Epic Legends
Parang dinaanan ng isang batalyon ng mga anghel ang buong Xaylem pagbaba na pagbaba ni Josef mula sa second floor.
Paano ba naman, ang sabi ni Armida, huwag aalis doon. Tapos bigla na lang nandoon na ito sa arena kasama si Laby habang sumisigaw ang lahat at hinahanap ang isa pa nilang miyembro.
Nakangising umatras ang dalawang babaeng kasama niya paglingon niya rito.
"Joke ba 'to?" sarcastic pa niyang tanong. "Nandito tayo para kay Armida tapos ako lang ang lalaban?"
Nakangiti lang si Armida nang maglahad ng palad sa mga Jokermen. "Enjoy, honey."
"Ugh, great." Napaikot ng mga mata si Josef at bored na tiningnan ang mga bata sa harapan niya. "Okay, kids, trust me, hindi kami pumunta rito gaya ng dahilan ninyo. I will not take this serious—"
"BOO!!!"
Biglang lumakas ang kantiyaw sa kanya, dumamay pa ang mga audience. Napahugot siya ng hininga at nagpigil ng inis dahil hindi pa siya tapos magsalita pero pinutol na ang sinasabi niya.
"Ano ba 'yan?!" reklamo ng isa sa mga Jokermen. "Ang boring naman! Puro dada!"
Napanganga na lang si Josef at unti-unti, napasimangot siya dahil parang bored na bored ang mga kalaban nila dahil sa kanya.
"BOO!!!" Napalingon din siya kasi kahit si Armida, nakiki-boo na rin habang naka-thumbs down pa. "Boriiiiing!"
"What the hell?" inis na tanong pa ni Josef nang tumalikod habang nakalahad ang mga braso sa magkabilang gilid. "Pati ikaw, Armida? Seryoso ka ba?"
Bahagyang gumilid ang ulo ni Laby sa kanan, mukhang may inaabangan.
Biglang tumalikod si Josef at mabilis na kinuha sa leeg ang pasugod na isang miyembro ng Jokermen at malakas itong ibinagsak sa arena.
BAAG!
Ang lakas ng tunog ng pagbagsak ng katawan sa arena na ikinatahimik na naman ng lahat.
Tumindig na naman nang diretso si Josef at tiningnan ang mga kalaban nila. Mga nakanganga sa kasamahan nilang wala nang malay at nakahandusay sa arena.
Ibinalik ni Josef ang tingin sa dalawa niyang kasama. Nakanganga si Laby habang pinandidilatan ang napabagsak niya, samantalang si Armida nagtatalo ang ngiti at pagkagulat sa ginawa niya.
"You sure, ako lang ang lalaban ngayon?" paninigurado pa niya sa mga kasama niya.
Biglang nagtaas ng kamay si Armida. "Aahh!!! Lilipat ako sa kalaban!" excited nitong sinabi at akmang tatakbo papunta sa mga Jokermen kaso bigla naman siyang hinatak ni Laby.
"Baliw ka ba?!" sermon pa ni Laby kay Armida.
"AAARGH!!!" Nagsabay-sabay nang sumugod ang apat na miyembro ng Jokermen na pulos mga lalaki.
"Ugh, naman," inis na binulong ni Josef at hinarap na ang mga papasugod sa kanya. "I told you I won't take this seriously!"
Mabilis niyang sinuntok sa mukha ang isang nakalapit agad at tumilapon ito sa maalikabok na arena.
"WHOAAAH!"
May magkasabay na umamba ng sipa sa kanya at magkasabay rin niyang kinuha ang mga paparating nitong mga binti at buong puwersa iyong hinatak hanggang sa matumba ang mga ito. Sinipa niya sa sikmura ang isa na nakapagpatilapon dito sa sementadong dingding ng arena at ang isa naman at tinadyakan niya sa sikmura kaya agad itong nawalan ng malay. Ang huling umatake naman ay walang kahirap-hirap niyang binira sa leeg at mabilis na bumagsak at hindi na nakakilos pa.
Tuloy-tuloy ang kilos niya kaya pag-angat niya ng tingin sa dalawang natitira pa at akmang susugod . . .
"AAAHHH!!!" Tumili lang ang mga ito at tumakbo sa direksiyon paalis ng arena.
Napahinto tuloy silang lahat. Ni hindi man lang magawang hingalin at pagpawisan ni Josef. Nakasimangot lang siya sabay pamaywang. Ibinalik niya ang tingin kina Armida na natatawa sa kanya.
"Josef, ako! Ako na lang labanan mo!" masayang aya ni Armida.
"No," matigas niyang sinabi sabay duro dito.
Napailing na lang si Laby. "Sa lagay na 'yan, hindi ka pa seryoso."
Paano ba naman siya malalabanan ng mga amateur kung halos buong buhay niya, wala siyang ibang ginawa kundi lumaban para mabuhay. Ni hindi man lang nakadaplis sa kanya.
Sa lagay na iyan, siya pa lang ang lumalaban. At sobrang tahimik na ng buong Xaylem. Paano pa kung si Armida na ang kumikilos?
"'Yon na ba 'yon?" tanong ni Josef sa arbiter na nakanganga sa kanya. "Puwede na ba kaming umuwi?"
"Uh . . . Wow. Ah, well . . ." Dahan-dahang lumapit ang arbiter sa kanila. Palipat-lipat ang tingin nito as mga napabagsak ni Josef.
Biglang lumamig ang hangin sa loob ng Xaylem.
"Uh . . . Fight 19 highlight winners. T-The Legendary Superiors G-Gang." Napalunok ang arbiter habang nililibot ng tingin ang buong Xaylem. Nabalot ng nakakatakot na katahimikan ang buong lugar.
At dahil ang laban na iyon ang highlight, lagi silang may nakalaang oras for interview sa mga winner. May privilege din ang mga mananalo na humamon pa ng ibang grupo na gusto nilang malabanan para maibalita sa lahat.
"Uh, ano ba ang itatawag sa 'yo?" tanong ng arbiter kay Josef.
Nilingon sandali ni Josef sina Armida. "I'm Sha—"
"The Fuhrer," si Armida na ang sumagot. "He's the Fuhrer."
"Oh. Okay," ilang na sinabi ng arbiter habang tumatango. "The Fuhrer." Ibinalik niya ang atensiyon kay Josef at itinutok dito ang mic. "May tawag ba sa technique na ginawa mo kanina sa Jokermen?"
"Technique?" nagtatakang tanong ni Josef. "What for? Ang dali lang nilang pabagsakin sa isang suntok at sipa lang, gagamitan ko pa ng technique?"
"Pakayabang," natatawang sinabi ni Armida habang maangas na nakatingin sa asawa niya.
"Wala kang balak pangalanan?" tanong pa ng lalaking arbiter.
"Why would I? Masyado lang silang mahina para mag-counterattack," sagot pa ni Josef.
"Isang sagot pa niyan na puro kayabangan, ako na magpapabagsak diyan," bulong pa ni Armida kay Laby na rinig naman ni Josef.
"Ang sabi sa rules dito, kapag natalo ang isang gang, ang nanalo na ang papalit sa placing," paningit ni Laby sa arbiter.
"Ikaw si . . . ?"
"Labyrinth."
"Meaning, nasa tenth place na kami, right?" tanong pa ni Armida.
"Ikaw naman si . . . ?"
"Armida."
"RYJO."
"No. 99."
Magkakasabay silang tatlong sumagot.
"Alin ba talaga?" nalilitong tanong ng arbiter.
"Uh . . ."
"No. 99," si Laby na ang nanigurado sa sagot.
"Oh . . . kay?" Kahit ang arbiter, nawirduhan na rin sa kanya. "Pero magagaling kayo, ha."
"Hindi naman masyado," sarcastic na sagot ni Armida. "Napakahihina nga ng mga nandito. Akala ko pa naman, mga pro. Puro lang pala mga amateur," patotoo ni Armida.
"Sino nga pala ang leader n'yo?" tanong ng arbiter.
"SIYA."
Itinuro ni Laby si Josef dahil ito ang Fuhrer at ito ang may pinakamataas na posisyon sa kanilang tatlo.
Itinuro naman ni Josef si Armida dahil ito ang pinakamalakas sa kanilang tatlo at lagi na lang siyang nananalo sa kahit anong usapan.
Itinuro naman ni Armida si Laby dahil ito ang pasimuno at wala silang tatlo sa lugar na iyon kundi dahil sa kanya.
Pare-parehas tuloy silang nalito.
"Teka, sino ba talaga?" tanong ng arbiter.
"Siya na! Final answer," sabay na sinabi nina Josef at Armida habang tinuturo si Laby.
"Teka! Bakit—" Hindi na naituloy pa ni Laby ang sinasabi dahil tinakpan agad ni Armida ang bibig niya.
"Tapos na ang laban, di ba?" sabi ni Armida sa arbiter. "O, tara na. Nasa tenth place na tayo." Hinablot niya ang pulsuhan ng arbiter at nilibot ng tingin ang buong Xaylem. "Puwedeng maghamon, di ba? Puwes, hinahamon ko yung Top 1! Kung matapang sila—MMM!" Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil tinakpan na agad ni Josef ang bibig niya at inilayo siya sa arbiter.
Mabilis na kinaladkad ni Josef ang asawa niya paalis doon dahil baka kung ano na naman ang gawin at sabihin nito doon sa harap ng maraming tao.
***
May hangover pa ang lahat sa naging laban ng Legendary Superiors at ng Jokermen.
Natanggal na ng tatlo ang maskara nila at papunta na si Armida sa booth kung saan siya tumaya. Nakabuntot sa kanya sina Josef at Laby.
"Ito o." Iniabot ni Armida ang black paper sa babaeng kausap niya kanina.
"Anong pera ang ginamit mo para tumaya?" tanong pa ni Josef habang isa ring nag-aabang sa booth.
"Yung pangkain natin," nangingiting sinabi ni Armida. "Bawi naman e."
"Teka, miss. Ikaw ba yung tumaya kanina sa Legendary Superiors?" tanong ng babae.
"Oo, bakit? May problema ba?" tugon ni Armida.
"Kilala mo ba ang baguhang grupo na 'yon?" tanong ng babae habang binibilang ang napanalunang pera ni Armida.
"Hindi e. Tinanong ko lang kanina sa katabi ko kung sino ang highlight, 'yon ang una kong narinig. Pangalan pa lang kasi, mukha nang malakas," kuwento ni Armida habang nakatingin sa mga perang binibilang ng babae.
"Kapag nakilala mo kung sino sila, tawagan mo ang number na 'to." Iniabot na ng babae ang napanalunan ni Armida kasama ang isang calling card.
"Sure." Kinuha na ni Armida ang winnings niya at inilagay agad sa backpack ni Laby.
"Tapos na ang laban ng highlights. Nag-uuwian na rin ang mga audience. Nakuha ko na rin ang ilang impormasyong kailangan ko. Tara na," aya ni Laby.
Lumabas na silang tatlo ng Xaylem. Pansin nilang parang noon lang yata nakapanood ang mga naroon ng totoong laban.
Si Josef, parang lumigpit lang ng mga pusang kalye. Si Armida, tuwang-tuwa sa panonood sa asawa niya.
"Josef, sali kaya ako sa ibang grupo tapos labanan ko yung grupo natin?" nakangiting alok ni Armida.
"Armida, kung sapak na sapak ka na ngayon, sige na. Libre ako."
"Eh! Ayoko, gusto ko yung may taya ako."
"Pustahan na lang tayo, matatalo mo 'ko. Pupusta na 'ko sa 'yo."
"Ang KJ!" reklamo ni Armida sabay simangot. Tiningnan na lang niya si Laby sa gilid niya. "Kailan ang next fight natin, Laby?"
"Kung may maghahamon sa 'tin, saka lang tayo lalaban. Hindi naman kailangang araw-arawin. Hindi naman tayo nandito para makipag-away."
"Ayan! Ganyan mag-isip ang matinong tao! Apir tayo, kid!" At nag-apir nga sina Laby at Josef.
"Wow, ang tino mong tao, ser!" sarcastic na sinabi ni Armida sa asawa niya. "Kaninong idea ulit na pumunta tayo rito? Kasi ang alam ko, hindi sa akin e."
"Laby, may naririnig ka ba?" sabi ni Josef at lumapit kay Laby sabay akbay sa dalaga.
"Sandali, mukhang meron." Inilagay ni Laby ang kamay palibot sa baywang ni Josef. "Ah, parang may langaw sa paligid."
"Ah, gano'n! Uhm!" Sabay niyang binatukan ang dalawa. "Magsama kayong dalawa!" inis na sinabi ni Armida at saka umirap sabay walkout.
Nagkatinginan lang sina Laby at Josef.
"HAHAHA!" Tumawa na lang sila nang malakas sabay apir.
Sa ngayon, uuwi na muna ang tatlo at paplanuhin ang mga susunod na gagawin. Lalo pa, simula na ng klase bukas.
.....
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top