28. End of Vacation

Alas-otso ng umaga nang ipasundo ang mag-asawa sa bahay nila. Pinasakay sila sa isang puting van at dinala sila sa isang malaking bahay sa kabilang parte ng isla.

"Bakit hindi tayo dinala rito no'ng una pa lang?" tanong ni Armida dahil iyon ang inaasahan niyang resthouse noong sinabi ni Cas na magbabakasyon sila.

Malawak kasi, matayog ang mga haligi, puro puti ang pintura na mas nakakakalma habang umiikot ang malamig na hangin sa paligid.

Iginiya sila ng isang lalaking katiwala sa loob ng malaking bahay at tumungo sa dulong bahagi niyon. Tinahak nila ang mahabang pasilyo at pinapasok sila sa isang may-kalakihang office at pinaupo sila sa isang malambot na light blue couch. Sandali silang pinahintay sandali sa loob niyon.

"Ang aga pa a. Bakit naman tayo bigla-biglang pinatawag?" sabi ni Josef habang nililibot ng tingin ang buong kuwarto. Maluwag iyon, puti lang din ang pintura sa loob, may ilang halaman, naka-display sa dingding ang ilang painting, at isang glass office table sa harapan nila.

Maya-maya, bumukas na ang pinto at tuloy-tuloy na pumasok sa loob si No. 99.

"How's your vacation?" tanong ni No. 99. Sumandig siya sa glass office table at ipinatong doon ang magkabilang mga kamay.

"It was good," sagot ni Armida.

"Better," sabi naman ni Josef.

"Best vacation so far . . ." sabay pa nilang sinabi sabay ngiti sa isa't isa.

"Good. Now, I'll tell you the bad news so far."

Nagkatinginan ang mag-asawa. Bad news daw, sabi ni No. 99. Maliban sa ito pa lang, bad news na; alam na nilang bad news na agad kung ano man ang sabihin nito.

"Hindi muna kayo mahahawakan ni Cas."

Napaayos ng upo si Armida. Mukhang alam na niya ang bad news. "Sasalang siya sa castigation," paninigurado niya. "I thought you used your immunity."

"I did. Pero para sa isang kaso lang 'yon. Lima ang nilabag mo—na kinargo niya."

"May immunity rin ako, di ba?" tanong ni Armida na umaangat na ang inis sa boses. "I could use that!"

"You can't."

"Why?! That was my fault, not hers!"

"Matatapos na ang parusa sa kanya. Wala ka na ring magagawa."

"Ano ba'ng ginagawa mo?! Akala ko ba, ililigtas mo siya rito!"

"Armida," umawat na si Josef at hinawakan sa magkabilang balikat ang asawa. "Enough."

"May batas ang Credo na hindi puwedeng labagin. At ganoon ka rin. Kaya dapat umpisa pa lang, bantayan mo na ang lahat ng kilos mo," sabi ni No. 99 na may kalmadong tinig. "Hindi ka naglalaro lang dito. Wala ka na sa mababang posisyon."

"Bakit hindi ako ang ipasalang ninyo sa castigation? Ako ang pumatay sa Carlos na 'yon, di ba?"

"Sasalang ka rin sa castigation, at hinahatulan ka na." Inilipat din niya ang tingin kay Josef. "Kayong dalawa. And sooner or later, ibababa na ang mandato at ipapatawag na kayo para litisin."

Doon natahimik si Armida. Nagkatinginan pa silang mag-asawa.

Sasalang sila sa Credo—kahit mga Superior na sila.

Bumuga ng hangin si Armida at dismayadong tiningnan si No. 99. "At pumapayag ka rito sa ganitong sistema?"

Nanatiling blangko ang mga tingin ni No. 99 nang salubungin ang tingin ng anak. "Bago kayo, nauna na naming isumpa ang sistemang 'to." Inilipat niya ang tingin kay Josef. "At alam na alam 'yan ni Nightshade dahil pangarap niyang pabagsakin ang Credo."

Agad na tumalikod si No. 99 para kunin ang mga folder na nasa mesang sinasandalan, iniwang nag-iisip ang mag-asawa.

Napalunok na lang si Josef nang marinig na naman ang pangalan ng ama niya.

"Mamamatay ba si Cas?" nag-aalalang tanong ni Armida.

"Mababa lang ang parusa niya," sagot ni No. 99 na parang hindi man lang nag-aalala sa nangyayari. Inilapag lang niya ang dalawang folder sa mababang mesang kaharap ng mag-asawa. "Ang problema lang, masyadong marami ang mababang parusa kaya bumigat."

"At hindi ka nag-aalala?" inis na tanong ni Armida.

"Wala ring magagawa ang pag-aalala," malamig na tugon ni No. 99. "Iniisip na lang niya na parusa niya iyon dahil sa nangyari sa anak niya."

"Bakit kami sasalang sa castigation?" tanong ni Josef.

"Kung binasa ninyo ang Credo, dapat alam ninyo ang dahilan," sagot ni No. 99. "Babasahin din naman sa Oval ang hatol sa inyo. Sa ngayon, inaayos pa lang ng mga Guardian ang parusa bago ideklara."

"Pero ako na ang Fuhrer," kontra agad ni Josef.

"Si Xerez ang magbabasa ng parusa sa 'yo at . . ." Huminga nang malalim si No. 99 bago ituloy ang sinasabi. ". . . si Cas at ang opisina niya ang maglalapag ng mandato para sa inyong dalawa." Inilipat niya ang tingin kay Armida. "Hindi ito magiging madali para sa ina mo, Evari."

Hindi na umimik ang mag-asawa. Nandilim ang mga ekspresyon ng mukha nila nang magkanya-kanya ng baling ng atensiyon sa kung saan.

Babasahan pa rin sila ng sakdal na ayon sa Credo.

"Sa ngayon, tinatapos pa ang parusa kay Cas," pagpapatuloy ni No. 99. "Hangga't hindi pa handa ang opisina niya, kailangan ninyong ipagpatuloy ang pagbibigay ng Summons."

"Yeah, bad news. Okay." Nagkrus ng mga braso si Armida at padabog na sumandal sa couch sabay irap. "Fuck that law."

"Hindi ko kayo maaasikaso, hindi kayo maaasikaso ni Cas," ani No. 99 at sumandal na naman sa mesa. "Kaya na-assign ang isang Superior para i-manage kayo sa field."

Umirap na naman si Armida. "I hate to admit it, but Cas is a different level. Siguraduhin lang ng Superior na 'yan na alam na alam niya kung paano kami kumilos ni Shadow."

Eksaktong biglang bumukas ang pinto ng opisina kaya napalingon doon ang mag-asawa.

"Late na ba 'ko?" tanong agad ng kapapasok pa lang. "Sorry, galing akong restroom." Mabilis na napatayo ang dalawa at halos umawang ang bibig nang makita siya.

Hinaguran nina Armida at Josef ng tingin ang bagong dating. Nakasuot lang ito ng khaki bermuda shorts na may nakakabit na suspender, body-fit na pink tank top, at puting Chuck Taylor Converse. Naka-pigtail ang blonde nitong buhok at may subo-subo pa itong lollipop.

"Long time no see!" bati pa nito sa kanila.

"I'm sure kilala n'yo na si Labyrinth," pakilala pa ni No. 99 sa kanila. "And regarding sa sinabi mo, Armida, malamang na alam na alam niya kung paano kayo kumilos ni Shadow."

"Laby . . . " di-makapaniwalang pagtawag ni Armida sa dalaga.

Agad nang naglakad patungo sa pintuan si No. 99. "Mauuna na 'ko. May appointment pa 'kong hahabulin sa Malaysia." Tinuon niya ang tingin kay Laby na nakangiti lang sa kanya nang matamis pero halatang hindi naman sincere. "You know what to do."

"Yeah," simpleng sagot ni Laby at tiningnan na ang mag-asawa. "So!" Naglakad na siya papunta sa table para palitan si No. 99.

Hindi pa rin makapaniwala ang mag-asawa habang sinusundan siya ng tingin. Nanatiling nakanganga ang mga ito habang nakatingin sa kanya.

"Masyado naman yata kayong nagulat?" bati pa niya nang makita ang mga mukha nito.

"You're alive," sabi pa ni Josef na parang nakapagtatakang nilalang ang nasa harapan niya.

"Yeah!" nakangiting sagot ni Laby sa kanya. "Suprise?"

"Nakuha ka nila," sabi ni Armida habang tumatango.

"Actually, I applied," sabi pa ni Laby. "And I was qualified."

"You . . . applied," pag-uulit ni Armida sabay ngiwi na parang nakakadiring bagay ang sinabi ni Laby. "You serious?"

"Papatayin nila ako kapag hindi ako lumaban," confident na sagot ni Laby sabay taas ng mukha. "I need a leverage. At kabisado ko ang Credo. Enough para malaman ko kung paano makakaligtas nang hindi napaparusahan."

Bumagsak ang mukha ng mag-asawa at nagkatinginan.

"Now I know there's someone worse than you," sabi pa ni Josef kay Armida sabay balik ng tingin kay Laby. "Ikaw ang papalit kay Cas."

"Nuh-uh!" kontra agad ni Laby habang nakataas ang hintuturo. "Iba kami ng trabaho ni Cas. Under training pa lang kasi kayong dalawa, tapos na 'ko sa akin. Si Cas ang spoiler n'yo, at hindi ko gagawin 'yon." Itinuro niya ang folder na nasa center table na katapat nina Armida. "Ewan ko kung na-explain na ni 99 ang content niyan. Nandiyan ang next location ninyo."

Kinuha na ni Armida ang dalawang folder at ibinigay kay Josef ang isa.

"Magiging mahirap ang task n'yo ngayon kasi kailangang kumuha ng CCS ng background sa mga candidate. At dahil wala pang available na Superior na magha-handle nito dahil full load ang lahat, at kayong dalawa lang ang wala pang hinahawakang trabaho—kayo na ang gagawa."

Binasa ni Josef ang laman ng folder niya. "Diaeresis."

"This one's Byeloruss," sabi ni Armida.

"Isang four-way lane lang ang pagitan ng dalawang international school na 'yan. I already made your records and requirements three days ago, kayo na lang ang kailangan."

"School?" takang tanong pa ni Josef na nakasimangot.

"Naka-maternity leave ang isa mga teacher nila kaya kinuha na namin ang position para sa 'yo. Substitute ka lang naman kaya hindi ka rin magtatagal. First Monday ng December ang start mo and that is two days from now."

"Wha—" Magtatanong sana si Josef pero naiwan na naman siyang nakanganga. Hindi pa ma-digest kung bakit niya kailangang maging substitute teacher.

"Temporary class adviser ka ng mga Section A-Grade 10 student doon," pagpapatuloy ni Laby. "Kinuha na rin namin ang mga subject na kailangan mong turuan sa ibang year since ikaw ang pumalit sa isa sa mga teacher nila. Elementary Algebra at physics ang subject mo. Nakalagay na diyan sa folder ang ibang info at schedule. Perfect ang credentials mo sa papalitan mo kaya good to go ka na."

"And where the hell did you get my credentials?" dudang tanong pa ni Josef.

"BS in Industrial and Organizational Psychology Batch 2008, GPA of 1.3, BS in Industrial Engineering Batch 2011, GPA of 1.93, MA in Organizational Psychology under the name of Rynel Joseph Malavega." Ngumiti pa nang sobrang tamis si Laby sabay angat ng mukha para magmalaki.

"Wow," bilib na sinabi ni Armida sabay tingin sa asawa niyang dudang-duda kung makatingin kay Laby. "That's heavy."

"What about Armida?" pagbabago ng usapan ni Laby.

Biglang tumipid ang ngiti ni Laby at dahan-dahang tumango. "Well . . ."

"Wala siyang credentials," sabi agad ni Josef.

"Uhm, actually . . ." Sinulyapan ni Laby si Armida na hinihintay siyang magsalita. "May record si Jocas Española sa Berkeley. Degree holder siya ng BA in Legal Studies according sa College of Letters and Science. May record ng Bachelor in Communication si Erajin Hill-Miller sa Stanford. May record din si Erajin Hill-Miller sa Aeronautical Science sa Prescott. Iba pa ang course niya para maging professional pilot na hindi niya natapos after i-drop ang last year sa Salina. May Master's din si Erajin Hill-Miller sa business administration."

"Impressive," iyon na lang ang nasabi ni Armida na wala man lang kaemo-emosyon sa mukha. "So, I'm qualified to teach sa school ni Josef."

"Nope. Sa Byeloruss ka."

Agad ang kunot ng noo ni Armida sa sinabi ni Laby. "Magkahiwalay kami ni Josef?"

"Wala nang available position sa school ni Josef aside sa housekeeping. At kailangan sa Byeloruss ng isang teacher na maraming alam na language at kayang tumagal sa trabaho, iyon lang ang requirements."

"I'm not getting it," inis na sinabi ni Armida. "Magkahiwalay kami ni Josef ng school?"

"Magiging class adviser ka ng Section F-4th year. 'Yon lang ang klaseng tuturuan mo. Whole day. Walang teacher ang tumatagal sa klaseng 'yan. Kare-resign lang ng bagong adviser nila last wednesday kaya urgent ang paghahanap nila ng bagong homeroom teacher."

Napataas ng kilay si Armida sa narinig sabay halukipkip.

"40 ang population ng klase, at ang klaseng 'yon ang tinuturing na worst class ever sa history ng school. Seventeen times na silang nagpapalit ng adviser simula pa noong pasukan kaya good luck. Kailangan nila ng control sa klase kaya ikaw ang perfect sa position."

"E bakit ako, may warning? Si Josef? Wala ba siyang problema?" inis na tanong agad ni Armida.

"Wala. Section A ang tuturuan niya at nasa klaseng 'yon ang pinakamababait, pinakamatatalino, at pinakamodelong student ng buong Diaeresis." Hinagod niya ng tingin si Josef. "At kung magkakaproblema man, malamang na . . ." At base sa tingin niya, alam na ang problema ni Josef. Si Josef mismo.

"E ikaw? Ano'ng gagawin mo?" tanong ni Josef.

"Nagsimula na ang trabaho ko last week pa. Nauna na akong mag-investigate." Naglakad na paalis si Laby. Tapos na ang briefing niya. "Magkikita naman tayo soon. Ihahatid kayo ng van na magsusundo sa inyo mula rito papunta sa next location nyo."

"Paano yung mga target?" pahabol na tanong ni Armida.

"May hahanapin tayong tatlong candidate sa area. Kapag na-confirm sila, sasabihin ko agad para makapagbigay na kayo ng Summons." Nang makalapit ito sa pinto, kumaway lang ito sa kanila habang nakatalikod. "I'll call you once you arrive at your next location. Ciao!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top