Castigation

5 days later . . .



"Did you enjoy your mission?" kaswal na tanong ni No. 99 habang nakasakay sila sa elevator.

Naging mahaba ang biyahe kaya inabot sila nang limang araw. Halos hindi nga sila nakapag-usap sa biyahe dahil sariwa pa rin ang nangyari sa huling laban nila sa Xaylem.

Pinatay si Sunny ng tauhan ng Alef Maksura. Sa biyahe na sila nagluksa ng tungkol doon. Naging mabigat iyon kay Josef dahil nandoon sila para protektahan si Sunny, pero wala ni isa sa kanila ang nakagawa.

Mission failed, 'ika nga nila.

Napabuntonghininga na lang si Josef bago pa man magbukas ang elevator kung saan naroon na naman sila sa meeting room ng mga Superior.

At hindi gaya noong nakaraang buwan, ang rason ng pagpapatawag ay ang rason na pinakaayaw nila sa lahat-pagpapataw ng castigation.

Sabi nga ni Armida, kung kailan Superior na sila't lahat-lahat, doon pa sila mapapatawan ng parusa. Samantalang ang iniisip nila noon ay kapag Superiors na, sila mismo ang nagpaparusa.

Patas nga naman daw ang batas nila, tanggap niya iyon. Pero naiinis pa rin siya sa ideya.

Nilalakad na naman nila ang mahabang pasilyo patungo roon sa malaking pinto na may simbolo ng Order.

"Kinakabahan ka ba?" tanong ni Josef sa asawa niya. Mas nag-aalala pa naman siya rito dahil ito talaga ang makakatanggap ng mas mabigat na parusa sa kanilang dalawa.

"Hindi mababaw na parusa ang makapagpapakaba sa 'kin," sabi ni Armida na diretso lang ang tingin sa daan.

Ilang minutong paglalakad pa at nakaabot na sila sa meeting room. Pagdating doon ay bumungad sa kanila ang ilang mga mukhang bago sa paningin maliban sa ibang pamilyar naman.

Sa malaking mesang pandalawampung tao ay nakaupo roon si Cas, isang matandang lalaking medyo malaking tao, isa pang matandang lalaki na malaki ang pagkakahawig kay No. 99, isang may-edad na lalaking tantiya nila ay nasa singkuwenta anyos ang edad, si Laby, at sa isang upuan ay may isang bata na nagpakunot sa noo nila. Ang sama tuloy ng tingin nila roon sa batang iyon nang maupo sila sa dulong-dulo ng mesa.

"Ano'ng ginagawa ng bata rito?" tanong pa ni Armida sa kanila.

Nakasuot lang ito ng isang puting long-sleeved shirt na pinatungan ng pulang plaid vest at pulang bow tie. Naglalaro ito sa upuan at mahinang tumatalon doon.

"Dammi! Dammi!" sigaw-sigaw ng batang lalaki habang inaabot sa Guardian na nakabantay rito ang dala nitong laruan-inuutusan ang Guardian na ibigay ang laruan nito.

"Lord Raegan, sshh," mahinahong sermon ng babaeng Guardian sa bata.

Hindi makapaniwala si Armida nang tingnan ang asawa niya sa kaliwang tabi. "Kasama natin sa meeting ang isang bata." Ibinalik niya ang tingin sa bata.

"DAMMI!" malakas nang sigaw nito at umiyak na. "DAMMI! MAMA!"

"Ara," pagtawag ng isa sa matandang nandoon, nag-uutos.

"Yes, Lord Byung-Ho." Sinubukang kunin ni Ara ang bata pero pinalo lang siya nito nang pinalo.

"Mama! Mama! Dammi! Gioco!"

Pare-pareho na silang naiinis sa ingay ng batang lalaki. Wala rin namang may gustong patahimikin ito.

"Oh God," inis na sinabi ni Josef at tumayo na. "Ako na."

Pare-pareho silang napatingin kay Josef na umikot pa sa mesa para lapitan ang nagwawalang bata.

"Dammi mi giocattolo!" Hinampas-hampas nito ang sandalan ng upuan. "Dammi! Dammi!"

"Akin na yung laruan," utos ni Josef ni kay Ara.

"Pero, Lord Ricardo-"

Puno ng pag-uutos ang tingin niya rito. Yumuko lang ang Guardian at iniabot ang laruan nitong baril-barilan.

Kinuha ni Josef ang laruan at para bang magaang manika lang na binuhat ng kaliwang braso niya ang bata.

"Hindi 'to titigil sa pag-iingay dahil sa ginagawa n'yo," seryoso niyang sinabi kay Ara at tinangay niya ang batang lalaki pabalik sa upuan niya.

Puno naman ng magkahalong gulat at pagtataka ang mga mukha ng kasama niya sa mesa dahil sa ginawa niya, at mas lalo na dahil kumalma na ang batang lalaki habang naka-focus ito sa baril-barilan.

"Oh . . . my," tanging nasabi ni Armida habang gulat na nakatingin sa asawa niyang kandong-kandong na ang bata sa kabilang panig ng mesa kanina. "Are you aware na kumakalat na naman yung mabango mong amoy sa hangin?"

"Wala nga ako sinabing mabangong amoy," sermon pa ni Josef sa asawa niya.

Bumaba ang tingin ni Armida sa batang lalaki na tahimik nang naglalaro. "So, you can tame anybody. Event that annoying kid."

"Magpasalamat ka na lang, hindi na 'to mag-iingay. Dadating ang Fuhrer, kawawa naman 'tong bata kapag naabutan ng galit ng matanda."

Sinamaan lang ng tingin ni Armida ang batang kandong ng asawa niya. Ilang saglit pa, dumating na ang hinihintay nila.

Titig na titig ang mag-asawa sa matandang lalaking paparating. Sakay ito ng wheelchair. Lalo pa itong pinakatitigan ni Armida dahil talagang malaki ang pagkakahawig nito sa asawa niya kung patatandain.

Nakatayo pa ito at nakaupo sa kabisera na kabilang dulo ng kanila.

Malaking tao ito, maganda ang asul na mata, angat na angat sa maputing kutis at bumagay pa sa pulos puti nang buhok nito. Kalmado ang mukha nito-sobrang kalmado at maaliwalas na parang napakaganda ng buhay sa mundo.

Iyon ang unang beses na nakita ni Armida nang personal ang isinusumpa nilang Fuhrer noon pa man.

Pinakiramdaman niya ang sarili dahil nagtitindigan ang balahibo niya at para bang hinahatak ang kaluluwa niya sa direksiyon ng matandang kadarating lang pero binabawi ng malalakas nang tibok ng kanyang puso. Parang naghahatakan kung kukunin ba ng matanda ang kaluluwa niya o babawiin ng katawan niya dahil kanya iyon.

Sa tanang buhay niya, hindi pa niya naramdaman ang ganoong klaseng pakiramdam sa kahit na sino.

"Guten abend," pagbati nito sa matigas na tono. Inisa-isa nito ng tingin ang lahat ng nasa mesang iyon at nahuli ang sa mag-asawa. Ang dalawa lang kasi ang nakapuwesto sa kabilang panig ng mesa at sa dulong-dulo pa.

"Napaka-iresponsable mo pa rin hanggang ngayon, Ricardo," iyon agad ang panimula ng matandang Zach sa lahat. "Hanggang kailan ba mawawala ang kakitiran ng utak mong iyan?"

Napahugot na lang ng hininga si Josef at tumungo. Walang mababakas sa mukha nito na napahiya, nagalit, nainis, o kung ano pa mang negatibo. Klase ng reaksiyon na para bang natural nang pagbati iyon sa lalaki.

"Excuse me," putol agad ni Armida sa namumuong katahimikan. "'Yan agad ang introduction mo?"

"Armida," sermon ni Cas para pigilan ang anak. "Wala kang galang."

"Sino ang gagalangin ko?" mataray pa niyang sinabi sabay turo sa matandang nasa dulo ng mesa. "Yung taong 'yon?"

Tinanaw niya ulit ang dating Fuhrer na nakatingin lang din sa kanya nang may kalmadong ekspresyon. "Alam mo, wala akong pakialam kung dati kang Fuhrer. Hindi rin ako gagalang sa taong ayokong galangin."

"Armida Evari," matigas nang pagtawag ni No. 99 para pigilan na ang anak.

"Ano na naman?" singhal din ni Armida sa ama. "Iniinsulto niya ang asawa ko sa mismong harapan ko!" Binalikan niya ang dating Fuhrer. "Hindi ko alam kung bakit pa kami nandito. Kung parurusahan n'yo kami, dalhin n'yo na kami sa Black Pit at latiguhin n'yo na kami agad."

"Hahahaha!" Natawa ang dating Fuhrer na ikinalito ng lahat. Hindi nila alam kung sarkastikong pagtawa ba iyon o natutuwa lang talaga sa nangyayari.

Ilang saglit pa ay sumeryoso na rin ito. "Ama mo ang pinakamarespetong bahagi ng lugar na ito, Armida Evari Zordick. Ang iyong ina naman ang may pinakamaraming ginawang batas sa Criminel Credo." Inilipat niya ang tingin kay Cas. "Cassandra . . ."

Tumungo lang si Cas. "Yes, Lord Adolf."

"Sigurado ka bang hindi anak ni Joseph ang batang iyan?"

Lahat sila ay nagulat sa sinabi ng dating Fuhrer.

"Lord Adolf?" nalilitong pagtawag ni Cas.

Kahit si No. 99 na hindi naman madalas magulat ay nagulat din sa tanong na iyon.

"Bakit habang tumatagal, nagiging kaugali mo na ang anak ko?" pagpapatuloy ng Fuhrer habang nakatuon ang tingin kay Armida.

Palipat-lipat naman ang tingin ni Armida sa mga nasang mesang iyon. Naghahanap ng sagot sa mga ito.

"Hindi ba, Cassandra?" tanong ng matanda para manghingi ng pagsang-ayon.

Magkasabay pang bumuntonghininga sina Cas at No. 99.

"Lord Adolf . . ." Isa na namang buntonghininga mula kay Cas dahil kung siya ang tatanungin, sasang-ayon din siya sa dating Fuhrer.

"Walang ibang sumasagot sa akin nang ganiyan kundi ang aking asawa at anak lamang," paalala niya kay Armida. "Kahit ang sarili kong apo ay hindi ako magawang sagutin gaya ng ginawa mo. Matapang ka."

Umirap lang si Armida at inilipat ang tingin kina Cas at No. 99 na halatang nirerespeto ang kung sino man ang nasa mesang iyon. Maging ang asawa niya ay nakatungo lang. Siya lang at ang batang nasa kandungan ng asawa niya ang walang pagrespeto roon kung tutuusin.

"Nandito kayo para basahan ng sakdal," pagbabago ng usapan ng dating Fuhrer. "Tatlumpung latigo at sampung araw sa selda para kay Armida Evari Zordick. Ang kaso ay ang pagpatay kay Carlos Zubin habang epektibo pa ang kasunduan sa pagitan ng mga Zubin at ng Citadel."

Ibinagsak ni Armida ang sarili sa sandalan ng malambot na upuan at inirapan lang ang narinig.

"Sampung latigo at tatlong araw sa selda nang walang tubig at pagkain ang parusa para kay Ricardo Zacharias. Ang kaso ay pagiging kasabwat sa pagkakapatay kay Carlos Zubin habang epektibo pa ang kasunduan sa pagitan ng mga Zubin at ng Citadel."

"ANO?!" malakas na sigaw ni Armida na halos lumukob sa buong meeting room. "Walang kinalaman si Josef sa ginawa ko! Bakit pati siya parurusahan ninyo?!"

"Dahil nandoon siya sa mga sandaling nangyayari ang pagpatay," iyon ang isinagot ng dating Fuhrer sa kanya. "Wala sa trabaho ninyo ang pumasok sa ibang trabahong hindi kabilang sa salig ng inyong pakay."

"Evari," pag-awat ni No. 99. "Enough."

"Ako ang sasalo sa parusa ni Josef! Problema ba 'yon?"

"Xerez," pagtawag ng dating Fuhrer.

"Yes, Lord Adolf," tugon ng Guardian Centurion.

"Dalhin na sila sa selda. Bukas simulan ang parusa."

"Masusunod, milord."

At sa isang kumpas lang ng kamay ni Xerez, pumasok na ang mga Guardian at kinuha na ang dalawa para parusahan.

"Cas! Ano 'to?!" pagsigaw ni Armida habang pumapalag sa mga Guardian habang sinusuutan siya ng shock collar. "Cassandra!"

Ngunit nang mga sandaling iyon, walang ibang nakita si Armida kundi ang nakatungong ina at parang tanggap na ang kapalaran niyang maparusahan.

"Cassandra!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top