Josef's Visitors

Ang agang nagising ni Josef para maghanda, tapos malaman-laman lang niya kay Laby na wala palang pasok dahil nag-declare pala ng holiday. Hindi niya alam—o hindi niya narinig kasi lutang lang siya sa school. At saka ilang araw pa lang sila, malay ba niyang may holiday pala.

Friday na at huling araw ng linggo para pumasok sa school. At dahil walang school, bumalik na lang siya sa higaan para mag-extend ng pagtulog.

Umagang-umaga rin at nasa kalagitnaan ng paliligo si Armida nang biglang nagkaroon ng problema. Dali-dali itong lumabas ng banyo para sabihan ang asawa niyang tulog.

"Josef, nasira yung shower!" reklamo ni Armida na nakatapis lang ng towel at may bula-bula pa ang buhok.

"Hmm . . ." ungot ni Josef at isinubsob lang ang mukha sa malambot na puting unan.

"Josef, yung shower!" reklamo ulit ni Armida at tinusok-tusok ang balikat ng asawa niya.

"Hnngg . . ." Uungot-ungot na bumangon si Josef at napakamot ng ulo.

"Paano ako maliligo?" inis na tanong ni Armida. "Ayusin mo yung shower!"

"Armida . . ." mahinahong pagtawag nito at tumayo na. Namumungay ang mata niya nang tingnan ang mukha ng asawa niyang nakabusangot. "Magnanakaw ako, hindi tubero." Numakaw pa siya ng mabilis na halik sa labi nito saka hinawakan ito sa baywang para igiya sa pintuan. "Maayos yung shower sa baba. Doon ka na maligo. Dadalhin ko na lang doon lahat ng bihisan mo. Go."

Hindi naman nawala ang busangot na mukha ni Armida habang papadyak-padyak na nagmartsa palabas ng kuwarto nila.

****

Half past nine na at tapos na silang mag-breakfast. Nagtanong si Josef kung nasaan si Shiner, pero ang sabi ni Laby, maagang lumabas. Kung ano man ang dahilan, hindi na nito naitanong. Nasermunan man si Laby ni Josef dahil bakit nito hinayaang lumabas si Shiner, ang sinabi na lang nito ay nilagyan niya ng tracker ang batang Soliman. Kaya kung saang lupalop man ito mapunta, makikita at makikita nila ito.

Natawa na lang tuloy si Armida dahil masyado namang minamaliit ni Josef ang isa sa pinakamatalinong batang nabuhay sa mundo.

At dahil tapos na si Laby sa issue nito sa software, sinimulan na nito ang mga naka-pend nitong trabaho na hindi nito nauna dahil sa paghahanap sa tatlong may hawak ng device na kailangan niya. Ngayon ay nasa galaan na naman ito at nagtatrabaho sa field.

Si Armida naman, para makasigurado sa hinala niya kay Shiner, umakyat siya sa attic para i-check ang tinutulugan nito.

Si Josef naman, ngayon pa lang makakaligo dahil siya ang nag-asikaso ng breakfast nila tapos siya pa ang naghugas ng pinagkainan at lahat ng ginamit niya sa pagluluto. Maliban sa hindi pa lubusang gumagaling ang balikat ni Armida, wala rin naman siyang mauutusang mag-asikaso sa kusina kaya siya na ang nag-asikaso ng lahat.

Hindi rin naman halatang ginagawa siyang alipin sa bahay na iyon, hiyang-hiya naman siya sa pagiging Fuhrer niya.



***



At dahil walang pasok ngayong Friday, naisipan ng mga teacher ng Diaeresis na samantalahin ang holiday para makapag-practice nang maayos ng kanilang presentation sa susunod na linggo. Maaga silang nagpunta sa bahay ng mga co-teacher nila para ayain ito sa isang clubhouse sa subdivision kung saan nakatira sina Josef para doon makapag-practice nang maayos. Alam kasi nilang maganda ang facility roon at mura pa ang rent dahil kakilala ng isang teacher ang namamahala sa clubhouse.

"Wow, ang ganda naman dito."

Nasa harap na sila ng bahay nila Josef para sunduin ito.

Libot na libot ng tingin nila ang buong paligid. Halatang bahay ng mayaman kahit na hindi naman iyon mansyon.

Simple lang naman ang sliding gate na black railings. Ganoon din ang single gate sa kaliwa.

Nag-doorbell agad si Ma'am Stella.

Sabay-sabay silang napaatras nang biglang bumukas ang gate.

"Wow," bilib nilang nasabi habang pinanonood ang gate na gumilid pa-kanan.

"Ang bongga," bati ni Ma'am Heidi. "Automatic."

Tiningnan nila ang isa't isa para alamin kung papasok na ba sila o hindi.

"Pasok na tayo," pag-aya ni Mr. Kenta. "Binuksan naman na yata nila yung gate."

Tumango na lang sila at sabay-sabay na pumasok sa loob.

"Wow, ang bongga ng garden . . ." papuri ni Ma'am Rina habang nakikita kung gaano kalinis ang hardin na iyon na parang walang nangyaring karumal-dumal na pangyayari noong nakaraang araw lang.

"May mini gazeebo."

"May half court din."

"May rose garden pati."

Tinahak nila ang gravel pathway papunta sa blue-and-white themed house.

Nadako ang tingin nila sa garahe na katabi ng front door ng mismong bahay.

"Dalawa ang kotse! Nakakaloka!" excited na sinabi Ma'am Heidi habang hawak sa braso si Ma'am Carmel.

"Mayaman talaga yung asawa niya," nag-agree naman si Ma'am Carmel.

Hindi nila alam kung ano pang magandang bagay ang makikita nila roon. Dumiretso na sila sa pinto para kumatok.

"Uh, sino'ng kakatok?" tanong ni Ma'am Heidi sa lahat.

"Ako na," sabi ni Mr Kenta. Kinatok niya nang dalawang beses ang pinto. "Oh . . . kay?" Napataas siya ng kilay nang biglang bumukas ang pinto. Mukhang hindi naisara nang maayos ang pintuan kaya bumukas.

Pare-parehas silang pumasok sa loob dahil akala nila, puwede nang pumasok dahil bumukas ang pinto.

"Lahat ba ng entrance dito, automatic?" takang tanong na ni Ma'am Heidi.

"Uh, may tao ba dito?" tanong ni Ma'am Stella dahil tahimik sa sala.

Nilibot nila ng tingin ang paligid. Malinis at maaliwalas. Magara ang mga furniture na black and red ang theme. At ang ganda ng white tiles sa sahig na ni-re-reflect ang puting ilaw sa kisame. Natatanaw nila ang kusina mula sa sala at ang kaunting side ng hagdan na katabi mula sa kinatatayuan nila.

"Ang ganda rito," manghang sinabi ni Ma'am Rina.

"Truth," sagot ni Ma'am Stella.

"Tao p—ah!" Sabay-sabay pa silang nagulat nang may biglang lumabas sa isang pinto na nasa left part ng kitchen.

Nanlaki agad ang mga mata nila at halos malaglag na sa sahig ang mga panga nang makita si Josef.

"O . . . M . . . G."

"Wow ulam . . ."

Napahinto rin si Josef nang makita ang mga bisita niya.

"Oh sh—" Itinakip agad ni Josef sa katawan ang hawak na towel na pinampupunas sa buhok.

"Hehehe hi, Sir Zach," isang nahihiyang kaway ang ibinigay nila kay Josef para sabihing nandoon sila.

Hindi na muna nagtanong si Josef kaya binigyan niya ang bisita niya ng 'Wait a minute' hand signal at agad-agad siyang umakyat sa kuwarto para makapagbihis.

"AAAAHHH!"

Pigil na pigil ang sigaw ng mga babaeng teacher habang tinatakpan ang mga bibig. Pare-pareho silang namula pagkatapos makita si Josef na bagong ligo at towel lang ang suot.

Malay ba naman kasi nila na iyon ang maaabutan sa bahay nina Josef.

"Ma'am, nakita n'yo 'yon? Nakita n'yo? My god!" Kilig na kilig si Ma'am Stella habang tinitingnan isa-isa ang mga babaeng co-teacher niya.

"Sana ako na lang yung napangasawa ni Sir Zach . . ." Nag-daydream agad si Ma'am Rina at inisip na sana nga ay siya ang napangasawa ni Josef.

"Ssshh! Ano ba!" mahinang pang-aawat sa kanila ni Ma'am Carmel.

"Asus!" Kanya-kanya silang tulak sa balikat ni Ma'am Carmel. "Aminin mo, Ma'am Carmel. Ang sexy ni Sir Zach."

"Yung abs!"

"Yung muscle!"

"Superman talaga!"

"Uhm! Uhm! Agree? Agree?" Itinuro nila ang mukha ni Ma'am Carmel para paaminin.

"Ano ba? May asawa na si Sir Zach. Huwag na kayong mangarap diyan," sabi ni Ma'am Carmel.

"Sus, kunwari ka pa. Aamin ka lang naman e," sulsol ni Ma'am Heidi sabay tingin sa mga kasama niyang nag-agree naman.

Binigyan sila ng warning look ni Ma'am Carmel kaya napatigil sila.

Pagkatapos ng kiligan portion ng mga babaeng teacher, naupo na sila pare-pareho dahil alangan namang tumayo sila doon maghapon. Nagsiksikan sa sofa sina Ma'am Rina, Ma'am Heidi, Ma'am Stella, at Ma'am Carmel. Si Mr. Kenta naman ang nag-stay sa single-seater.

Pagkatapos ng ilang minuto, bumaba na rin si Josef at nakapagbihis na ng pambahay na white T-shirt na masyadong fit sa katawan nito kaya kitang-kita talaga ang mga muscle niya, at black shorts.

Nakangiti sila habang sinundan nila ng tingin si Josef habang paupo ito sa isang itim na ottoman.

"Pasensya na. Sira kasi yung shower namin sa kuwarto kaya dito ako sa baba naligo." Itinuro niya ang pinto ng bathroom na katabi ng kusina.

"Okay lang, sir!" sabi ni Ma'am Heidi. "Sulit naman ang pagpunta namin! Ang sarap—"

"Sshh!" kabig nila kay Ma'am Heidi.

"A, I mean, sulit ang pagpunta kasi ang ganda ng bahay ninyo. Ang sarap manirahan dito!" pagbawi ni Ma'am Heidi sa sinasabi. "Di ba, mga ma'am?"

"Truuuth," pagsang-ayon ng iba.

Asiwang tumango si Josef sa kanila. "Bukas ba yung gate no'ng pumasok kayo?"

"Bumukas no'ng nag-doorbell kami," sagot ni Ma'am Stella na nag-doorbell kanina.

"Ah . . ." Napatango na lang si Josef. "Bumubukas talaga 'yon kapag may bisita kami," nakangiting sagot niya.

"Aahh . . ." Kanya-kanya rin naman silang tango sa sinabi ni Josef. "Sosyal."

"O, bakit nga pala kayo nadaan dito?" usisa ni Josef dahil hindi niya inaasahang dadalawin siya ng co-teachers niya.

"Ah! Aayain ka sana naming mag-practice ng presentation sa clubhouse nitong subdivision. Nasa east entrance lang kaya hindi malayo rito sa bahay n'yo," sabi ni Mr. Kenta.

"A, ganoon ba?" Napaisip siya bigla sa alok nila. "Teka, paano ba 'to?"

"Josef?"

Sabay-sabay silang napalingon sa may hagdanan.

"Josef, may nakita akong—" Napahinto si Armida nang makita na may mga tao sa sala na noon lang niya nakita.

"Oh . . ." Lahat sila napako ang tingin kay Armida habang papalapit ito sa puwesto nila.

Hinagod agad nila ito ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nakanganga lang sila habang nakatingin sa babaeng bilugan ang mata, maputlang labi, matangos ang ilong, maganda ang arko ng kilay na natural at hindi drawing lang. Medyo mahaba na ang buhok nito na sobrang itim na nga, sobrang shiny pa. Nakasuot lang ito ng lacy red bralette top na nagpapakita ng magandang hubog na katawan nito at denim shorts na tama lang ang ikli para ipakita ang napakakinis nitong hita hanggang sa mahahabang binti.

"Hindi mo sinabi, may bisita ka pala," sabi ni Armida.

Parang hinatak pa lalo ang mga hininga nang marinig ang boses nitong masyadong buo at maotoridad para sa isang babae

"Contralto yung boses, ma'am," bulong ni Ma'am Heidi at hinawakan ang sikmura para tukuyin ang diaphragm. "Ang bigat."

"Hindi ko nga rin alam," sagot ni Josef sa asawa at tumayo na sa pagkakaupo at lumapit sa asawa niya. "Magpa-practice daw kami ng presentation for Christmas event."

"Oh," bahagyang nagulat na tugon ni Armida at tumingin sa co-teachers ni Josef. "Hi."

"Hello, Mrs. Zach," bati nila kay Armida.

"Armida will do," diretso niyang sinabi at tiningnan ang asawa niya sa tabi. "Baka gusto mo silang ipaghanda ng maiinom."

"Ha? Ah. Sabi ko nga," naiilang na sagot ni Josef at nagmadaling tumungo sa kusina.

Ibinalik ni Armida ang tingin sa mga bisita nila at isa-isa itong tiningnan habang nakakrus ang mga braso.

Kanya-kanya namang tabig sa braso ang mga teacher ng Diaresis bilang signal. Natarayan yata kay Armida.

Sabi kasi ni Josef, mayaman ang napangasawa niya. Kaya siguro masungit, kasi nga, mayaman.

"It's too early for a visit," sabi niya sa kanila at nagtaas pa ng tingin.

Napalunok tuloy sila dahil sa takot.

Mukhang handa na kasing manampal si Armida anumang oras.

"Ang dami palang babaeng co-teacher ng asawa ko." Umupo si Armida sa ottoman na inupuan ni Josef at nagkrus doon ng binti at braso.

Napaiwas agad sila ng tingin dahil naisip nila na baka selosa ang asawa ng co-teacher nila. Napuna na puro sila babaeng dumalaw at si Mr. Kenta lang ang namumukod-tanging lalaki.

"Mrs. Zach," panimula ni Ma'am Heidi.

"Armida," putol ni Armida sa kanya. "Please."

"Oh . . . kay. Armida," bumuga muna ng hininga si Ma'am Heidi bago nagpatuloy, "'wag kang mag-alala, co-teachers lang talaga kami ni Sir Zach hehehe."

"Oo nga, oo nga," sang-ayon ng iba.

"Saka hindi naman niya sinabing ang ganda mo pala sa personal."

"YEAAAH!" sabay-sabay na pagsang-ayon na naman at mas malakas pa.

"Para kang beauty queen."

"Ang sexy mo pa."

"Ang tangkad mo rin kahit nakapaa ka lang ngayon."

"Sabi niya kasi hindi ka maganda."

"Ma'am, sinabi naman ni Sir Zach," kontra ni Ma'am Rina. "Pero sinabi lang niya na hindi siya ang pinakamaganda."

"Ma'am, kung 'yan ang hindi pa maganda," katwiran ni Ma'am Stella habang tinuturo si Armida, "ano na lang ako?"

"Truuuth."

Napaayos naman sila ng upo kasi nagtsitsismisan na sila, wala naman sila sa bahay nila.

Napatingin na lang si kay Armida na matipid ang ngiti sa kanila. "May practice daw kayo?"

"Yes, yes," pagtango nila.

"Where?"

"May clubhouse sa malapit sa entrance," sabi ni Mr. Kenta. "Magre-rent na lang kami since mura lang naman ang rent ng facility roon."

"Oh," napatango si Armida. Itinuro niya ang labas ng bahay. "You can use our house's half court. Free pa. May speakers si Laby, right?" malakas niyang tanong kay Josef na nag-aayos na ng baso sa tray.

"I guess so," sagot ni Josef.

"Bakit hindi na lang kayo rito mag-practice? Gawan mo na rin kami ng meryenda," utos niya sabay ngisi.

Napakamot na lang ng ulo si Josef dahil panay ang utos sa kanya ng asawa niay sa harap ng co-teachers niya.

Nakangiti nang humarap sa Armida sa mga bisita. "Pasensya na, wala kasi kaming maid sa ngayon. Si Josef ang kitchen manager namin."

"Ah," tanging sagot nila at tumango na lang sa sobrang awkward magsalita.

Sa wakas ay nakarating na ang juice sa center table.

"Use our garden. Bubuksan ko na lang ang speakers sa taas. May flash drive or CD ba kayo?"

"Ah! Nasa laptop, ma'am," sabi ni Mr. Kenta at inilabas sa bitbit niyang case ang laptop na baon.

"Good! I-connect mo na lang sa bluetooth yung speaker, bubuksan ko sa taas mamaya."

"Thank you, ma'am," pasalamat ni Mr. Kenta.

"Armida," pagtatama ulit ni Armida.

"A-Armida . . ." naiilang na pag-ulit ni Mr. Kenta.

Tumayo na si Armida at hinatak na naman ang kuwelyo ni Josef para tunguhin nila ang kusina.

Huminto sila sa gilid ng island at harap-harapang nag-usap. Pinanatili nila ang pagitan ng mga mukha sa pulgadang pagitan lang.

"Sigurado kang dito kami magpa-practice?" paninigurado ni Josef sa desisyon ng asawa niya habang nakatingin sa mga mata nito.

"Wala namang kaso. Hindi naman natin bahay 'to," sagot agad ni Armida sa mahinang boses. "Pero mamaya, umakyat ka sa kuwarto ng batang Soliman." Hinaplos pa niya ang mukha ng asawa habang nakangiti. "She's got enough skeleton on her closet."

"Ha—" Akmang magugulat sana si Josef dahil niliteral niya sa isipan ang sinabi ni Armida. Na baka nagtago ng mga patay na katawan ito sa cabinet sa attic, pero naalala niyang wala palang cabinet doon at nasa duffel bag ang mga gamit ni Shiner. Kaya malamang na idiomatic iyon. "You see something?"

"More than enough." Sinulyapan ni Armida ang mga bisita nila na nakatitig lang sa kanila habang umiinom. Napangiti naman siya nang matamis at ibinalik ang tingin sa asawa niya na halos magkapalit na sila ng mukha sa sobrang lapit. "Kaya ka pala stressed sa Superman issue mo."

"Ugh God. Don't remind me, please," sabi ni Josef sabay paikot ng mata.

"Bubuksan ko sa kuwarto ni Laby yung speaker sa labas," sabi ni Armida at tinapik-tapik sa pisngi ang asawa niya. Pinigil naman siya ni Josef nang hawakan nito ang kamay niya.

"Alam mo ba ang gagawin doon?" tanong ng lalaki habang hindi pa rin binibitiwan ang kamay niya kahit humahakbang na siya paatras.

"Of course. Ako pa ba?" proud na sinabi ni Armida at saka bumitiw sa pagkakahawak ng asawa niya.

Isa na namang buntonghininga dahil talagang imbestigador ang asawa niya. Naglakad na siya pabalik sa sala at nakita niyang parang nagkikinangan ang mga mata ng apat na dilag sa sofa habang nakatingin sa kanya.

"Ang sweet n'yo, Sir Zach . . ." mahinang sinabi ni Ma'am Stella at napakagat na lang ng labi habang nagpipigil ng kilig. "May asawa rin naman ako pero di naman kami mukhang itinadhanang maging perfectly match made in heaven."

"Sana talaga lahat, asawa mo," sabi pa ni Ma'am Rina habang tumatango at mahigpit ang hawak sa baso ng juice.

"May kakambal ka ba? Baka naman, Sir Zach . . ." parinig ni Ma'am Heidi. "Matagal na 'kong single, Sir Zach, baka naman . . ."

"Akala ko, may sakit siya," mahinhing sinabi ni Ma'am Carmel.

"Okay na siya kagabi," nakangiting sinabi ni Josef kay Ma'am Carmel.

Nakabalik na si Armida sa sala at nakangiting tiningnan silang lahat. "You can start anytime. I'll watch."

"You what?" gulat na tanong ni Josef.

"I'll watch," pag-uulit ni Armida.

"But . . ." Napatingin si Josef kay Ma'am Carmel. Kahit si Ma'am Carmel, nagulat din.

"Come on, guys!" At nauna pa si Armida lumabas para makapuwesto na.

Naging sobrang tipid ng ngiti ni Josef kay Ma'am Carmel. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Armida na magka-partner sila nitong babaeng co-teacher niya sa dance presentation.

----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top