18. Weakness
Kasalukuyang nasa labas ng rest house nina Josef sina Miethy at JC.
Hindi alam ni Miethy kung itutuloy pa ba nila ang plano kasi talagang ngayon pa lang, nakokonsensya na siya.
"Ano? Tuloy o hindi?" tanong ni JC.
"Mahal, kawawa naman si Armida," malungkot na sinabi ni Miethy. "Paano kung maghiwalay sila ni Josef?"
"Kaya mo bang harapin si Fovi kapag di natin itinuloy 'to?"
Napakamot tuloy ng ulo si Miethy sabay buga ng hininga.
"Saka, isipin mo na lang, kung mahal talaga ni Josef ang asawa niya, kahit pa harangan sila ng sibat ni Fovi, hindi sila maghihiwalay."
Nagbuntonghininga na naman si Miethy at hindi na sumagot, sa halip ay umamba ito ng katok sa pinto.
Napahinto siya at naisip na mas maganda siguro kung hindi na lang siya kakatok. Para natural lang ang entrance niya since sanay naman sina Armida na bigla-bigla na lang siyang papasok sa loob at magsisisigaw roon na parang timang.
Dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob at biglang binuksan ang pinto.
"He-"
Napahinto siya nang makita ang mag-asawa sa may terrace na tanaw niya mula sa pinto. Tahimik lang na nakaupo ang dalawa habang nakatanaw sa dagat. Hinahagod ni Josef ang buhok ni Armida. Mukhang wala sa mundo ang dalawa dahil hindi man lang siya naramdaman.
Yung masaya niyang mukha, biglang sumeryoso. Napalunok siya at dahan-dahang isinara ulit ang pinto.
"O, bakit?" tanong ni JC.
Umiling si Miethy para sabihing hindi niya kaya. Nakokonsensiya talaga siya kasi talagang magaan ang loob niya kay Armida. Hindi niya kayang gawin ang ipinagagawa ni Fovi sa kanya.
"Jace, puwedeng mag-back out?" malungkot na tanong ni Miethy.
"Mie, this is not the right time to back-out. Magagalit si Fovi."
"Bakit niya kailangang sirain ang buhay nitong mag-asawa? Sana yung buhay na lang niya ang ayusin niya, kaysa 'tong naninira siya ng buhay ng iba."
"Mahal naman . . . Hindi naman natin papatayin yung dalawa. Isasama mo lang sa shopping si Armida," katwiran ni JC.
"E 'yon nga e! Tapos iiwanan natin si Josef kay Fovi para may mangyari sa kanilang dalawa! JC naman . . ."
"Miethy, kung hindi lang mahirap kalaban si Fovi, ako na ang tumanggi. Sino ba ang gugustuhing manira ng buhay ng iba, aber?"
"E iba naman 'to! 'Wag sila!"
"Ay! Alis diyan, ako na ang kakatok."
Itinabi ni JC ang asawa niya sa may pinto at siya na ang kumatok.
Tok! Tok!
"Eto na, dapat masaya ka. Hindi sila maniniwala kung down 'yang mukha mo," pa-utos na sinabi ni JC kay Miethy.
Huminga na lang nang malalim si Miethy at pinilit ang sariling ngumiti nang malaki.
Ilang sandali pa ay binuksan na ang pinto. Si Josef ang nagbukas at parang bata si Armida na nakahawak sa damit nito habang nakatago sa likuran ng asawa niya.
"Ano 'yon?" malamig na tanong na naman ni Josef.
"Uhm . . ." Tiningnan ni JC ang relo niya. "Half past 3 pa lang naman. Aayain sana ni Miethy sa Armida mag-shopping. Di ba, Mahal?" Inilapit niya si Miethy sa may pintuan para ipakita kay Armida.
"Uh . . . Hehehe . . . Baka gusto mo lang. You know, shopping-shopping. With the Wives. ONLY." naka-smile na sinabi ni Miethy habang palipat-lipat ang tingin sa mag-asawa.
Pero hindi tanga si Armida para hindi mapansin kung ano'ng tumatakbo sa utak ni Miethy.
"Sure," naka-smile ding tugon ni Armida at saka tiningnan ang asawa niya. Yung tingin ni Josef, nakikiusap na sana huwag na lang siyang sumama.
"Don't worry, pare. Don ka muna sa 'min para hindi ka ma-bore," naka-half-smile na sinabi ni JC.
"Sige na, Josef. I can handle this." Tinapik na ni Armida ang balikat ng asawa niya.
Tumalikod na si Armida at kumuha ng pera sa briefcase na nasa kuwarto nila at inilagay sa isang knitted bag na color peach. Kumuha rin siya ng sunglass at sun hat. Bagay sa suot niyang white dress ang accessories.
Sumunod si Josef sa kanya at pinanood siyang maghanda ng gamit. "Armida . . ."
"Hindi mo kailangang mag-alala, Josef," sabi ni Armida at nginitian ang asawa niya. Nang makaayos ay lumapit na siya sa lalaki at dinampian ito ng magaang halik sa labi. "Behave."
Sinundan lang ng tingin ni Josef ang asawa niyang maglakad palabas na parang ilang buwang malalayo sa kanya.
"I know it's pointless, but . . . take care," sabi ni Josef sa asawa niya na kinukuha na ni Miethy.
Isang pilit na ngiti ang ibinigay ni Armida sa asawa niya.
Nagbuntonghininga si Josef at napahimas ng batok.
Hindi niya alam kung bakit nag-aalala siya. Inisip niyang sana masamang tao na lang ang kumuha kay Armida para makalaban ito. Hindi gaya kina Miethy na masyadong normal, masyadong mahina, masyadong tao para sa gaya ng asawa niya.
"Tara na, pare. Do'n tayo sa rest house."
***
Hindi na malaman ng Wive's Club kung mas mas awkward pa ba sa sitwasyon nila sa mga sandaling iyon.
Nakapalibot kasi kay Armida sina Nikki, Nicole, at Miethy at nagtititigan lang ang tatlo.
Nikki: Kausapin mo na.
Nicole: Ikaw na, Miethy.
Miethy: Ako? Ako na nga yung kumuha!
Nikki: Cole, ikaw na.
Nicole: 'La! Mukha n'yo!
"Naglalaro ba kayo ng titigan?" biglang singit ni Armida habang pa-joke na pinandidilatan si Miethy. "Puwedeng sumali, hm?"
Napangiwi agad si Miethy at napatingin na lang sa ibang direksiyon.
Nagbuntonghininga si Armida at nagpamaywang. Isa-isa niyang hinaguran ng tingin ang tatlo.
"Alam n'yo, hindi ako tanga para hindi malaman kung ano'ng iniisip n'yo," mataray na sinabi ni Armida sabay halukipkip.
Nagbago agad ang reaction ng tatlo at biglang kinabahan. Sa itsura, sa tindig, sa tingin at sa tono ng pagsasalita ni Armida, mukhang magkakaproblema sila.
"Miethy, pa'no na 'yan?" bulong ni Nicole sa kanya.
Kinakabahan na ang tatlo. Para sa kanila, mukhang Fovi rin kasi si Armida. Mahirap kantihin. Natatakot sila dahil buhay nina Armida at Josef ang sisirain nila. Pare-pareho lang silang nakokonsensiya.
"Sana maaga pa lang, nilinaw n'yo na sa 'kin . . ."
"Armida, kasi-" nahihiyang sinabi ni Nicole.
"Kung sinabi n'yong gusto n'yong mamalengke, sana 'yon na lang ang sinabi n'yo kaysa yung shopping-shopping pa. Alam kong walang class at tunog-cheap yung 'Armida, samahan mo 'kong mamalengke' kaysa sa 'Armida, samahan mo 'kong mag-shopping' pero, girls naman!"
Nanginig ang tuhod ng tatlo sa sinabi ni Armida. Bigla silang nanghina, akala nila kung ano na.
"Akala ko naman . . ." bulong ni Nicole kay Nikki na para bang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib.
Sumunod na lang sila kay Armida na nagpatuloy lang sa paglalakad-lakad. Naligaw kasi sila at nadala sa public market si Armida imbis na dalhin nila sa souvenir shops na nauna nilang napuntahan pagtapak nila sa isla.
Panay lang ang lingon ni Armida sa paligid. Alam naman niya ang plano ng tatlo, lalo pa, si Fovi lang ang hindi nila kasama sa mga oras na iyon. Tanga na lang ang hindi makakapansing inilalayo siya nina Miethy sa asawa niya. Nasa panig sila ni Fovi kaya madaling mabasa ang plano nila. Saka, tinginan pa lang ng tatlo, obvious na obvious ang plano.
Pero hindi siya puwedeng kumilos nang hindi maganda. Masisira ang plano niya. Kung kinakailangang magtanga-tangahan siya sa harapan nilang lahat, gagawin niya, huwag lang mapurnada ang plano niya.
Alam pa naman niyang si Josef ang pinakamalalang taong nakilala niya pagdating sa babae. At kung gusto ni Fovi ng first-hand humiliation courtesy of Richard Zach, bakit niya ipagkakait iyon?
At alam niyang sa mga oras na iyon, marahil nagtataka na si Josef dahil hindi niya naman ugaling sumama sa shopping with other girls. Sa sobrang praning nito sa kung ano ang kaya niyang gawin, malamang na susunod agad ito sa kanila.
Samantala, sa rest house nina Fovi . . .
"O, pare." Iniabot ni Earl ang isang can ng beer kay Josef.
Kinuha naman iyon ni Josef at binuksan.
Ang balak ng tatlo, lalasingin si Josef tapos dadalhin sa cabin ni Fovi at doon na mangyayari ang dapat mangyari.
Mukhang hindi pa naman nakakahalata si Josef kaya kalmado lang ito.
"Alam n'yo, hindi ugali ni Armida ang mag-shopping kaya ang weird na sumama siya sa mga asawa n'yo," seryosong sinabi ni Josef habang nakatingin sa beer niya. "You know why sobrang protective ako kay Armida?" Tiningnan pa niya sina JC na hindi man lang makatingin sa kanya nang diretso. "May history siya ng mental illness."
Nagtinginan ang tatlo at mukhang hindi magandang balita ang sinabi ni Josef.
Komportable pang sumandal si Josef sa upuan at kampanteng uminom ng beer. Malas lang nila dahil kating-kati na itong sundan si Armida at alam na alam nito kung paano makakaalis-doon at sa buhay nila.
"P-paanong mental illness?" ilang na tanong ni Earl.
"Actually, kapag wala ako, nananakit siya ng iba. Nananaksak siya ng tao gamit ang kahit anong madampot niya." Itinuro niya ang sarili. "Siya ang may gawa ng mga peklat ko. Siya yung taong hindi ko nailigtas noon. And did regret everything." Parang nanghihinayang pa si Josef nang magbuga ng hininga. "Kaya nga kinakabahan ako kasi baka masaktan niya yung mga asawa ninyo. Mukha lang siyang inosente pero-"
Mabilis na inilapag ni JC ang iniinom niya at padabog na tumayo saka masamang tiningnan si Josef. "At hinayaan mo siyang sumama sa asawa ko?!"
Inilapag na rin ni Josef ang iniinom niya at tumayo na rin. "Nandito kami dahil nagpapagaling siya." Naglahad ng palad si Josef kay JC. "Try to call your wife, itanong mo kung ayos pa ba sila."
Marahas ang paghinga ni JC at ginawa nga ang sinasabi ni Josef. Nakatingin lang siya sa mukha nito habang naghihintay sagutin ni Miethy ang phone.
Nag-abang naman ang iba at nagsimula na ring i-text ang mga asawa nila.
Ibinaba ni JC ang phone, walang sumasagot sa kabilang linya.
Lalong nadagdagan ang kaba ni JC at nag-dial na naman sa phone.
"You better not disturb us," sabi pa ni Josef. "Kung hindi lang umoo ang asawa ko, at hindi namin pag-aawayan 'to, hindi ko siya hahayaang sumama sa mga asawa ninyo."
"Miethy!" galit na sigaw ni JC dahil hindi talaga sumasagot ang asawa niya. Mabilis niyang kinuwelyuhan si Josef at galit itong tiningnan. "Bakit ngayon mo lang sinasabi 'to, ha?!"
Kalmado pa rin si Josef, ni walang bakas ng takot sa mata niya. "Dahil ngayon lang wala ang asawa ko." Nag-angat pa siya ng tingin. "Gusto mong pag-usapan pa natin siya rito o gusto mo nang sundan ang asawa mo?"
"Buwisit!" Mabilis na bumitiw si JC at agad na bumaba sa receiving area ng rest house. Sumunod naman agad sina Earl at John sa kanya.
"Oh well. Easy," sabi ni Josef at nagpagpag ng suit na T-shirt. Tinanaw niya ang kabilang direksyon na abot ng view sa second floor ng rest house. May malapit na palengke sa likod ng mga puno na pinakabakod ng hilera ng mga bahay na iyon.
Imbis na umikot sa kalsada sa kabila, doon na lang siya dadaan sa kakahuyan para matumbok ang palengke.
Tumalon na siya sa may second floor at nakapamulsang naglakad sa may gubat na nasa likod ng rest house.
Samantala . . .
"Oy, ito, o! Maganda sa 'yo 'to Nikki!"
Masaya namang namimili ang apat sa isang tiangge na nasa dulo ng palengke at talagang enjoy na enjoy sila. Hindi na nila naisip na may pinaplano silang masama kay Armida. Hindi na rin namalayan ni Armida ang nangyayari dahil masaya ang tatlong kasama niya sa pamimili.
"Miethy, maganda 'to sa 'yo," sabi pa ni Armida habang sinusuot ang isang pink sun hat kay Miethy. "Compliment sa boho dress mo ngayon."
"Ay, aliw! Gondoh!" sabi ni Miethy habang mino-model ang hat na suot sa harap ng malaking salamin.
"Miss, bibilhin ko na yung hat," sabi ni Armida sa tindera at binayaran na ang sombrero.
"Uy, naalala ko lang. Magkano ba budget mo, Nic?" tanong ni Nikki.
"10 lang."
"Uy, pwede! Akin nga 7 lang. Ikaw, Mie, magkano ibinigay sa 'yo ni JC?" tanong ni Nikki.
"Ah, may 15 ako rito." mayabang na sinabi ni Miethy.
"Ay, mayaman! Apir tayo diyan, girl!" nakangising sinabi ni Nicole at nakipag-apir nga sila kay Miethy.
"E ikaw, Armida. Magkano ang budget mo?" tanong ni Miethy
"Ha? Ah." Sinilip ni Armida ang bag niya. "Hindi malaki pero puwede na siguro 'to." Itinaas niya ang dalawang bundle ng pera. "100 thousand, may 50 pa rito sa bag."
Halos malaglag sa lupa ang panga ng tatlo sa sobrang gulat.
"O-o-one hundred fifty." di-makapaniwalang sinabi ni Nicole.
"One five zero zero zero zero?" pagbilang ni Nikki.
"S-seryoso ka?!" tanong pa ni Miethy.
"Uh, yeah. Sige na, bili na tayo ng mga souvenir! Di pa natin nalilibot 'tong lugar e! Libre ko!" Kinuha na ni Armida ang kamay ni Miethy at siya naman ngayon ang nanghatak.
Nagkatinginan ang mag-best friend at saka na sumunod sa dalawa.
"Armida, hindi ko pa naibabalik 'tong hat!" sabi ni Miethy habang hinahatak ni Armida.
"Don't worry, nabili ko na 'yan. Gift ko sa 'yo," masayang sagot ni Armida.
Biglang naging malungkot ang mukha ni Miethy. Binilhan siya ni Armida ng hat tapos ang gagawin lang niya ay sirain ang buhay nito. Inaatake na naman siya ng konsensiya.
Sa kabilang banda naman . . .
Yung tatlong Husbands, hindi magkanda-ugaga sa paghahanap ng mga asawa nilang kasama ni Armida.
"'Pag may nangyari talagang masama sa asawa ko, kahit babae 'yon, talagang papatulan ko 'yon," galit na sinabi ni JC habang nililibot ng tingin ang paligid ng public market.
"Bakit ba kasi pumayag yung Josef na 'yon kung alam naman pala niyang may problema ang asawa niya. Gago pala siya e," naiinis na sinabi ni Earl.
"Maghanap na lang kayo! 'Wag na kayong puro dada!" sigaw ni John.
Samantalang si Josef, chill na chill na nilalakad ang gubat na ang labas pala ay ang tiangge kung nasaan naroon ang asawa niya kasama ang tatlong babae na hinahanap na rin ng mga asawa nila.
Nakikita niya naman sa dulo ng gubat ang mga trapal na pang-cover ng mga tindahan sa tiangge kaya alam niyang doon ang punta nina Armida.
Mabalik sa mga babae . . .
Dampot lang ng dampot ang mga kasama ni Armida ng kung ano-ano. Treat naman daw niya kaya okay lang. Masamang tumanggi sa libre, wala ka kasing matatanggap.
Pagkalipas lang ng ilang minuto, napagod na ang tatlo kalilibot. Si Armida, parang wala lang ang ginawang pamamasyal.
"Tara, girls, kain tayo!" aya ni Armida.
Nag-agree naman ang tatlo at pumunta sila sa isang kainan sa gilid ng tiangge. Um-order sila ng buko juice dahil mas healthy raw. Nag-tuna sandwich ang tatlo, samantalang si Armida, nagdalawang burger at shawarma.
Kumakain na sila, at sa totoo lang, mas natatakam sila sa kinakain ni Armida.
Slo-mo ang pagkagat at pagnguya ng tatlo habang nakatingin kay Armida na chill na chill lang na ngingunguya ang katakam-takam at nakapanglalaway na shawarma.
"Armida, ang gana mong kumain, 'no?" bati ni Nicole habang sinusundan ang hawak na shawarma ni Armida na isusubo na nito.
"Ah, hehehe. Ganito lang talaga ako kumain. May something sa metabolism ko na nag-ma-maintain ng figure ko kahit na limang plato pa ang kainin ko," sabi niya at isinubo na ang shawarma.
Tumango lang sila habang sinusubo na rin ang mga tuna sandwich nila. Ini-imagine na sana kasingsarap ng shawarma ang tuna.
"Gusto ko rin ng metabolism mo," sabi ni Nicole habang dahan-dahang ngumunguya at iniisip kung saan niya makukuha ang metabolism na tinutukoy ni Armida.
"Ah, Armida," pagtawag ni Miethy.
"Hmm?"
"Uh, kapag ba nambabae si Josef . . . iiwanan mo siya?" asiwang tanong ni Miethy.
Tinitigan lang nang diretso ni Armida si Miethy. Sina Nicole at Nikki naman ay napahinto at napatingin na lang kay Armida para malaman ang sagot nito.
"Josef is a good-looking man," tumango pa si Armida. "Hindi maiiwasang may magkagusto sa kanyang ibang babae."
"Inaasahan mong mambababae siya," panigurado pa ni Miethy.
"Inaasahan kong mambabara siya ng babae," paninigurado ni Armida. "Josef might be flirty sometimes, pero alam niya kung saan siya lulugar. At alam naming pareho na hindi iyon sa kandungan ng ibang babae." Inubos na niya ang kinakain niyang burger at binuksan na ang isa pa. "At kung asawa talaga ang tingin niya sa 'kin, gagawa at gagawa siya ng paraan para balikan ako."
Nagkatinginan ang tatlong kasama ni Armida sa mesang inuupuan nila.
Si Miethy, hindi alam ang mararamdaman. Gusto niyang sabihin na, Tama 'yan. Ipaglaban mo si Josef. Ipaglaban mo ang karapatan mo bilang asawa niya. Kaso, alam niyang kampi sina Nicole at Nikki kay Fovi kaya hindi siya puwedeng magsalita.
"Ang yaman mo pala talaga. Ang laki ng budget mo para sa shopping na 'to," masayang sinabi ni Miethy para maiba naman ang usapan nila at maialis ang tungkol kay Josef.
"Ah, 'yon ba. Hindi ko pera 'to. Pera 'to ng magulang ko."
"Oh, meaning mayaman din ang parents mo," dugtong ni Nicole.
"Mayaman din ang parents ni Fovi!" nakangiting sinabi ni Nikki.
"Sana lahat mayaman, 'no?" sabi ni Nicole sa best friend niya.
Biglang nagliwanag ang mukha ni Miethy at nakakita na siya ng dahilan para kampihan si Armida.
"Armida!"
Napalingon silang lahat sa tumawag kay Armida. Nakangiti ito at kumakaway sa kanila. Nakapamulsa lang ito at ang mukhang masayang tingnan habang papalapit sa kanila.
Napatayo ang tatlo nang makita siya. Napalunok na lang sila dahil sa maraming dahilan.
Dahil ang guwapo niya tingnan sa malayo.
Dahil natatakot sila na naroon siya sa lugar na iyon.
At dahil guilty sila in all aspect.
"Ah, come on! Ang bilis mo naman!" Itinaas ni Armida ang buko juice para ialok sa asawa niya. Kinuha naman ni Josef ang inumin at uminom nga.
Tiningnan ng lalaki ang mga paper bag at mga recyclable bag na nasa ibaba ng table.
"Namili ka talaga, ha." Hindi makapaniwala si Josef na namili nga ang asawa niya.
"Actually, kanila 'yan. Ako lang ang gumastos," nakangiting tugon ni Armida.
"J-Josef. A-ano'ng ginagawa mo rito?" nautal-utal na si Miethy at hindi na alam ang gagawin.
"Kinakabahan kasi ako rito sa asawa ko. Hindi maganda ang kutob ko," binigyan niya ng makahulugang-tingin si Miethy.
Napainom tuloy ng buko si Miethy habang nakalayo ang tingin kay Josef. Natutuyo ang lalamunan niya sa sobrang guilt.
"Miethy!"
"Nikki!"
"Nicole!"
At sabay-sabay na nagsulputan sila John, JC at Earl sa iba't ibang direksyon.
Napatakbo agad sila sa table kung nasaan ang mga asawa nila. Pumuwesto sila sa mga likuran nito at kanya-kanyang inspeksyon kung buo pa ba ang mga asawa nila.
"T-teka nga! Ano ba'ng nangyayari sa inyo?!" reklamo ni Miethy kay JC.
"Wala bang nangyaring masama sa 'yo? May masakit ba sa 'yo?" tanong ni Earl kay Nikki.
"John, ano ba'ng meron at ganyan ka makahawak sa 'kin?" reklamo ni Nicole.
Sabay-sabay na binigyan ng tatlong lalaki ng masamang tingin si Josef. Wala naman kasing nangyaring masama sa mga asawa nila.
Kung makakapatay lang ang tingin, baka pinaglalamayan na si Josef ngayon.
Pinakaba sila nang wala sa oras. Pati yung plano ni Fovi, napurnada dahil sa kalokohan niya. Lalo lang tuloy lumalaki ang inis nila.
"Armida, ayokong mamersonal, ha," galit na panimula ni JC, "pero may mental problem ka ba talaga?"
"Oh." Napatingin agad si Armida sa asawa niya. "Sinabi mo na sa kanila?"
Gulat silang lahat na napatingin kay Armida.
"T-totoo?"
Hindi makapaniwala ang tatlong lalaki sa sinabi ni Armida. Akala nila, nagsisinungaling lang si Josef.
Tumango naman si Armida. "Nagkaka-breakdown ako every time na inaatake ako ng depression. Why?"
"Ah . . . d-depression?"
Tamang higop lang si Josef ng buko na parang wala siyang sinabi at ginawang mali.
"I-ikaw ba yung may gawa ng mga peklat ng asawa mo?" tanong pa ni Earl sabay lunok.
"Are you guys going out so well?" tanong pa ni Armida sa asawa niya. "Ang open mo yata sa kanila?" Ibinalik na niya ang atensiyon kina Earl. "Most of his scars, ako ang may gawa."
"But that was an accident. I repeat," dagdag ni Josef.
"May issue ba kayo ro'n?" tanong ni Armida.
"Ibig sabihin . . ." Itinuro siya nina Nikki nang maalala ang kuwento ni Josef. "Ikaw yung . . ."
"Pumapatay ka ba ng tao kapag nagkaka-breakdown ka?" biglang tanong ni JC.
Napataas ang magkabilang kilay ni Armida at napahawak bigla sa dibdib na parang nakakagulat ang tanong na iyon. "Ako? Pumapatay kapag nagkaka-breakdown?" Tiningnan niya silang lahat na nag-aabang ng sagot. "Mukha ba 'kong pumapatay ng tao?"
Pinakatitigan nila si Armida.
Ang maamong mukha nito, ang inosenteng ngiti nito, ang pagiging kalog nito, ang pagiging go nito . . .
Nagpalitan naman ng mga tingin ang tatlong couple. Nahiya na lang sila dahil wala naman sa itsura ni Armida ang pumapatay ng tao. Mukha lang itong matapang, pero hindi naman siguro ito aabot sa ganoong punto.
Itinuro na lang ni Armida ang mga paperbag sa ilalim ng mesa nila. "Sa totoo lang, I enjoyed hanging out with you, girls. I grow up not having any friends with me." Matipid pa siyang ngumiti saka tumango bago malungkot na nagsalita. "But if you think, masama akong tao, wala na 'kong magagawa. Just think if this: Kung may balak man akong masama sa inyo, dapat kahapon ko pa ginawa. Sa dami n'yo, you think, may laban ako?" Tumalikod na si Armida. "Tara na, Josef. Umuwi na tayo."
Para bang malaking batong tumama sa kanila ang mga sinabi ni Armida.
Wala itong balak na masama sa kanila dahil sila ang may balak ditong masama. At tama rin ito, masyado silang marami para pagtulungan itong mag-isa.
"Kayo kasi e," paninisi pa ni Nicole sa mga kasama.
Kinuha na nila ang ibang pinamili at sumunod na lang sila sa mag-asawa dahil pareho lang naman sila ng daan.
"Nakakaiyak yung arte mo," puna pa ni Josef habang nakaakbay sa asawa niya. "Sa sobrang nakakaiyak, muntik nang bumenta sa 'kin. Buti na lang kilala kita."
"Pinagsasasabi mo naman kasi sa mga 'yon?" seryosong tanong ni Armida habang diretso ang tingin sa daan.
"Ayaw akong paalisin e. E di, sila ang pinaalis ko."
"Haaay, Josef," napatampal na lang ng noo si Armida. Napaka-KJ talaga ng asawa niya. "Na-miss mo ba 'ko?"
Imbis na matawa, halos sakalin na lang ni Josef ang leeg ng asawa niya dahil sa pagkairita. "After what happened sa warehouse ng mga Zubin, you think hahayaan pa kitang umalis mag-isa."
Siniko agad ni Armida ang asawa niya.
"Ugh-aw!" Napakagat ng labi si Josef dahil sa sakit. "Ano ba?" pigil niyang sigaw.
"You can leave me alone with them. Masyado kang mainit e."
"Ano ba kasing binabalak mo?"
"Sila. Itanong mo sa kanila kung ano'ng binabalak nila. Nakikisakay lang ako."
"Armida!" pagtawag nina Miethy nang makarating na sila sa tapat ng kani-kanilang rest house.
Napalingon ang mag-asawa sa direksiyon nina Miethy.
"Salamat dito!" sabi ni Miethy at itinaas ang mga paper bag na dala.
"You're welcome!" nakangiting sinabi ni Armida at kumaway pa para magpaalam.
Nauna na si Armida na pumasok sa maliit nilang bahay. Naiwan naman si Josef sa labas ng bakod na biglang ngumisi nang masama sa kanila. Umiling pa ito at binigyan ng nagbabantang tingin si JC.
At isa lang tumatakbo sa isip nilang pare-pareho.
"Alam mo, masama ang kutob ko diyan sa Josef na 'yan," sabi ni JC sa kanila.
"Ang bait ni Armida . . ." malungkot na sinabi ng mag-best friend.
"Haaay . . ." sabay-sabay silang nagbuntonghininga.
Pagbalik ng grupo sa rest house . . .
Naabutan nila sa may inupuan nina JC kanina si Fovicate na kitang-kita sa mukha na nanggagalaiti sa galit.
"At saan kayo nanggaling, hm?" dinig ang galit sa tono nito.
Hindi tuloy sila makatingin nang diresto kay Fovi. Natakot na sila roon sa mag-asawa kanina, tapos ito ngayon, si Fovi naman.
"Ah . . ." Tumayo si Fovi at nilapitan sila. "Mukhang nag-enjoy kayo." Inikutan niya sina Miethy. "Ang dami n'yong pinamili a. Saan n'yo naman kaya nakuha ang pinambili n'yo diyan?"
"Nilibre kami ni Armida," mahinang sagot ni Nicole.
"Oh, nilibre ni Armida . . ." Tumango-tango pa siya sabay halbot sa dala ni Nicole. "NILIBRE NI ARMIDA, HA?!" Inilabas niya ang laman niyon at isinampal kay Nicole.
Humakbang si John para pumagitna pero inawat siya nina Earl at JC.
"Hindi ba, ang sinabi ko, ilayo n'yo lang ang babaeng 'yon dito. Hindi ang magpakasaya kayo! HINDI N'YO BA NAIINTINDIHAN 'YON?! ANG TANGA-TANGA N'YO TALAGA!"
Napakagat na lang sila ng labi habang parang boss si Fovi na pinagagalitan sila.
Gusto nilang lumaban pero alam nilang wala silang magagawa.
"At kayo." Ibinaling niya ang tingin kina JC. "Hindi ba, ang sinabi ko, lasingin n'yo si Josef. WHAT THE FUCK HAPPENED?!"
Kung saan-saan na lang ibinaling nina Earl ang tingin para lang makaiwas sa matalim na tingin ni Fovi.
"Alam n'yo ba kung anong oras na, huh? ALAM N'YO BA?!"
Kanya-kanya naman silang tingin sa mga relo nila. 5:49.
Ang usapan, alas-kuwatro lang, dapat nasa cabin na ni Fovi si Josef.
"I look so stupid WAITING. IN. MY. ROOM!" Itinuro niya ang hallway na daan papunta sa kuwarto niya. "Alam n'yo ba kung ilang oras na 'kong naghihintay do'n? Alam n'yo ba? Hmm? Alam n'yo? TINATANONG KO KAYO, MGA BWISIT KAYO! ALAM N'YO BA?!"
Napatakip ng bibig sina Miethy. Napasuklay na lang ng buhok sina JC. Hindi nila alam kung sasagot ba o hindi.
Kapag sumagot, masasabihan pang matapang na sila.
Kapag hindi, kukuwestiyunin kung bakit hindi sumasagot.
Walang mapaglagyan.
"Ano na namang nangyayari dito?" Biglang sumulpot sa may hagdan si Alex.
Napalingon silang lahat sa kanya.
"Aba, ang magaling na si Alexander Hernandez. At saan ka naman nanggaling, huh?" inis na tanong ni Fovi.
"Kinausap ko lang yung abogado ni Erajin Hill-Miller. Ni-refer ni Armida. Binigyan ako ng magandang offer, executive officer ang position."
"Oh?"
"CEO?"
"Talaga?"
Nakalimutan na nilang pinagagalitan sila ni Fovi.
"Armida. Armida na naman? WALA NA BA KAYONG IBANG ALAM NA BANGGITIN KUNDI ARMIDA?!"
Bumalik sila sa ayos nilang iwas ang tingin kay Fovi. Pero si Alex, chill lang.
"And where do you think you're going?" Hinarang niya agad si Alex.
"Sa kuwarto ko. Masama na bang matulog?" seryosong sinabi ni Alex.
Nagulat sila dahil hindi naman ugali ni Alex na sumasagot kay Fovi.
"Ah, porke nabigyan ka ng trabaho as CEO, marunong ka nang magmalaki." Nagpameywang si Fovi at pinandilatan si Alex.
Si Alex naman, diretso lang ang tingin sa daan niya. Iwas din ang tingin kay Fovi.
"You know what, if I were given a chance to get married again . . ." Tiningnan nang masama ni Alex si Fovi. "I'll choose Armida over you. Walang-wala ka pa sa kalingkingan niya."
Itinulak niya si Fovi para makadaan siya.
Nagulat silang lahat sa ikinilos ni Alex. Hindi normal.
"Lumayas ka rito!" biglang sigaw ni Fovi. "Wala kang utang na loob!"
Napahinto na naman si Alex at nagtaas ng magkabilang kamay para sumuko. "Fine." Tinungo na lang niya ang pababa ulit sa hagdan para umalis ulit. "Ah, and another thing." Lumingon pa ulit si Alex kay Fovi. "'Wag na 'wag mong kakantihin si Armida dahil hindi mo gugustuhing malaman kung sino o ano talaga siya." Nag-smirk pa siya kay Fovi bago umalis nang tuluyan.
Takang-taka silang lahat sa kilos ni Alex. Parang hindi si Alex. At nag-smirk ito-na sa pagkakaalam nila ay hindi nito gawain. Tinalo pa niya ang sinapian ng masamang espiritu.
"Okay lang ba si Alex?" tanong ni Nicole.
"Saka ano'ng sinasabi niya tungkol kay Armida?" tanong din ni JC.
"Alex! Alexander!"
Nainis si Fovi sa ikinilosni Alex kaya hinabol niya agad ito para komprontahin.
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top