag. "Kaya nga nagpapaliwanag ako sa 'yo ngayon."
"Kagabi, ang daming time, bakit hindi mo sinabi?"
"Kailangan ko pa bang sabihin 'yon?" pagpilit ni Josef.
Hindi sumagot si Armida, pero naghuhumiyaw ang tingin niya sa lalaki para magtanong ng "Naririnig mo ba ang sarili mong talipandas ka?"
Napabuga na lang ng hininga si Josef at napatango na lang. "It's just a practice." Saka niya hinalikan sa pisngi ang asawa niya at nauna nang bumalik sa half court.
"Baka siya yung napanaginipan kong babae," pahabol pa ni Armida na hindi umalis sa kinatatayuan.
"That's not gonna happen," malakas na sinabi ni Josef para marinig niya kahit hindi ito tumalikod. "Baka ibaon mo pa 'ko sa lupa nang buhay."
Sinamaan lang ng tingin ni Armida ang asawa niya at nakakrus ang mga braso nang sumunod dito.
Bago pa man siya makalapit, nagsisimula na ang music. Ballroom ang sasayawin nina Josef. At natural lang na magkadikitan ng mga katawan.
Pumuwesto siya sa may elevated part ng harapan ng bahay at sumalampak doon. Nakatukod sa hita niya ang mga siko at napatong ang baba sa mga nakakuyom na kamao. Inilipat din niya lahat ng buhok niya sa left shoulder para maitago ang mga sugat niya.
Pinanood niya ang co-teachers ni Josef na magsayaw mula sa kaliwang panig niya. Napapanood naman niya kahit wala siya roon sa malapit. Magka-partner sina Mr. Kenta at Ma'am Stella. Sina Ma'am Rina at Ma'am Heidi ang magkapares. Tapos yung asawa niya at si Ma'am Carmel.
Sa totoo lang, hindi naman siya selosa. Hindi rin naman siya lumaking selosa dahil mga mahihinang nilalang lang ang nagseselos. At kilala niya ang asawa niya. Masyado itong allergic sa mga babaeng . . .
"Uhm-hmm?" Napataas na naman siya ng kilay si Armida dahil nakikita niyang tumatawa si Josef dahil nagkakamali ang ka-partner nito sa sayaw.
Masyadong mabait si Ma'am Carmel. Mahinhin, malambing ang boses, maganda ang ngiti gaya ng sinabi ng asawa niya, maganda gaya rin ng sabi ng asawa niya, normal na tao—mga bagay na wala siya at hindi siya.
Bumabalik na naman ang tungkol sa napanaginipan niya. Na may iba nang asawa ang asawa niya.
Hindi niya naman masabi dahil panaginip lang naman iyon. Pero talagang ang saya ni Josef sa practice nila, gusto na niyang batuhin ng mesa.
Umulit na naman ang tugtog. Nagsimula na naman sila kasi nga nagkamali si Ma'am Carmel.
Nandoon na naman sa mga step na maghahawak ng kamay si Josef at Ma'am Carmel. Umikot ang babae papasok sa bisig ng asawa niya. Kinuha nito ang kaliwang kamay ni Josef at saka ito binuhat ng lalaki habang hawak sa baywang.
Naamin agad ni Armida sa sarili na kung naging lalaki siya, malamang na gaya ni Ma'am Carmel ang gugustuhin niyang makasama habambuhay. Yung mga katulad ni Ma'am Carmel ang karapat-dapat luhuran at iharap sa dambana.
Napatango na lang din siya kasi imbis na magselos, parang naintindihan pa niya kung sakaling matipuhan nga ng asawa niya si Ma'am Carmel. Biglang bago rin ng isip niya at mas nag-focus pa kay Ma'am Carmel imbis sa asawa niya.
Ipinaikot pa ni Josef si Ma'am Carmel at hinatak uli para paikutin paloob sa braso nito. Iniliyad niya ang babaeng guro at para silang nasa romantic movie na kaabang-abang ang huling kissing scene.
Itinayo agad ni Josef si Ma'am Carmel at saka ito ulit ipinaikot palabas. Maya-maya ay biglang tumugtog ang Gentleman.
"The fu—" Halos maibagsak ni Armida ang siko niya dahil sa nakita sabay "HAHAHAHA!"
Nakagat niya ang labi at dali-daling tumakbo papasok ng bahay.
Ilang saglit pa, tangay-tangay na niya ang phone at doon pa talaga siya pumuwesto sa harapan mismo para mag-video.
"Hey!" puna ni Josef saka huminto sa pagsayaw sabay lakad papunta sa asawa niya.
"WHAT?!"
Pare-parehas tuloy silang napahinto at pinanood ang mag-asawa.
"Armida, stop that," utos ni Josef habang sinusubukang kunin sa asawa niya ang phone.
"Ah, no!" Mabilis na umiling si Armida at maliksing tumalon nang dalawang beses paatras. "Gusto ko lang kunan ka ng video, masama?"
"Armida, not funny," naiinis na sinabi ni Josef.
"I don't get the chance to watch you dance like that, Mr. Zach," natatawang sinabi ni Armida habang patuloy pa rin sa pag-video.
"Armida, kapag ako ang kumuha niyan, magsisisi ka talaga," banta na ni Josef habang dinuduro siya.
"Nuh-uh!" Umiling na naman si Armida habang nakangisi. "Balik ka na sa practice, Mr. Zach!"
Talagang hindi na natutuwa si Josef sa asawa niya—na naman. Seryoso niya itong nilapitan at sinubukang halbutin ang phone sa kamay nito.
"Uh-uh!" Mabilis namang nakalayo si Armida at mabilis na binato ang phone palipat sa isa niyang kamay.
"Give me that," seryosong sinabi ni Josef.
Nakangising umiling si Armida.
Mabilis na kinuha ni Josef sa kamay ng asawa ang phone pero hindi agad niya nahalbot dahil ang bilis din ng reflex ni Armida. Nadaplisan lang niya ang kamay kaya pareho nilang nabitiwan iyon.
Magkasabay nilang tinitigan na para bang bumagal ang segundo habang pabagsak ang gamit.
Inunahan nang saluhin iyon ni Josef pero kinuha agad ng babae ang pulsuhan niya. Napilitan tuloy siyang gamitin ang isa pang kamay pero kinuha rin ni Armida ang kabilang pulsuhan niya.
Tinuhod na lang niya ang phone at lumipad na naman iyon sa ere saka niya marahas na binawi ang kamay niya saka iyon inabot sa hangin.
"Huh." Napangisi ang lalaki sabay karga sa asawa niya. Para itong sako ng bigas na isinampay niya sa balikat saka siya naglakad papunta sa loob ng bahay.
"JOSEEEEEF!"
Kung may mga bagay na alam si Josef na hindi talaga ugali ni Armida, malamang na iyon ay magmaganda, magselos, at mangulit nang mangulit. Ibang-iba sa ugali ng una niyang pinakasalan. Maliban sa ayaw rin naman ni Armida ng makulit, wala rin itong pakialam kung ano ang itsura nito. Masyadong dominante ang tingin ni Armida sa sarili nito kaya hindi pa ipinapanganak ang babaeng pagseselosan nito.
"Ah—!" Ang sama ng tingin ni Armida kay Josef nang ibagsak siya nito sa sofa matapos siya nitong tangayin papasok sa bahay.
"Stay here," utos ni Josef.
"WHHHY?"
"Na-co-conscious yung mga bisita dahil sa 'yo," sabi ni Josef.
"Ikaw lang yung na-conscious," kontra agad ni Armida.
Nagpamaywang agad si Josef at hindi nakapagsalita. Siya lang naman kasi talaga yung na-conscious kung tutuusin. Nakipagtitigan lang siya sa asawa niyang nakikipagsukatan lang din ng tingin sa kanya.
Ilang saglit pang tantiyahan ng tingin, si Josef na ang unang nagsalita.
"Mag-stay ka na lang dito sa loob," pakiusap ni Josef.
"But I want to see you dance!" seryosong sinabi ni Armida na imbis na maging cute, nagmukha pa siyang nananakot at nagbabanta.
"Magluto ka na lang ng lunch for us, para may magawa ka," sabi na lang ni Josef at tumungo na sa pinto.
"Pero gusto ko ngang panoorin kang sumayaw!" pamimilit ni Armida.
"Kapag nakapagluto ka, sasayawan kita mamaya."
Alam ni Armida na kaya niyang magluto. Mga basic na pagluluto na hindi na kailangan pa ng komplikadong pag-iisip at matatapos sa 3-minute cooking process. Ang kaso nga lang, hindi pang-3-minute cooking process ang laman ng ref nila. Wala rin naman siyang panahong mag-aral kung paano magluto kaya nga siya nagbabayad para sa mga chef.
Kung gaya lang sana siya ni Josef na walang tiwala sa mga tagapagluto kaya natutong magluto. Kahit naman lagyan ng lason ang pagkain niya, wala rin naman siyang pakialam dahil hindi naman siya tinatablan niyon.
Kaya hayun siya at tinulalaan ang mga karne sa chopping board.
Alam niya kung paano iyon hihiwain. Expert na expert pa naman siya kapag hiwaan lang naman ang pag-uusapan. Pagkakuha niya ng kutsilyo, hinawa niya agad iyon sa magagandang cube na para lang siyang naghihiwa ng clay.
Nang matapos, napaisip na siya kung ano na ang gagawin.
Ang nakikita niya sa ginagawa ni Josef, pagkatapos maghiwa, binabagsak na lang nito lahat sa kaserola tapos nakikipag-usap na sa kanya. Kaya ginaya lang din niya ang naalala niyang ginawa nito.
Kumuha siya ng kaserola, binuksan ang stove, hinugasan ang karne pagkatapos ay ibinato na lang din sa kaserola nang may lamang tubig na may tamang dami para masabing hindi tama ang ginagawa niya. Binuhusan niya iyon ng toyo, binuhusan ng oyster sauce, sumalok ng isang kutsarang asin, sumalok ng isang kutsarang asukal, nagbuhos ng lahat ng klaseng pampalasa na nakahilera sa cupboard, at saka iyon tinakpan.
Kung ano ang tawag sa niluluto niya, hindi pa niya masabi. Ang mahalaga, nakapagluto siya. Ganoon din naman magluto si Josef kaya ano ang kaibahan?
"Armida?" pagtawag ni Josef dahil talagang hindi nga lumabas ang asawa niya sa loob ng isang oras. Para tuloy mas kinabahan siya roon kaysa kung nambubulabog ito sa labas. "Armida, where are—" Natigilan siya sa sinasabi at nagdire-diretso sa kusina. "What are you doing?"
Sinilip niya ang pinanonood nito sa stove.
"Uh . . ." Tiningnan niya si Armida na parang batang ignoranteng nakatingin sa kanya. Ibinalik niya ang tingin sa kaserola. Sunod ay sa asawa na naman niya. "What is that?"
"Uhm . . ." Napatingin sa itaas ang asawa niya. "That is . . . meat soup."
"Meat soup," aniya sabay tango. Ibinalik niya ang tingin sa kaserola.
Lumalangoy kasi ang mga piraso ng karne sa hindi niya malamang "soup" na sinasabi ng asawa niya. Sobrang dami ng tubig—kung tubig ba talaga iyon o ano. Lalo pa niya iyong pinakatitigan kasi kakaiba ang namumuong bula. Parang malapot na hindi mawari. Naaamoy niyang sumobra sa toyo, tapos maalat ang amoy na amoy maanghang din. Paglapit niya para maamoy ng maigi, lalong lumala ang amoy. Klase ng amoy na kapag nalunok ng tao ang kung ano mang tawag doon, malamang na para na rin silang nanghingi ng appointment kay Kamatayan.
"Tikman mo naman kung masarap," alok pa ni Armida.
Saglit na nandilat ang mata niya at gulat na tumingin sa asawa niya. "HA?"
"Wait, kukuha ako ng kutsara," alok pa nito at akmang magbubukas ng cupboard.
"HINDI, 'WAG NA!" malakas niyang pagpigil at hinawakan pa ang kamay ng asawa niya.
"Titikman mo lang naman," pamimilit ng babae.
"Armida, kung galit ka sa 'kin, sapakin mo na lang ako. Hindi mo 'ko kailangang lasunin."
Si Armida naman tuloy ang takang-taka na tumingin sa kanya. "Excuse me?"
Inilahad niya ang palad para tukuyin ang niluto raw nitong alay yata para mag-summon ng samot-saring diyablo sa impyerno.
"Armida," mahinahon niyang sinabi, "mahal kita, at sasalo ako ng bala para sa 'yo. Pero kahit gaano kita kamahal, hindi ko isasakripisyo ang buhay ko para dito."
"Pero pinagtiyagaan kong lutuin 'yan!" inis pang bulyaw ni Armida.
"Na-appreciate ko ang tiyaga mo, really," tumango pa siya para papaniwalain ito. "Pero stay na lang tayo sa tiyaga."
Naningkit bigla ang mga mata ni Armida sa sinasabi ng lalaki. "Iniinsulto mo ba 'ko?"
Matipid na lang na ngumiti si Josef at hinawakan sa pisngi ang asawa niya. "Ganito na lang, kuha ka ng pitsel sa ref tapos baso. Bigyan mo ng tubig yung mga bisita natin, hmm?" Itinalikod niya si Armida at iginiya papunta sa ref. "'Wag mo na 'tong uulitin, ha?"
Kung may mga bagay na alam si Armida na ugali talaga ni Richard Zach, malamang na iyon ay maging antipatiko, mang-insulto, at ma-bad trip nang ma-bad trip. Ibang-iba na nga ngayon ang ugali nito sa kung paano nito tratuhin si Jocas. Maliban sa mas antipatika siya in nature, pangmalakasan rin naman siyang mang-insulto, at likas na yata sa asawa niya ang maging aburido araw-araw.
Ang hinahon nga ni Josef kanina, pero pulos insulto ang sinabi nito sa niluto niya samantalang ginaya lang naman niya ang ginagawa nito palagi. Hindi lang naman niya alam kung bakit mukhang may mabubuhay nang gooey monster sa niluto niya samantalang wala naman siyang dinagdag doon na iba kundi yung mga nilalagay lang din ni Josef parati.
Kaya hayun siya at hinatiran na nga lang ng tubig ang mga co-teacher ni Josef sa garden.
"Gusto n'yo ng tubig?" tanong niya na pinipigilan ang sarcasm sa tono.
Nahihiya pa ang iba na lumapit sa kanya.
"Ma'am, tulungan na kita," alok ni Mr. Kenta at ito na ang kumuha ng tray sa kanya para mailapag sa garden table.
Sa totoo lang, hindi niya ugaling nagpapakilala, kaya nga hindi niya naitanong ang mga pangalan ng co-teacher ni Josef kasi panay ang salita niya. Si Ma'am Carmel lang ang nakilala niya dahil sa pagkakabanggit ng lalaki.
Naiilang na uminom ang mga bisita niya. Mga hindi nagsasalita. Hindi tuloy niya alam kung mga napagod na ba kaya tumatahimik o talagang ayaw siya kausapin.
"Tapos na kayo sa practice?" tanong niya sa kanila.
"Uhm, yes," mahinhing sagot ni Ma'am Carmel.
"Carmel, right?" tugon niya rito.
"Yes," sagot ulit nito.
"And you are?" tanong niya sa iba.
"Stella," pakilala ng pinakamatangkad sa kanila.
"Ako si Heidi," sabi ng isang kanina pa maingay.
"I'm Rina," nahihiyang sinabi ng isa sabay iwas ng tingin habang umiinom ng tubig.
"Kenta," sabi ng nag-iisang lalaki sa mga bisita.
Nginitian niya ang mga ito habang iniisa-isa ng tingin. "Buti pa kayo, mababait, 'no?" puri pa niya dahil mas mabait naman talaga ang mga ito kompara sa co-teachers niya.
"Ay, thank you, hehehe," sabi ni Ma'am Heidi sabay paipit ng buhok sa tainga. "Alam naman namin 'yon."
"Mabait ba si Josef sa inyo?" usisa niya.
"Josef?" tanong nilang lahat.
"Josef yung nickname niya."
"Oh . . ." Napatango naman ang mga ito. "Mabait naman si Sir Zach."
"Talaga?" Napaisip siya roon dahil kahit nga kina Miethy, hindi naging mabait si Josef.
"Kahapon malungkot siya," kuwento ni Ma'am Carmel sa kanya.
"Ay, oo nga," dugtong pa ni Ma'am Heidi. "Hindi siya nakapag-practice kahapon kasi talagang balisa siya whole day."
"May nangyari ba sa 'yo?" tanong pa ni Ma'am Stella. "Para kasing alalang-alala siya kahapon e. Tapos may kausap siya sa phone na inaaway niya, di raw siya in-u-update. Ikaw ba 'yon? Nag-aaway ba kayo?"
"Whole day akong tulog kahapon," sabi niya sa kanila. "Wala siyang ibang matatawagan."
"Oh my god," gulat na sinabi ni Ma'am Heidi. "May ibang babae si Sir Zach?"
"Ma'am," sabay-sabay nilang pag-awat dito.
Pilit na pagtawa ang nagawa nila nang makita ang mukha ni Armida na sinusukat sila ng tingin dahil sa sinabi ni Ma'am Heidi.
"Bakit?" dismayadong sinabi ni Ma'am Heidi dahil nagsasabi lang naman siya ng opinyon. "Kung tulog whole day ang asawa niya, sino ang kausap niya sa phone?"
"Baka friend lang, ma'am," kontra ni Ma'am Rina. "Ang ganda-ganda ng asawa niya, mambababae pa siya?"
Hindi na lang umimik si Armida. Hindi niya alam kung mabubuwisit ba sa pagiging tsismosa ng co-teachers ni Josef, o dahil talagang hindi mawala sa concept of the day niya ang pambababae ng asawa niya.
Natapos nang magluto si Josef at nakahanda na rin ang mesa. Mag-aalas-dose na ng tanghali at pare-pareho na silang nagugutom.
At talagang si Josef ang kusina master ng bahay dahil hindi na mukhang pagkain buhat sa kapighatian ang lunch nila kundi pagkain na ng tao.
Sakto lang sa anim na tao ang mesa nila sa bahay kaya sakto lang ang mesa para sa co-teachers niya at sa asawa niya. Sumandal na lang siya sa island habang hawak ang sariling plato para lang hindi masabing tinatalikuran niya silang lahat kapag doon siya kumain mismo sa island.
"Ang sarap mo talagang magluto, Sir Zach," papuri ni Ma'am Heidi habang masayang kinakain ang niluto ni Josef.
Padabog namang tinusok-tusok ni Armida ang karne sa plato niya dahil mukhang tinapon ni Josef ang niluto niya kanina.
Hindi rin naman niya gugustuhing kainin iyon. Baka iyon pa ang maging mitsa ng imortal niyang buhay.
"Saan na pala kayo pagkatapos nito?" tanong na lang ni Armida.
"Uuwi na rin kami," sagot ni Ma'am Carmel.
"Oh, good," simpleng tugon ni Armida at naisipan nang tanungin ang asawa niya tungkol sa sinasabi ng co-teachers nito. "Josef, may sinasabi yung co-teachers mo."
"Na alin?" tanong ng lalaki.
Naalertong bigla ang mga bisita sa mesa at napatingin sa kanya.
"May tinatawagan ka raw kahapon. Sino 'yon?" tanong niya na ni hindi man lang nilingon ang lalaki sa likuran. Tutok lang siya sa plato habang tinutusok-tusok ang kinakaing karne. "Kilala ko ba?"
Saglit na uminom si Josef at prenteng sumagot. "Malamang, kilala mo. Si Laby lang naman ang tinatawagan ko."
"Sigurado ka?"
Nakaramdam ng tensiyon ang mga bisita nila dahil mukhang mag-aaway pa yata sila habang kumakain.
"Armida, iisa lang ang contact list ng phones nating dalawa," sarcastic pang sagot ni Josef. "As if I had another choice to call somebody else aside from that kid."
"O, anong nakakalungkot doon?" sarcastic ding tanong ni Armida at noon lang lumingon sa likod para makita ang mukha ng asawa niya. "Sabi ng co-teachers mo, malungkot ka raw kahapon kaya hindi ka nakapag-practice."
Saglit na inilapag ni Josef ang plato niya sa island at nagpamaywang saka tiningnan paibaba ang asawa niya saka sarcastic na sumagot. "Sino bang hindi ma-s-stress at mag-aalala e buong araw ka ngang hindi gumising."
"But there was nothing to worry about! You're just stressing yourself for nothing!"
"That 'nothing' I'm stressing about is my wife. And that 'nothing' I'm worrying about is you." Kinuha ulit niya ang plato para ipagpatuloy ang pagkain. "Kumain ka na nga lang."
Nagkapalitan na lang ng tingin ang mga bisita nila at takang-taka sa nangyayari.
Nagkakasagutan kasi ang dalawa at nagkakataasan pa ng boses.
Pero hindi nila alam kung maiilang dahil nagsisigawan sila o kikiligin kasi nagsisigawan nga, pero tungkol naman sa concern nila sa isa't isa.
Kaso mukhang hindi naman yata kinilig doon si Armida dahil patuloy pa rin ito sa pag-murder sa karne sa plato. "Kung nag-aalala ka pala, e di sana, hindi ka na pumasok sa school."
Tinapos na ni Josef ang pagkain bago sumagot. "You know that can't be. Pumasok din si Shiner. Walang magbabantay sa kanya."
Sabay-sabay na napatingin ang mga teacher kay Josef.
"Si Shiner Soliman, Sir Zach?" biglang tanong ni Ma'am Heidi.
"Yes, ma'am," mabilis na sagot ni Josef.
Napansin ni Armida na napuno ng gulat ang mga mata ng mga co-teacher ni Josef nang mabanggit ang pangalan ni Shiner.
"Kilala n'yo ba si Shiner?" usisa ni Armida.
"Ha? A, ano . . ." Sabay-sabay na umiling ang mga ito at napayuko. Parang natatakot magsalita.
Hindi kailangan ni Armida ng sagot. Sinanay sila para bumasa ng body language ng tao. Doon pa lang, alam na niyang masamang balita si Shiner sa co-teachers ni Josef.
"Dito sa bahay na 'to nakatira yung bata," sabi ni Armida. "Malamang na kilala n'yo siya."
Muling nagkapalitan ng tingin ang co-teachers ni Josef. Mga gulat ang reaksiyon. Matapos ay nagsitayuan na ang mga ito at naiilang na nag-urong ng upuan.
"Sir Zach, Armida . . . ano . . . uhm . . ."
"Busog na pala kami," mabilis na sinabi ni Ma'am Heidi.
"Mauna na kami, ha? Oo," ilang na ilang na sinabi ni Ma'am Rina at pinagtutulak sina Ma'am Stella.
"Salamat sa pagkain, pasensya na sa abala," nahihiyang sinabi ni Ma'am Carmel at yumukod pa muna saka nakisabay sa iba paalis.
Masyadong naging mabilis para kina Josef ang nangyari.
Napatitig na lang si Armida sa sala at napaisip kung gaano nga ba kalala ang issue ni Shiner para matakot nang ganoon ang co-teachers ni Josef dito.
"I think it's worse than expected," sabi na lang ni Armida sabay subo sa panibagong karne.
------------------------------
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top